Lalo siyang napaiyak nang niyakap siya nina Olivia at Kristoff. Hinaplos ni Olivia ang likod niya. “Alam ko masakit na malamang ulilang lubos ka na. Hindi rin maganda ang iniwang reputasyon ng ama mo. Pero kami na ang magiging magulang mo ngayon. Kami na ang magiging bago mong pamilya. Kami ang babawi sa hindi naibigay ni Romeo sa iyo.”
Umiyak siya at tuluyan nang pinakawalan ang galit niya. Sa loob ng mahabang panahon ay hindi buo ang pagkatao niya dahil kahit ang sarili niyang ina ay di masabi ang mga bagay tungkol sa nawawala niyang ama. Marami siyang hinanakit dito ngunit ngayon ay unti-unti na iyong napapawi dahil nararamdaman niya ang pagmamahal na ibinibigay ng bago niyang pamilya. Nasagot na rin ang katanungan sa nawawalang bahagi ng pagkatao niya.
“Sa bahay ka na uuwi mula ngayon,” sabi ni Kristoff. “May kuwarto na kaming ihinanda para sa iyo.”
“Pero pwede rin tayong roommates kung gusto mo,” sabi ni Rafflesia na ayaw nang bumitiw sa braso niya. Parang gusto na siya nitong iuwi.
Masaya man siyang umalis subalit nalulungkot din siya na umalis sa main mansion. Malungkot siyang lumingon sa mag-asawang Pinunong Kaptan at Lupita. Ang mga ito ang kumupkop at tumanggap sa kanya sa Valle. Parang di pa siya handang iwan ang mga ito. Nang lingunin niya si Kristian ay nakasandal lang ito sa salamin habang walang kangiti-ngiting nakatingin sa kanya. Hindi niya mabasa ang iniisip nito. Masaya ba ito para sa kanya? Malulungkot ba ito na hindi na sila magkakasama sa isang bahay?
Ibinalik niya ang tingin kay Kristoff. “Kailangan po bang ngayon na ako lumipat ng bahay?”
“Alta, kailangan mo nang sumama sa kanila. Isa ka nang de Angelis. Kailangan malaman mo na ang bagong responsibilidad mo sa tunay mong angkan,” sabi ni Pinunong Kaptan sa matatag na boses subalit nakikita rin niya ang lungkot sa mga mata nito. Ito ang naging unang tatay niya. Ipinaramdam nito sa kanya kung paano magkaroon ng ama.
“Parte ka pa rin ng pamilya namin,” sabi naman ni Lupita na mangiyak-ngiyak habang hinahaplos ni Pinunong Kaptan ang balikat. “Dito ka lang din sa Valle. Pwede mo kaming dalawin. Palagi pa rin naman tayong magkikita.”
Niyakap niya ang mag-asawang Maharlika pati na rin si Eskaya. Nang lumingon siya sa direksiyon ni Kristian ay wala na ito doon. Umalis na ito. Nakaramdam siya ng lungkot. Di ba siya nito babatiin na nakita niya ang pamilya niya? Hindi man lang ba ito magpapaalam sa kanya?
“Magpapatulong po ako kay Estancia na mag-ayos ng gamit,” sabi niya at pinahid ang luha habang pabalik ng kuwarto niya.
Pagpasok niya sa kuwarto ay naroon na si Estancia at inaayos ang gamit niya. “Aalis ka na daw. Sandali lang ito,” nakangiting sabi nito.
“H-Huwag na. Nakakahiya naman,” sabi niya.
“Hayaan mo si Estancia na ayusin ang gamit mo. Pasasalamat daw iyan dahil sa pagiging mabait mo sa kanya,” anang si Kristian. Napatuwid siya ng tayo at marahan itong nilingon. Nakasandal ito sa sliding door palabas ng terrace habang nakapamulsa. Hindi niya ito naramdaman pagpasok niya at di niya napansin na nakatayo lang ito doon.
Nagulat na lang siya nang marinig ang pagsara ng zipper ng maleta. Naka-empake na ang lahat ng gamit. “Ma’am, ilalabas ko na po ito.”
Niyakap niya si Estancia. “Salamat, ha?”
“Hinihintay ka nila sa baba,” sabi ni Kristian nang di pa rin siya tuminag sa kinatatayuan kahit na nakalabas na si Estancia.
Humugot siya ng malalim na hininga dahil pakiramdam niya ay itinataboy na agad siya ni Kristian. Nakakuyom ang palad niya itong nilingon. “Alam mo na ang tungkol sa tatay ko kanina pa?” Nilingon niya ang bakante niyang closet. Kaya siguro ipina-empake agad nito Estancia. Ganono ito ka-excited na paalisin siya?
“You have to realize your role with your new family, Alta,” he said in a deep voice as he walked towards her. “Hindi ka na isang simpleng rojo lang dito. Kabilang ka sa isa sa pinakamalalakas na angkan. May mga responsibilidad ka sa lahat ng nandito sa Valle.”
Responsibilidad. Ayaw na yata niyang marinig pa ang salitang iyon lalo na’t parang isang responsibilidad lang ang tingin nito sa kanya. An inconvenient responsibility. “Alam ko iyon. Salamat sa pagbibigay sa akin ng bagong buhay at pagdadala sa akin dito sa Valle. Kundi rin dahil sa iyo hindi ko makikilala ang tunay kong pamilya.”
Tumayo ito sa harap niya. “I am happy for you.”
“Masaya ka rin ba dahil mawawalan ka ng responsibilidad sa akin?” tanong niya sa nanginginig na boses.
“You will always be my responsibility since I turned you, Alta. Lagi pa rin kitang babantayan at aalamin ko pa rin ang nangyayari sa iyo. Alam ko naman na magiging masaya ang mga de Angelis na maging parte ka ng pamilya nila.”
Pinagsalikop niya ang mga kamay. “P-Pwede bang yakapin kita. Pagkatapos nito hindi na kita guguluhin kahit kailan.”
Humakbang ito paurong na parang biglang natakot na dambahin niya ito. “Alta, mas mabuting huwag na lang. We are not good for each other. Para sa iyo din ito. Mas maganda kung mag-focus ka sa pagiging de Angelis mo. Baka naiinip na sila sa paghihintay sa iyo.”
“Bakit ganyan kalamig ang puso mo?” tanong niya kay Kristian nang naglakad ito papunta sa pinto para buksan iyon.
Binuksan nito ang pinto saka siya nilingon. Wala siyang mabasang kahit ano sa mga mata nito. “For your own good. Dadating ang panahon na magpapasalamat ka sa akin. Let’s go.”
May distansiya sa pagitan nila ni Kristian at di sila nagkikibuan hanggang makalabas sila ng mansion kung saan naghihintay na ang mga de Angelis sa kanya. Umiyak siya ng umiyak habang papunta sa mansion ng mga de Angelis.
“Mami-miss mo talaga ang mga Maharlika,” sabi ni Olivia. “Nandiyan lang naman sila.”
“May nami-miss siya doon,” kaswal na wika ni Rafflesia.
Malungkot lang niya itong tiningnan at ipinaling ang tingin sa labas ng sasakyan. Kristian didn’t only break her heart. He also trampled over it. Sana lang ay madali na kalimutan ito. Sana isama sa training ng pagiging bampira niya ang pag-aalis ng pagmamahal niya kay Kristian.