Nakaupo si Allen isang gabi at tahimik na nagbabasa ng isang libro sa kanyang silid ng makarinig ng mga katok sa pintuan.
"Sino iyan?"
"Si Henry ito," tugon ng kumakatok.
Tumayo si Allen at pinagbuksan si Henry. "Malalim na ang gabi kaibigan. Ano ang problema?"
Naupo silang dalawa sa upuang kahoy sa loob ng silid.
"Aligaga ang aking pakiramdam. Kanina habang ika'y narito sa bahay upang magbanyo ay may dumating na mga tagasingil raw ng buwis sa kainan! Ang sabi nila, kung hindi tayo magbibigay ng malaki ay wawasakin nila ang tindahan."
Kinabahan si Allen sa narinig. "Ano ang iyong ginawa kung ganun? Nagbigay ka ba ng salapi?"
"Pasensiya na, subalit napilitan akong magbigay sa takot na magwala sila at sirain ang ating kainan," malungkot na tugon ni Henry.
Nanlulumong tinapik ni Allen ang balikat ng kaibigan. "Nakakasama nang kalooban na ang pinaghirapan natin ay mapupunta lamang sa mga mapagsamantalang mga taong iyon!"
Bukod sa takot na mawalan ng mapagkakakitaan ay ang katotohanang hindi niya pa nababawi ang malaking halagang ipinuhunan niya buhat sa kanyang mga kayamanang iniwan ng mga magulang. Ang kainan na kanyang pinalaki, ngayon ay mayroon ng dalawampung mesa para sa apatang tao, nagdagdag pa siya ng tatlo pang katulong sa paghuhugas at pagluluto, lahat ng iyon ay kanyang pinasasahod ng tama. Paano na lamang kung hindi niya mabawi ang ipinuhunan? Paano siya makakabalik sa Tsina kapag nagkataon?
Puno ng agam-agam ang kanyang puso.
"Sana naman ay hindi sila gumawa ng mga bagay na hindi kanais-nais kung sakaling hindi tayo magbigay ng malaki," wika na lamang niya.
"Sana nga'y ganuon. Maiwan na kita at magpapahinga na rin ako sa aking silid," paalam ni Henry.
"Sige kaibigan. Magandang gabi saiyo."
Sa nagdaang magdamag ay hindi siya makatulog ng mahimbing. Aligaga siya dahil sa nalaman. Inaasam niya na lamang na huwag maging hustong ganid ang mga tampalasang iyon.
Sa mga sumunod na mga araw at mga linggo ay wala namang naging aberya hanggang sa napanatag ang kalooban ni Allen. Subalit hindi sa pagpasok ng ikalawang buwan sapagkat muling nagbalik ang mga maniningil ng buwis. Sa pagkakataong iyon ay naroon siya sa kainan.
Maangas ang nasa sampung lalakeng barakong pumasok sa kanilang kainan at may mga armas sa gilid ng beywang. Mga nakasuot sila ng makakapal na jacket, mga kupasing pantalon at nakasombrero ang sa palagay niya'y pinakalider sapagkat iyon ang nasa gitna. Itim ang suot na jacket, kupas na asul na pantalon at matunog ang takong ng kanyang sapatos na balat.
Lumapit ang lider sa unahang bahagi na siyang tanggapan sa kainan na iyon. Doon nakapuwesto ang kahera o tanggapan ng mga bayad sa pagkaing binili.
May kasama itong apat na lalake samantalang nagpaiwan sa bungad ang dalawa at nasa mga gilid ng kainan naman ang apat pang mga kasama.
Ang pagmamasid ni Allen ay napukaw sa tinig ng lider.
"Ikaw ba ang may-ari nitong kainan?" baritonong boses ng maangas na lalake ang kanyang narinig. Tinignan siya nito mula ulo hanggang paa.
Upang maging maayos ang lahat ay ngumiti siya kahit na nga alanganin iyon bago sumagot, "Opo, ako nga po. Anong maipaglilingkod ko sainyo?" magalang niyang tanong.
"Isa lamang ang nais ko bata! Ang magbayad ka ng malaking buwis nang sa ganun ay manatiling maayos ang iyong negosyo sa lugar na ito," maangas na tugon ng lalake.
Napalunok si Allen. Kailangan niyang maging matalino subalit hindi maiwasang matakot siya sapagkat mga sanggano ang nasa kanyang harapan.
"Magbabayad ako ng buwis subalit sa halagang sakto lamang mga kaibigan. Hindi naman kalakihan ang kinikita ng aking negosyo. Sana maunawaan..."
"Ang lakas ng loob mong suwayin ako bata! Sino ka ba sa akala mo?!" Pagputol ng maangas na lider sa sinasabi ni Allen. Winasiwas pa nito ang isang kamay dahilan ng pagkahulog ng mga bagay sa mesang nasa harapan nila.
Bwisit! Napakamalas naman!
"Sige, magkano ho ba ang kailangan niyo? Huwag na sana ninyong sirain ang aming mga kagamitan."
"Hahaha! Tutal madali ka namang kausap, sige. Hindi namin sisirain ang iyong mga gamit. Magbigay ka ng limampung dolyares kada buwan. Maliwanag ba?"
"Oo! Magbibigay ako." Walang magawang pumayag na lamang si Allen kahit nanlulumo.
Matapos magbigay ng salapi ay hindi na nga nangambala ang mga maniningil at tahimik ng umalis.
Subalit nang dumating ang matinding tag-ulan na may mga kasama pang pagbagyo sa lugar ay nagbawas ang kinikita ng kanilang kainan. Hindi naman nila mapipigil ang mga kalamidad, matindi pa ay marami ang nasayang nilang pagkain.
Ang masama nun ay nagbalik pa rin ang tagasingil ng buwis sa sumunod na buwan.
"Asan na ang napagkasunduan nating salapi?" Katulad ng dati ay maangas pa rin ang mukhang lider.
"Paumanhin kaibigan, ang kita namin ngayon ay masyadong bumagsak dahil sa sunod-sunod na pag-ulan at bagyo. Maaari bang dalawampung dolyares lamang ang aking ibigay?" Sinubukan ni Allen magmakaawa sa mga maniningil.
Bigla na lamang sinakal ng lider si Allen at sinigawan. "Wala akong pakialam kung wala kayong kinita! Ibigay mo ang napagkasunduan bago ko pa sirain itong kainan mo! Masyadong malakas ang iyong loob upang suwayin ako! Sino ka sa akala mo?!"
Nanginig ang mga tuhod ni Allen sa takot at sa wari niya'y ganuon rin ang nararamdaman ng lahat niyang tauhan.
Bwisit! Pag minamalas ka nga naman.
"Oo! Oo! Magbibigay na ako. Bitawan mo ako." Muli ay nakiusap siya sa mga hangal na maniningil.
Pasalyang binitawan ng lalake si Allen na dahilan ng kanyang malakas na pagbalya sa sementadong sahid.
Nakakairita!
Nanginginig pa rin ang mga tuhod ni Allen na pumunta siya sa kaha at dumukot ng salapi upang ibigay sa mga ganid na lalake.
Subalit may kakaibang nangyari makalipas lamang ang ilang minuto.
Papalabas na ang mga lalake sa kanilang kainan nang bigla na lamang lumakas ang hangin at isa-isang nagtalsikan ang mga maniningil na katulad sa dati ay nasa sampung katao. Nagbalyahan sila isa-isa sa mga pader at sahig na akala mo ay mayroong hindi nakikitang kalaban ang puwersahang nananakit sa mga kalalakihan.
"Puta! Anong nangyayari kaibigan?! May multo bang kumakalaban sa kanila?!" mahinang bulong ni Henry na noon ay nakalapit na pala kay Allen nang hindi man lang niya namalayan.
"Multo? Mayroon bang multo? Wahhh!" Napahiyaw bigla si Allen at Henry nang tumalsik sa paanan nila ang isa sa mga lalake. Sa sobrang gulat ay hinimatay si Henry na kaagad namang nasalo ni Allen.
Pambihira!
Inakay ni Allen si Henry palayo bago pa sila mapagbintangang may sala.
"Demonyo! Kung sino ka mang demonyong kumakampi sa dayuhang may-ari ng kainang ito ay pagbabayarin kita!" galit na sigaw ng lider.
Muli itong bumalya at bumulwak ang masaganang dugo sa kanyang ilong at bibig.
Magbabayad pala hah!
Hahahaha.
Ayaw man mag-isip ni Allen subalit mayroon siyang kutob sa kakaibang nangyayari.
"Umalis na tayo dito amo! Bago pa tayo paslangin nang kung sino mang demonyong naririto!" wika ng isa sa mga tauhan na gumagapang na lumapit sa lider.
"Magbabayad ka Allen Chen!" sigaw ng lider bago ito tuluyang nakaalis sa lugar.
"Bakit ako?! Inaano ko ba sila?? Pisting buhay 'to!" galit na bulong ni Allen na nagpatawa sa mga tauhang naroroon na pala sa kanyang tabi.
"Kakaiba nga ang nasaksihan natin. Sino kaya ang may lakas ng loob subukin ang mga sangganong iyon?" Puno ng pagtataka si Larry.
"May nabalitaan ba kayong gumagalang salamangkero sa ating lugar? Tanging kagaya niya lamang ang maaaring gumawa ng ganuon kalakas na puwersang mapanakit," tugon ni Gerold.
Nagkatinginan silang lahat.
"Totoo ba ang salamangkero?" nagdududa si Allen doon. Isa lang kasi ang alam niya at pinagdududahan.
Ang mga Engkanto!
Kungsabagay, isa doon ay kaibigan niya. Hihi.