'Velasco, Anmela Eris 10056'
Tumulo ang luha ko habang nakatitig sa pangalan ko. Sa wakas nurse na ako! Ang matagal ko ng pangarap ay natupad ko na!
Tumili nang tumili si Alem dahil parehas kaming pasado. Nakatulala lang ako habang tumutulo ang luha. Totoo ba ito? Pasado ako?
"Congratulations, bebe girl."
Nilingon ko ang nagsalitang iyon at mas lalong tumulo ang luha ko dahil may hawak siyang bugkos ng bulaklak. Halos malaglag ang panga ko nang sa likod niya ay lumabas si nanay at tatay. Natutop ko ang bibig ko at tumulo nang tumulo ang luha ko.
Tumakbo ako upang yakapin sina nanay at tatay.
"Congrats, anak," sabi nila habang mahigpit na nakayakap sa akin.
Nakatingin ako kay Laurent habang yakap sila ibinuka ang bibig upang magporma ng 'thank you.'
Hindi talaga siya nawawalan ng sorpresa.
Tuwang-tuwa kaming nagkwe-kwentuhan nila nanay. Kung kumusta na raw ako, kumusta raw ang naging buhay ko, kumakain ba ako ng tama. Ang dami nilang tanong at nakangiti kong sinagot lahat iyon. Umakbay sa akin si Laurent. Nakangiti ko siyang tiningnan.
Akala ko noon baliw na ako sa pagmamahal ko sa kaniya pero sa tingin ko mas baliw siya sa akin dahil sa mga ginagawa niya. 'Yong sinabi niyang 'don't give your whole world to me' parang siya ang nagbigay ng mundo niya sa akin.
Hindi ko pa nakakausap ang magulang niya. Hindi ko pa sila nakikilala pero wala naman akong tampo dahil baka may dahilan siya tungkol doon.
"Nay, kumain kayo nang kumain," nakangiti kong sabi habang nilalagyan ng pagkain si nanay.
Nasa isang restaurant kami ngayon nila nanay, tatay at Laurent. Sabi ko ay sa mumurahin lang na kainan pero gano'n siya kapilit kaya sa huli ay dito kami kumain.
"Ikaw, hijo, kumain ka ng marami," sabi naman ni tatay at nilagyan ng pagkain si Laurent. Nakangiti siyang sumubo.
"Salamat sa mga ginawa mo para sa amin, nak," akala ko ay sa akin iyon sinabi ni nanay pero kay Laurent pala.
"Wala po iyon. Basta para sainyo," nakangiti niyang sabi.
"Masasabi kong nasa tamang lalaki ang anak ko," si tatay naman ngayon ang nagsalita.
Nakakatawa silang pagmasdan dahil magkasundong-magkasundo sila. Tinatawag na nila itong 'anak' kahit wala pa man lang.
"Huwag mo sanang isipin na dahil sa pera kung bakit ka namin gusto kay Anmela. Walang gano'n, gusto ka namin dahil mabuti kang bata," sinserong sabi ni nanay.
"Alam ko po 'yon. Nakita ko po," nakangiting tugon ni Laurent at saka sumulyap sa akin. "Nagmana po sainyo ang anak niyo. Kahit ipilit kong bilhan ng condo o kung anu-ano pang materyal na bagay sa huli ay talo ako dahil mas gusto niyang pinaghihirapan ang isang bagay bago makuha. Gusto niyang dugo at pawis muna dahil para sa kaniya lahat ng bagay pinaghihirapan, kailangan ng tiyaga at pang-unawa."
Nagugulat ko siyang tiningnan. Hindi siya nage-english, nagsusungit at higit sa lahat nakangiti siya. Hindi ko alam na gano'n pala ang iniisip niya tungkol sa akin. Nakakataba ng puso na gano'n kaganda ang tingin niya sa akin at sa pamilya ko.
"Ganiyan talaga 'yan, ‘nak. Gusto niya maghirap muna lalo na sa pangarap niya. Kita mo naman mag-isa lang siya rito pero natapos niya," pagmamalaki ni tatay.
"Buti nga at palagi mong sinasamahan. Nakakatuwang may katuwang siya sa paghihirap niya," sabi naman ni nanay.
"Kung alam niyo lang po hindi natatapos ang isang araw na hindi ko siya nakikita," masiglang kwento ni Laurent.
"Kailan niyo balak magpakasal?" Tanong ni tatay habang sumusubo.
Bigla ay nakita kong natigilan si Laurent. Naging tulala siya at hindi malaman ang sasabihin. Natakot din ako sa kinilos niya dahil hindi ko alam ang dahilan kung bakit bigla kong nakita ang takot sa mga mata niya. Ilang ulit kong nakita ang paglunok niya at natagalan pa bago siya magsalita ulit.
"Hindi pa po namin napaguusapan," malamya niyang tugon.
Gusto kong magtanong kung bakit? Bakit parang may hindi ako alam?
Gumapang ang kaba sa dibdib ko. Pumasok sa alaala ko ang mga sinabi noon ni Lauressa at ni Resttan tungkol sa hindi ko raw maiintindihan kahit kailan. Noon ko pa iyon isinantabi pero sa tingin ko sobrang halaga noon.
Ramdam ko ang mabilis na tibok ng puso ko dahil matapos ng tanong na iyon ay tila ba nagbago ang mood ni Laurent. Naging tahimik siya at parang malalim ang iniisip. Gusto kong magtanong pero natatakot ako sa sagot niya.
May asawa na ba siya?
Kaya gano'n na lang siya katakot na pakasalan ako? Kung anu-ano ang pumapasok sa isip ko nang mahiga ako sa kama. Kung may asawa na siya bakit naman kami magtatagal ng ganito? Bakit palagi siyang nandito sa tabi ko kung may kahati ako sa oras niya?
Hindi ko maintindihan kung ano na talaga ang iisipin ko. Natatakot ako sa posibilidad na iyon.
Kung mayroon nga anong gagawin ko?
Kaya ba sinabi niya na 'don't give your whole world to me'? Sa sinabi niyang iyon parang may nakakubling dahilan kung bakit 'wag? Pagkatapos ng gabing iyon napuno siya ng respeto sa akin na kahit hita ko ayaw niyang makita. Hindi ko siya maintindihan.
Ano pa bang hindi ko alam?
Tumulo ang luha ko dahil sa pangambang anong mangyayari sa akin kung tama ang hinala ko na may asawa na siya? Paano na ako kung mawawala siya sa akin?
Ayaw ko naman makasira ng pamilya kung sakali mang gano'n nga.
Nakalipas ang isang buwan. Bumalik na muli sila tatay sa probinsya dahil may trabaho raw dito ako nag-stay sa Makati dahil nandito ang trabaho ko. Gusto ko mang nandito sila tatay pero hindi raw sila sanay sa pamumuhay rito.
Simula nang itanong ang tungkol sa kasal ay hindi na naalis sa isip ko kung bakit hindi nga ba niya ako pakasalan? Tuwing nandito siya ay tahimik ako madalas. Hindi ko magawang magsalita. Tinatanong niya ako kung may problema ako pero ang lagi kong sagot ay 'pagod lang'.
"I have something for you!" Nakangiti niyang sabi.
Pilit ang nga ngiti kong itinugon sa kaniya.
Bakit, Laurent? Bakit hindi mo ako pakasalan?
Inilabas niya ang mga pagkain sa mesa. Nakatunganga ko iyong tiningnan. Lumapit siya at sinapo ang noo ko.
"May sakit ka ba?" Nag-aalala niyang sabi at sinapo rin ang leeg ko.
Umiling ako. "Wala, medyo pagod lang," pagdadahilan ko.
"May problema ba tayo?" Nagulat ako sa tanong niyang iyon. "I'm always looking at you. Parang laging malayo ang isip mo."
Umupo siya sa tabi ko. "Tell me," nagsusumamo niyang sabi at nakita ko ang pangingilid ng luha niya.
Tiningnan ko lang siya at umiling. "Wala, ano ka ba," peke akong tumawa.
Ang problema ko ay kung bakit hindi mo pa ako yayain magpakasal.
Nagulat ako nang pumatak na ang mga luha niya at umiling-iling.
"Why? May iba ka na ba? Hindi mo na ba ako mahal? Nagsasawa ka na ba sa akin?" Sunod-sunod na tanong niya. "Sabihin mo naman sa akin, mahal ko."
Tumulo na rin ang luha ko. Humahagulgol na siya habang nakatakip ang mga kamay sa mukha.
Ayaw kong tanungin kung bakit hindi pa niya ako yayain magpakasal dahil kung gusto niya magkukusa siya. Hindi ba? Ang katotohanang ayaw niya akong pakasalan.
"Walang problema. Ano ka ba. Pagod lang talaga ako," inalo ko siya at hinaplos ang likod niya.
"Really?" Tiningnan niya ako habang patuloy pa rin sa pag-iyak. "I'm sorry. I just can't help but think of you. Ang layo ng tingin mo may iniisip ka palagi. Hindi ko alam, Anmela. Is it other guy?"
"No!" Todo iling ako. Lumuluha na rin ako habang kausap ko siya. Hindi ko talaga masabi sa kaniya. "Napapagod lang talaga ako sa trabaho dahil ilang buwan pa lang naman nang makapasa ako sa board," sinungaling, Anmela.
"'Yon lang ba talaga?" Paninigurado niya.
Tumango ako at yumakap sa kaniya. Mahigpit niya rin akong niyakap.
"You can leave me if you love someone."
Natigilan ako nang sabihin niya iyon. Gano'n kadali? Iwan ko siya?
Hindi ako makapaniwalang sasabihin niya iyon.
"Ang bilis mo naman sabihin sa akin na iwanan ka! Wow, Laurent," hindi ko na napigilan ang inis ko at tumayo pero mahinahon pa rin ang boses ko kahit kailan hindi ko siya magawang singhalan o sigawan.
"Dahil 'yon ang tama. Just love someone, not me, go and find someone."
Humagulgol na ako sa sinabi niyang iyon. Parang heto nanaman siya at itataboy ako katulad noon.
"Nakikipaghiwalay ka ba sa akin?"
"Oo!"
Natigilan ako at tumitig sa mga mata niya. Bigla ay natakot ako sa sinabi niya. Iniiwan niya ako? Hindi niya na ako mahal?
"Laurent.." Halos paos kong sabi habang lumuluha.
Tumutulo rin ang luha niya pero hindi sa akin nakatingin.
"Let's break up, Anmela."
Gumuho ang buong mundo ko at kumirot nang sobrang sakit ang dibdib ko.
Ilang taon? Ilang taon kaming nagkasama tapos iiwan niya na lang ako? Nang ganito?
Napahawak ako sa dibdib ko at hindi ko na alam ang gagawin ko. Naging matunog ang pag-iyak naming dal'wa. Ang sakit naman.
"Iwanan mo ako dahil hindi ako makakabuti saiyo," sabi niya sa gitna ng paghagulgol niya. “Iwanan mo na lang ako.”
"Laurent.." Napaupo na ako dahil sa hina ng tuhod ko. "Hindi naman dapat mauwi sa ganito, 'wag naman please."
"Ayaw ko rin sana," napatuon ang kamay niya sa lamesa. Para bang nanghihina rin siya. "I just don't know what to do. We can't be together. We can't make our family. Us is just us.. hindi tayo pwedeng magsama habang buhay kasi hindi tayo para sa isa’t isa. Hindi nga dapat naging tayo."
Bakit?
Gusto kong itanong iyon pero wala akong lakas ng loob na marinig ang totoo sa kung anuman ang dahilan niya. Natatakot ako.
"I'm happy that I met you. I'm happy that once in my lifetime I experienced how to love someone. It's just that.. we are not really meant for each other."
Lalong lumala ang pag-iyak ko. Talagang iniiwan niya na ako.
Laurent..
Tumalikod siya pero ang paglalakad niya ay para bang hinang-hina na.
"Goodbye, bebe girl," rinig ko ang matunog niyang pag-iyak. "Thank you for everything."
Naglakad siya palabas pero hinabol ko siya at nagmakaawa sa harapan niya.
"Wag mo akong iwan, please! Wala talaga akong problema," hindi ko na mailarawan ang sakit na mayroon sa dibdib ko. Ang pag-iyak ko nang sobra ay ang simbolo ng pagmamahal ko sa kaniya.
Masaya pa kami noon bakit biglang naging ganito?
Nakaluhod ako at nakayuko. "Wag please. Hindi ko kaya, please, please, please," sobrang pagmamakaawa ko sa kaniya pero hindi niya ako pinakinggan. “’Wag mo akong iwan,’ tinanggal niya ang pagkakakapit ko sa tuhod niya at mabilis na naglakad palayo.
Hinabol ko siya nang hinabol hanggang makarating kami sa labas. Pinagtitinginan na kami ng mga tao dahil parehas kaming umiiyak. Nang maabutan ko siya ay yumakap ako sa kaniya at humagulgol sa didib niya.
“Hindi ako mabubuhay kung wala ka, Laurent. Alam mo ‘yon. Buong buhay ko ikaw lang ang minahal ko. Paano ako kung wala ka?”
Lumuluha niyang hinaplos ang buhok ko at pinakatitigan ang mukha ko. “Hindi ko na kaya pang makasama ka, Anmela Eris.”
“Bakit?”
“Dahil.. may mahal na akong iba.”