Chapter 29

“MARAMING salamat sa pagtulong mo sa akin, Alekos.”

Hindi kagaya nang tila napapaos na tinig ni Clara nang una itong magpakita sa kanya pagkatapos ng anim na taon, ngayon ay mas maganda ng pakinggan ang tinig nito. Mararamdaman na ang kasiyahan mula roon. Ngunit hindi sapat ang makitang maayos ang lagay nito at ng anak na kakadiskubre niya na nakapa-gitna sa kanila sa loob ng kanyang kotse upang mahawa si Alekos. Pagkatapos ng lahat, hindi mabubura ng ganoon kadali ang sama ng loob niya.

Pero gusto rin na matawa ni Alekos sa sinabi ni Clara. Gusto niyang matawa sa inis. Tulungan ito? Ni hindi niya nga gusto na mapalapit rito. Pagkatapos ng ginawa nitong panloloko sa kanya anim na taon na ang nakakaraan ay nilimot na niya ito. Hindi siya hangal para tanggapin na lamang ito ng ganoon sa buhay niya. Galit siya rito. Hanggang ngayon ay nanatili pa rin iyon at mas lumaki pa dahil sa sikretong nalaman. Ngunit galit rin si Alekos sa sarili dahil pakiramdam niya ay naapektuhan pa rin siya kay Clara. Ang huling bagay na gusto niyang maramdaman ay ang maapektuhan sa kauna-unahang babae na sinubukan niyang pagbuksan ng puso niya pero sa huli ay ginago rin siya.

Ngunit hindi maiiwasan ni Alekos na hindi maramdaman si Clara. Isang bata lang ang pagitan nila. Napatingin rin siya rito dahil sa sinabi nito at sa pagtingin pa lamang niya rito ay nakaramdam na siya ng kakaiba sa puso niya---kagaya na lang ng nararamdaman niya rito anim na taon na ang nakalilipas. Pinabibilis noon ang takbo ng puso niya. Tanging si Clara lamang ang nakakagawa noon sa kanya pero hindi niya inisip na makakaya pa rin nito na gawin iyon sa kabila ng mga lumipas na taon. At kahit sa kabila ng mababakas na pagod dala na rin ng mga nangyari, hindi niya maiwasan na mapansin ang kahit nagkaroon ng kakaunting pagbabago ay nanatili pa rin na magand.

Nakakatawa ang nararamdaman ni Alekos ngayon. Paano niya naggawang isipin ngayon na tila kay sarap pa rin na titigan ng kulay itim na mga mata ni Clara? Ang mga matang minsan ay naisip niya na hindi niya pagsasawaang tignan. Gusto pa rin niya ang mapupulang pisngi na paborito niyang haplusin kasunod ng hindi man ganoong kahaba kagaya ng huli niyang natatandaan.

Pero higit sa lahat ang pinakakagalit ni Alekos ay ang pag-iinit ng kanyang dugo sa pagtingin lang sa mapupulang labi na pagmamay-ari ni Clara. It was full. It looked so tender. At naalala niya ang katamisan ng mga iyon na minsan niyang kinaadikan. Napakarami ng taon ang lumipas. Bakit ganito ang nararamdaman niya? Bakit bumabalik pa rin sa alaala niya ang mga panahong malaya niyang nahahalikan ang mga labi na iyon?

Ang mga labi na gusto niyang maangkin. Muli.

“Alekos,” pinutol ng pagsasalita ni Lexi ang iba’t ibang sensasyong bumabalot sa katawan ni Alekos sa sandaling pagtingin kay Clara at pag-alala ng mga namagitan sa kanila. “Iyon po pala ang pangalan niyo.”

Bumaling ang tingin ni Alekos sa limang taong gulang na batang babae na hindi man siya magsagawa ng mga pagsusuri ay masasabi na niyang anak niya talaga. Ito ang babaeng version niya. Kaparehong-kapareho niya ito ng mga mata na bibihira ka lang makakita sa Pilipinas. Nakuha nito ang maraming anyo niya bukod na lang sa napansin niyang may kaliitan ito. Bagay na sa tingin niya ay namana nito kay Clara na sa edad nitong dalawampu’t anim na taong gulang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang laki at katawan. Nasa 5’1 lang ang tangkad ni Clara.

Lumambot ang puso ni Alekos unang tingin pa lang niya kay Lexi. Kahit ngayon ay ganoon pa rin ang naramdaman niya. He had deep affection to the child already. Kahit marami ang nagsasabi na malupit siya, masasabi rin naman niya na may puso siya para sa mga bata. May mga pamangkin siya sa dalawang magkapatid. Gusto niya ang pakiramdam na nakakasama ang mga ito. Pero mas higit pa sa gusto ang nararamdaman ni Alekos kay Lexi.

Pagmamahal. Madalas na sinasabi ni Alekos na ang tanging pagmamahal na alam lang niya ay pagmamahal sa isang pamilya. Naramdaman niya agad iyon kay Lexi. Ramdam at alam niya na laman at dugo niya ito. Mahal rin naman niya ang mga pamangkin pero ramdam niya na mas matindi pa roon ang nararamdaman niya ngayon kay Lexi. Tama lang talaga na hindi siya nagduda noong una pa lamang na hindi nagsisinungaling si Clara. Pagkatapos ng lahat, minsan rin naman niya na naisip na maaaring magbunga ang nangyari sa kanila.

Aminado si Alekos na malaro siya sa mga babae. Pero maingat siya. Palagi siyang gumagamit ng proteksyon sabihin pa man ng mga babae na mayroon ang mga ito. Ayaw niyang magkaroon ng pananagutan sa isang bata na alam niyang hindi rin niya gustong panagutan ang ina. Ngunit hindi kay Clara. Minsan na inalok niya ng kasal ito. Sa kauna-unahang pagkakataon, gusto niyang managot sa isang babae. Hindi niya kinabahala kung mabubuntis man niya ito dahil pananagutan naman niya ito. Handa siyang pakasalan ito. Pero niloko lang siya nito. Sinubukan niyang limutin ang posibilidad na maaari silang magkakaroon sila ng anak. Naisip kasi niya na kung mangyari man iyon, sasabihin iyon sa kanya ni Clara.

Pero mali talaga siya na nagtiwala siya rito. Minsan na siya nitong niloko, bakit hindi niya naisip na maaaring lokohin siya nitong muli? Si Clara ang pinakamalaki niyang pagkakamali. Dapat ay nalaman niya iyon. Pero sa matinding nararamdaman sa babae, hindi niya ginawang pansinin ang realidad sa relasyon nila. Nagtiwala siya kay Clara. Nirespeto niya ito. Trinato niya ito ng kakaiba sa ibang babae.

At niloko siya nito. Isang lang sa malaking halimbawa ang bata sa harapan niya. Ang anak na kung hindi pa nalagay sa alanganin ay malamang na hindi niya pa makikita.

“At kaibigan po kayo ni Mommy kaya iniligtas niya po ako? Kaya po naging mabait kayo sa akin?” sunod naman agad na tanong ni Lexi na sa kabila ng mga pinagdaanan ay nanatiling aktibo pa rin.

“Hindi ba puwedeng maging mabait ako sa `yo kahit hindi ako kaibigan ng Mommy mo?”

Pinakatitigan siya ni Lexi. “Pareho po tayo ng color ng eyes.”

Dahil anak kita, Lexi. Gusto na sanang sabihin ni agad ni Alekos pero mas gusto niyang marinig mismo ang pagpapakilala kay Clara. “And I find it cool. Ano sa tingin mo?”

Tumango si Lexi. Ngumiti ito. Pagkatapos ay tumingin sa ina nito. “Mommy, bibili po ako ng something sa kanya dahil sinagip niya pa ako. Para po siya hero ko.”

“Tama lang `yun, baby. His role was to protect you...”

Nanlaki ang mata ni Lexi. “So it means, hero po talaga siya? Like superman?”

Tumingin muna sa kanya si Clara bago bumuntong-hininga at nagsalita. “Lexi, siya ang Daddy mo...”

Kumunot ang noo ni Lexi. “Daddy?”

Hindi napigilan ni Alekos na mapatiim-bagang. Sobra-sobra na ito. Kahit ang ideya ng pagkakaroon ng ama ay hindi alam ni Lexi. Ang akala niya ay malupit na siya. Walang puso. Pero binago ni Clara ang pananaw niya. Mas matindi ito kaysa sa kanya.

Trinato niya ng iba kaysa sa ibang babae si Clara. Nirespeto niya ito. Inalok ng kasal. Sinubukang buksan ang puso at gawin ang akala niya ay imposible. Paano naggawa nito na saktan siya nang ganito? Hindi pa ba sapat rito ang naggawa nitong pananakit sa kanya noon?

Kailangan nito na magbayad. Gusto niya. Gaano man katindi at hindi niya maggawang itanggi na may nararamdaman pa rin siya hanggang ngayon kay Clara, hindi maaaring basta-basta na lang niya na tanggapin ang lahat. Ano man ang rason nito, hindi iyon magiging sapat. Napakalaking kasinungalingan noon. Anim na taon ang nawala sa kanya, sa kanilang anak.

Ano pa at madalas siyang bansagan na walang puso dahil sa maraming babae na pinaiyak niya kung hindi niya kayang gumanti sa natatanging babae na gumago sa kanya nang ganoon.

Six Years Ago

“YOU’VE won a lot of boardroom battles, Alekos Jason. Bakit ka kakabahan ngayon? Its just asking a girl’s hand. With an enemy, all right. Pero ilang beses ka ng nanalo sa kalaban. Lagi kang nanalo. You’ll win this time, too.” Sinubukan ni Alekos na kausapin ang sarili upang kahit papaano ay kumalma. Hindi niya maintindihan kung bakit ang lakas-lakas ng tibok ng puso niya habang papunta sa bahay nina Clara.

Kinakabahan si Alekos---isa sa mga damdamin na minsan lang niya maramdaman. Isang lalaki siya na palaging puno ng kumpiyansa. Hindi siya natatakot. Itinatak na niya sa utak niya na walang mangyayari sa kanya kung matatakot siya. Pero hindi niya maiwasan ngayon.

Kahit ilang sandali pa lamang simula nagkasama at nagkakilala ni Clara ay naging importante na ito sa kanya. Kahit siya ay hindi maipaliwanag kung bakit. Perhaps because she was so attractive. Kakaiba ito sa mga babaeng nakilala niya. And maybe because she was a challenge, too. Nang sabihin nito sa kanya ang pangalan nito ay alam na niya agad kung sino ito. Alam niyang hindi dapat niya pa na guluhin ito dahil sa hindi pagkakasunduan ng kanilang pamilya. But he can’t help but chase her.

At nang makuha niya si Clara, lalo lang siyang nagkaroon ng dahilan upang huwag itong pakawalan. Mas lumaki ang halaga nito sa kanya. Inosente ito. At naniniwala siyang kailangan nito ng respeto. Inalok niya itong pakakasalan, pinangakong aayusin ang lahat ng gulo na namamagitan sa pamilya nila. Magiging maayos ang lahat. Makukuha niya ito nang buong-buo. Determinado si Alekos sa kanyang pangako kaya sisimulan niya iyon ngayong gabi.

Hindi niya sinabi kay Clara ang plano niyang pagpunta sa bahay ng mga ito dahil ayaw niyang mag-alala ito. Ramdam niyang hindi pa rin ganoon kakampante sa kanya si Clara sa pangako niya. Hindi niya masisisi ito. Napakahirap naman talagang gawin noon. Pero handa siyang malagay sa hirap dahil ramdam niyang importante sa kanya si Clara. Kakaiba ang nararamdaman niya rito. Higit pa sa gusto ang nararamdaman niya rito. Sa unang pagkakataon sa isang babae ay gusto niyang sumugal.

Isang katulong ng bahay ang nagbukas kay Alekos ng gate. “Sino po ang hanap niyo, Sir?”

“Si Mr. Carlito Navarro, kung maaari.” Ang ama ni Clara ang tinutukoy niya. Bilang head ng pamilya, alam niyang mas nararapat na ito ang kausapin niya.

“May bisita po siya ngayon, eh. Ano po ba ang pangalan niyo?”

“Alekos. Alekos Jason.” Walang dahilan upang itago ni Alekos ang identity. Aaminin rin naman talaga niya ang lahat sa lalong madaling panahon.

Nanlaki ang mga mata ng katulong, mukhang alam rin ang sigalot ng dalawang pamilya. “Pero magagalit si Sir kapag nalaman niyang dumalaw kayo rito. Bakit po kayo pumunta rito?” tumingin sa hawak niyang bouquet ng bulaklak at isang bote ng wine ang katulong. “Wine? Bulaklak? `Wag niyo pong sabihin---“ hindi itinuloy ng katulong ang sasabihin at napahawak na lang sa bibig nito.

“Dadalawin ko si Clara. I will ask for her hand. So if you will---“

Umiling ang katulong. “Hindi po maaari, Sir. Hindi talaga! Hindi kung ayaw niyo rin na masaktan.”

Tumawa si Alekos kahit naguguluhan. Pakiramdam niya ay sobrang nagiging overacting na ng katulong. “Miss, naiintindihan ko naman na kinakabahan ka dahil ganoon rin ako. Alam ko rin na both families are not in good terms. But I’m here to negotiate. Makikipag-ayos ako para kay Clara. I want her. So I will have her.”

“Pero kasalukuyan po na nasa loob si Sir Jeffrey at ang pamilya niya...”

“Jeffrey?” kumunot ang noo ni Alekos. Pero bago pa niya matanong kung sino iyon ay may isang buong pamilya ang lumabas mula sa pangunahing pinto ng bahay. Malapit lang ang gate sa bahay kaya kaagad niyang natanaw. Nakita rin niya agad si Clara. Bihis na bihis ito habang hawak-hawak ng isang lalaki ang kamay nito.

Parang may pumiga sa puso ni Alekos nang makita ang eksena. Hinalikan pa ng lalaki ang kamay ni Clara. Hindi man lang nagprotesta ito, bagkus ay ngumiti pa sa lalaki. Nagkaroon rin ng udyok sa sarili sa Alekos na sa halip na ibigay ang wine na hawak ay basagin iyon sa ulo ng lalaki.

Hindi niya nagustuhan ang nakita. Nagseselos siya. Sa kanya lang si Clara. Gusto niyang siya lang ang nakakahawak rito. Maaari siyang tawagin na sakim ngunit ganoon kahalaga sa kanya si Clara.

Pero bukod roon ay nakaramdam rin ng inis si Alekos sa inasal nito sa lalaki. Nasisigurado niya na hindi iyon ang nakakatandang kapatid ni Clara. Nasa states ito, isama pa na isang beses na rin niyang nakita ang lalaki. Malamang ang nakita niyang lalaki ay ang Jeffrey na iyon. Pero sino iyon sa buhay ni Clara?

“Hindi na ako makapag-antay na maging totoong mag-balae na tayo, Sonia.” Wika ng isang mestiza at may katandaan ng babae sa ina ni Clara.

“Ako rin. Kay tagal kong inantay ito. Sa wakas ay naayos rin natin ang kasal ng dalawang bata...”

Kumunot ang noo ni Alekos. Kasal? At bakit parang base sa usapan ay matagal ng naka-plano ang okasyon na iyon?

Napatingin si Mr. Navarro sa gate ng bahay at nakita siya. Kaagad na naningkit ang mga mata nito at napatigil. Dahilan upang mapatigil din sa paglalakad ang mga taong nasa likod nito. Lahat ay napako sa gate kung nasaan siya. Agad naman na napansin ni Alekos ang pamumutla ni Clara.

“Anong ginagawa mo sa pamamahay ko?!” wika ni Mr. Navarro.

Sa halip na sumagot ay tumingin siya kay Clara na nang magsalubong ang kanilang tingin ay napayuko. “Niloko mo ako.”

Nakakunot ang noo na tinignan siya ni Mr. Navarro. “Kilala mo ang anak ko? At ang mga dala mo ay---“ tumiim ang bagang ng ginoo. “Si Clara lang ang nag-iisang anak kong babae.”

“Ano ang ibig sabihin nito, Carlito? May nobyo si Clara?” sabat naman ng isang matandang lalaki.

“Nobyo? Ang anak ko? Sa isang Jason?” tumawa si Mr. Navarro. “Paano mangyayari iyon? Napakamasunurin na anak ni Clara. Mabait. Matalino. Alam niya ang tama at mali. Matagal na rin niyang alam na ikakasal siya kay Jeffrey sa tamang panahon. Hindi ko lang alam kung anong pumasok sa kokote ng unang lahi ni Dimitri Jason at naisip na papatol sa kanya ang unica hija ko...”

Masakit na marinig ang mga salitang iyon. Ngunit naging mas masakit nang hindi man lang siya maggawang maipagtanggol ni Clara. Nanatiling nakayuko pa rin ito. Halatang iniiwasan siya at pati na rin ang usapan.

Walang pakialam na itinapon ni Alekos ang usapan. Ang pinakaayaw niya sa lahat ay ang gawin siyang tanga. Oo, naramdaman niya ang pag-aalala ni Clara. Pero hindi ba ito nagtitiwala sa kanya? Ramdam naman niya na kagaya niya ay matindi rin ang nararamdaman nito sa kanya. Importante siya rito. Ngunit sa harap ng mga magulang nito, hindi man lang siya nito kinausap. O kahit sinubukan na gawin iyon.

Tinupad niya ang pangako niya kay Clara. Umasa rin siya na gagawin rin nito ang gusto niya. Na mananatili itong kanya, walang ibang lalaki. Ngunit siya pala ang huli. Sa una pa lamang ay nakatakda na itong ikasal sa iba. At hindi man lang nito sinabi iyon sa kanya. Hinayaan siya nito na magmukhang tanga. Inosente pa man ito nang makuha niya pero hindi iyon sapat. Hindi rin naman pala talaga ito magiging buo na sa kanya. Nagsinungaling ito.

Si Clara ang karma ni Alekos sa lahat ng mga babaeng pinaiyak niya.

NAKARAMDAM ng pag-aalinlangan si Clara na lapitan si Lexi ngayong kasama nito si Alekos na nanonood ng TV sa malaking sala ng bahay mismo ng lalaki. Naramdaman niya ang paninikip ng lalamunan at dibdib niya. Kahit wala pang isang araw na magkasama ang dalawa ay tila kay lapit-lapit na ng mag-ama niya sa isa’t isa. Madalas na mahiyain si Lexi sa ibang tao pero totoo nga siguro ang lukso ng dugo. Naramdaman agad ng anak niya iyon kay Alekos.

Pumayag si Clara na sa bahay ni Alekos sila magpalipas ng gabi. Naging masama at katakot-takot ang mga pangyayari para makipag-argumento pa siya sa gusto ni Alekos kagabi. Isama pa na kahit nahuli rin naman agad ang mga nagsagawa ng kidnapping sa kanyang anak, hindi pa rin ganoong nakaka-moved on si Clara. Nakaka-trauma ang nangyari. Kailangan niya ng karamay. Kailangan niya na makaramdam na kahit papaano ay may magpoprotekta sa kanilang dalawa ng anak niya. Masyado ng magulo ang isip ni Clara kahapon upang maisip na mas lalo lang silang mapapahamak sa pagtanggap niya ng paanyaya ni Alekos kahapon.

Ngunit nakapagpahinga na siya ngayon. Nakakain na rin siya ng almusal. Iniwan lang niya saglit ang anak upang mag-ayos. Maayos na ang isip niya. Alam na niya ang kailangang gawin. May lakas na siya. Hindi na niya kailangan si Alekos. Pero sa nakikita ngayon ni Clara, alam niyang mahihirapan na siyang paalisin ito sa buhay niya. Lalong-lalo na sa buhay ng anak niya.

Nabalot ng takot ang kalooban ni Clara.

“Mommy!” bati sa kanya ni Lexi nang makita siya. “Ano po ginagawa niyo diyan? Halika po dito. `Nood po tayo TV kasama si...” tumingin ito kay Alekos at ngumiti. “Daddy,”

Umiling si Clara. Hindi na niya maaari na patagalin pa ito. Sa kabila ng nararamdaman, alam niyang kung patatagalin niya pa ito, sasama lalo ang sitwasyon. “Kailangan na nating umuwi, Lexi...”

Nagulo ang mukha ng anak. “Uuwi? Bakit po? Gusto ko pa po makasama si Daddy. Gusto ko pa po mag-stay dito sa house niya. Sabi niya magsi-swim rin po kami sa pool sa may garden. Nagpunta po kami doon kanina at ang ganda-ganda po, Mommy!”

“Pero---“

Naputol ang pagsasalita ni Clara nang mapatingin siya kay Alekos. Nakataas ang isang kilay nito, nagtataka sa ikinikilos niya. Inaasahan na niya iyon. Malinaw sa kanya na mali ang ginagawa niya. Para siyang walang utang na loob. Pagkatapos ng lahat ng ginawa nito sa kanila para gabi ay basta-basta na lang siya magdedesisyon ng ganoon. Pero naisip niya na babawi si Alekos. Marami itong magagawang gawin. Makapangyarihan ito. At natatakot siya roon. Gusto niyang tumakas.

Tumingin si Alekos kay Lexi. “Hindi kayo aalis ni Mommy mo. Dito lang kayo. You’ll stay with me.”

Namilog ang mga mata ni Lexi. Niyakap nito ang ama. “Talaga po? Yehey! Gusto ko po dito sa house niyo. Ang laki-laki po kasi. Hindi kagaya ng house namin ni Mommy...”

“Hindi mo gusto ang house niyo ni Mommy?”

Tumingin sa kanya si Lexi pagkatapos ay nahihiyang umiling. Sandali na nadurog ang puso ni Clara.

Masakit para kay Clara na hindi niya kayang ibigay ang lahat ng nararapat para sa anak. Malaki ang ipinagkaiba ng buhay niya noong bata pa siya kaysa sa buhay ng anak niya ngayon. Simple lang ang pamumuhay nila at maliit lang ang bahay nila. Hindi rin niya gaanong naibibigay ang mga gusto ni Lexi at alam niya na nalulungkot ito dahil roon. Naiintindihan naman niya ito pero wala siyang magagawa. Sinisikap niya na gawin ang lahat para sa anak, ang mapasaya ito. Pero mahirap ang mabuhay nang mag-isa at walang sumusuporta kahit sarili mo na pamilya.

Ang pamilya na kahit itinakwil siya ay nanatili pa rin sa sarili niya. Sa kabila ng lahat, dala pa rin niya ang apelyido ng mga Navarro. Kilala pa rin siya bilang bahagi ng pamilya nito. Isa sa mga iniisip ni Clara na dahilan kung bakit na-kidnap ang kanyang anak. Dala niya pa rin ang apelyido ng Navarro at dahil sa business na hinahawakan niya, ang akala ng maraming tao ay associated pa rin siya sa makapangyarihan na pamilya na iyon. Maaaring maraming dahilan kung bakit na-kidnap si Lexi. Maaari rin na dahil mukha itong foreigner dahil sa kakaibang mata nito. Hindi man siya sigurado sa kung ano man iyon ay hindi na nagkakahalaga kay Clara ngayong ligtas na ang anak niya. Pero minsan ay naiisip pa rin niya kung paanong walang tumulong sa kanya. Hindi man lang siya naggawang tulungan ng pamilya. Napakasakit ng loob ni Clara tungkol roon.

Nagdilim ang mukha ni Alekos nang mapatingin sa kanya. Ngunit nang ibinalik ang tingin sa anak ay lumambot muli iyon. Hinalikan nito sa ulo si Lexi. “Don’t worry. I’ll make sure that by now, you’ll get what you really should deserve.”

Tumayo si Alekos. Nilapitan siya nito at naramdaman na agad ni Clara ang panginginig. Mali ang naisip niya na sa pagtulog ay nakabawi na siya ng lakas. O dahil ganoon talaga ang epekto sa kanya ni Alekos? Nanghihina siya kapag nakikita ito. She always feel like melting.

“Iniisip mo na umalis? `Wag kang magloko, Clara. Everything comes with a price. Hindi mo na kayang ipagkait sa akin si Lexi, ang anak ko. Dahil sisiguraduhin ko na sa pagkakataong ito? Ikaw ang pagkakaitan ko.”

CHAPTER THREE

“H-HINDI mo puwedeng gawin sa akin ito, Alekos. Anak ko rin si Lexi.”

Nang sa wakas ay makatulog si Lexi ay naggawa na rin na komprontahin ni Clara ang lalaki. Kanina pa niya gustong-gusto na gawin iyon ngunit hindi niya makaya dahil iniisip niya si Lexi. Palagi itong nasa paligid nila ni Alekos. Hindi nila maggawang mapag-isa. Ayaw niyang mag-isip ito ng masama kapag pinag-usapan nila itong dalawa ng ama nito kaya minabuti niya na gawin iyon kapag wala ito sa paligid. Ngayon lang siya nagkaroon ng pagkakataon. Sabay nilang pinatulog ang anak. Kailangan niyang komprontahin ito sa damdamin na kanina pa siya binabagabag.

Tumaas ang isang kilay ni Alekos. Hindi siguro inaasahan nito na agad niyang sasabihin iyon pagkatapos nilang masigurado na tulog na si Lexi. Naging masyado rin na diretso ang sasabihin niya. Pero ayaw na niyang mag-aksaya ng oras. Habang tumatagal ay lalo siyang binabalot ng mga pangamba. Nangyayari na ang kinatatakutan niya. Ang consequences niya sa paglapit rito. Gaganti ito.

At gagawin nito iyon sa pamamagitan ng pag-agaw sa anak niya. Hindi niya makakaya iyon.

“Mahal ko siya. Kailangan niya ako. Mas matagal niya ako na nakasama kaysa sa `yo. Mas kakailanganin niya ako kaysa sa `yo.”

“Na kaya nangyari ay dahil hindi mo ako binigyan ng pagkakataon.” Tumiim ang mga bagang ni Alekos. Ang masayang aura nito kanina habang kasa-kasama ang anak ay malaki ang naging kaibahan ngayong kaharap siya. Nakita niya ang malaking galit sa mukha nito.

“Sinubukan kita na bigyan ng pagkakataon. Pinadalhan kita ng sulat. Pero base na rin sa reaksyon mo ngayon, mukhang hindi mo talaga iyon binasa.”

“Sulat? At ilang sulat, Clara? Sa pagkakatanda ko, isang beses lang ako nakatanggap ng sulat mula sa `yo. At tama ka, hindi ko nga iyon binasa. Naging masyadong masakit para sa akin ang lahat upang basahin pa ang mga naging sulat mo. But come to think of it, kung determinado ka talaga na sabihin sa akin ang tungkol kay Lexi, marami ka pa na pagkakataon. You could have send me more letters. Susubukan mo akong personal na kausapin. Pero hindi ka nag-effort.”

Tinanggap ni Clara ang naging akusasyon dahil tama si Alekos. Hindi siya naging determinado na aminin rito ang lahat at alam niya na mali iyon.

“Kung binigyan kita ng pagkakataon, ano ba ang mangyayari?”

Palaging iniisip ni Clara iyon sa tuwing naalala niya si Alekos. Makakasigurado ba siya na magiging maganda ang trato ni Alekos kay Alexi? Nawala ang tiwala niya rito. Hindi naging maganda ang naging pamumuhay nito sa mga nakalipas na taon. Naging mas babaero pa ito kaysa sa dati. Dahil doon, mas naisip niya na kung magpursige pa siya na sabihin rito ang tungkol kay Lexi, hindi rin magiging maganda ang background ng anak. Ayaw niyang ma-expose ang anak sa isang lalaking ni hindi kaya na magtino sa isa.

“Anong mangyayari?” natawa si Alekos. “Marami. Napakahaba ng mga nagdaang taon na ipinagkait mo sa akin ang anak ko, Clara. Pero kung ano man ang dahilan ng mga iyon, wala na akong pakialam. Kukuhanin ko ang loob ni Lexi. Gagawin ko ang lahat upang magkabaligtad na ang sitwasyon natin. Papatunayan ko na mas kakailanganin niya ako kaysa sa `yo.”

Nanghina si Clara. “H-hindi. Hindi mo maaaring gawin `yan, Alekos.” Huminga nang malalim si Clara. Sinubukan niyang kumalma. Kinakain nang kaba ang puso niya. Makapangyarihan si Alekos. Mayaman ito. Kung gugustuhin nitong makuha si Lexi sa kanya, madali lang na magagawa nito iyon. Magagawa nitong mag-file ng custody para kay Lexi at kung pagbabasehan ang mga pangyayari, malaki ang tsansa nito na manalo.

Nagsikreto siya rito at mali iyon. Pang-sarili lang rin niya ang dahilan kung bakit niya naggawa iyon. She will be in bad faith. Mas mayaman rin sa kanya si Alekos. Mas malakas ang kapangyarihan nito kaysa sa kanya.

“H-humihingi ako nang patawad sa lahat ng nangyari noon, Alekos. Alam ko na kulang pero nangyari na ang nangyari `di ba? Naging makasarili ako pero masyadong magulo ang buhay ko noon para mag-isip ng tama at mas nararapat. Mas pinili ko na itago sa `yo si Lexi. Inaamin ko na malaki ang pagkakamali ko pero hindi ko kayang ibigay sa `yo si Lexi. Siya ang buhay ko. Ang natitira sa akin...”

“Siya na lang ang natitira sa `yo? At ang pamilya mo? Si Jeffrey? Hindi ka lang nila kayang tulungan noong na-kidnap si Lexi pero---“

Nag-iwas si Clara ng tingin. “Hindi ko sila gustong pag-usapan, Alekos.”

Kumunot ang noo nito. “At bakit? Hindi ba at sila ang mahalaga sa `yo? Ang tanging mga tao na pinagkakatiwalaan mo.”

At nagkamali ako para ibuhos na lang basta sa kanila ang tiwala ko, gusto sanang sabihin ni Clara. Pero ano pa ang silbi? Ayaw niyang balikan ang nakaraan. Mas lalo lamang iyon dumadagdag sa bigat ng dibdib niya ngayon. “Anak ko si Lexi. Kailangan ko siya. Kaya please, Alekos, `wag mo siyang ilalayo sa akin. `Wag mo na ipagkakait sa akin ang anak ko. Parang awa mo na...” kaunti na lang ay mapapaiyak na si Clara. Ang isipin na ilalayo sa kanya ang anak ay talagang dumudurog ng puso niya. Ito na lang ang tanging rason niya upang mabuhay pagkatapos ng lahat ng nangyari sa kanya maraming taon na ang nakakaraan.

Matamang tinitigan siya ni Alekos pagkatapos ay tumingin kay Lexi. Mahimbing na ang tulog nito pero makikita ang bakas ng ngiti sa labi. Halata ang saya sa mukha nito. Ang huli rin na sinabi nito ay masaya ito na ngayon ay may dalawang tao na nag-aalaga at nag-aasikaso rito. Hindi kagaya noon na madalas ay hindi niya pa ito gaanong maasikaso dahil kailangan rin niya na magtrabaho kahit papaano.

Naging maayos ang hapon sa pagitan nilang lahat. Nakita niya na mabilis na napalapit si Lexi kay Alekos at isa iyon sa mga ikinatakot niya talaga. Pero kahit ganoon, madalas rin na iginigiit nito na kailangang nasa paligid rin siya. Kaninang hapon nga nang maligo ang mga ito sa swimming pool ay hindi pumayag si Lexi na hindi siya kasama. Hindi siya mahilig maligo sa swimming pools dahil minsan na siyang muntik na malunod noon. Pero pumayag naman ang anak na hindi siya maligo basta ba nasa paligid lang siya. Gusto nito na palaging nasa paligid siya.

Mukhang napansin naman iyon ni Alekos.

“At kailangan ka rin niya. Kahit hindi mo man mukhang naibigay sa kanya ang mga gusto niya sa mga nakalipas na taon, mukhang mahal na mahal ka niya. Hindi niya gustong mawalay ng matagal sa `yo. Na-obserbahan ko iyon sa loob ng isang araw.”

Tumango si Clara. “Ako lang ang madalas na kasama niya. Minsan ay naiiwan ko siya sa kapitbahay pero madalas ay ilang siya sa mga iyon. Napipilitan lang siya dahil kailangan. Gusto niya na palagi akong nasa paligid niya.”

Tumango-tango si Alekos pero pagkatapos ay huminga rin nang malalim. “Marami ang nagsasabi na masama ako. Playboy. Ruthless. Pero buhay ito ng anakk ko. Dapat ay mag-isip ako ng patas. Kahit masasakit para sa akin, hindi dapat ako na maging sakim. Kaya napagdesisyunan ko na hindi tama na ipagkait ko siya sa `yo. Pagkatapos ng lahat, ina ka niya.”

Nagliwanag ang mukha ni Clara. She was relieved. Nahawakan rin niya ang kamay ni Alekos sa sobrang tuwa. “Kung ganoon ay salamat. Maraming salamat!”

Ngumisi si Alekos. “Pero hindi ibig sabihin noon, hindi ko na tutuparin ang sinabi ko sa `yo kaninang umaga, Clara. Everything comes with a price. Kaya huwag kang magpasalamat...”

Nawala ang siglang naramdaman ni Clara. “P-pero ano ang price? Ang consequences ko?” natatakot si Clara. Pero alam niyang kailangan niyang karahapin rin iyon. Naisip na naman niya iyon. Huminga nang malalim si Clara. “Susubukan ko na tanggapin, Alekos. Basta huwag mo na kuhanin sa akin ang anak ko...”

Nagulat si Clara nang bigla na lang siyang hapitin ni Alekos. Bahagya rin na nanlaki ang mga mata niya sa naging kapangahasan nito. Gusto niyang magprotesta dahil hindi niya gusto ang nararamdaman niya. Gusto niyang pigilan iyon, lalo na at alam niyang wala naman na magiging kapalit iyon. Galit sa kanya si Alekos. Nararamdaman niya. Paanong hindi mangyayari? Nagsinungaling siya rito. Hindi niya sinabi ang anak rito. Hindi na dapat siya umaasa na kung ano man ang nararamdaman niyang ito kay Alekos, kaya nitong suklian iyon.

Maraming taon ang lumipas. Mas lumala pa si Alekos. Mas naging playboy ito kaysa sa dati. Maraming dahilan upang huwag siyang umasa. Pero hindi niya mapigilan na aminin na nakakagulo ng damdamin ang ginagawa sa kanya ngayon ni Alekos. May epekto pa rin ito sa kanya. Malakas at matindi.

“A-anong ginagawa mo?”

Nakakalokong ngumisi ito. Mas lalong lumala ang tibok ng puso ni Clara. “Tinatanong mo ako kung anong consequences ng ginawa mo sa akin `di ba? I’m showing you now...” unti-unting inilapit ni Alekos ang mukha nito sa mukha niya.

“H-hindi ko maintindihan.”

“This is what I want. You. In my arms. Again.”

Hinalikan siya ni Alekos. And Clara’s knees started to buckle.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.