Chapter 12 GOC-KTCK 19

NAKATAYO sa hagdan ng kubo si Ashley habang pinagmamasdan si Robinson na nagbabalot ng regalo. Katatapos lang niyang makipag-kwentuhan sa nanay at kapatid nito. Alas otso pa lang ng gabi noon at kasalukuyan nang nanonood ng telenovela. Magpapaalam lang siya kay Robinson na matutulog na siya pero di niya magawang alisin ang tingin dito habang nagbabalot ito ng regalo. A masculine man in sando and shorts in the middle of colorful wrappers and ribbons and gifts. It was quite a sight. At matindi ang concentration nito sa ginagawa na parang napaka-importante ng proyekto nito na makakatulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya o agham at teknolohiya. Iyon ang napansin ni Ashley sa binata. He was passionate about everything.

Napansin niya na santambak ang binabalot nito. Parang napakadami nitong reregaluhan. Ni hindi nga nito napansin ang presensiya niya sa sobrang concentration.

“Do you want help with that?” untag niya sa binata.

“O!” anang si Robinson na parang nagulat pa nang makita siya. “Pasensiya na kung medyo magulo dito. Masyadong marami ang mga babalutin ko. Magpahinga ka na lang.”

“Aabutin ka ng simbang gabi pero di mo pa natatapos balutin ang mga iyan. Let me help you,” sabi ng dalaga at sumalampak sa bakanteng bahagi ng sahig na di kalayuan sa pinto. Napansin niya na madami sa items na nandoon ay hindi pa

Dumampot si Ashley ng isang libro. “Reflections of A Man by Amari Soul. At kanino mo naman ireregalo ito?”

“Para sa kumpare kong babaero iyan para magtino.” Kumunot ang noo ng binata. “Ang totoo di ko alam kung ibibigay ko sa kanya o sa mga babaeng baliw na baliw pa rin sa kanya. Para matauhan sana. Pati ako nadadamay sa kalokohan niya.”

“So... You guys don’t gang up together? Hindi ba nagkakampihan at nagtatakipan naman madalas ang mga lalaki sa mga kalokohan nila?”

Inabot nito ang silver wrapper sa kanya. “Use that. Alam ko na kung kanino ko ibibigay,” anang binata. “Kontra sa sikat na paniniwala, hindi lahat ng lalaki ay ganoon. Hindi ako kunsintidor na kaibigan. Dalawa sa kapatid ko ang babae. Pinalaki ako ng tatay ko na protektahan sila lalo na nang mamatay si Tatang. Ayoko sa lahat makakakita ng babaeng umiiyak.”

“Kahit ikaw ang masaktan?” tanong niya.

“Mas mabuti nang masaktan kaysa ikaw ang nananakit.”

“So, kanino ang gift mo?” tanong niya at nagkandakunot ang noo kung paanong papantayin ang pagbabalot. Madulas kasi ang wrapper. “Sa kaibigan mo o sa girlfriend niya?”

“Sa girlfriend niya. Malabo ang kaibigan ko. Baka ihampas ko pa iyan sa kanya,” tatawa-tawang sabi ng binata nang biglang matigilan. “Marunong ka ba talagang magbalot ng regalo? Parang hirap na hirap ka diyan.”

Bumuntong-hininga si Ashley. “Matagal ko na kasing di nagagawa ito. Bakit ka nga hindi ka na lang nagpabalot sa mall? They have free gift-wrapping.”

“Oo. Pero di kasing ganda ng pambalot na nabili ko. Mahal ka kapag sila pa ang nagbalot. Saka iba kapag ako mismo ang nagbabalot ng mga regalo. Alam ko kung para kanino at para saan. Sa mall mo lang din ba pinapabalot ang regalo mo?”

“No. I shop online. Sila na ang bahala sa wrapper at sa ribbon pati delivery,” sabi niya at dinikitan ng scotch tape ang wrapper.

“E di hindi na personal iyon.”

“Can’t blame me. I don’t have much time. Kapag Christmas season madami nang trabaho. Kapag maluwag ang schedule ko, umo-order na ako. I will just schedule the delivery on or before Christmas. Mahalaga naalala ko sila.”

“Ako naman gusto kong matiyak na bagay talaga sa kanila ang ireregalo ko at pati pagbabalot ako rin ang gumagawa. Gusto ko ng personal touch.”

“A gift is a gift. It is the thought that counts,” aniya at pinagkiskis ang mga kamay.

Hindi siya komportable sa tinatakbo ng usapan. It made her question how her life works. At masakit mang tanggapin, matagal na siyang walang personal touch sa mga bagay-bagay. Lahat sa kanya ay idinadaan sa computer mula sa pagkain hanggang sa pamimili ng mga gamit niya at regalo. Kulang na lang ay pakasalan niya ang laptop niya. She practically had no relationship. Malayo na ang loob niya sa nanay niya at ama pati mga kamag-anak. Malayo din ang loob niya sa mga kasamahan sa trabaho dahil ayaw niyang humalo ang personal niyang emosyon sa trabaho. Si Cara naman ay maswerteng kasama niya sa bahay at madalas ay kaibigan niya ang gumagawa ng paraan para magkausap sila.

Sa huli ay nadismaya siya dahil maganda pa ang balot ng tinapa sa pagkakabalot niya. “Sorry. I suck at this.”

“Ganoon talaga. Walang perpektong tao. Lahat may kahinaan. Magpahinga ka na lang dahil napagod ka siguro sa pakikipagkwentuhan kay Nanay.”

Ngumiti si Ashley nang maalala ang mga kwento ni Aling Talia tungkol sa binata pati na rin ni Jonnelyn at ng mga bata. “They utterly adore you.”

“Naku! Ano naman kaya ang ikinuwento nila tungkol sa akin? Minsan exaggerated ang kwento nila tungkol sa akin.”

Sumandal siya sa sawali. “They just confirmed what I know about you.”

“Ano iyon?”

“Na mabait ka at talented.” Tumayo siya at nilapitan ang easel na nasa tabi ng papag ng binata. “Dito ka pala nagtatrabaho.”

“Oo. Maganda kasi ang ilaw dito at mas malamig. Malapit pa sa sapa kaya nare-relax ako kapag naririnig ko ang lagaslas ng tubig.”

Nilingon niya ito. “Sana itinama mo ako na mali ang akala ko sa trabaho mo.”

“Wala naman iyon. Saka di naman ako sikat na pintor.”

“I have high respects for artists. You deserve to be recognized.” Tumigil siya sa isa sa mga nakasabit na paintings ng isang matandang babae na nagbebenta ng mga kakanin, may sunong na bilao sa ulo at may basket sa bisig. “Magkano ang paintings mo?”

“Seven thousand ito,” tukoy nito sa may kalakihang canvass. Painting iyon ng mga batang naglalaro sa sapa habang may mga bibe na lumalangoy.

Nanlaki ang mata niya. “Seven thousand?”

“Pwede naman tawaran hanggang five thousand lang kung kakilala ko,” anitong tumawad pa para sa kanya. Akala siguro ay namamahalan siya.

“You sell yourself too short. It deserves more. Sa New York, nasa one thousand dollars ang ganitong painting. Maybe more.” Mas di pa nga ganoon kaganda ang mga paintings na nabebenta sa mas mahal na presyo.

Tumayo ang binata at nilapitan siya. “Di naman siguro ako ganoong kalibre. Masaya lang ako na makabenta at may maka-appreciate ng paintings ko. ‘yung nakakaraos lang at naipapahayag ko pa rin ang sarili ko bilang artist.”

Namaywang siya. “You are good.”

“Kung magaling ako, bakit di gaanong napapansin ang gawa ko?”

“Maybe connections or exposure. May kakilala akong owner ng art gallery sa Manhattan. Kung gusto mo, magpadala ka ng paintings sa akin pag-uwi ko ng New York. Kahit tatlo para maipakita ko sa kanya.”

Nanlaki ang mata ng lalaki. “Makakarating ang paintings ko sa New York?”

“At ikaw din kung gugustuhin mo,” sabi ni Ashley at naramdaman niya na unti-unting napupuno ng kasabikan ang dibdib niya kapag naisip kung paanong pagtanggap ang gagawin ng mga tao sa ibang bansa kapag nakita ang paintings ng binata. Tiyak na matutuwa ang gallery owner na si Pepito.

Pero naglaho ang excitement sa mata ng binata. “Di naman ako umaasa sa ganyan. Masaya na akong makabenta. Minsan nga makabawi lang sa materyales ko ayos na. Nagpapasalamat nga ako dahil pinakyaw ni Sir Ron ang paintings ko.”

“Magkano mo ibinenta sa kay Dad ang mga ito? Seven thousand? Five thousand? Sasabihin ko kay Dad na dapat bayaran pa niya nang higit pa doon. I will talk to him.” Oobligahin niya ang ama na dagdgan ang bayad nito. Hindi naman ito lugi sa paintings ng binata dahil magandang klase iyon. And she knew her father. Ibebenta din nito ang paintings nito sa mga kakilala sa mas malaking halaga.

“Hindi na. Ayos na ako sa ibinayad niya,” sabi naman ni Robinson.

“Basta! Kailangan mo lang ng tamang marketing. I can help you.” Kapag nakarating ang paintings nito sa New York, titiyakin niya na makakuha ito ng magandang presyo sa mga gawa nito.

“Maraming salamat. Ngayon ko lang naranasan na may magtiwala sa akin nang ganito. May mga bumibili naman ng gawa ko pero hindi nila ibinibigay ang mataas na paghanga gawa ng ginagawa mo,” anang binata sa malamlam na mga mata.

“Taasan mo ang pangarap mo. Pangarap na lang titipirin mo pa. Pinaghirapan mo ang mga ito. Take some pride on it. You are really good. Kapag nagtrabaho ka, isipin mo na pang-milyon ang gawa mo. Pwedeng ihilera kina Van Gogh o kay Da Vinci.”

Huminga ng malalim ang binata. “Mahirap kasi ang mabigo. Ilang beses na rin akong um-attend ng art exhibits pero minsan umuuwi ako na walang nabibili sa gawa ko. Ang totoo kung hindi pa rin nabili ni Sir Ron ang mga painting ko, plano ko na ngang tumigil at magsaka na lang sa bukid. Baka tama si Lhala nang sabihin niya na mas bagay ako sa bukid. Na di naman ako magaling.”

“Lhala? Who is that Lhala anyway?” bulalas niya sa inis. Hindi lang pala basta nilait ni Lhala ang pag-ibig ng binata dito. Pati ang galing nito sa sining ay nilait din. Umiinit lalo ang ulo niya sa babae. “Is she an art expert? Iharap mo sa akin para...”

“Wala iyon,” maagap na sabi ng binata. “Kalimutan mo iyon. Salamat sa pagkakataon pero di naman ako gaanong umaasa.”

“There is a time for everything, Robinson. Maybe we will fail at one time. Okay. Make that several times. Pero di ibig sabihin tapos na ang lahat sa iyo. Marami pang pagkakataon. Don’t lose hope.”

“Ipipili kita ng pinakamagandang painting para hindi ka naman mapahiya sa kaibigan mo sa New York,” sabi ng lalaki.

“That is the spirit,” sabi niya at pinisil ang kamay nito. Di siya makapaniwala na nagbibigay siya ng inspiring words kay Robinson. She was not really into pep talk. Nang makita niya ang ngiti at ningning ng pag-asa sa mga mata nito, masaya siya dahil ginawa niya iyon. Hindi siya titigil hangga’t di nagtatagumpay ang binata.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.