"Sige, bahala ka na rito. Hindi na kita sasamahan pa sa loob at baka ano pang isipin sa akin ng asawa mo," pagpapaalam ni Lester.
"Wala namang pakialam iyon. Baka nga kahit manlalake ako ay walang halaga sa kanya," pakli ni Samantha.
Napalunok si Lester. Ayaw niya man itanong subalit natalo na naman siya ng kuryusidad kaya naman lumapit siya sa babae at bumulong, "May nobyo ba siyang lalake? O napatunayan mong ganoon nga siya dahil nahuli mo na?"
Bumulong din si Samantha, "Oo, minsan ko na siyang nahuling may kasamang lalake papasok sa isang hotel."
Nahulog ang puso niya sa sahig. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang katindi ang kanyang kaba. Wala sa sariling, "Nakakadiri ba sa iyong palagay ang makitang magkasintahan ang dalawang lalake o kaya babae man?"
Kabado siya sa sasagutin ng babae subalit mas lalong tumibok ang puso niya ng hilahin ni Samantha ang collar ng kanyang suot na damit at bumulong ito sa gilid ng kanyang labi, "I'm not discriminating homosexuals. In fact, mas nakakabilib ang pagmamahalan ng mga katulad nila. Sinawing-palad nga lamang akong umibig sa isa sa kanila."
Lumayo siya kay Samantha sapagkat bakit nga ba magkadikit sila??
"Hehehe! Mabuti naman kung ganuon. Sige maiwan na kita dito," napapaso niyang wika.
"Hindi ko pa nasasabi saiyong napakagandang lalake mo, Lester Wang."
"Ah hindi naman iyon kailangan. Matagal ko na kasing alam iyon. Hehe," mahangin niyang sagot, pilit nilalabanan ang kabog ng dibdib.
"Hahaha. I like you!"
Napatalon pareho sa gulat sina Lester at Samantha nang bigla na lamang may kung anong maitim na bagay ang nahulog sa itaas at bumagsak sa paanan sa pagitan nilang dalawa.
"My goodness!" hiyaw ni Samantha.
"Ay kabayo ka! Ano ba iyon?!" gulat namang hiyaw ni Lester.
"Goodness! May multo ba dito sa mansiyon niyo?" hindi makapaniwalang tanong ni Samantha.
Natawa si Lester at umiiling na pinulot ang nahulog sa sahig at napag-alaman niyang isang telang itim na nakabuhol lamang pala iyon. Tumaas ang kilay niya. Lumingon siya kay Samantha at seryoso ang tinig na nagwika, "Maiwan na kita dito. Enjoy your stay. Tsaka walang multo kaya huwag kang matakot." Matapos ay mabilis na siyang tumalikod.
Nilingon ni Lester ang magkabilaang dulo ng pasilyo subalit walang Zeke siyang nakita. Wala namang gagawa ng kakaiba sa bahay na iyon kundi ang engkantong kasintahan niya lamang.
'Nagseselos na naman ba siya? Hay grabe. Ang pogi ko talaga.' Inis niyang naisip.
Patungo na siya sa kanyang silid ng maulinigan ang mga tinig sa bandang terasa sa ibaba. Wala sa loob na dumeretso siya sa pasilyo patungo sa dulong beranda kung saan matatanaw ang terasa sa ibaba. At nasaksihan niya ang nobyong nakikiharap sa pinsan niyang pumupuno sa katahimikan ng gabi ang halakhak.
"Ang demonyong 'to, siya pang malakas ang loob magpakita ng selos ganoong siya ang may kaharutan. Buwisit!"
"Ako ang hinaharot, hindi ako yung nakikipagharutan," malamyos na tinig ang sumagot sa kanyang teynga.
"Tumahimik ka! Walang pinagkaiba iyon!" tugon niya.
"Bakit, ikaw lang ba ang may karapatang makipaglandian?" banas na tanong ni Zeke.
"Hindi ako nakikipaglandian! Walang dahilan upang gawin ko iyon!"
"Talaga lang ha! Kaya pala halos makipaghalikan ka na sa pulang hito na iyon!"
"Pulang hito? Sinong...?"
Hindi malaman ni Lester kung iiyak o tatawa matapos maunawaan ang kasintahang hindi na naman nakikita. Marahil ay si Samantha ang tinutukoy nito dahil sa pulang buhok nito.
"Baliw..." Hindi niya mapigilan ang mapangiti. Paiba-iba talaga ang mood ng kasintahan.
Muli siyang nairita ng mapatingin sa ibaba at makita ang maharot na pinsan. Talaga nga palang binabae ang pinsan niya. 'Alam kaya nina Tito?'
'Tss.'
Lumayas siya sa kinatatayuan at nagtungo na sa kanyang kuwarto. Walang silbi ang magmasid pa doon na ang kasama lamang ay ang tinig ng kasintahan samantalang kaharap ng pinsan ang pisikal nitong kaanyuan. Baka maibato niya lamang sa pinsan ang halamang nakapatong sa beranda, gawa pa naman sa babasaging palayok ang kinalalagyan nun.
Nakatulog siyang naiinis pa rin sapagkat walang Zeke na nagparamdan sa kanya hanggang hatinggabi. Tinungaw na nga siya sa kakaantay! 'Bahala siya sa buhay niya!'
Hanggang sa kinabukasan ay walang Zeke na nabungaran si Lester kaya naman maaga pa lamang ay mainit na ang kanyang ulo. Wala siyang ideya sa pinaggagagawa ng kasintahan. Bilang isang makapangyarihang nilalang, malaki ang kalamangan sa kanya ng lalake. Kahit saan man siya pumaroon ay maaari siyang matagpuan nito. Subalit paano naman siya na isang tao lamang? Limitado ang kakayahang malaman o matunton ang ninanais na pakay.
Nagbihis na siya ng Americana at hindi na nag-abala pang mag-almusal. Wala siyang gana.
"Oh Lester, good morning! Papasok ka ba sa opisina?" takang tanong ng tiyuhin sa kanya.
Kaya naman nagtaka din si Lester, "Opo Tito. May problema po ba?"
"Meron. Malaki. Sabado ngayon kaya walang opisina," nakatawang sagot ng tiyuhin.
"Ano? Sabado?!" Talaga nga namang nawala siya sa sarili ng husto at ni hindi namalayan ang pagdaan ng mga araw. "Pambihira naman Tito, ni hindi ko namalayan ang mga araw."
"Ayos lang iyon, mabuti pang magbihis ka at samahan mo na lamang kami. Siyanga pala, maagang nagpaalam si Zeke kanina," paliwanag ng tiyuhin.
'Bwisit talaga,' bulong niya. Naiinis na naman siya. "Saan naman tayo pupunta Tito?" tanong niya matapos ay naupo siya sa sofang naroroon sa salas.
Hindi pa nag-iinit ang pang-upo niya'y naulinigan nila ang mga yabag na papababa sa hagdanan. Napaangat siya ng tingin at nagtama ang kanilang mga mata ng babaeng nakasaklay.
'Ang pulang hito!'
Mutik siyang matawa sa naisip. Nahawaan na siya ni Zeke. Hehe.
"Good morning, Lester! Good morning, Dad!" masiglang bati ni Arnold na nagmamadaling bumaba ng hagdanan.
"Good morning, son. Are you ready? Where is your mom?" bati ni Mr. Johnson sa anak.
"Coming down, honey!" masiglang tugon ng tiyahin buhat sa itaas ng hagdan.
"Good morning, Arnold. Hi Sam. Good morning, Auntie!" bati ni Lester. Kahit kakaiba ang pakiramdam niya ay nararapat pa ring magbigay-galang siya hindi ba?
Kung pakatitignan ang pamilya ay mukhang may pupuntahan silang pagtitipon sa umagang iyon. Sa palagay naman ni Lester ay hindi naman siya kailangan kaya nagpasya siyang bumalik na lamang sana sa silid.
Subalit tinawag siya ng tiyuhin, "C'mon, Lester. Join us, hindi iyong puro na lamang trabaho ang inaatupag mo. I'll give you ten minutes to change your clothes. Siyanga pala, mamamasyal tayo sa isang park para makapag-bonding naman tayo habang andito sina Arnold."
Hindi man ninais na sumama ay sumang-ayon na lamang si Lester sa kagustuhan ng tiyuhin. Isa pa, mukhang kailangan niya nga ring makapag-unwind dahil sa labis na pagkairita sa kasintahan.
"Alright, Tito. Magbibihis lang ako."
Mabilis siyang umakyat sa hagdan. Nasa kalagitnaan siya ng sumigaw ang tiyuhin, "Lester, why don't you call your girlfriend and tell her to join us?"
Malamang, may iniisip ang tiyuhin niya kung bakit sinabi iyon. Subalit sumagot si Arnold bago pa man siya makasagot, "Dad, this is a family affair. I wish not to bring any unrelated people."
"But, Aubrey is Lester's girlfriend. How come she's unrelated people?" takang tanong ng tiyuhin.
"It's alright, Tito. Arnold is right, this is a family affair, one more, we're seeing each other everyday. In fact, nauumay na ako sa kanya. Haha!" sumagot na siya bago pa man makipagdebate si Arnold sa ama. Sinadya niyang tagalugin ang huling pangungusap upang hindi maunawaan ng tatlo.
Mabilis na siyang tumuloy patungong kuwarto subalit napalitan ng pagkakunot-noo ang kanyang mga ngiti nang may mapagtanto, "Mukhang may pinaplano yata ang pinsan kong ito!"
Kailangan ko bang mag-ingat laban sa kanila?
Kumalabog ang dibdib ni Lester lalo pa nga at wala sa kanyang tabi ang tampalasang engkantong kasintahan!
'Hindi naman siguro ako gagawan ng masama ng pinsan ko, hindi ba?' naiisip niya iyon habang patungo sila sa kanilang papasyalan at pasulyap-sulyap sa pinsang nasa kanyang tabi gamit ang unahang salamin ng kotse.