Masarap sanang isipin na may tao ngang nakakaintindi sa kanya at naa-appreciate siya. Isang tao na bagamat malaki ang kaibahan sa kanya ay magiging kaisa niya sa mga bagay na parang di naiintindihan ng iba. Kay Kristian lang naman niya iyon naramdaman.
"Pero masyado yatang maaga para isipin ko ang soulmate na 'yan,” bigla niyang iwas.
"Masyadong maaga? Ikaw itong asang-asa na basta na lang siyang susulpot dito kahit bukas pa siya pupunta. Tingin ko hindi ka interesado sa commercial. Mas interesado ka kay Kristian Cordero. Hinay-hinay lang sa pag-ibig. Huwag masyadong umasa."
"Crush lang naman," katwiran niya at nakangiting nag-punch ng bill sa kaha.
Umangat agad ang tingin niya nang bumukas ang pinto. "Good evening!" Nawala ang ngiti niya nang makitang si Homer ang pumasok.
"Homer! Napadalaw ka yata sa amin,” anang si Betchay at sinalubong ito. “Balita ko bigatin ka na. Ilibre mo naman ako kahit isang slice na cake lang."
"Sige. Ano bang gusto mo?" tanong nito at inilabas ang wallet.
Itinuro ni Betchay ang mga nakahilerang cake sa counter. "Gusto ko ng mango creme at chocolate mousse. Tig-isang slice lang."
"Iyon lang pala.” Tumingin ito sa kanya. “Ikaw? Anong gusto mo, Alta?"
"Salamat na lang. Busog pa ako,” aniya at nag-concentrate kunwari sa paglilinis ng counter. Nakangiti ang mga mata ni Homer pero naalala pa rin niya ang talim at sakit sa mga mata nito. Hindi niya alam kung bakit nakakaramdam siya ng pagkailang at takot dito.
"Tumatanggi sa biyaya. Hindi maganda ang ganyan,” sabi ni Betchay.
Nilapitan siya ni Homer. "Nagtatampo ka pa rin sa akin. Gusto ko na ngang bumawi."
“Wala akong problema sa iyo. Ikaw ang may problema sa akin. At hindi yata ito ang tamang oras at lugar para pag-usapan iyan. May trabaho pa ako,” aniya sa malamig na boses at di nag-abalang sulyapan ito.
Nakaka-frustrate. Si Kristian ang gusto niya pero si Homer ang lumabas. Tiyak na di ito matutuwa oras na malaman nitong hinihintay niya si Kristian. Huwag sanang magkwento ng ng kung anu-ano si Betchay dito dahil tiyak na mahabang diskusyon na naman iyon. Ayaw niya ng kahit anong negatibong maririnig tungkol kay Kristian. Minsan lang siya maging masaya. Hindi ba pwedeng maging masaya siya ng walang kumokontra?
Bumuntong-hininga ang lalaki. "Hihintayin kitang makatapos ng duty mo. Dito lang ako."
Umorder ito at malungkot na umupo sa isang tabi, nagmamasid sa kanya. Hindi niya gusto ang ganoong pakiramdam. Parang nagpapaawa ito.
"Kawawa si Homer. Matagal nang umaasa 'yan na papansinin mo,” puno ng simpatyang sabi ni Betchay.
"Hindi ko siya pinaasa kahit na kailan. Kaibigan lang ang tingin ko sa kanya. Alam niya iyon sa simula pa lang." Mariin ang mga salita ni Alta sa pagkakataong ito.
Ayaw naman niyang iwasan si Homer dahil naging mabuti itong kaibigan sa kanya. Mas mahalaga ang pagkakaibigan nila. Ang Homer was a lonely person. Ulilang lubos na ito at walang pamilya. Silang mga atleta na lang ang kaibigan nito at itinuturing na pamilya.
"Sana ako na lang ang pansinin niya para hindi sayang ang kaguwapuhan niya. Hinding-hindi siya tatanggihan ng alindog ko,” sabi nito at nakangiti pang kinawayan si Homer.
Sana nga ay matuon na ang atensiyon nito sa ibang babae para naman sumaya na ito. Ayaw niyang umasa pa ito sa kanya.
Nauna siyang nag-out kay Betchay. Ito at isa pang part-timer na estudyante ang magsasara ng cafe na kadalasan ay pasado alas tres na ng madaling-araw nagsasara para sa mga galing sa gimikan. Matiyaga siyang hinintay ni Homer. Dati na siya nitong ihinahatid pero ngayon ay naiilang na siya.
Tahimik silang naglakad. Bandang Paco pa ang dormitoryong inuupahan niya na may kinse minuto ring lalakarin mula sa cafe. Matao pa sa bandang Malate habang may kadiliman at halos walang tao sa kalye papunta sa dormitoryo niya.
Kung may iba lang pwedeng daanan na mas malapit ay hindi siya dadaan doon. Puro mga warehouse kasi ang nadadaanan at mukhang deserted na kapag gabi. Kahit na may ilaw doon ay mukhang madilim pa rin. Hindi siya natatakot kapag dumadaan doon. Maliwanag naman dahil sa buwan at nakabukas ang mga ilaw. Pero sa gabing iyon, hindi niya alam kung bakit iba ang dalang kilabot ng dilim sa balat niya.
"Alta, galit ka ba sa akin?” tanong ni Homer na nakasunod pa rin sa kanya. “Ikaw lang naman ang inaalala ko. Ayokong mawala ka sa akin. Oras na tanggapin mo ang commercial na iyon, pakiramdam ko lalayo ka na sa akin."
"Trabaho lang iyon,” mariin niyang sagot. “Commercial lang iyon. Bakit naman kailangang madamay ang pagkakaibigan natin?”
"At si Kristian Cordero?"
"Kung pwede huwag mo akong pangunahan. Mabait siya sa akin. Anong masama doon? Kung gusto mong bumawi sa akin, huwag mo nang pakialam ang tungkol sa amin ni Kristian," anang dalaga at mas binilisan ang lakad.
Magaan ang pakiramdam niya kapag nasa paligid si Kristian. Masaya siya. Bakit di na lang siya nito hayaang sumaya? Wala naman siyang ginagawang masama. Wala siyang inaapakang tao. Napapagod na rin siyang laging ikinokonsidera ang ibang tao, ang opinyon ng iba. Di ba pwedeng minsan sa buhay niya ay walang kokontra sa mga bagay na magpapasaya sa kanya? She deserves that.
Limang mga lalaki na pawang nakaitim ang biglang sumulpot sa harapan nila. Hindi naman niya masabing mga tambay na punkista ang mga ito. Mukhang maayos manamit. Parang mga emo nga lang na nakaitim na T-shirt at itim na pantalon. Nakahawi ang buhok ng apat sa isang gilid. Di niya napansin kung saan galing ang mga ito. Parang basta na lang sumulpot. Ni wala siyang narinig na kahit anong kaluskos.
"Homer, sobrang tagal yata ng ligawan na 'yan. Nakaka-boring na. Nakakarami na kami pero isa na nga lang 'yan di mo pa mapasagot," anang lalaking may hikaw sa kilay at may kahabaan ang buhok kaysa sa tatlo. Mukhang ito ang tumatayong leader sa tatlo. Sa tantiya niya ay nasa mid-twenties lang ito pero parang matanda na ang mga mata nito.
"Huwag mo akong pakialaman dahil hindi ko pinakikialaman ang teritoryo mo, Dexter," angil ni Homer. Nagulat siya. Kilala ni Homer ang mga ito? Ibinalik niya ang tingin kay Dexter. Mukhang di naman ito ang tipo ng dinidikitan ni Homer. Bukod sa maputla ang lalaki at kinulang sa dugo ay parang dugyutin pa ito. Guwapo sana pero mukhang di mahilig maligo.
"Sino ba ang mga iyan?" tanong niya at naramdaman ang tensiyon ni Homer. May nangyayaring di maganda. Hindi niya gusto ang mga lalaki sa harap niya. May dalang panganib ang mga ito, kahit pa nga kilala ito ni Homer.
Luminga siya sa paligid. May mga tao ba siyang posibleng mahingan ng tulong kung sakaling gusto ng gulo ng mga ito? Dapat na ba siyang tumawag ng 911? Lowbat nga pala ang cellphone niya. Maiisip kaya ni Homer na humingi ng tulong?
"Ikaw ba ang magpapakilala sa amin o kami na ang magpapakilala sa mga sarili namin?" tanong ni Dexter.
Nakuyom ni Homer ang palad. "Last warning ko na ito. Iwan na ninyo kami at huwag ninyo kaming pakialaman. Alam ko ang mga responsibilidad ko."
"Naiinip na si Panginoong Mercado. Your choice. Will you turn the mezzo or we will finish the job?"
Mezzo? Ano iyon? Panginoong Mercado? Parang leader ng kulto. O baka naman isang drug lord o kung anong sindikato. Simpleng tao lang si Homer. Hindi naman ito mai-involve sa mga sindikato. Hindi ba’t istrikto ang mga atleta sa isyu ng droga? May drug test pa nga sila. Hindi man niya nakikitang nagsisimba si Homer, di naman ibig sabihin ay basta na lang itong magmimiyembro sa isang kulto.
Sa isang iglap ay nagbago ang anyo ng mga lalaki sa harapan ni Alta. Naging mapula ang mata ng lima, humaba ang mga kuko at dahan-dahang tumubo ang mga pangil. Umangil ang mga ito sa kanya na parang mga hayop.
Kumurap siya ng ilang beses. Parang nag-iimahinasyon lang siya o nananaginip. Subalit hindi siya inaantok dahil uminom siya ng kape kanina bago umalis. Bampira. Mga bampira ang nasa harapan nila.