“KUMUSTA na ba, hipag?” tanong ni Jonnelyn kay Ashley habang nililinis nila ang ornaments para sa Christmas tree sa papag sa may garden kung saan mas malamig. Ngayon pa lang itatayo ang Christmas tree dahil gusto ng mga bata na hintayin ang pagdating ni Robinson. Tatlong araw na lang bago mag-Pasko kaya kailangan daw maihabol ang Christmas tree.
“Huwag mo akong tawaging hipag,” saway niya sa dalaga. Hindi talaga siya komportable.
“Doon din naman ang punta no’n,” kinikilig na sabi ng babae. “Sa wakas naman naka-move on na ang kapatid ko sa bruhang Lhala na iyon.”
She worried her lower lip. Hindi na niya kayang magpanggap na girlfriend talaga siya ni Robinson. Hindi naman siya propesyunal na artista at di rin naman siya propesyunal na sinungaling. “Jonnelyn, dapat sigurong malaman mo ang totoo.”
Nahigit ng babae ang hininga. “Buntis ka na?”
Kuntodo ang iling niya. “No! H-Hindi ko naman talaga siya sinagot. Hindi nanligaw ang kapatid mo sa akin kahit na kailan. Sinabi ko lang iyon para itaboy si Lhala.” Umasim ang mukha niya. “Hindi ko talaga gusto ang babaeng iyon. Kung ipamukha niya kay Robinson na parang wala siyang kwenta. Ito namang kuya mo, hindi man lang maipagtanggol ang sarili niya. Ewan ko kung anong pumasok sa isip ko at pinalabas ko na girlfriend na ako ni Robinson. Basta alam ko lang gusto ko siyang ipagtanggol.” Bumuntong-hininga siya. “Pasensiya na kung nagsinungaling ako.”
Nakakalungkot lang kung lalayo ang loob ni Jonnelyn sa kanya dahil natutuwa siya na may mas bata sa kanya na tumitingin sa kanya bilang ate nito. Wala kasi siyang kapatid. Malayo ang loob niya sa mga step siblings niya sa ina. Sino ba naman kasing tao ang magkatutuwa sa taong sinungaling?
Tumili ito at niyakap siya. “Sabi na nga ba magkakasundo tayong dalawa.”
“Hindi ka galit sa akin?”
“Lalo nga kitang nagustuhan.” Humalakhak ito. “E di nakita ni Lhala na di lang siya ang reyna. Kaya pala di maipinta ang mukha niya nang makita namin ni Nanay. Naku! Salamat talaga sa ginawa mo para kay Kuya.”
“Siguro naman irerespeto na siya ng Lhala na iyon at di na siya mamaliitin,” taas-noong sabi ni Ashley.
“Pero kailangan ba talaga ninyong magpanggap? Pwede namang kayo na lang. Dahil sa ginawa mo lalo kitang nagustuhan para kay Kuya.”
“Magkaibigan lang kami at babalik din ako sa Amerika oras na bumalik si Dad. Alam din iyon ng kapatid mo.” Isa pa, si Lhala pa rin ang gusto ni Robinson. At ang alam ng binata ay tinutulungan lang niya ito para makuha ang atensiyon ng babae.
Nalungkot ito. “Ay! Sayang naman. Gusto talaga kita para kay Kuya. Kailangan niya ng babae na hindi siya mamaliitin at irerespeto siya. Katulad mo. Hindi naman isyu dito kung mayaman ko o mahirap basta tratuhin ng tama ang kapatid ko.”
“Matatagpuan din ni Robinson ang babaeng iyon basta nandito ako para sa kanya bilang kaibigan niya.” At habang nasa tabi siya ng binata ay titiyakin niya na wala nang mangmamaliit dito.
Masaya ang paglalagay ng dekorasyon sa Christmas tree. Anim na talampakan ang Para sa taong iyon kasi ay may espesyal na dekorasyon na ginawa si Nanay Talia - mga maliilit na pictures na may masasayang alaala. Naroon ang picture nang maka-graduate ng college si Robinson. Ang isa naman ay nang makapunta si Jonnelyn sa Batanes na pangarap na nito noon pa. Naron din ang picture nang ikasal ang Nanay Talia at ang pumanaw nitong asawa.
“Ito ang bagong pinakamasayang alaala ng pamilya natin,” sabi ng matandang babae at nagulat siya nang makita ang picture nila ni Robinson nang umagang iyon nang sagutin niya ito.
Nag-init ang mukha niya. “Paano po....” Nakakahiya!
“Kinuhanan ng picture ni Kumareng Mercy. Pinost sa Facebook at naka-tag pa ako. Ipina-print ko nga,” sabi ni Nanay Talia at ngumiti sa kanya. “Ikaw na ang magsabit.”
Nilingon niya si Robinson na parang humihingi ng permiso at nakangiting tumango ang binata. Excited niyang isinabit ang larawan sa Christmas tree. Nakadama siya ng bahagyang bigat sa kalooban. Kung sana ay totoo na lang iyon at di pagkukunwari.
“Sino ang magkakabit ng star?” tanong ni Duncan. “Ako na lang.” At kinuha na agad ang star sa box.
“Ako naman, Kuya. Lagi na lang ikaw,” sabi ng nakakabata sa dalawa at pilit na inagaw ang star dito.
“Para walang magtatalo, si Tita Ashley na lang ninyo ang magkakabit ng star,” sabi ni Robinson at kinuha ang star mula kay Duncan.
“A-Ako ang magkakabit?” Alam ba nito kung gaano kaimportante ang pagkakabit ng star? Bakit siya?
“Sige na. Para wala nang tampuhan ang dalawang bata. Nang nakaraang taon dahil sa away nila sa pagkakabit ng star, bumagsak pa ang Christmas tree,” sabi ni Nanay Talia. “Pagbigyan mo na kami.”
Saka lang kinuha ni Ashley ang Christmas star mula sa matandang babae at sumampa sa bangko na nasa tabi ng Christmas tree. Noong una ay inabot niya ang tuktok pero muntik na siyang mawalan ng balanse.
“O!” anang si Robinson at sinapo agad siya sa baywang.
“A-Ayoko na. I am too old for this,” nangiginig niyang sabi. Nakakahiya naman kapag nalaglag pa siya.
“Hindi kita bibitawan. Nandito lang ako para sa iyo,” sabi ng binata. “Trust me.”
Sa sinabing iyon ng binata ay huminga siya ng malalim at tumingkayad. Nanginginig pa rin ang tuhod niya pero hindi na siya gaanong takot na malaglag dahil nariyan naman si Robinson na nakaalalay sa kanya.
Nang sa wakas ay nailagay niya ang star nang di naliliyo o nabubuwal ay napapalakpak siya kasabay ng palakpakan ng iba pa. “Tito, kalungin mo rin si Tita Ashley at iikot-ikot?”
“Ha?” aniya at natigilan sa pagbaba sa upuan. “Mabigat ako.”
“Tito, gawin mo na po! Bilis!” excited na sabi ng mga bata.
Umiling siya nang bumaling sa kanya ang tingin ni Robinson. “No! No!” I am heavy and...” Tumili siya nang bigla siya nitong buhatin at inikot-ikot. “Robinson, put me downnnn!”
Umikot ang paningin niya. Ang lakas ng loob ng lalaking na buhatin siya. Paano kung matumba siya? Humalakhak lang ang binata nang tumigil. Nagagawa pa nitong tumawa. Hindi man lang ba ito napagod sa pagbuhat sa kanya?
Nang iangat niya ang tingin ay tumigil ito sa pagtawa at nakatitig lang sa kanya. Kung makatitig ito parang seryoso. Anong problema nito? May pangit ba sa mukha niya o mukha siyang tanga dahil natakot siya kanina? Pero bakit kung titigan siya nito ay parang nagagandahan ito sa kanya?
Please don’t stare at me like that. I am melting. Baka ma-in love ako sa iyo.
“Ang sweet naman. Mamamatay na ako sa kilig,” impit na tili ni Jonnelyn.
“Pwede mo na siguro akong ibaba,” usal niya. Saka lang parang natauhan si Robinson at ibinaba siya. Nawala na rin ang kakaibang emosyon sa mga mata nito.
“Buksan na natin ang Christmas light,” sabi ni Nanay Talia.
“Three! Two! One!” sigaw nila sa pamumuno ni Jonnelyn. Kasunod ay bumukas ang maliliit na bumbilyang nakapaikot sa Christmas tree.
“Wow! Ang ganda!” tilian ng mga bata.
Natigagal si Ashley. Pakiramdam niya ay nagliwanag din ang mundo niya. Napapalakpak na lang siya na parang bata. Noon lang ulit siya na-excite sa pag-ilaw ng Christmas tree. Hindi niya alam kung bakit napasaya siya ng simpleng Christmas tree lang.
“May ganyan din po ba sa Amerika?” untag sa kanya ni Duncan
Ngumiti siya dito. “Oo. Ang iba nga gawa pa sa totoong puno. Doon kasi tumutubo ang mga pines trees. Tapos may snow pa. Kapag gaoon maraming pumupunta sa park dahil nagyeyelo ang lake at pwedeng mag-ice skating.”
Nanlaki ang mata ng dalawang bata. “Wow! Snow!” sabi ni Duncan.
“At totoong Christmas tree na kasing taas ng building,” sabi naman ni Aleli at itinaas ang kamay lagpas sa ulo nito.
“Pero mas maganda pa rin ang Christmas tree natin dito,” sabi ni Ashley at sumalampak sa sahig.
“Bakit naman po?” tanong ni Aleli.
Niyakap niya ang bata. “Dahil tayo ang naghirap mag-decorate at nandito ang masasayang alaala ng pamilya ninyo. Kasama din ninyo ang pamilya ninyo.”
“Huwag ka na lang bumalik sa New York, Tita Ashley. Dito ka na lang,” sabi ni Aleli. “Mas maganda naman pala dito.”
“Oo nga. Huwag ka na lang umalis. Kapag umalis ka, baka iba na ang tita namin. ‘Yung masungit na si...”
“Mga bata,gusto ba ninyong dalhin natin ang mga regalo sa Christmas tree?” putol ni Robinson sa sasabihin ni Duncan.
“Yeheyyy! Regalo!” At nagtakbuhan ang mga ito papunta sa kubo ni Robinson kung saan nakalagak ang mga nakabalot na regalo.
Kung totoo siyang girlfriend ni Robinson, siguro nga ay di na siya aalis ng Pilipinas. Di niya hahayaan na makalapit pa dito si Lhala. Pero pansamantala lang ang lahat. Pansalamantala lang din siyang nobya ng binata.
At kung noong una ay atat na atat na siyang bumalik ng New York, ngayon naman ay parang mabigat sa loob niya maisip pa lang niyang aalis na siya ng Pilipinas.