Chapter Kabanata 31

Russia.

Hanggang sa nakarating si Allen sa bayan ng Volgograd sa Russia. Hindi maunlad ang bayang iyon at marumi ang pantalan. Bakas ang kahirapan sa bayan subalit makikita rin ang mangilan-ngilang tindahan habang daan.

"Magandang araw saiyo ginoo, maari ba akong magtanong saiyo?" magalang na tanong ni Allen sa binatang madungis na nakaupo sa tabing kalsada. May hawak itong supot na may lamang ilang pirasong tinapay habang may isinusubo sa bibig ang kabilang kamay. Sa tingin niya ay mabuting tao ang dukhang iyon kaya hindi siya nagdalawang-isip kausapin. Isa pa ay gutom at pagod na siya.

Subalit wala siyang natanggap na katugunan buhat sa lalake kundi ang matalim na tingin nito sa kanya. Batid ni Allen na bunga iyon ng kawalang-tiwala sa kapwa. Marahil ay dahil sa kahirapan o 'di kaya'y masalimoot na karanasan upang maging ganoon ang kausap.

Kaya naman imbes na mawalan ng pag-asa ay dumakot siya ng pera at iniabot sa lalake.

"Kaibigan, ang pangalan ko ay Allen. Eto, kuhanin mo ang pera at idagdag mo saiyong pagkain. Subalit kapalit noon, baka maaari mo akong turuan kung nasaan ang bahay tanggapan dito. Isa akong dayuhan at walang kaalaman sainyong lugar," mapagpakumbabang paliwanag ni Allen.

Dahil marahil sa kahirapan at gutom, ay hindi nagdalawang-isip ang madungis na binatang tanggapin ang handog niya.

"Maraming salamat, subalit nais kong makasiguro na wala kang masamang balakin sa akin," wika ng pulubi.

Napakamot sa ulo si Allen at napangiti. Matapos ay naupo siya sa tabi ng pulubi dahil na rin sa pagod sa ilang oras na paglalakad-lakad.

"Syempre naman wala akong masamang balakin. Isa pa, ano naman ang aking mahihita kung gagawan kita ng masama? Ano nga pala ang iyong pangalan?"

"Ako si Henry Nelson," matipid na tugon ng pulubi.

Muling ngumiti si Allen at nagmasid-masid sa paligid. May iilang bahay sa 'di kalayuan ang kanyang natatanaw at ilang taong abala sa kanilang mga gawain. Subalit hindi niya alam kung bakit mayroong kalungkutan sa kanyang dibdib, o baka dahil sa naroroon siya sa panibagong kapaligirang hindi niya kinasanayan.

Napapabuntunghiningang yumuko si Allen at malungkot na napaisip. 'Kung sana'y hindi na lamang ako naglakbay at iniwan ang aking bayan'.

"Ano ang iyong pakay sa pagparito sa lupain namin?" may pagdadalawang-isip man ay nagawang magtanong ng pulubi na siyang nagpabalik sa hinahon ni Allen.

Kaya naman lumingon siya at ngumiti bago sumagot, "Nais ko lamang hanapin ang aking sarili. Baka mayroong pagkakataong maging matagumpay ako sa paglalakbay."

Halatang hindi naunawaang husto ng kausap ang mga sinabi niya subalit tumango na lamang ang huli.

"Sa palagay ko ay isa kang mayaman. Ako'y isang ulilang walang patutunguhan kaya naman ako'y naririto at walang matirhan," malungkot na paliwanag ni Henry.

Napaisip si Allen sa sinabi ng kausap. Baka mayroon itong magagawa para sa kanya!

"Aha! Bakit hindi mo na lamang kaya ako tulungan? Maghahanap tayo ng matitirhan at wala kang dapat alalahanin. Ako ang magbabayad at tutulungan mo lamang ako kung sakaling makaisip tayo ng mapagkakakitaan?"

"Sinasabi mo bang ako'y iyong pinagtitiwalaan?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Henry.

"Aba! Oo naman. Isa ka lamang ulilang pulibi subalit hindi naman masamang tao, hindi ba? Isa pa, kagaya mo'y isa rin lamng akong pulubi," nakangiting pangungumbinsi ni Allen.

Tumayo ang lalake at, "Ano pang hinihintay mo diyan, tara na habang mataas pa ang araw upang may matulugan tayo mamayang gabi," nakangiting wika niya kay Allen.

Buo ang loob na magkasama nilang nilakbay ang patungong kabayanan. Ganunpaman ay hindi naging madali ang lahat. Nang makipag-usap sila sa isang bahay-tanggapan ay hindi kaaya-aya ang naganap.

"Magsilayas kayo rito! Mga kawatan! Mga pulubi!" 

" Subalit Ginang! Ano ang iyong basehan na kami'y kawatan? Mayroon naman kaming pambayad saiyong silid. Nais lamang naman naming magkaroon ng matutulugan ngayong takip-silim," mahinahong paliwanag ni Allen.

Subalit buo ang isipan nang may-ari ng bahay-tuluyan. "Oo! Sapagkat galing sa pagnanakaw ang inyong salapi!"

Kaya naman masama ang loob na nilisan na lamang nila ang lugar. Nagpatuloy sila sa paghahanap subalit sa kaparehong rason ay hindi sila tinanggap.

Malungkot na nagsabi si Henry, "Kaibigang Allen, mas marapat sigurong huwag mo na lamang akong isama upang hindi ka makadamay sa aking kamalasan."

Tinignan ni Allen ang kasama at tinapik sa balikat. "Maghanap tayo ng lilim na puno o kaya nama'y sirang kubo na maaari nating pagpalipasan ng gabi."

Hindi makapaniwalang tumingin sa kanya si Henry na may nanlalaking mga mata. "Kamangha-manghang nais mo pa rin akong samahan!"

"Haha! Wala naman sigurong kaso ang matulog sa sirang kubo. Tara na habang mayroon pang liwanag!" masayang tugon ni Allen.

Hindi katagalan ay napunta sila sa bandang kakahuyan.

"Aba! Tignan mo! Mayroong kubo doon! Kung may tao man ay magbayad na lamang tayo!" Nasisiyahan si Allen sa nakita.

Subalit marahil ay hindi pa naman sila tuluyang minamalas sapagkat ang kubo ay walang tao at mukhang abandonado.

"Swerte! Hehehe. At mayroon panng batis sa likod ng kubo!" namamanghang wika ni Allen. Naisin niya mang maligo ay pagod na pagod na talaga siya.

"Hindi kaya'y umuwi lamang ang may-ari nitong kubo?" kabado ang tinig na tanong ni Henry.

"Malalaman natin iyan bukas. Sa ngayon ay magpahinga na muna tayo. Gawin na lamang nating hapunan ang nabili nating tinapay sa bayan kanina," tugon niya.

Kaya naman iyon nga ang ginawa nilang pamatid-gutom kinagabihan. Dahil sa dilim ay mabilis silang nakatulog. Kinaumagahan, ay humahalimuyak na amoy ng mabangong pagkain ang gumising kay Allen.

"Amoy ng pagkain? Hindi kaya'y dumating na ang may-ari?"

Dahil doon ay bigla siyang bumangon at nagpasyang tignan ang labas ng kubo. Sa kabilang tabi ay naroon at tulog na tulog pa rin si Henry. Nang makalabas ay nakita niya ang nakapatong na bilao sa ibabaw ng lumang kawayang mesa. May takip itong dahon ng saging at sa tabi ay may pahabang banga na may lamang tubig noong kanyang sinilip.

"Sino kaya ang nagdala nito? Baka nasa paligid lamang ang may-ari."

Dahil sa kanyang naiisip na dahilan ay hindi niya pinakialaman ang pagkain bagkus ay naupo sa higaan at nag-isip.

Ano kaya ang aking gagawin? Ah tama! Kailangan kong bihisan si Henry upang hindi na kami ipagtabuyan sa bayan. Siguro ay dahil sa kanyang hitsura kaya hindi sila tinatanggap. Haha.

Naalala niya ang batis sa likod ng kubo kaya dali-dali niyang kinuha ang bag at naghanap ng maisusuot na pamalit. Kailangan niyang maligo. Dala ang bag na may kayamanan ay nagpunta siya sa batis.

Subalit mali pala ang iniisip niya kanina. Dahil noong mapasilip pa lamang siya sa tubig ay nakita niya ang mukhang madungis at damit niyang marumi at butasin.

"Kung ganun ay mukha pala akong pulubi! Pambihira! Kaya naman pala nila kami pinagtabuyan kahapon!" asar na wika ni Allen.

"Nahihiya lamang akong sabihin saiyo iyon kahapon, kaibigan. Hahaha!" tugon ni Henry na gising na pala at nakasunod kay Allen sa batis. Kakamot-kamot ito sa ulo.

"Oh, gising ka na pala kaibigan. Maligo ka na rin upang maging katanggap-tanggap tayo pagdating sa bayan," pag-aya niya.

"Nakita mo ba iyong pagkain doon sa kubo? Nais ko sanang kumain subalit baka mayroong may-ari nun."

"Kaya nga hindi ko rin iyon binawasan subalit wala akong nakitang ibang tao maging sa paligid kanina," tugon ni Allen.

Gutom man ay naligo na lamang sila upang mapawi ang nararamdaman. Ilang oras silang nagtampisaw at ninamnam ang sarap at lamig ng tubig sa batis.  Pinahiram niya na lamang ng pamalit na damit si Henry at pinatapon ang mga hinubad nitong kasuutan. Hindi naglaon ay bumalik sila sa kubo.

Subalit laking gulat nilang abutang ganuong pwesto pa rin nila dinatnan ang pagkain!

"Huh! Hindi kaya'y para talaga sa atin ito??" wika ni Henry.

"Subalit paanong naging para sa atin ito?" takang tanong niya.

Hanggang sa bigla na lamang humangin ng malakas at may piraso ng maliit na kahoy ang tumilapon sa mukha niya. Nahulog ito sa kanyang paanan. Habang may kung anong pumuwing naman kay Henry.

Akmang pupulutin ni Allen ang maliit na kahoy nang gumalaw ito bigla at nag-umpisang magsulat sa lupa!

"Kaibigan, kainin niyo ang handog kong pagkain."

Kaibigan? Handog??

"Sino  ka?" tanong ni Allen.

"Huh? Si Henry, bakit nalilimutan mo ba ang aking pangalan?" nabiglang sagot ni Henry sa kanyang tabi na nakahaplos pa rin ang mga kamay sa mga matang napuwing.

Hindi niya alam kong matatawa o matatakot.

Hindi kaya'y katulad ng kaibigan niyang nakatira sa puno ng akasya sa kanilang eskwelahan ang naririto sa kanyang harapan ngayon?

Subalit hindi na iyon mahalaga. Ang mahalaga'y ang magkaroon ng pamatid-gutom sa mga oras na iyon. Nakangiting nagwika si Allen, "Maraming salamat saiyong biyaya. Tara kainin natin itong pagkain."

Batid niyang hindi biro ang nangyari. Naisip niya tuloy na sadyang lapitin siya ng mga taong hindi nakikita.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.