BAHAGYA pang hinihingal si Clara nang bitawan siya ni Alekos. Kahit nakaramdam siya ng sakit sa pagitan ng hita niya, mas nangibabaw pa rin ang saya. Hindi niya pinagsisihan ang nangyari ngayon. Gusto niya si Alekos. Gusto niya ang nangyari sa kanya. Nakaramdam ng kasiyahan si Clara dahil sa unang pagkakataon sa buhay niya, nakagawa siya ng bagay na gustong-gusto talaga niya at hindi napipilitan.
“Okay ka lang?” nagtanong pa si Alekos pagkatapos. Masuyong hinaplos nito ang mukha niya.
Ngumiti si Clara, kapagkuwan ay tumango. “You’re good.”
Ngumisi si Alekos. “Hindi mo pa nakikita ang best ko. Hindi ko pa kayang ipakita. Ito ang unang beses mo. Ayaw ko na masaktan ka.”
“You care for my feelings?”
Bahagyang nagdilim ang mukha ni Alekos. “I took your virginity. Right now, I say you are my responsibility.”
Hindi iyon ang gustong marinig ni Clara mula kay Alekos. Gusto niya na marinig na kaya ganoon ay dahil may nararamdaman rin ito sa kanya. Hindi man pagmamahal na kagaya na lamang ng inaasam niya sa lalaking ito, ang malaman lang na pinapahalagahan siya nito dahil may nararamdaman din ito sa kanya ay mas magiging maayos na sagot na para sa kanya. Gusto niya si Alekos at kahit mahirap, gusto niyang gustuhin rin siya nito.
Alam ni Clara na maaaring mahirap. Kilala si Alekos bilang babaero. Nagmana ito sa ama nito. Hindi na dapat siya umaasa na magugustuhan o seseryosohin rin siya nito. Pagkatapos ng lahat, malinaw na alam nito kung sino siya. Malinaw rin na alam niya kung sino ito sa buhay niya. Hindi magkakasundo si Alekos at ang pamilya niya. Kinamumuhian ng pamilya niya ang pamilya Jason---lalong-lalo na ang ama nina Alekos na si Dimitri Jason.
Beinte tres anyos ang Tita Serena niya, ang bunsong kapatid ng kanyang ama, nang makipag-affair ito kay Dimitri Jason. Masama ang reputasyon ni Dimitri Jason, pero kahit ganoon, nahulog nang husto ang loob ng Tita Serena niya rito. Nabuntis ni Dimitri ang Tita Serena niya pero hindi ginustong pinanagutan ni Dimitri Jason kahit na ba ilang taon na rin nang maghiwalay ito at ang asawa nito. Kaya raw nito na panagutan ang bata pero hindi na gusto muling magpakasal muli. Tama na raw ang isang pagkakamali. Masaya rin daw ito sa buhay binata nito. Hindi rin naman daw mahal nito ang kanyang Tita para magpatali muli. Hindi iyon natanggap ng kanyang pamilya, lalong-lalo na ang kanyang Tita.
Nagpa-abort ang kanyang Tita Serena. Hindi nito gustong buhayin ang anak kung hindi rin naman ito pananagutan nang nakabuntis rito. Ngunit lalo lamang lumala ang sitwasyon. Nagkaroon ng impeksyon ang nangyaring abortion dahilan upang mamatay ito. Sinisisi ng kanilang pamilya si Dimitri Jason nang dahil doon. Galit ang kanyang pamilya kay Dimitri at kahit wala naman na kasalanan ang pamilya nito, kinamumuhian rin iyon ng kanyang pamilya. Kinamumuhian ng mga ito ang lahat ng parte ng buhay ni Dimitri.
Kapag nalaman ng mga ito ang nangyari sa kanila ni Alekos, paniguradong kamumuhian rin siya ng mga ito. Sa tatlong anak ni Dimitri, ang panganay pa na si Alekos ang nagustuhan niya. Ang panganay na may pinakamas maipagkukumpara sa playboy na ama ng mga ito. Pero hindi nakayang pigilan ni Clara ang damdamin.
Unang pagkikita pa lang nila ni Alekos, nagustuhan na niya ito. Mahina siya ng panahon na iyon. Napakalungkot niya dahil malapit nang dumating ang araw na kinatatakutan niya---ang ipakasal siya sa isang lalaking hindi naman talaga niya mahal.
Labing walong taong gulang pa lamang si Clara ay alam na niyang nakatakda na siyang ipakasal sa anak ng kaibigan ng kanyang mga magulang sa negosyo na si Jeffrey. Kailangan niyang pakasalan ito dahil iyon ang gusto ng mga magulang niya. Malaki ang itinulong ng pamilya ni Jeffrey sa kanya at siya ang “pambayad utang” ng mga magulang niya sa tulong ng mga ito noong mga panahong hindi pa ganoon ka-establish ang negosyo nila. Pero hindi niya gusto si Jeffrey, wala siyang nararamdaman rito. Napipilitan lang siya dahil iyon ang gusto ng mga magulang niya.
Masyadong istrikto ang mga magulang ni Clara. Dalawampu’t isang taong gulang na siya pero hindi man lang niya maggawang lumabas nang hindi nagpapaalam sa mga ito. Palagi siyang pinaghihigpitan ng mga magulang niya. Dahil doon, wala siyang masasabing kaibigan niya. Ni unang beses nga lang niya na makalabas na walang kasama nang una niyang makita si Alekos.
Nagkita sila ni Alekos sa isang bar kung saan niya ninais pumunta nang maggawa niyang tumakas sa mansiyon nila. Gusto niyang makalaya, maranasan ang mga bagay na hindi gustong maranasan ng mga magulang niya. Sinubukan niyang mag-inom at nilapitan siya nito. Nakilala niya agad ito dahil minsan na nakita niya ang larawan nito sa mga society pages ng Diyaryo. Pero hindi niya naisip na magiging ganoon ang reaksyon ng kanyang puso sa pagkakita niya sa personal sa anak ng lalaking dapat ay kinamumuhian rin niya.
Napakaguwapo ni Alekos Jason. Kakaakit-akit pagmasdan ang kulay berdeng mata nito, mapuputing ngipin na sinamahan pa ng napaka-sexy na ngiti at maitim na buhok. Kahit medyo distorted ang ilong nito ay hindi naman iyon nakabawas sa kabuuang kaguwapuhan ng mukha nito. Kapansin-pansin rin kaagad ang katangkaran at magandang katawan na binagayan ng maputing kutis nito. Hindi niya naggawang pansinin iyon dati dahil nang makita niya pa lang ito sa diyaryo ay hindi na niya ninais pa na pakatitigan ito. Buhay rin ang galit sa puso niya dahil sa nangyari sa kanyang Tita Serena. Pero hindi niya naiwasan iyon nang makita niya ito sa personal, lalo na at sumabay rin ang kakaibang tibok ng puso niya na ngayon lang niya naramdaman. And right there and then, Alekos charmed him.
Hindi nahirapan si Alekos na kuhanin ang damdamin niya. Nang yayain siya nitong lumabas muli pagkatapos ng pagkikita nila sa bar ay pumayag siya dahil nagkaroon siya ng matinding pakiramdam na gusto na makasama muli ito. Matalino at charming ito. Gumawa siya ng paraan upang makatakas muli upang makasama ito. Ilang linggo silang patago na nagkikita at lalo lang noong pinalaki ang romansa. Sa kabila ng maling pagsasama nila, nahulog ang loob niya rito. Gusto niya ang damdamin kapag nagkakalapit sila, kapag nakikita at nakakausap niya ito.
Napatunayan ni Clara na totoo nga na masarap gumawa ng mga bagay na bawal.
At ngayong araw ay naggawa na ni Clara na ibigay ang sarili rito. Bawal, mali at dapat pagsisihan niya pero masaya si Clara. Pakiramdam niya ay bukod sa gusto, mahal na rin niya si Alekos. Hindi naman siguro mali na maituturing na ibigay ang sarili sa taong mahal niya. Ngunit sa kabila ng lahat, ayaw alisin ni Clara na magiging matagumpay ang lahat. Walang sinasabi sa kanya si Alekos na mahal siya nito. Wala itong sinasabi kung ano nga ba sila. Ayaw niyang umasa lalo na at kilala niya ito. Babaero ito. Masaya na siya na kahit papaano, nagkaroon siya ng pagkakataon na maramdaman na magmahal, gumawa ng mga bagay na gusto niya, lalo na at malapit ng dumating ang araw na matatali na siya sa isang taong wala siyang kahit ano na nararamdaman.
“Marry me, Clara.” Biglang sabi sa kanya ni Alekos.
Marahas na napatingin si Clara rito. Nagulat siya sa binitawang salita ni Alekos. Ngunit sa kabila ng lahat, hindi niya mapigilan na matawa sa sitwasyon. “Sabihin mo sa akin na nagloloko ka lang. Alam mo na hindi magkasundo ang mga pamilya natin. Sa tingin mo ba ay papayagan nila ako na maikasal sa `yo?”
Kagaya niya ay alam rin ni Alekos ang sitwasyon ng pamilya niya. Isa sa mga dahilan kung bakit nagulat siya. Gusto ba nitong sumabak sa giyera? Nakilala na niya si Alekos at alam niyang malakas at makapangyarihan ito. Pero sapat na ba ang nangyari sa kanila upang maggawa siyang panagutan nito? At siya...kaya ba niya na sumabak sa giyera kung sakaling seryoso nga si Alekos? Mahal na nga niya ito pero mahal rin naman niya ang pamilya niya gaano man kahigpit ang mga ito.
Nakakunot ang noo na tinitigan siya ni Alekos. “Kung ganoon...iyon na lang iyon? Papayag ka na hindi kita panagutan pagkatapos ng lahat?”
Napakagat labi si Clara. “Hindi ako kagaya ng babaeng iniisip mo---“
“Alam ko! Kaya nga gusto kong pakasalan ka!” nagsimula nang tumaasa ang boses ni Alekos. Mukhang hindi nito nagugustuhan ang itinatakbo ng usapan nila.
Huminga nang malalim si Clara. “Pero hindi iyon ang gusto kong dahilan, Alekos.”
“Gusto mo na sabihin ko na mahal kita kaya gusto kitang pakasalan, ganoon ba?”
Hindi sumagot si Clara, bagkus ay pinakatitigan niya si Alekos. Kunot na kunot ang noo nito. Mukhang hindi nito nagustuhan ang iniisip niya. Ngunit maya-maya ay lumambot rin naman ang mukha nito at hinawakan ang pisngi niya. Masuyong hinaplos nito iyon at binigyan pa siya nang marahang halik sa mga labi.
“Hindi ko pa kayang sabihin sa `yo ang mga salitang gusto mo, Clara. Wala pa ako ni isa na sinabihan ng salitang mahal ko sila bukod sa mga kapatid at pamangkin ko. Naging saksi ako sa masamang relasyon ng mga magulang ko. Nang dahil sa kanila, hindi ako naniniwala sa pag-ibig sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Tanging pag-ibig lang sa mga kapamilya ko ang alam at pinaniniwalaan ko. Para rin sa akin, ang tanging namamagitan lang naman sa isang lalaki at isang babae ay atraksyon---atraksyon na nawawala, kagaya nang sa mga magulang ko. Napatunayan ko rin iyon sa mga nakilala kong babae sa mga nakaraang taon ng buhay ko. Wala sa kanila ang nagtagal sa akin, walang kahit sino ang nagpatino.
“Pero ikaw, Clara, aminado ako na gusto kita. Attracted ako sa `yo at ramdam ko na matindi iyon. Kadalasan ay nakikipag-date lang ako sa isang babae sa loob ng isang linggo. Kapag nakuha ko na siya, nawawala na ang atraksyon. Pero ikaw, Clara, kakaiba ka sa kanila. We dated for almost a month now. Hindi rin ako nagreklamo kahit madalas na patago lang iyon. At ngayong may nangyari sa atin, sa tingin ko ay hindi ko kayang pakawalan ka pa kagaya ng iba. Mas lalong tumindi ang atraksyon ko sa `yo. Hindi ko maisip ang araw na gusto kong pakawalan ka. I want more of you.”
Kasabay ng pagbabara ng lalamunan dahil sa mga sinabi nito ay nanaba ang puso ni Clara. Nagustuhan niya ang sinabi ni Alekos. “Ganoon rin naman ako, Alekos. Pero kailangan mo na intindihin ang lahat. Alam natin sa simula na mali na ito---“
“Hindi mo kailangang ipaalala iyan. Naisip ko na iyon. At handa kong ipaglaban ka sa kabila ng lahat, Clara. Ganoon katindi ang nararamdaman kong ito para sa `yo.”
Sandaling natulala si Clara. Nabuhay ang pag-asa sa puso niya. “K-kahit mahirap? Kahit maraming komplikasyon? Kahit maaari ka na masaktan? Maipapangako mo ba na masisigurado mo na gawin ang lahat ng sinasabi mo ngayon?”
Tumango si Alekos. “Basta ay pagkakatiwalaan mo ako. At ipapangako mo na simula ngayon ay ako na lang ang magiging lalaki sa buhay mo...”
Namuo ang nakakalokong ngiti sa labi ni Clara. “Possessive, huh?”
Niyakap siya ni Alekos. “Because you’re one of a kind. A treasure I want to keep. And what is mine is only mine....” sinimulan na paulanan muli ni Alekos ng halik ang katawan ni Clara at kahit marami pa sana siya na gustong ipaliwanag ay hindi na niya maggawa dahil nalunod na siya sa sensasyon sa ginagawa nito.
Napakamakapangyarihan ni Alekos. Pakiramdam niya ay palagi siyang nawawala sa katinuan sa tuwing hinahalikan siya nito, lalo na ngayong mas naging mapangahas pa ang halik nito---indikasyon na gusto nitong ipagpatuloy ang ginagawa kanina. At dahil doon, lalo lamang nagkaroon ng dahilan si Clara na magtiwala kay Alekos na gagawin nga nito ang ipinangako nito sa kanya na ipaglalaban siya.
Kagaya ng halik ni Alekos, makapangyarihan rin ito sa totoong buhay. Malakas ito. Kung hindi ito ganoon, hindi nito magagawang matagumpay na pamunuan ang kompanyang iniwan rito ng ama nito. Kaya siyang ipaglaban nito. Kaya nitong tuparin ang mga pangako niya.
Kahit maraming magiging komplikasyon dahil bukod sa magkaaway ang mga magulang niya ay may lalaki na rin na nakatakda sa kanya, kung magagawa naman siyang ipaglaban nito, paniguradong hindi rin naman matutuloy ang kasal.
Gustong magtiwala ni Clara sa unang pagkakataon sa isang tao na hindi pamilya niya dahil mahal niya ito. Nararamdaman rin niya ang sinseridad ni Alekos sa mga pangako nito. Tutuparin nito ang mga pangako nito. At kapag nangyari iyon ay magiging maayos ang lahat sa buhay niya dahil sa unang pagkakataon ay may nakuha siya sa buhay na matinding ginusto niya.