Chapter Twenty-Four

Mabigat ang kalooban ko nang umuwi ako. Hindi ko na nagawang magpaalam kay Ashteroh... wala na rin naman akong lakas ng loob gawin 'yon.

Parang malakas na sampal sa mukha ko ang mga sinabi n'ya... Hindi na talaga n'ya 'ko mahal. Ano pa ba ang aasahan ko? Imposibleng mahalin n'ya pa rin ako matapos ng ginawa ko sa kanya.

“Ma'am... nandito na po tayo.”

Napapitlag na lang ako nang kulbitin na ako nang tricycle driver. Doon ko lang napagtanto na nandito na ako sa tapat ng apartment ko. Ni hindi ko man lang napansin sa sobrang lalim ng iniisip ko. Buti na lang mabait ang driver na 'to.

“S-Salamat po, ito po ang bayad,” sabi ko na lang saka inabot ang bayad ko.

Agad akong bumaba ng tricycle at pumasok sa apartment. Napabuga na lang ako ng hangin at napahilot sa sentido ko. Medyo okay na ako kanina pero parang bumabalik na naman yata ang sakit ng ulo ko.

Pumasok na ako sa bahay. Inaasahan ko na si Gina lang ang bubungad sa akin ngunit natigilan ako nang makitang may kasama siya... Sina Chinu.

“Naths! Tingnan mo kung sino ang nandito! Sina Chinu, Kuyu, at Ken!” tuwang tuwa na sabi ni Gina saka agad na lumapit sa 'kin.

Ngumiti sa akin sina Chinu. Hindi ako nagsalita o kumibo. Nanatili akong nakatingin sa kanila. Ang dami ng tumatakbo sa isip ko ngayon at ayokong madamay sila sa nararamdaman kong bigat ngayon... pero naiinis ako. Sobrang naiinis ako.

Nawala ang ngiti sa labi nila nang makita ang reaksyon ko. Nanatili akong nakatingin nang malamig sa kanila. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko ngayon... Dapat masaya ako dahil matagal na akong nag-aalala sa kanila. Pero wala akong maramdaman na tuwa.

“M-Mukhang ayos na ayos kayo, ah. Mukha kayong walang problema. M-Mukha kayong masaya,” usal ko habang nakatitig pa rin sa kanila.

Naramdaman ko ang pamumuo ng luha sa mga mata ko, nanlalabo na ang paningin ko dahil sa mga luha. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at natawa nang mapakla.

“Nathalie...” nasabi na lang ni Chinu, tila hindi alam ang sasabihin.

Maliliit ang hakbang na lumapit ako sa kanila. Hinampas ko si Chinu gamit ang bag ko. Hindi naman siya gumalaw para salagin o ilagan 'yon. Muli ko siyang hinampas, mas malakas kaysa kanina. Natahimik silang apat habang nakatingin lang sa akin. Tuluyan ng umalpas ang mga luha mula sa mga mata ko.

“Matalino kang tao, Chinu! K-Kung sana lang ginamit mo pa 'yang talinong 'yan noon! S-Sana hindi ko kinailangang lokohin ang taong mahal ko! S-Sana ako 'yung mahal n'ya ngayon at hindi ibang babae! Kung sana lang hinintay n'yo 'kong gumawa ng paraan at hindi n'yo ko inipit! Mukha kayong masaya ngayon! Mukha kayong okay samantalang ito ako! Miserable pa rin! Tangina n'yong lahat!” sigaw ko saka tuluyang sinampal si Chinu.

Alam kong hindi ko naman dapat sila sinisisi dahil pinili ko pa rin ang nakawan si Ashteroh... pero kailangan ko lang talaga mailabas ang lahat ng 'to... ang lahat ng kinikimkim ko ng ilang taon. Gusto ko ng ilabas para kahit papa'no maging okay na ako pagkatapos nito. Kahit ngayon lang, gusto kong isisi sa kanila ang lahat at hindi sa sarili ko... kahit ngayon lang gusto kong maging makasarili.

Hindi kumibo si Chinu at hinayaan lang na paghahampasin ko siya. Naramdaman kong humawak si Gina sa braso ko, tila pinipigilan ako. Agad ko namang inalis ang pagkakahawak n'ya sa akin.

“Bitiwan mo 'ko! Lahat kayo! P-Parehas lang kayo na inipit ako! Hirap na hirap na 'kong kimkimin lahat sa sarili ko! Bakit ako lang yung nagdurusa?! Bakit okay lang kayong lahat?! B-Bakit ako lang 'yung nahihirapan?! Pagod na pagod na 'kong iligtas kayo nang paulit-ulit! Pagod na pagod na 'ko sa pagiging makasarili n'yo! Gusto ko sarili ko naman! Gusto ko rin naman maging okay! G-Gusto ko rin namang sumaya! B-Bakit ako lang? Bakit ako lang 'yung hirap na hirap na?”

Nanghihinang napaupo ako sa sahig habang patuloy na lumuluha. Walang nagsalita sa kanila at hinayaan lang akong umiyak at ilabas ang lahat ng kinikimkim ko sa sarili ko.

Hanggang ngayon bitbit ko pa rin sa kalooban ko ang katotohanang ninakawan ko si Ashteroh... Kahit pa ginawa ko 'yon para tulungan sila o ang ibang tao... Sobrang nakokonsensya pa rin ako sa katotohanan na ninakawan ko siya noon.

Hindi ko alam kung gaano ako katagal na umiyak. Naramdaman ko na lang na umupo si Gina sa tabi ko at yumakap sa akin habang naluha rin. Paulit-ulit siyang bumubulong at nagso-sorry pero tila hindi ko na naririnig ang mga 'yon.

Kusa rin akong tumigil sa pagluha nang mapagod na ako. Nanatili akong nakayakap at nakasandal sa balikat ni Gina habang hinahaplos n'ya ang likod ko. Napapikit na lang ako habang napapahikbi pa rin.

“S-Sorry, Nathalie... Kasalanan namin, k-kami ang dapat nahihirapan. Hindi mo deserve 'to. S-Sorry...” bulong ni Gina habang patuloy akong pinakakalma.

Hindi na lang ako nagsalita. Pakiramdam ko kahit papa'no gumaan nang kaunti ang bigat na nararamdaman ko... Dahil siguro matagal ko ng gustong gawin 'to. Matagal ko na sila gustong sumbatan at sisihin.

Ang tagal din naming walang imik. Wala sa kanila ang may lakas ng loob na magsalita. Kusa rin akong tumigil sa pagluha at paghikbi. Hindi ko na halos alam kung gaano kami katagal natahimik.

“Nathalie.” Binuhat ako ni Ken at marahang iniupo sa kama ko.

Nanatili akong tahimik, pati na rin sila. Agad ko ring pinagsisihan ang mga sinabi ko kanina. Napabuntonghininga na lang ako at napahilamos sa mukha ko.

“S-Sorry sa mga nasabi ko kanina. Marami lang akong iniisip kaya ko nasabi ang mga 'yon,” hinging paumanhin ko saka napatungo.

Napabuntonghininga si Chinu saka umupo sa tabi ko. “Kami dapat ang nagso-sorry sa 'yo. Nalaman namin kay Gina na hanggang ngayon pinagtatanggol mo pa rin kami mula kay Ashteroh Alexeev...” Inakbayan ako ni Chinu. “Sorry, Naths. Sorry kasi ikaw ang nahihirapan kahit kami naman ang nang-ipit sa 'yo noon. Gaya ng sabi ni Gina, hindi mo deserve ang masaktan ng ganito... Sobrang tapang mo, Naths. Palagi mong inuuna ang mga taong mahal mo kaysa sa sarili mo. Mula noon hanggang ngayon, gano'n ka. Wala ka ng pakialam sa sarili mo basta h'wag lang mapahamak ang mga taong pinahahalagahan mo... Sorry dahil sinamantala namin ang katotohanang 'yon. S-Sorry, Naths...” Nabasag ang boses ni Chinu habang hinahaplos ang braso ko.

Hindi ako nagsalita. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko dahil nararamdaman kong naluluha na naman ako.

“H'wag kang mag-alala. Pagbabayaran namin ang kasalanan namin sa 'yo... sa kahit anong paraan,” bulong pa n'ya.

Pumikit na lang ako at hindi na nagsalita pa. Lumapit sa amin si Gina at yumakap din sa akin. Sumunod naman sina Ken at Kuyu at nakiyakap na rin.

Siguro nga mas ayos ang ganito... siguro mas maganda ang maging tapat sa sarili at nararamdaman ko.

PUMASOK NA rin ako kinabukasan dahil ayos na naman ang pakiramdam ko. Ang namumugtong mga mata ko lang ang problema pero nawawala rin naman 'to agad.

“Hoy, okay ka na?”

Napapitlag ako nang biglang may umakbay sa akin. Agad akong napatingin kay Killian. Pinigilan n'ya akong maghulog ng barya sa vending machine. Binigay n'ya sa akin ang canned coffee na hawak n'ya. Napangiti na lang ako at tinanggap 'yon.

“Okay na 'ko,” sabi ko na lang saka agad na inalis ang pagkakaakbay n'ya sa akin. Baka may makakita pa sa amin, mahirap na.

“Yung mata mo mukhang hindi okay. Anong klaseng ipis ba ang kumagat sa mata mo at dalawang mata mo pa ang kinagat?” tila nang-aasar na tanong n'ya.

Siniko ko ang tagiliran n'ya saka tiningnan siya nang masama. “Panira ka ng araw ko, Sir Killian. Sana aware ka.”

“Hindi ko kasalanan na nasira ang araw mo. Isisi natin kay Ashteroh. Diba nga ang motto natin... Normalize blaming everything to Ashteroh Alexeev?” nakangising tanong n'ya.

“Why is it my fault?”

Napapitlag kaming pareho ni Killian nang may pamilyar na boses ang nagsalita mula sa likuran namin. Agad namin iyong nilingon.

“Anak ng... Bakit ka ba nanggugulat, Mr. Alexeev?! Kabute ka ba?!” asik ni Killian at napasapo pa sa dibdib n'ya.

Hindi pinansin ni Ashteroh ang reklamo n'ya. Nakatingin lang ito sa akin at mukhang sinusuri ang hitsura ko. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanya.

Natigilan na lang ako nang bigla akong akbayan ni Killian.

“Halika na nga, Nathalie. May papansin na,” pagpaparinig ni Killian.

Gusto ko siyang batukan. Nalimutan n'ya na ba na importanteng guest n'ya si Ashteroh?

“Nathalie, let's talk,” sabi ni Ashteroh nang akmang hihilahin na ako ni Killian palayo sa kan'ya.

“Bawal, may gagawin pa kami,” sabi na lang ni Killian.

Natigilan lang kami nang may lumapit si Dustin kay Killian.

“Sir Killian! May emergency meeting po, need po kayo sa meeting room.”

Narinig kong napamura si Killian. Napakamot siya sa batok n'ya saka inalis ang pagkakaakbay sa 'kin. Inilapit n'ya ang labi sa tainga ko saka bumulong.

“H'wag kang sasama sa gagong 'yan, magdahilan ka na lang o ano man,” sabi n'ya saka agad ng sumunod kay Dustin.

Naiwan kaming dalawa ni Ashteroh nang makaalis na sina Killian. Akmang aalis na ako pero agad na nahawakan ni Ashteroh ang braso ko. Napabuga ako ng hangin saka tumingin sa kanya.

“May iuutos ka ba?” tila walang buhay na tanong ko.

Hindi nagsalita si Ashteroh. Basta na lang n'ya ako hinila saka dinala sa hotel room n'ya. Hindi na lang ako kumibo at hinayaan siya. May gusto rin naman akong sabihin sa kanya ngayon, e.

Bumitiw na rin si Ashteroh sa pagkakahawak sa akin ng nasa silid na n'ya kami.

“Ano'ng iuutos mo? Para magawa ko na at makaalis na ako,” sabi ko na lang.

“Bakit ka pumasok agad? Ayos na ba ang pakiramdam mo?” tanong n'ya saka napaiwas ng tingin sa akin.

Napabuga ako ng hangin at napakagat sa ibabang labi ko.

“Ashteroh...”

Natigilan siya at napatingin sa akin. Nakipaglabanan naman ako ng titig sa kanya. Hindi ko inalis ang tingin sa kanya kahit pa nararamdaman kong nag-iinit na naman ang mga mata ko.

“Mahal kita.”

Halatang natigilan si Ashteroh sa sinabi ko. Bahagya pa siyang napaatras habang nakatitig sa akin.

“M-Mahal pa rin kita. Kaya itigil mo na 'to... H'wag ka ng gumawa ng bagay na magpapa-asa sa 'kin. P-Parusahan mo na lang ako sa ibang paraan, h'wag na lang sa ganito... kasi ang hirap ng lunukin. Matapang akong tao, Ashteroh... pero pagdating sa 'yo sobrang hina ko. K-Kaya tama na,” tila nanghihinang sabi ko.

Tuluyan ng kumawala ang mga luha ko. Tila nawalan na ako ng pakialam kahit pa nakikita n'ya akong naluha ngayon.

Nanatiling tahimik si Ashteroh. Tila hindi siya makapaniwala sa mga sinabi ko at nanatiling nakatitig sa akin.

“N-Nathalie...” anas n'ya, tila hindi alam kung ano ang sasabihin.

“Napapagod na 'kong mahalin ka... kaya gusto ko ng matapos 'to.” Marahas na pinahid ko ang mga luha ko. “Yung twenty million na utang ko sa 'yo... papabayaran ko na muna kay Killian. Kaya pakiusap... tantanan mo na ako. A-Ayoko ng makausap ka kahit na ang tingnan ka man lang. Lubayan mo na 'ko, Ashteroh.”

Hindi ko na hinintay na makapagsalita siya. Dali dali akong lumabas ng silid n'ya. Napapatingin sa akin ang mga staff at guests na dumadaan dahil naluha ako habang naglalakad... tila wala na rin akong pakialam do'n.

Ayoko na talagang maramdaman 'to. Ayoko na talagang mahalin si Ashteroh.

“Nathalie, pwede ba tayong mag-usap?”

Napatigil ako sa pag-guide sa mga staff nang biglang lumapit sa akin si Thalia. Ngayong alam ko ng naaalala naman pala n'ya ang lahat, hindi ko na alam kung paano aakto sa harap n'ya.

“Please... kahit saglit lang,” pakiusap n'ya saka humawak sa kamay ko.

Napabuntonghininga na lang ako at tumango. Siguro nga mas maganda kung makakapag-usap kami nang maayos. Marami rin naman ang hindi malinaw sa aming dalawa.

Lumabas kami ng hotel at naglakad-lakad. Wala agad nagsalita sa amin. Tila parehas kaming hindi komportable sa mga oras na 'to.

“Sa tingin ko si Ashteroh ang tipo ng tao na nagiging irrational kapag nasasaktan,” biglang sabi ni Thalia saka yumakap sa braso ko.

Tipid na napangiti na lang ako... Siguro nga gano'n si Ashteroh.

“I'm not telling you to understand him. You don't have to. Ikaw ang masusunod kung gugustuhin mo siyang intindihin o hindi. Gusto ko lang na--”

Natigilan siya nang biglang may tumigil na van sa tapat naming dalawa. Gano'n na lang ang gulat namin nang may maglabasang mga lalaking nakaitim. Sinubukan naming tumakbo ni Thalia pero agad kaming nahuli ng mga 'yon. Agad nilang tinakpan ang bibig namin.

Umakyat ang matinding kaba sa dibdib ko. Pilit akong nagpumiglas pero walang wala ako sa lakas ng mga lalaking 'to. Napadasal na lang ako sa isip ko na sana ay walang mangyaring masama kay Thalia.

Hindi ko na alam ang nangyayari dahil tinakpan nila ng tela ang mga mata at bibig ko. Naramdaman kong binuhat nila ako at isinakay sa van.

Sobra ang kabang nararamdaman ko. Halos manginig ang buong katawan ko sa takot. Mukhang hindi basta basta ang mga lalaking 'to kaya mas lalo akong natatakot para sa kaligtasan namin ni Thalia.

Maya maya pa ay tumigil na ang van. Agad na may humawak sa braso ko at hinila ako palabas ng van. Inalis nila ang nakatakip sa mata at bibig ko. Tiningnan ko ang paligid. Malabo pa ang paningin ko pero unti-unti ko ng naaaninag kung nasaan kami. Madilim sa lugar na 'to at walang tao. Hindi ito pamilyar sa akin.

“I knew it! Alam kong ikaw ang may kayang gumawa nang ganitong kagaguhan, Xeon!”

Natigilan ako nang marinig ang boses ni Thalia. Nasa tabi ko lang siya. Napakunot ang noo ko at napatingin sa lalaking nasa unahan namin... Hindi ko siya maaninag dahil medyo madilim... Pero pamilyar sa akin ang pangalan n'ya.

Xeon... Sa pagkakatanda ko ay siya ang ex-boyfriend ni Thalia. Bakit n'ya kami ipinahuli?

“Kung hindi ko pa gagawin 'to, hindi pa kita makakausap, Nathalia!” galit na asik ni Xeon.

“Ayokong makausap ang mamatay tao at masamang katulad mo! Saka isang taon na tayong hiwalay! Wala ng dahilan para mag-usap pa tayo! Hindi ka na nahiya, pati kaibigan ko idinamay mo pa!” ganting sigaw ni Thalia.

Napangisi si Xeon. Halos magtaasan ang mga balahibo ko sa ngisi n'yang 'yon.

“H'wag kang mag-alala, sinadya kong ipasama ang babaeng 'yan,” sabi ni Xeon saka binalingan ako ng tingin.

Bakit? Ano ang kailangan n'ya sa akin?

“Pinagpalit mo 'ko kay Ashteroh dahil pumapatay ako ng tao?! Tangina, Thalia. Mas malala sa akin ang lalaking 'yon! Mas masama ang lalaking 'yon at mas maraming napatay!”

Halatang natigilan si Thalia sa sinabi ni Xeon. Nanlaki ang mga mata n'ya at tila hindi makapaniwala sa sinabi nito.

“Why? You don't believe me? Why don't you ask that woman beside you? She knows Ashteroh's true nature,” saad ni Xeon saka tumingin sa akin.

Hindi ako nagsalita kahit naramdaman kong nakatingin sa akin si Thalia.

Natigilan ako nang kumuha si Xeon ng baril mula sa tauhan n'ya habang nakatingin nang masama sa akin.

“Ashteroh stole my woman from me... But I'll do something worse. I'm gonna take your life, Ashteroh's woman,” malamig na sabi ni Xeon.

Hindi na ako nakaiwas nang agad n'yang itutok sa akin ang baril at pinaputok 'yon. Nanlaki ang mga mata ko nang makaramdam na tila mainit sa kalamnan ko. Nanghihinang napahawak ako ro'n. Tiningnan ko ang kamay ko at gano'n na lang ang gulat ko nang makitang may dugo iyon.

Napatingin ako sa tiyan ko. Kumakalat na ang kulay pulang dugo sa puting damit ko. Nanghihinang napaupo ako sa sahig, pakiramdam ko kusang bumigay ang mga tuhod ko.

“Nathalie!” narinig kong sigaw ni Thalia saka agad na nilapitan ako.

Tuluyan akong bumagsak sa sahig kasabay ng pagbigat ng mga talukap ko. Pakiramdam ko pabilis nang pabilis ang paghinga ko... hanggang sa tuluyang dumilim ang lahat.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.