Chapter BH: Amira 33

Parang mababaliw si Amira. Hindi siya mapakali habang kasama ang mga kapatid sa hapunan at mistulang may laser beam ang madrastang si Caridad tuwing tumitingin sa kanya. Nakadagdag pa sa anxiety niya dahil kinabukasan ay luluwas siya ng La Trinidad, Benguet kung saan naroon ang main office ng Banal Mining Corporation. Kailangan niyang may makausap na talagang nakakaintindi sa kanya at sa pinagdadaanan niya. At isang tao lang ang naiisip niya – si Francois.

Natapos at natapos ang hapunan pero di niya nararamdaman ang presensiya ng binata. Hindi man lang ito sumilip ng kusina o nagpatanong kung gusto niya ang dessert. Medyo iba nga ang panlasa niya sa hapunan. Masarap pero walang magic. Ayaw naman niyang magtanong dahil iniiwasan niyang mapunta sa kanya ang atensiyon ng madrasta at mga kapatid. Aside from Eira's chattering, the atmosphere during dinner was somber. Damang-dama ang kawalan ni Don Alfonso sa mansion. She just couldn't take the atmosphere any longer.

"Doon na tayo mag-tsaa at magkape sa sala kung gusto ninyo," sabi ni Caridad nang matapos ang hapunan.

Nauna nang nagtungo sa sala ang mga kapatid niya at sinabi niyang pupunta lang siya sa restroom na malapit sa kusina. Sa halip na pumasok sa restroom ay lumampas siya at tumayo sa pinto ng kusina nang wala nang nakakakita sa kanya.

Itinago niya ang katawan at ulo lang ang isinilip sa pinto. Nakita niya na masayang kumakain ang mga kawaksi subalit wala doon si Francois. Nasaan na kaya ang binata? Karaniwan naman ay kasama itong kumakain ng mga kawaksi at mga tao sa kusina. Wala ba ito sa mansion?

"Anong tinitingnan mo diyan?" untag sa kanya ni Vera Mae at hinawakan siya sa balikat.

Napatili siya at napaigtad. "Ano ba? Bakit ka nanggugulat, Vera... I mean Ate Vera?"

Tumawa lang ito. "Mukha kasing seryoso ka diyan. Hinahanap mo ba si Chef Aklay?"

"Of course not. Magpapasalamat lang ako sa gumawa ng dessert dahil masarap... kung sinuman iyon."

"Di mo halos nagalaw halos ang almond jelly, paano kang masasarapan?"

"Hindi naman almond jelly ang problema. May iba lang akong iniisip," palusot niya.

"Wala si Aklay ngayon. Umuwi muna siya sa bahay nila pagkatapos ng senga. Ilang araw din kasi siyang walang pahinga," sabi ni Vera Mae.

"Oh!" anang si Amira at bumagsak ang balikat niya.

Kaya naman pala iba ang lasa ng almond jelly at ng iba pang pagkain nila. Wala ang distinct na kilitang nararamdaman niya kapag kinakain ang luto ni Francois. Wala rin ito doon para makausap niya sa sitwasyon niya.

"Sige," nausal na lang niya at naglakad palayo ng kusina.

"Akala ko ba magpapasalamat ka sa mga nagluto? Hindi ka pa nagpapasalamat sa kanila," sabi ni Vera Mae at ngumuso sa direksiyon ng kusina.

Nanigas ang katawan niya at pumikit. How stupid! Bakit nakalimutan niya iyon? Bahagya siyang nakangiti nang pumihit at bumalik sa kusina, dama niya ang tensiyon habang nakasunod ang mga mata ni Vera Mae sa kanya. Ang hirap nito dahil parang mapupunit ang pisngi niya sa pagkakangiti.

"Magandang gabi po," bati niya sa apat na kawaksi na masayang nagkakainan sa mesa ng kusina.

Nagtayuan ang mga ito. "Magandang gabi po, Señorita Amira. May ipag-uutos po ba kayo?" tanong ni Manang Auring, ang alam niyang katulong sa kusina ni Francois.

Sinenyasan niyang umupo ang mga ito. "Gusto ko lang pong magpasalamat sa masarap na hapunan. Maraming salamat po dahil nanatili pa rin kayo sa pamilya."

Kasama ang mga ito sa pinamanahan ng lolo niya. Sapat na ang halaga na nakuha ng mga ito upang magtayo ng kani-kaniyang negosyo subalit pinili ng mga ito na ipagpatuloy ang pagsisilbi sa mansiyon at alagaan ang mga natitirang Banal. Hanga siya sa loyalty ng mga ito.

"Wala pong anuman, señorita. Malaki po ang naitulong sa amin ni Don Alfonso lalo na sa aming mga pamilya. Siya po ang nagpaaral sa mga anak ko. Asahan po ninyo na pareho din ng pagsisilbi ang gagawin namim sa inyo gaya ng pagsisilbi namin noong buhay pa si Don Alfonso."

"Marami pong salamat kung ganoon."

"May nais po ba kayong ipahanda para sa agahan?" tanong ni Manang Rosing.

"Pancake po na may strawberry jam o blackberry jam. Thank you po."

"Walang problema, señorita. Ako po ang bahala," sabi ni Manang Rosing.

Bahagya siyang nag-alala dahil di nabanggit ng mga ito ang tungkol kay Francois. Babalik pa ba ang binata para magsilbi sa mansion?

"Mukhang malungkot ka mula nang malaman mong wala si Chef Aklay," untag sa kanya ni Vera Mae.

Nagulat pa siya dahil nakasandal pala ito sa dingding sa gilid ng dining room habang nakahalukipkip at mukhang binabantayan talaga siya o kanina pa sadyang inoobserbahan siya nito sa ginagawa niya.

"Kailangan bang may kinalaman kay Francois kaya ako malungkot? Marami akong ibang dahilan para malungkot," depensa niya.

"Aminin mo na kasi na si Chef Aklay ang hinahanap mo kanina at gusto mong makita. Crush mo siya?"

Nanlaki ang mata niya. "No way!"

Bakit ba naisip iyon ng kapatid niya? Usually ay wala namang kakaiba sa kanya kapag kasama o kausap niya si Francois. Di naman siya nagpapa-cute sa binata gaya ng ibang babae. O expected na ba agad na lahat ng babae ay magkakagusto kay Francois?

"We are sisters, my dear. Pwede mong ipagkatiwala sa akin ang sekreto mo. Saka wala kang ililihim sa akin. I can see it in your eyes. Attracted ka sa kanya."

Umikot ang mga mata niya. "Bakit ba iniisip ninyo na may gusto ako kay Francois? Pangalawa na iyan sa araw na ito."

"Aha! Ibig sabihin ay di lang ako ang nakakapansin na attracted ka sa kanya. Ibig sabihin hindi ka na pwedeng mag-deny."

"Ate Vera, baliw ang bestfriend ko na unang nagsabi noon Gusto niya in love din ang tao sa paligid niya. Ngayon, walang malisya sa akin kung hanapin ko man si Francois. Baka naman in love ka rin kaya gusto mo akong i-matchmake sa kanya," palusot niya at sana lang ay may mailusot niya.

"Ate Vera, in love ka? Kanino? Kay Kuya Brian ba, 'yung fruit and vegetable dealer?" tanong ni Eira at biglang kinikilig na niyakap ang kapatid nila. "Akala mo hindi ko napapansin ang tinginan ninyo."

Namula bigla si Vera at nanigas. Hindi nito alam kung paanong babaklasin ang pagkakayakap ni Eira dito. "Teka lang. Di naman iyon ang pinag-uusapan namin ni Amira. Tungkol talaga kay..."

Pinisil niya ang balikat ni Vera Mae. "I am happy for you, sister. Magandang balita iyan. Huwag sanang makahadlang ang pagluluksa natin sa kaligayahan mo. Excuse me. Magpapahinga lang ako sa kuwarto ko. Maaga pa ang alis ko bukas."

Isang matalim na tingin ang ibinigay sa kanya ni Vera Mae na may halong disbelief. Paano ay nabaligtad ang sitwasyon. Siya dapat huhulihin nito tungkol kay Francois pero ngayon ay ito pa ang nadakma.

Buti na lang at nalusutan niya iyon. Ayaw niyang mai-grill ni Eira tapos ay kakalat pa sa ibang kapatid niya ang tungkol doon.

Kailangan na niyang mag-ingat pagdating kay Francois. Really, she didn't need any distraction right now. Kailangan niyang mag-focus sa misyon niya.

NAKAUPO si Amira sa harap ng bonfire sa bandang gilid ng mansion habang hawak ang mainit na mountain tea. Ang bonfire ay para sa mga bantay na nagpa-patrol sa lupain ng mga Banal upang di lamigin sa trabaho ng mga ito. Sobrang lamig sa Sagada kapag gabi at nanunuot ang lamig sa buto.

Alas diyes na ng gabi pero di pa rin siya makatulog. Kinakabahan siya sa pakikipagharap niya sa mga board of director ng Banal Mining Corporation. Hindi niya alam kung anong klaseng pagtanggap ang gagawin ng mga ito sa kanya lalo na't sa likuran ng isipan niya ay gusto niyang ipasara ang kompanya ng mga ito. Hindi ito simpleng pagsubok lang sa kanya. Maraming nakataya dito. This battle was way too personal for her.

Umungol siya at pumikit. Daig pa niya ang sinabugan ng bomba niya sa mga araw na ito at pakiramdam niya ay mag-isa lang siyang lalaban. At wala pa rin siyang konkretong plano sa isipan niya kung anong dapat niyang gawin.

"Bakit mag-isa ka lang dito?" untag ng pamilyar na boses ng isang lalaki sa kanya.

Nagulat siya nang makitang nakatayo sa likuran niya si Francois. Nakasuot ito ng pantalong maong at nakapamulsa sa gray hoodie nito ang mga kamay. Tumayo siya bigla. "O! Anong ginagawa mo dito? Hindi ba umuwi ka sa inyo?"

"Oo. Pero tinawagan ako ni Vera Mae kanina. Sabi niya hinahanap mo daw ako."

Magaling. Talagang tinawagan pa ito ng kapatid niya. Di niya alam kung dapat niyang ikainis ang ginawa ni Vera Mae. Pumipitlag ang puso niya marinig pa lang niya ang boses ni Francois.

"Akala ko ikaw ang nagluto. Magpapasalamat sana ako," paliwanag niya. "Hindi mo ako kailangang puntahan sa disoras ng gabi."

"Importante daw ang sasabihin mo sa akin saka mukha ka daw malungkot nang di mo ako nakita. Baka nami-miss mo daw ako."

So this was her sister's revenge. Nang ito ang maigisa ni Eira, hindi ito pumayag na hindi siya nababawian. Great! Ngayon ay parang lumalabas pa na patay na patay siya kay Francois.

"Naniwala ka naman doon. Naabala ka pa tuloy. Umuwi ka na lang at magpahinga. Ilang araw ka na ring walang tulog, hindi ba?" Tumulong ito sa pagpapakain noong lamay ni Don Alfonso at di rin ito umalis kahit noong senga.

"Ikaw nga gising pa rin. Bakit hindi ka pa natutulog?"

"Hindi ako makatulog. Marami akong iniisip."

Umupo ito sa tabi niya. "Gusto mo bang i-share sa akin? Baka sakaling makatulong."

Huminga siya ng malalim. "It is just... I feel like my grandfather hates me. You see, nang dalhin niya ako dito, iniisip ko na gusto niyang bumawi sa akin. Na siguro ay itatama niya ang mga pagkakamaling nagawa ng ama ko sa amin ng nanay ko, ng pamilyang ito sa pamilya ng nanay ko. But no. Lahat ng dapat naman na para sa akin bago pa man ako ipanganak ay kailangan kong paghirapan. I mean, it is supposedly my birthright. Ako pa ang kailangang magsakripisyo para makuha iyon. It is not so fair."

Kumunot ang noo ng binata. "Hindi kita maintindihan."

"Hindi ko lang pwedeng sabihin sa iyo... I wish I could."

"If it is confidential, hindi mo naman kailangang sabihin." Ginagap nito ang kamay niya. "Mahirap siguro na wala kang mapagsabihan ng lahat ng pinagdadaanan mo. Pakiramdam mo siguro ay mag-isa ka lang sa mundo. Gusto ko lang malaman mo na nandito ako para sa iyo at para suportahan ka."

"Gagawin mo iyon para sa akin?"

"Of course. Sabihin mo lang sa akin kung may maitutulong ako sa iyo. I will help you in every way I can."

"Really?" nagniningning ang mata niyang tanong.

"Yes. Kaya matulog ka na. Huwag mo munang isipin ang problema kahit ngayong gabi lang." Hinawakan nito ang ilalim ng tasa ng tsaa niya at inangat. "So drink up your tea and get inside."

Sinunod niya ito at ihinatid siya nito hanggang sa gilid na pinto ng mansion. "Thanks for coming here."

"Basta ikaw. Malakas ka sa akin. Goodnight."

Kinintalan nito ng halik ang noo niya. Nahigit niya ang hininga. Hindi niya alam kung bakit parang may maiinit na kamay na yumakap sa kanya at parang buong katawan niya ang hinalikan nito. Paano nangyari iyon samantalang inosenteng halik sa noo lang naman iyon?

"Pasok na sa loob,” utos ng binata.

Tumango siya na nakatulala pa rin. "Yes. Goodnight."

She felt cherished. Di rin niya naramdaman na nag-iisa siya. Kahit na wala naman talagang maitutulong sa problema ni Amira ang binata ay nawala ang nakadagang bigat sa dibdib niya. Sapat na ang presensiya nito para pawiin ang alalahanin niya.

Mahimbing siyang nakatulog nang may ngiti sa labi.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.