Chapter BAD ROMANCE CHAPTER 9

NAPAYUKO si Denim nang biglang may mabigat na bagay ang bumagsak sa bubong ng kotseng minamaneho niya. Pero mabilis din `yong nawala. Kasunod niyon ay gantihan uli ng malalakas na ungol na para bang may mababangis na hayop na naglalaban. “Finn…”

Nag-alala siya at gusto niyang balikan si Finn. Pero ayaw na niyang suwayin ang utos nito dahil baka mapahamak uli ito kung magiging matigas na naman ang ulo niya. Kaya kahit naninikip ang dibdib niya, nagpatuloy siya sa mabilis na pagmamaneho.

Malayo ang villa nila sa ibang mga villa sa exclusive village na `yon kaya hanggang ngayon, puro matataas at matatayog na puno pa rin ang nasa paligid niya. Pag-aari ng pamilya niya ang lupain kaya wala pang ibang mga bahay na nakatayo ro’n. Kaya wala rin siyang mahihingan ng tulong.

Pero mabuti na rin siguro ang ganito para walang ibang inosenteng mga tao ang madamay.

Nagtaka si Denim nang biglang tumahimik. Sumilip siya sa side mirror para alamin ang nangyayari. Sa pagkagulat niya, nakita niyang nakahandusay si Finn sa kalsada at halatang pinipilit tumayo.

Nasa’n si Magnus?

May nahagip ang gilid ng mga mata niya na nalaglag sa harapan ng dinadaanan niyang kalsada. Nang dumeretso siya ng tingin, napasinghap siya nang makitang nakatayo sa harap si Magnus at nakangisi pa. Sinubukan niyang kumanan para iwasan ito, hindi para iligtas ang lalaki kundi para maiwasang masira ang kotse dahil kung babanggain niya si Magnus, siguradong para lang siyang bumangga sa pader.

“You’re not going anywhere, child!” malakas na angil ni Magnus na sa isang iglap lang, nasa harapan uli at binagsak nito ang mga kamay sa bumper ng kotse para pigilan ang pag-andar ng sasakyan.

Napilitang mag-preno si Denim para iligtas ang sarili. Pero sa lakas ng impact ng biglaang paghinto ng kotse, sumubsob siya sa harap at tumama ng malakas ang noo niya sa manibela. Nahilo siya sa nangyari at bago pa siya makabawi, narinig na niya ang pagkalas ng pinto sa gilid niya.

Ang sunod niyang namalayan, nakahiga na siya sa bumper at salamin ng kotse habang sinasakal siya ni Magnus. Pero maluwag pa ang pagkakahawak nito sa leeg niya na para bang binabantaan pa lang siya.

Inangilan siya ni Magnus, nakalabas ang pangil. “Ang lakas ng loob mong tarakan ng punyal ang isang Nobleblood na gaya ko, batang mortal! Hindi kita mapapatawad sa ginawa mong kalapastanganan!”

“Hindi ako humihingi ng tawad sa’yo, matandang bampira,” mariing sagot naman ni Denim. Sa pagkakataong `yon, mas nanaig ang galit niya kay Magnus kaysa sa takot niya. “And if you are so pissed about that, then kill me. Kasi kapag binuhay mo pa ko, I swear, tatarakan uli kita ng dagger sa dibdib!”

Ngumisi si Magnus kahit makikita naman sa pula nitong mga mata ang matinding galit para sa kanya. “Oh, don’t worry, dear. Talagang papatayin na kita.” Inangat nito ang isang kamay na hawak pala ang dagger na ginamit niyang panaksak dito kanina. “I always tend to return the favor, child. Kaya ngayon, ipaparanas ko sa’yo kung ano ang pakiramdam ng tarakan ng patalim sa dibdib!”

Ngumiti lang si Denim at hinintay ang kamatayan sa mga kamay ni Magnus. Hindi niya alam kung siya lang ba o talagang bumagal ang takbo ng mundo dahil nasundan niya ang kilos ng bampira nang buong lakas nitong ibaba ang hawak na patalim sa dibdib niya.

Pero bago pa man din dumikit ang dulo ng blade sa dibdib niya, bigla na lang nagkaro’n ng manipis pero matigas na yelo sa harapan niya na para bang pinoprotektahan siya. Ang mas nakakamangha pa, nagmumula ang manipis at malinaw na “ice barrier” sa mismong patusok na dulo ng talim.

The dagger is protecting me…?

Halatang nabigla rin si Magnus sa nangyari dahil nalukot ang mukha nito. Lumabas ang mga ugat sa mukha at braso nito habang sumisigaw ito at pilit pa rin nitong tinutulak ang patalim patusok sa dibdib niya. Pero nanatiling sing tibay ng bakal ang manipis na yelo. “Why is this damned thing protecting you?!”

Imahinasyon lang ba ni Denim o talagang may naramdaman siyang mainit na bagay na bumalot sa katawan niya? Kasabay niyon, pumasok sa isipan niya ang mukha ng mga magulang niya na sa mga picture at recorder videos niya lang nakilala. Biglang nangilid ang mga luha niya.

Mommy, Daddy, kayo ba ang pumoprotekta sa’kin gamit ang dagger na regalo niyo sa’kin?

Biglang nabuhayan si Denim ng loob. Hindi pa ito ang oras para sumuko at hayaan ang masamang bampirang ito na tapusin siya.

Nagkaro’n siya ng pagkakataong makatakas sa literal na pagsakal sa kanya ni Magnus nang mapatingin ito sa kamay nitong may hawak sa patalim. `Yong dagger kasi, naglabas uli ng malamig na usok at nang dumikit `yon sa kamay ng bampira, mabilis na naging yelo ang mga daliri nito at mabilis din `yong gumapang sa buong braso ng lalaki.

Hinila niya palayo sa leeg niya ang kamay ni Magnus na pinakawalan agad siya dahil sinusubukan nitong alisin ang patalim sa isa nitong kamay habang sumisigaw sa galit.

“Denim!”

Nagulat si Denim nang biglang umangat sa kalsada ang katawan niya pero mabilis din siyang kumalma nang makitang si Finn ang may buhat sa kanya habang tumatakbo ito ng mabilis palayo kay Magnus. Pinalupot niya ang mga braso sa leeg ng Bloodkeeper. “Are you okay?”

“I am because you’re okay,” sagot ni Finn, pagkatapos ay nalukot ang mukha nito sa sakit at bigla itong napaungol ng mahina.

“You’re not okay!” nag-aalalang bulalas naman ni Denim. “Are you seriously injured?”

Para bang sagot sa tanong niya, bigla na lang bumigay ang mga tuhod ni Finn dahilan para mapaluhod ito at mabitawan naman siya nito.

Napasinghap si Denim nang magasgas ang mga braso at tuhod niya sa magaspang na kalsadang ginulungan niya nang mabitawan siya ni Finn. Pero mabilis siyang bumalik sa wisyo kaya kinontrol niya ang paggulong sa pamamagitan ng pag-eggroll. Nang huminto siya, nakadapa siya. Mabilis naman siyang nag-angat ng tingin. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang nakaluhod si Finn habang nakahawak sa dibdib nito na walang tigil sa pagdugo. Maging sa gilid ng mga labi ng binata, may tumulo nang dugo.

Ng mga sandaling `yon, kakaibang lamig ang naramdaman niya. Para ngang binubulong ng hangin sa kanya ang masamang mangyayari. Pero ayaw niyang tanggapin `yon. Hindi niya kakayanin.

“Finn…” nanghihinang bulong ni Denim, saka siya pilit tumayo para sana lapitan ang lalaki.

Pero sa isang kisap-mata lang, nasa harap na niya si Finn. Nakahawak ang isang kamay nito sa dibdib nito na para bang pinipigilan nito ang pagdurugo sa butas niyon, habang nakapatong naman ang isang kamay nito sa balikat niya. Ngumiti ito ng malungkot sa kanya. “You have to run away by yourself from here, baby. Kailangan kong pigilan si Magnus para hindi ka niya mahabol. Galit na galit siya sa’yo dahil sa pagsaksak mo sa kanya kaya sigurado akong hindi ka niya titigilan. Kaya tumakas ka na.”

Nanikip ang dibdib ni Denim nang makita ang kakaibang kapayapaan sa mukha ni Finn na para bang tinanggap nito ang posibleng mangyari rito. Marahan siyang umiling at kumapit sa baywang ng lalaki para pigilan ito. “Let’s run away together, Finn.”

“I’m sorry,” malungkot na sagot ni Finn. “Hindi ko na kayang tumakbo habang buhat ka. Maabutan lang tayo ni Magnus dahil sa bagal ko. Kaya mas mabuti kung tatakbo ka na at pipigilan ko naman siya.”

“That’s suicide,” giit ni Denim habang umiiling ng mariin. “I won’t leave you.”

“Don’t be stubborn, baby,” kunot-noong saway ni Finn sa kanya. “Tumakbo ka na lang, okay? Iligtas mo ang sarili mo. Dahil kapag may masamang mangyari sa’yo, ikamamatay ko rin `yon.”

Pumatak na ang mga luhang pinipigilan ni Denim. Mas humigpit din ang pagkakahawak niya sa baywang ni Finn. “Mamamatay ka kapag binalikan mo si Magnus ngayon!”

Finn softly laughed and gently touched her face. Malinaw na malinaw ang pagmamahal nito para sa kanya na ipinapakita ng mga mata nito. “Denim, I can’t think of a better way of dying than giving up my last breath to keep you alive.”

Umiling si Denim, hindi na makahinga sa sobrang sakit ng puso niya sa mga sinasabi ni Finn. “Don’t say that. Please…”

“Isa lang akong miserableng nilalang bago ka dumating sa buhay ko, Denim,” pagsisimula ni Finn sa mahinang boses.

Mariing umiling si Denim, saka niya hinawakan ang kamay ni Finn at hinila ito patakbo. Sumunod naman ito sa pagtakbo niya, pero maluwag ang pagkakahawak nito sa kamay niya. “Sa lahat ng ginawa kong movie at teleserye, parati na lang namamatay ang mga characters na nagkukuwentuhan pa himbis na tumakas mula sa humahabol sa kanila. Huwag natin silang gayahin, Finn. Umalis na tayo. Hindi mo ko kailangang buhatin dahil kaya ko namang tumakbo.”

“No’ng una, pinrotektahan kita dahil `yon ang trabaho ko,” pagpapatuloy pa rin ni Finn. “Pero habang tumatagal, habang tumatanda ka, nagbago ang pagtingin ko sa’yo. Ikaw ang unang taong nagpasaya at nagparamdam ng importansiya sa’kin, Denim. `Yong pagngiti mo sa tuwing nakikita mo ko ang nagbigay ng bagong direksyon sa buhay ko. Ikaw ang nag-iisang taong nagmahal sa’kin ng totoo at walang hinihintay na kapalit. Ikaw lang.”

“Ayokong marinig `yan ngayon,” humihikbing sabi ni Denim habang iiling-iling.

Marahas na binawi ni Finn ang kamay nito mula sa kanya. “Puwede ba na sa huling pagkakataon, tingnan mo naman ako at pakinggan ng maayos ang pagtatapat ko ng damdamin para sa’yo?”

Natigilan si Denim dahil sa mga sinabi ni Finn. Pumihit siya paharap sa lalaki na huminto na pala sa paglalakad. Nando’n pa rin ang kakaibang payapaan sa mukha nito, pero may lungkot na sa mga mata nito. She didn’t want to break his heart anymore, so she stayed still like what he wanted.

“Maraming taon na kong nabubuhay bago kita nakilala. Pero hindi ko na halos maalala ang mga `yon dahil puro sakit at pahirap lang ang pinagdaanan ko no’n dahil sa pagtatakwil sa’kin ng pamilya ng aking ina at ang hindi naman pagtanggap sa’kin ng angkan ng aking ama,” pagpapatuloy ni Finn. “But you buried all the painful memories I had by giving me the most precious moments of my life.”

“Ikaw din ang malaking part ng lahat ng happy memories na meron ako, Finn,” umiiyak pero sinserong sabi ni Denim.

“Please keep it that way, baby,” halos pabulong na pakiusap ni Finn. “I don’t want to be a sad memory for you. Don’t let it happen. Masasaktan ako kung tuwing maaalala mo ko, puro sakit at lungkot lang ang babalik sa’yo. I want to be a happy memory for the person who gave me so much happiness.”

Napapikit si Denim. “Finn… I don’t want you to be just a memory to me.”

“Your new source of happy memories is here, baby.”

Nagmulat ng mga mata si Denim para itanong kung ano ang sinasabi ni Finn. Pero sa pagkagulat niya, nasa harap na ito at napakalapit ng mukha sa kanya. Pagkatapos, naramdaman niya ang pagdikit ng mga labi ng lalaki sa mga labi niya. Tinanggap niya `yon kaya pumikit siya at ninamnam ang halik.

She knew it was wrong, but it felt right when she kissed Finn back. She couldn’t give him her whole heart, but he definitely owned a huge chunk of her love. He would always, always be her best man.

“Be happy,” sabi ni Finn nang putulin nito ang halik. “And please live a long life.”

Nang nagmulat ng mga mata si Denim, napaiyak siya nang likod na lang ni Finn ang makita niya. Tumatakbo ito palayo sa kanya, palapit sa kamatayan. “Finn, no!” sigaw niya, saka siya tumakbo.

Pero nakakailang hakbang palang siya, may kung sino nang humablot sa baywang niya para pigilan siya sa pagtakbo. Handa na sana siyang maglaban, pero sa kabila ng magulong estado ng isip at damdamin niya, nakilala pa rin ng sistema niya ang amoy at katawan na sinasandalan niya.

Nang tumingala siya, sumalubong sa kanya ang guwapo pero blangkong mukha ni Eton. Deretso lang ang tingin nito na para bang may tinitingnan at pinapakinggan ito sa malayo. Hanggang sa gumuhit ang sakit sa mga mata nito at sinubukan nitong tumakbo habang buhat siya. “Finn!”

Nanigas si Denim. Nang sundan niya ng tingin ang direksyon kung saan nakatutok ang mga mata ni Eton, nabigla siya nang makitang naroon na pala si Magnus na nakatagilid mula sa kanila…

… habang nakabaon ang kamay at braso nitong tumagos sa dibdib ni Finn.

Hindi niya puso ang dinukot, pero gano’ng klase ng sakit ang naramdaman niya.

“Finn!” umiiyak na sigaw ni Denim, saka siya pilit kumawala sa pagkakahawak ni Eton sa baywang niya pero hindi siya pinakawalan ng lalaki.

Sumigaw si Eton sa boses na puno ng galit at sakit, pagkatapos ay tinapat nito ang palad nito sa direksyon ni Magnus. May lumabas na napakaraming matutulis at hugis patalim na yelo mula sa kamay nito at pasugod naman sa matandang bampira na tumawa pa ng malakas.

Hindi na alam ni Denim ang sunod na mga nangyari. Ang sigurado lang niya bago nagdilim ang paningin niya sa literal na paraan ay malaking bahagi ng puso niya ang namatay ng gabing `yon.

Kasama ni Finn.

NAITAKIP ni Lilac ang mga kamay sa bibig niya nang marinig ang report ng umiiyak na si Saffron kay Tyrus na nanigas naman na parang estatwa.

Sa kasalukuyan, nasa cabin sila na malayo sa mansiyon. Kanina pa sila nando’n ni Tyrus dahil simula pa lang nang tumawag si Eton at sinabing nakita ng grupo nito si Magnus sa Tagaytay, naghintay na sila ro’n para sa pagbabalik ng kakambal nito. Pero isang sasakyan lang ang dumating at si Saffron lang ang bumaba. Ang blonde na Bloodkeeper ang naghatid sa kanila ng masamang balita.

Finn was killed by Magnus.

“Inatake ni Vice-captain Eton si Magnus pagkatapos patayin ng napakasamang bampirang `yon si Finn, pero nang nakita niya ang yelo ni Vice-captain, para bang natakot siya at umangil, pero umatras naman siya himbis na sumugod,” pagpapatuloy ni Saffron sa pagitan ng mga paghikbi. Detalyado na ang sunod nitong mga sinabi. Well, kanina pa naman malinaw ang report nito. “Binigay sa’kin ni Vice-captain si Denim na nawalan ng malay para habulin si Magnus. Bumalik naman ako sa sasakyan at nilagay sa backseat ang mortal, saka ako nagmaneho papunta sa base ng mga Bloodkeeper sa area na `yon. After an hour, Vice-captain came back. Hindi na raw niya nakita si Magnus.”

Nagtagis ang mga bagang ni Tyrus, halatang nagpipigil lang ng galit. “Kung gano’n, ang dating bahay ng mga Benitez sa Tagaytay ang bagong kampo ni Magnus?”

Tumango si Saffron at pinunasan ng braso ang luha sa mga mata. Para sa isang Bloodkeeper na mahigit isang dekada nang nabubuhay, para pa rin itong bata. “Gano’n na nga, Captain. Pinangunahan ni Vice-captain Eton ang pagsugod sa villa, pero wala na si Magnus at Cerise do’n. Ang naabutan na lang nila ay ang walang malay na si Miguel. Sa ngayon, nasa kampo ni Lord Nicholas ang mortal at ginagamot ng Bloodkeeper na si Irina. Mabubuhay naman daw si Miguel, pero kailangang i-monitor pa ang kalagayan nito. Ang sabi pa ni Irina, aalisin niya ang dugo ni Magnus sa sistema ng mortal at papalitan `yon ng dugo ng tao para bumalik ang dati nitong lakas. Babalitaan na lang daw nila tayo.”

“Where’s my brother?” nag-aalalang tanong ni Tyrus.

“Pabalik na si Vice-captain kasama si Denim.” Muli na namang naiyak si Saffron. “Siniguro muna niya na maayos na ang kalagayan ng mortal bago siya nagdesisyong bumalik dito. Sa ngayon, wala pa ring malay si Denim pero ayon kay Irina, wala naman sa panganib ang buhay nito.”

Kumunot ang noo ni Tyrus. “Bakit ba kanina ka pa iyak ng iyak? Natakot ka ba kay Magnus?”

Kinagat ni Saffron ang ibabang labi na parang pinipigilang umiyak, pero wala namang hinto ang paghikbi nito. “Habang papunta kami ni Vice-captain sa lugar ng engkuwentro, narinig namin ang pagtatapat ng damdamin ni Finn para kay Denim. It was so heartbreaking, Captain. He died for her.”

Pumatak ang mga luha ni Lilac sa narinig. Hindi mahirap isipin kung gaano kasakit ang pangyayaring `yon para kay Denim. Nakita naman niya sa mga video kung gaano kamahal ni Finn ang babae.

“Hindi dapat nagiging emosyonal ang isang Bloodkeeper na gaya mo sa oras na labanan,” magaang na sermon naman ni Tyrus kay Saffron. “In every and any war, casualties are inevitable. Kailangan ngayon pa lang ay tanggapin mo na `yon. Wala tayong panahong magluksa. Maliwanag ba?”

Parang batang pinagalitan si Saffron nang mapayuko ito. “Maliwanag, Captain.”

“You’re dismissed,” sabi ni Tyrus. “Bumalik ka na sa mansiyon at pumunta ka kay Hyacinth. Humingi ka ng tsa na pampakalma. Inumin mo `yon habang nagpapahinga ka.”

Pinatong ni Saffron ang kamay sa dibdib at magalang itong yumukod. “Salamat, Captain.”

Napaupo si Lilac sa dulo ng wooden bench sa harap ng front porch ng cabin. Sa gilid ng mga mata niya, nakita niyang umupo naman sa kabilang dulo si Tyrus. Nanatili lang silang tahimik. Siguro, pareho rin nilang hinihintay na makabalik muna si Saffron sa mansiyon para hindi nito marinig ang pag-uusapan nila.

Ramdam niyang may gusto silang sabihin sa isa’t isa.

“Nakabalik na ba si Saffron sa mansiyon?” tanong ni Lilac mayamaya, saka niya nilingon si Tyrus na deretso ang upo at tingin. “Wala na bang makakarinig sa pag-uusapan natin?”

Tumango lang si Tyrus. “May gusto ka rin bang sabihin?”

Ngumiti ng malungkot si Lilac, saka siya tumingin sa madilim na kalangitan. Para bang nakisabay sa kalungkutang nararamdaman nila ang kawalan ng mga bituin ng gabing `yon. “Naapektuhan ako no’ng narinig kong wala na si Finn. Kung ang isang malakas na Bloodkeeper na nga na gaya niya ay mabilis natapos ni Magnus, paano pa kaya ang isang mortal lang na tulad ko?”

“Lilac,” marahang saway ni Tyrus sa kanya. “Hindi ako papayag na masaktan ka ni Magnus.”

“Hindi naman ako natatakot na mamatay sa mga kamay ni Magnus,” mahinang sagot ni Lilac, saka bumaba ang tingin niya sa mga kamay niya na magaksalikop sa ibabaw ng kandungan niya. “Natatakot lang ako na mawala nang hindi nasasabi ang mga salitang `yon sa iba.”

“Ang mga huling salitang narinig mo sa mga magulang mo?”

Gulat na nilingon ni Lilac si Tyrus na mukhang kanina pa nakatitig sa kanya. “Naaalala mo `yong kinuwento ko sa’yo noon?”

“Naaalala ko ang lahat ng mga sinasabi mo sa’kin.”

“Talaga?”

Tumango si Tyrus, seryoso pa rin. “Every word you say is important to me, Lilac.”

Pinaningkitan ni Lilac ng mga mata si Tyrus. Mukha namang normal ito, pero medyo nakakakilig ang mga sinabi nito. “Just to make sure, gutom ka ba?”

“Kakakain lang natin ng hapunan, kaya anong klaseng tanong `yan?”

Napasimangot si Lilac sa kasungitan ni Tyrus. “Sabi ko nga, busog ka. Mukhang nagiging sweet ka lang sa’kin kapag gutom ka o kaya kapag nasa panganib tayong dalawa. How nice.”

“Ano ba ang gusto mong sabihin? Deretsahin mo na ko,” kunot-noong udyok ni Tyrus. “Bloodkeepers can’t read minds. Mas lalong hindi ko nababasa ang isipan ng mga babae.”

“Mahal kita, Tyrus Hector Rousell,” deretso pero naiinis na pagtatapat ni Lilac. Mabilis at malakas ang tibok ng puso niya dala ng excitement na nararamdaman niya, pero nakasimangot naman siya sa frustration dahil sa pagiging grumpy ng lalaking mahal niya. “Hindi ko naisip na sa ganitong ka-unromantic na paraan ko muling sasabihin ang mga salitang `yon. Nakakainis kasi `yang kasungitan mo.”

“Alam mo naman nang mahal din kita, kaya bakit naiinis ka sa’kin?” nagtatakang tanong ni Tyrus.

“Kasi hindi ko alam kung official na ba ang relationship natin,” pag-amin ni Lilac sa naiinis pa ring boses. “Iniisip na ng lahat na boyfriend kita, pero hindi mo naman kino-confirm sa’kin kung ano na ba ang relationship status natin. Hindi rin nagbago ang kasungitan mo sa’kin. Akala ko tuloy, `yong confession mo no’ng na-kidnap tayo, ginawa mo lang para utuin ako at hindi matakot sa sitwasyon natin during that time.”

“Lilac Alonzo, I’m too old to play games,” iiling-iling na sabi ni Tyrus. “Sa maraming taon kong nabubuhay, matagal ko nang natutunan na kung may isang bagay man na hindi puwedeng paglaruan ang kahit sino o kahit anong nilalang, ang pag-ibig `yon. Kaya nang sinabi kong gusto kita, seryoso ako no’n.”

Lumabi si Lilac. `Yong tonong ginamit sa kanya ni Tyrus, para bang bata siya na pinapagalitan nito. “I just want our relationship to be official.”

“Okay. Let’s get married then.”

Nanlalaki ang mga mata ni Lilac nang lingunin niya si Tyrus na deretsong nakatingin sa kanya. Sobrang seryoso ng mukha nito at mainit naman ang tinging binibigay sa kanya. Tumagos tuloy sa puso at kaluluwa niya ang tanong nito. Pati buto niya, nanghina. Pero sa masayang paraan, kung meron mang gano’n. “Kasal agad? Hindi ba puwedeng maging boyfriend muna kita?”

“The term ‘boyfriend’ sounds so temporary. Magpakasal na tayo dahil sigurado naman akong ayokong maging nobyo mo lang.”

“Nobyo?” natatawa habang iiling-iling na sabi ni Lilac kahit ang totoo, kinikilig siya. Pero may halo ring kaba dahil sa biglaang marriage proposal ni Tyrus. Hindi na-orient ang puso niya. “Ang tanda pakinggan.”

“Anong magagawa niyo kung `yon ang Filipino term ng boyfriend?” sermon ni Tyrus. “Ang problema sa inyong mga kabataan, minamaliit niyo ang sarili niyong wika. You don’t know how beautiful and how rich the Filipino language is. Ito ang pinakamahirap at pinakamatagal na lengguwaheng pinag-aralan ko bago ko natutunan. Sa panlapi pa lang noon, nangamote na ko. Ilang beses din akong napalo at napagalitan ng matatanda noon sa hindi ko paggamit ng ‘po’ at ‘opo’ sa pakikipag-usap sa kanila kahit technically, mas matanda naman ako sa kanila. Hindi nga lang halata dahil sa hitsura ko.”

“Sorry na po,” sabi naman ni Lilac, pero sineryoso at sina-puso niya ang sermon ni Tyrus. Oh, ha. ‘Sina-puso.’ “Teka lang, ha? Pag-iisipan ko muna ang tanong mo.”

“Take your time,” magaang nang sabi ni Tyrus. “Alam ko kung gaano kaseryoso ang pagpapakasal kaya dapat lang na pag-ispan mong mabuti ang isasagot mo sa’kin. Pero habang pinag-iisipan mo pa ang marriage proposal ko, siguro puwede ko munang pagtiyagaan ang label na “boyfriend.””

Napangiti si Lilac dahil bukod sa mga nakakakilig na sinabi ni Tyrus, bigla-bigla ay nasa tabi na rin niya ang lalaki at nakaakbay sa kanya. Mahigpit ang hawak nito sa balikat niya sa paraang para bang sinasabi nito na ligtas siya sa tabi nito. “Sigurado ka bang hindi ka gutom? Ang clingy mo, eh.”

“Huwag mo kong gutumin dahil baka kainin na talaga kita.”

Napasinghap si Lilac at nag-iinit ang mga pisnging siniko sa sikmura si Tyrus na siyempre, walang reaksyon dahil hindi naman ito nasaktan. “Ang bastos pakinggan, ha?”

Umangat ang sulok ng mga labi ni Tyrus. “`Yon lang. Medyo hindi magandang pakinggan ang ibang salita sa lengguwahe niyo kung minsan.” He turned to her with an apologetic smile. “I’m sorry for being thoughtless. Dodobelhin ko ang pag-iingat sa pananalita sa susunod. Hindi ko sinasadyang mabastos ka.”

“Okay lang, since alam ko namang hindi mo sinasadya. But you know what? My Sexy Vampire, aka your hungry version, talks dirty like that.” Binigyan ni Lilac ng istriktong tingin si Tyrus na nakasimangot na naman. “Dapat mag-sorry ka rin sa’kin kapag gutom ka.”

“You seem to like it when your “Sexy Vampire” talks dirty to you though. Magseselos na ba ko?”

Nakagat ni Lilac ang ibabang labi dahil sa guilt. Aaminin niyang gusto nga niya kapag ang Sexy Vampire ang nagsasabi ng mga gano’ng bagay. “Well, he can get away with it because he’s sexy. Saka ikaw din naman `yon. Alam kong may feelings ka for me kaya natural lang na makaramdam ka ng gano’n para sa’kin. Like what Sexy Vampire told me before, mahilig sa sex ang uri niyo.”

Gulat na binalingan siya ni Tyrus. Nanlalaki pa ang mga mata nito na parang hindi makapaniwala sa narinig. “S-sinabi ko `yon?”

Natawa si Lilac, saka siya tumango. “Si Sexy Vampire ang nagsabi no’n.”

Nag-iwas ng tingin si Tyrus, halatang naiinis sa sarili. “Hindi na uli ako magpapagutom. Nakakahiya talaga ang mga ginagawa at sinasabi ko kapag gutom ako. I’m sorry about that.”

“Don’t be. Sexy Vampire made me fall in love with you more.”

Naiinis na binalingan siya ni Tyrus, pagkatapos ay dinikit nito ang palad sa noo niya. “Don’t tempt me, woman. Wala kang ideya kung ga’no kita kagusto hindi lang sa romantikong paraan. Baka hindi na ko makapagpigil kapag hindi ka pa tumigil sa panunukso sa’kin.”

Lumabi si Lilac at hinimas ang nasaktang noo. “Hindi na po, Tandang Tyrus.”

“Mabuti naman,” tumatango-tangong sabi ni Tyrus, pagkatapos ay inalis nito ang braso sa mga balikat niya at bahagya itong lumayo sa kanya habang may kinukuha sa likuran nito. “May ibibigay nga pala ako sa’yo, Lilac. This gift will help you protect yourself.”

Nilahad ni Lilac ang mga palad niya. “A weapon?”

Nilagay ni Tyrus ang pahabang antigong kahon na may wood carving. “Nasa loob niyan ang punyal na pamana sa’kin ng aking ina. Nakapaloob sa talim niyan ang kapangyarihan kong apoy. Ibig sabihin, hindi lang basta nakakahiwa o nakakasugat `yan. Nagliliyab din `yan kung kinakailangan. Siyempre, ang lakas na lalabas sa sandata ay depende rin kung gaano katindi ang determinasyon mong gamitin `yan.”

Maingat na hinawakan ni Lilac ang kahon. Marahang pinaraan niya ang daliri sa mga nakaukit na marka. Mainit ang lalagyan, pero hindi naman nakakapaso. Ngayon pa lang, nararamdaman na niya ang apoy ni Tyrus sa sandata. “Sigurado ka bang ibibigay mo ang dagger na `to sa’kin, Tyrus?”

“Oo naman,” medyo malambing na sagot ni Tyrus. “Pinadagdagan ko ng salamangka ang patalim para mas magamit mo ng maayos.”

Kunot-noong nag-angat si Lilac ng tingin sa lalaki. “In what way?”

“The blade itself will guide you to the enemy’s weakness,” seryosong sagot ni Tyrus. “Tatapat mismo ang talim sa parte ng katawan ng kalaban kung saan mo ito dapat itarak.” Pinatong nito ang kamay sa ulo niya. “Delikado ang sitwasyon natin, Lilac. Alam kong kaya mong gumawa ng salamangka. Pero gusto kong may ibigay sa’yo na magpapaalala sa’yo na kahit magkalayo tayo, mapoprotektahan pa rin kita.”

“I don’t like how it sounds, Tyrus,” reklamo ni Lilac. “Parang sinasabi mong magkakahiwalay tayo.”

Ngumisi si Tyrus. “I can’t get away from you even if I wanted to,” halatang nagbibiro lang na sabi nito. “Pero seryoso, gusto ko lang talagang makasiguro na parati kang may bitbit na piraso ko. Kahit sa pamamagitan lang ng punyal na `yan.”

Niyakap ni Lilac ang kahoy na kahon, saka siya ngumiti. “Thank you, Tyrus. Iingatan ko talaga ang ang punyal na `to.”

Nagdilim ang mga mata ni Tyrus, pagkatapos ay bumaba ang tingin nito sa mga labi niya. He even licked his lower lip as if he was thirsty. “Can I kiss you, babe?”

“Babe?” natatawang tanong ni Lilac. “Gutom ba ang Sexy Vampire ko?”

“Lilac,” paungol sa reklamo ni Tyrus. “Please?”

Ngumiti si Lilac, saka siya pumikit. “Okay. You may now kiss your girlfriend.”

Hindi siya basta hinalikan lang ni Tyrus.

He devoured her mouth but she had no complaints because his lips tasted so good.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.