Chapter 24

NAMI-MISSED ni Mira ang pamilya niya kaya naman kahit oras ng trabaho, nagbabaka-sakali siyang magbukas ng social networking websites. Ilang beses na siyang nabigo pero ayaw niyang sumuko. Ganoon naman talaga kapag mahal mo ang isang tao, kahit imposible, gagawin mo ang lahat para makausap ang mga ito.

Hindi siya makapag-concentrate sa trabaho kaya ginagawa niya iyon. Isa pa ay patapos na rin naman siya dahil maaga siyang nagsimula. Nang halos mawalan nan g pag-asa si Mira ay tila nabigyang katuparan na ang matagal na niyang inaasam. Nakapasok siya sa Yahoo!

Nakakapag-internet na siya! Agad na ch-in-at niya ang Ate Clari niya na nakita niyang online. Sumagot naman ito at kagaya ng dati ay sinigurado pa rin ng mga ito ang tungkol sa lagay niya. Para maging kumbinsado ang kapatid, pati na rin ang mga magulang na napag-alaman niyang kasama ng kanyang Ate dahil nasa Maynila na ulit iyo ay nakipag-usap na siya sa mga ito ng ilang oras. Sa huli ay napapanatag rin niya ang loob ng mga ito. Ganoon pa man ay pinanatili pa rin ni Mira na tago ang mga impormasyon tungkol kay Rhett.

Nang mapagod sa pag-uusap ay sinubukan ni Mira na mag-access ng iba pang site. Sinubukan niyang mag-Facebook at gumana naman iyon. Marami siyang nakitang notifications pero ang unang pinuntahan niya ay ang kanyang mga friend requests. Napakunot noo pa siya nang makita kung sino ang unang lalaking nakita niya sa mga friend request niya. Si Rhett iyon.

Diyata’t may facebook naman pala ang loko?

O baka naman personal facebook niya iyon. Isama pang hindi naman Rhett Rid na pen name nito ang ginamit nito. It was named after “Rhett Bautista” at kaya lang niya nasiguradong ang amo niya iyon nang mapansin ang profile picture nito.

Siguro nga ay personal facebook account iyon ni Rhett. Dahil kung hindi, edi sana ay matagal na itong natuntong ng mga fans nitong curious sa pagkatao nito.

Mabilis na pinindot ni Mira ang confirm button at binuksan ang wall nito. Una niyang pinuntahan ang profile pictures nito. Pinakatitigan niya ang profile picture nito. It was a solo picture of him wearing his favorite clothes and having his favorite background: Black. No doubt that he was a gothic writer. But despite of that, Mira can’t help herself but to stare at him. Kahit mukha itong kampon ng kadiliman sa suot nito ay hindi niya maitatangging napakaguwapo nito. Nagpapantasya pa si Mira sa itsura nito nang may marinig siyang facebook pop. May bagong message para sa kanya. Nang tinignan niya iyon ay nakita niyang ang mismong ini-stalk niya ay siya rin na nag-message.

“What took you so long to message me?” sa halip na “Hi” o “Hello” ay iyon ang unang naging message nito sa kanya.

“Hey, I am still busy stalking you…” pipindutin na dapat ni Mira ang “enter” nang magbago ang isip. “At bakit naman kita kailangang i-message?”

“Hindi ka man lang ba magpapasalamat sa akin?”

“Oh, why. Thank you dahil sa wakas ay naggawa mo na rin akong palayain kahit kaunti,” sagot ni Mira. Masaya siya na nakuha rin niya ang tiwala ni Rhett. Ngayon ay mas nakumbinsi na niya ang mga magulang na nasa maayos lang siyang kalagayan. Mahalaga ang mga ito sa kanya. Ayaw niyang nag-aalala ang mga ito.

“I am not as bad as you think,” sagot naman nito.

Napataas ng kilay si Mira. “Talaga lang, ha?”

Naalala ni Mira ang tungkol sa galit na hindi man niya inani ay ramdam niyang nararamdaman ni Rhett para sa kanya nang paratangan niya itong isang psycho. Madilim na madilim ang mukha nito at halos hindi na nakakain dahil sa ilang beses na pagtitiim bagang kapag napapatingin sa kanya. Hindi ito nagsasalita pero ramdam niya na galit ito sa kanya. Sinubukan niyang humingi ng tawad pero hindi siya pinakinggan nito. Natakot siya nang dahil roon kaya hindi niya inaasahan na ngayon ay bibigyan pa siya nito ng pagkakataon na makausap ang pamilya. Siguro nga ay hindi naman talaga ito ganoong masama. Hindi nga lang niya maiwasang magduda dahil napaka-weird nito. Bakit nga ba kasi ganoon ang personalidad nito? Maraming beses na niyang gustong tanungin ito pero sa tuwina ay natatakot siya. Lalo na ngayong naka-first hand na siya rito noong nakaraan. Isa pa ay alam rin niya ang posisyon niya. Hindi dapat siya nagtatanong ng mga personal na bagay sa boss niya. Ramdam rin naman niya na hindi nito sasabihin iyon.

Napakamot ng ulo si Mira nang makitang nag-offline na si Rhett. Bakit ba ganoon ang sinagot niya kay Rhett? Ayan at nasira na naman ang moment nila. Mira made a mental note to be careful with her words.

Inabala ni Mira ang sarili sa pagbukas ng mga notifications niya. Puro wallpost iyon tungkol sa pagkawala raw niya. Ngayon lang siya nakapag-internet nang matagal kaya ngayon lang siya nakapag-facebook. Hindi kasi siya gaanong mahilig roon. Kapag nakikipag-usap sa pamilya ay laging Yahoo Messenger o Skype pa rin ang gamit niya. Mukhang matindi talaga ang naging paghahanap sa kanya ng mga magulang. Minabuti ni Mira na mag-status tungkol sa kalagayan niya para matapos na talaga ang lahat. Kaka-post lang niya ng status nang marinig niya na nag-radio sa kanya si Rhett.

“Pumunta ka sa chopper,” iyon lang at hindi na muling nagsalita si Rhett. Naguguluhan man sa utos nito ay sinunod ni Mira ang gusto ng amo. Pumunta siya sa garahe nito kung nasaan ang chopper nito.

Nakita niya si Rhett na ini-inspect ang chopper. “Saang parte ng Mindanao mo gustong gumala?”

Nanlaki ang mga mata niya sa tanong nito. “Hoy! Anong nakain mo at mukhang nagiging mabait ka yata?” Naalala niyang minsan nga palang hiniling niya kay Rhett ang bagay na iyon. Nakakatuwang isipin na ngayon ay gusto siya nitong pagbigyan.

Nalukot ang mukha nito. “I told you, I am not as bad as you think. And don’t call me “Hoy”. You know I have a name. Narinig ko na pinag-uusapan niyo ako ni Mang Chito kaya alam ko na alam mo ang pangalan mo,”

“Sige na nga po, Sir Rhett,” tatawa-tawang wika niya. Ito naman ay mas lalong nalukot ang mukha. “O?’

“I don’t like to be called, Sir. Kaya nga hindi kita sinasaway kapag minsan ay nakakalimutan mo na tawagin ako ng pormal,”

“Okay, Rhett. Masaya ka na?”

Ngumiti ito. Sandaling natulala si Mira sa ginawa nito kahit na ba nakita na niya itong ngumiti. Hapon na pero pakiramdam niya ay ngayon lang siya sininagan ng araw dahil sa ngiti nito. Mas lalo itong gwumapo dahil lumabas pa ang dimples nito.

“Ang guwapo mo,” hindi na napigilang sabihin ni Mira. Kahit napaka-weird ng personalidad ng boss niya, hindi niya mapigilan ang damdamin. Babae lang siya. Maaring maka-Diyos siya pero hindi siya santa. Naakit rin siya.

“And you are beautiful,” nagulat pa si Mira ng sagutin siya nito nang ganoon. Awtomatikong namula ang kanyang pisngi, lalo na nang hawakan iyon ni Rhett. “Don’t. You make me like you more,”

“A-at masama ba `yun?” wala sa loob na sabi ni Mira. Ang daming gustong pangarapin ni Mira dahil sa ginagawa nito ngayon at sinabi sa kanya. Posible nga ba na makuha niya ang loob ng isang kagaya nito? Pero teka, bakit ba niya iniisip ang mga ganoong bagay? Nahuhulog na ba siya sa manipulador niyang boss kaya naiisip niya ang mga ganoon?

Pakiramdam ni Mira ay napaka-weird niya. Sa mahigit dalawang dekada niyang pamumuhay sa mundo, marami na ang nagbigay ng pansin sa kanya. Pero sa tuwina ay bina-basted niya ang mga ito kahit karamihan sa mga ito ay perfect boyfriend material. Wala kasi siyang espesyal na maramdaman kahit subukan niya pa. Pero iba ang nararamdaman niya kay Rhett. Bakit ganito ang nararamdaman niya rito? Hindi nga ba at feeling niya ay psycho ito dahil sa ugali nito? Ngunit ito siya, gustong mag-ambisyon na makita siya nito bilang isang babae. Na umaasang magkakagusto rin ito sa kanya kahit na ba natatakot siya.

Tawa lang ang naging sagot ni Rhett saka niyaya na siya na pumasok sa loob ng chopper. Doon ay tinanong muli siya nito kung saan niya gustong magpunta.

“Sigurado ka ba? Gaano ka ba ka-expert para maggawa mo akong i-tour sa gusto kong puntahan na lugar dito?”

“I maybe weird but I am talented, my Lady. I have a licensed in flying so I can assure you, you’ll be very safe with me. So inuulit ko, saang parte ng Mindanao gusto mong gumala?”

“Camiguin,” sagot agad ni Mira.

Kumunot ang noo nito. “Pero sa Visayas `yun, ah,”

“Oo nga. Pero malapit na rin sa Mindanao,” sagot naman niya. “Matagal ko ng gustong pumunta sa Camiguin dahil alam mo, religious akong tao. Nakapunta na ako sa iba’t ibang religious places dito sa south like Cebu pero ang gusto ko talagang puntahan ay Camiguin. Interested kasi ako na makita `yung Old Guiob Church Ruins roon at---“ bago pa matapos sa pagkukuwento si Mira ay pinaandar na ni Rhett ang chopper.

“`Di mo man lang ako pinatapos,” nakalabing wika ni Mira.

“Eh alam ko naman na wala kang kasing kulit. Isa pa, baka kapag `di kita sinunod, iyakan mo pa ako. Iyon ang pinakaayaw kong gawin mo,”

And now, I know his weakness. Abusuhin ko kaya ito? Natatawang isip naman ni Mira. Tumaba ang puso niya sa mga sinasabi Rhett.

Sa kabila ng weirdo na ugali nito ay hindi maiwasang makaramdam ni Mira ng kakaiba rito. She was enjoying moments when she was with Rhett. Nakakaramdam siya ng kilig rito. Natutulala siya. Tumataba ang puso niya sa saya. Iyon ba ay dahil ito ang naging first kiss niya, gaano man kasama ang dating noon sa kanya?

Eh hindi ba’t noong una pa lang ay attracted ka na talaga sa kanya?

Pero hindi sapat na dahilan iyon. Totoo ba ang love at first sight? At ganoon ba talaga kabilis ma-develop ang pag-ibig? O tiwala man lang sa isang tao na masama ang reputasyon noong una pa lang. Nagtalo na naman ang isip ni Mira. Bago ang mga nararamdaman ni Mira kaya nahihirapan siyang hawakan ang mga iyon.

Kulang-kulang isang oras lang ay nasa Camiguin na sila Mira at Rhett. Gaya ng kagustuhan ni Mira ay pinuntahan agad nila ang Old Guiob Church Ruins. Nakakalungkot isipin na nasira ng ganoon ang bahay ng Diyos. Pero sa isip-isip ni Mira, isa lang iyong patunay na kahit samantalahin man tayo ng kalamidad, masira man tayo ay hindi iyon dahilan para tayo ay sumuko. Kahit papaano kasi ay may matitira pa rin sa atin at iyon ang puwede nating gawing simula para mabuhay muli.

“Ang ganda ng lugar. I wish I could take a picture and posts it on Facebook. Siguradong magugustuhan ng ilang kaibigan kong missionary teacher kapag nakita nila ang mga ito. Kagaya ko ay pangarap rin nila na makapunta rito, eh,” wala sa sariling bigkas ni Mira.

“You can take pictures and posts it if you want,” pagbibigay ni Rhett sa kanya ng permiso.

“Seryoso ka?”

“Ayaw ko lang na umatungal ka ulit,”

Napangisi siya. Pero nang maalala ay nalungkot. “Wala akong camera at nasira ang cellphone ko.”

Inilabas ni Rhett ang cellphone nito mula sa bulsa. “You can use mine. May camera `yan,”

Nanlaki ang mga mata niya. “Seryoso? Ipagkakatiwala mo sa akin ito?”

Napakamot ito ng ulo. “Bakit ba ang dami mo pang paninigurado at tanong? Why don’t just do it? Hindi ka ba natatakot na baka mamaya ay magbago ang isip ko?”

“For a guy who is obsessed for security and hard to give his trust to someone, you shocked me,”

Huminga nang malalim si Rhett at maya-maya ay hinawakan nito ang balikat niya. “I have a very bad past, Mira. At tama ka, obsess ako sa security at mahirap para sa akin ang magtiwala dahil sa mga nangyaring iyon. But I realized, I’ve been locking up myself with that. Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin nang sabihan mo ako ng psycho? Hindi ko matanggap iyon dahil alam kong hindi ako ganoon. Gusto ko man na magalit sa `yo ay hindi ko naman maggawa for some stupid and unexplainable reasons. Kaya nga naisip ko na sa halip na magalit ay subukan ko na lang na magbago.

“I gave you an internet access to give you a meaning that I am going to trust you. Tinitikis kita dahil ayaw kong pagkatiwalaan itong nararamdaman ko pero sa pagkakataong ito ay hinayaan ko dahil gusto kong magtiwala na magiging mabuti ang idudulot mo sa akin. I wanted to be open for you, Mira. I will try. I am doing this things because I want to learn how to trust someone. And I want to start it with you because---“ sandaling tumigil pa ito. Parang pinapawalan ng hininga si Mira habang nagsasalita ito.

“Because I think I like you, Mira. I want to be with you.”

Nagkatotoo ang lahat ng wishful thinking ni Mira noon. Pero sa halip na kiligin siya ay pinangunahan ng takot si Mira. Nagulo rin ang dati ay tahimik na isip niya. Tama ba na magkagusto ito sa kanya? Agad-agad?

At tama rin ba na maging ganito ang pakiramdam ni Mira? May experience na siya sa mga lalaking nagkakagusto sa kanya. Pero iba ang sitwasyon ngayon dahil ito ang unang beses na gusto rin niya ang lalaking nagkakagusto sa kanya. At sa kasamaang palad, it happened to be a wrong kind of guy.

“HANGGANG ngayon, Ate Lora, hindi pa rin ako makapaniwala na nakikita ko ang ngiti diyan sa mga labi mo…” nahihiwagaang wika ni Mira habang kausap niya ang nakakatandang kapatid sa Skype. Kasalukuyan itong nasa New York kasama ang Greek business tycoon na asawa nito. Dahil hanggang ngayon ay malaya pa rin siyang nakakapag-internet, pagkatapos ng trabaho niya ay nililibang niya ang sarili niya sa pakikipag-usap sa mga ito. At isa iyon sa mga araw na iyon.

“Hmmm… Nagbago na ako, Mira. At siguro naman ay may hint ka na rin kung bakit,” nagniningning pa ang mga mata na sagot ng Ate Lora niya. Tumingin pa ito sa likod. Doon ay nakita niya ang asawa nitong si Alexandros. Mukhang nasa study room ang mga ito dahil nakaharap sa laptop ang asawa nito. Pero nang binigyang tingin ng Ate Lora niya ang asawa ay itinigil nito ang ginagawa. Ngumiti pa ito at tumayo. Pero sinaway naman ito nang Ate niya nang akmang lalapitan nito ang asawa. Sinabing ayos lang sila at ituloy na lang muna nito ang ginagawa. Sumunod naman ang lalaki.

In love na in love ang dati ay halos walang pakialam na Ate niya sa asawa nito. Bihirang ngumiti ang kanyang Ate pero ngayon ay napakaraming dahilan nito para maging masaya. Bukod sa asawa ay magkakaanak na rin ito. Magkakapamangkin na siya. Masaya si Mira sa nangyari sa Ate niya, lalo na sa love life nito. Ramdam na ramdam niya na mahal na mahal ito ng asawa.

“I’m happy for you, Ate. Mabuti ka pa…” hindi maiwasang masabi ni Mira. Kahit masaya siya para sa kapatid, hindi naman niya mapigilang malungkot rin. Bahagyang naiinggit siya sa Ate niya.

Naging dahilan iyon kung bakit napakunot ang noo ng kanyang Ate Lora. Naramdaman nito ang lungkot niya. “Mira, may problema ba?”

Pinilit umiling ni Mira pero sa halip ay napatango siya.

Lalong naguluhan ito. “Ito ba ay tungkol sa sitwasyon mo ngayon? Ang akala ko ba ay maayos ka diyan? Gusto mo bang---“

“`Wag kang mag-panic, Ate. I am fine here. Mabait naman ang amo ko. He was just a little weird pero tinatrato naman niya ako nang maayos. Its just that...” hindi niya maituloy ang sasabihin.

“Its just that ano?”

Nag-alinlangan si Mira kung sasabihin niya ang problema. Kapag may problema siya ay madalas ayaw niyang mag-open dahil ayaw niyang isipin ng mga tao na mahina pa rin siya dahil hindi niya kayang lutasin iyon sa sariling paraan niya. Pero lahat ng katapangan ay mayroon rin na katapusan.

Huminga siya nang malalim. “Ate Lora, mahirap bang ma-in love?”

Sa halip na mapakunot noo ay napangiti ang Ate niya. “Hmmm… Kailangan ko ba talagang mag-alala? Ibig sabihin ba nito ay---“

“Ate, sagutin mo muna ako bago ako magkuwento sa `yo,” nakalabing wika niya. Mamaya na ang intrigahan. Gusto muna niyang magkasagot sa kanyang mga tanong.

“Well, depende. Sa kaso ko, mahirap. Iba ang love story namin ni Alexandros. Hindi kami originally na nagmamahalan nang magkakilala kami. And we are both stubborn. Pero nakapag-adjust kami sa isa’t isa. In the end, we accepted each other flaws. Ganoon naman kasi dapat ang nagmamahal. Kahit anong nakaraan, kahit gaano pa kasungit ang ugali, tatanggapin mo pa rin sila dahil mahal mo siya. Dahil masaya ka na kasama siya. Masaya ka sa piling niya. Siya lang ang nakakapagpasaya sa iyo.”

Natigilan sandali si Mira sa sinabi ng Ate niya. “Kahit gaano man kasama ang ugali niya? Kahit may pagka-weirdo siya at tila may mabigat na dinadala?”

Tumango ang kanyang Ate. “Oo. Kung totoong mahal mo o gusto mo siya, tatanggapin mo ang lahat sa kanya. Kung gusto mo siyang makasama, kailangan mong unawain ang lagay niya.”

Tumango-tango si Mira. Sa kanilang tatlo, palaging sinasabi ng mga tao na siya ang pinakamabait, siya ang pinaka-affectionate. Pero siguro ay may limitasyon talaga ang kabaitan kaggaya na lang ng katapangan. Dahil pakiramdam ni Mira ngayon ay napakasama niya dahil hindi siya marunong umintindi.

Dalawang araw na ang nakalipas makatapos magtapat ni Rhett ng damdamin kay Mira, pero sa halip na magkaayos sila, pinili ni Mira na ilayo ang sarili niya. Hindi naman niya inayawan ang pagtatapat nito pero nanghingi siya ng oras dito para mag-isip. Naguguluhan kasi siya sa nararamdaman niya. Bukod kasi sa bago sa kanya ang damdamin noon, tila napakabilis rin ng pangyayari.

Kaya lang ay tila pinagsisihan niya ang mungkahi niya. Dahil hindi maganda ang pakiramdam niya sa paglayo niya kay Rhett…tila nasasaktan siya sa kaalamanang alam niya na nasasaktan rin niya ito. Nakita kasi niya ang sakit sa mata ni Rhett nang manghingi siya ng oras rito. Ganoon pa man, tinanggap nito ang gusto niya.

Malakas ang damdamin na nararamdaman niya kay Rhett. Masaya siya na kasama ito kaggaya na lang ng isa pang sinasabi ng Ate Lora niya kung ano ang pakiramdam na in love. Kahit sandali pa lamang silang nagkakasama ay maari na niyang masabi iyon. Kinikilig siya at attracted siya rito. Kaya lang ay masyado siyang nabibilisan. Parang kailan lang ay inaaway-away pa niya ito. Medyo naasar siya rito tapos ngayon ay malalaman niyang may gusto rin ito sa kanya? At siya, kahit may nararamdamang kakaiba ito, tama ba na pagtuunan niya iyon?

May hinala na si Mira sa kakaibang at bagong damdamin sa puso niya kaya lang ay bukod sa mga dahilang nasa taas ay marami rin siyang pag-aalinlangan. Hindi niya pa lubusang kilala si Rhett. Tama ba na magtiwala siya rito ganoong may masamang reputasyon ito? Mabait man siya pero may limitasyon rin iyon. Hindi sa lahat ng oras ay kaya niyang maging mabait at mapagtiwala. Lalo na at nakita niya muna ang bad side ng pagkakatiwalaan niya bago ang good side noon.

Ganoon pa man, sa loob ng dalawang araw ay ipinapakita sa kanya ni Rhett na nagbabago ito. Dati ay hindi ito nagpapakita pero ngayon ay palagi lang itong nasa paligid. Sinasabayan pa siya nitong kumain kahit na ba hindi niya kinakausap ito. Hindi rin naman ito nagsasalita dahil nirerespeto nito ang paghingi niya ng space pero hindi nito pinapakita na pinapabayaan na lang siya nito. Tuwing umaga rin kapag lalabas na siya ng kuwarto niya ay nakakita siya ng note roon na may nakalagay na “Good Morning, Beautiful.”. Sino pa ba ang maaring magbigay noon sa kanya kundi si Rhett. Parang nililigawan siya nito. Alam niya na ginagawa nito iyon para patunayan ang pagkagusto nito sa kanya.

Kaya lang ay dalawang araw pa lamang ang nakalilipas. Hindi pa gaanong kabuo ang isip niya kahit na ba may nararamdaman siya rito. Bago sa kanya ang damdamin at ngayon pa nga lang niya nararamdaman nang husto si Rhett…Kailangan pa niya ng kaunting oras para mag-isip kung tama nga ba na hayaan niya itong tuluyang makalapit. Ayaw naman rin kasi niyang paasahin ito gayong nag-aalinlangan pa siya.

Nasa ganoon silang pag-uusap ng Ate niya nang makarinig siya ng pagpatak ng ulan mula sa bubong. Nanlaki ang mata niya at naalala ang mga nilabhang damit kagabi. Siya ang gumagawa ng mga iyon dahil kahit ginagawa rin iyon ni Mang Chito, ayaw na niyang dumagdag pa sa maraming ginagawa nito sa loob ng bahay. Isama pa na nakakahiya dahil gamit na rin naman niya iyon. Hindi naman ganoon kabigat ang gawain niya kaya marami siyang oras sa sarili niya kaggaya ngayon. Nagpaalam si Mira sa Ate niya at lumabas ng bahay para kuhanin ang damit.

Malakas ang ulan kaya naman habang kinukuha ang mga nabasa na rin na damit ay nabasa rin si Mira. Marami pa naman ang damit niya kaya medyo nagtagal siya sa ulanan. Nang matapos siya ay nagulat pa si Mira nang makita si Rhett na nasa may pintuan na papasukan niya pabalik ng bahay. Mukhang kakarating lang nito roon. May dala itong tuwalya at inabot nito iyon sa kanya. Kinuha rin nito ang mga dalang sinampay niya at sinamahan siya sa pagsasampay muli noon sa loob naman ng bahay dahil kahit natuyo iyon ay nabasa muli ang mga damit.

“Salamat,” sabi niya rito nang matapos sila.

Ngumiti lang ito saka nagpaalam na sa kanya. Naasar si Mira nang makaramdam siya ng panlulumo dahil sa pag-alis agad nito. Pero hindi ba at siya ang humingi ng oras para makapag-isip siya? Kapag palagi siyang nilapitan ni Rhett, siguradong magugulo ang isip niya. Tama lang ang mga ginagawa nitong minsan-minsan na pagsulpot. Hindi na dapat siya nag-iinarte kapag hindi siya nito kinakausap o pinipilit ang sarili sa kanya. Desisyon niya ang lahat ng iyon.

Pero bakit ganito ang nararamdaman niya? Pakiramdam niya ay hindi naman talaga niya kailangan pa ng oras para makapag-isip. All the sign was there. Kailangan lang talagang mawala ng takot niya at pakinggan ang puso.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.