“MAGANDA na ba ako, Des?” conscious na tanong ni Yngrid kay Destiny. Isang kaibigan at dating katrabaho sa Bellisima Café. Pumunta ito sa bahay nila nang malamang siya ang nanalo sa pa-contest ng Dream Radio.
Yes. Isa siya ang nanalo sa Search for Dream Radio’s Number One Fan. Sa totoo lang ay hindi niya inaasahan na siya ang mananalo sa promo contest na iyon dahil libu-libo ang mga taong pumila para mag-apply. Ilang linggo din niyang hinintay kung sino ang mananalo sa contest kaya napakasaya niya nang marinig sa radyo na siya ang nanalo bilang Dream Radio’s Female Number One Fan.
Maaga kasi siyang pumila noon kaya madali siyang natapos sa screening. Dinala sila ng isang staff sa isang conference room kung saan naroroon at naghihintay ang mismong may-ari ng istasyon na si Red Fonacier. Nag-one-on-one sila at kung anu-ano ang tinanong nito sa kanya, katulad nang kumusta ang naging buhay niya. Dito siya nagpasa ng kanyang autobiography. Ikinwento niya rin dito na wala siyang trabaho at kung gaano sila naghihirap ng kanilang pamilya ngayong nakakulong ang Tatay Baldo niya.
Hindi na niya naikwentong lahat ng tungkol sa kanyang pamilya dahil kaunting oras na lang ang natitira. Babasahin na lang daw ng mga ito ang kanyang autobiography. Ngunit sa huli’y tinawag siya nito at tinanong na kung siya ang sakaling manalo, saan niya gagastusin ang pera at ano ang dream date niya.
Ang naging sagot niya’y ipambibili ng gamot ng ina at kapatid niya, pang araw-araw na pangangailangan at pandagdag sa pampiyansa sa tatay-tayan niya.
Siyempre, maliban sa makukuha niyang fifty thousand pesos ay magkakaroon pa siya ng pribilehiyong maka-date ang paborito at crush niyang DJ na si DJ Kyle. At, ngayong araw ang naka-takda nilang date.
Tinawagan siya ng isang staff ng Dream Radio at sinabing sa date mismo nila ni DJ Kyle matatanggap niya ang tseke. Sinabi pa nitong magsuot siya ng isang semi-formal dress para sa date nila ni DJ Kyle. Wala siyang ganoong damit dahil hindi naman siya nagsusuot ng mga ganoon kaya agad niyang t-in-ext sina Destiny.
“Ohmygas, sister! Ang ganda mo!” Hindi niya alam kung totoo ba iyon o sinasabi lang nito iyon dahil ito ang nag-ayos sa kanya. “Alam ko na kung bakit pinagpilitan ni Mr. Yuzon na ipasibak ka sa Bellisima. Hindi ka nga bagay na maging café crew.”
“Eh, ano? Bagay lang na magtinda ng AVON?”
“Gaga, hindi! Mas bagay kang maging modelo. Bakit hindi mo sinabing may tinatago ka palang ganda at poise, ‘te?”
“Ano’ng ibig mong sabihin? Pangit ako noon, gan’on?”
“Mas maganda ka ‘pag naaayusan, ‘te. ‘Wag mo na lang kayang hubarin ‘yan?”
“Gaga!” inirapan niya si Destiny saka siya bumaling sa Mama niya. “’Ma, okay lang ba ang ayos ko?”
Hindi siya sinagot ng mama niya. Lumapit lang ito sa kanya, hinawakan siya sa magkabilang balikat at saka inilapit sa full-length mirror nila.
Namangha siya sa nakitang repleksyon sa salamin. Muntikan na niyang hindi makilala ang sarili. Sasang-ayunan niya ang sinabi ni Destiny na bagay nga siyang maging modelo. Hindi niya iyon nasabi dahil gusto lang niyang pataasan ang self-confidence niya. Nagsasabi siya ng totoo. Isa pa, mataas ang self-confidence ko, ‘no!
Ngayon lang siya nawalan ng battery sa pagkamadaldal, pagkamakulit at pagkapalatawa dahil kinakabahan siya. Pero dahil nakita niya kung ano ang hitsura niya’y gumaan ang pakiramdam niya.
Suot niya ang pink long sheer dress na pinatungan ni Destiny ng isang pink tie-dye sheer top. Tinernuhan nito iyon nang cream-colored heels na pinahiram daw ni Ma’am Hazel. Ang make-up niya ay light lang. Ang mga accessories na suot niya’y galing kay Destiny maliban sa kuwintas na bigay sa kanya ng best buddy niyang si Brandon James aka “Badong” na nasa kung saang lupalop ng mundo ngayon dahil isa itong travel photographer ng isang international magazine. Sa kanilang dalawa ni Destiny, ito ang maayos sa katawan at siya’y simple lang kung manumit dahil wala naman siyang dapat pagpa-gandahan hindi katulad ni Destiny na may boyfriend. At saka, hindi siya mahilig sa dresses. Mas type niya ang simpleng maong pants, t-shirt o blouse at falt shoes.
“Napaka-ganda mo, anak.” anang mama niya.
“Oo nga, Ate Yeng. Ganda-ganda mo.” tuwang-tuwang sabi ng kapatid niyang si Xavier.
Napangiti siya dahil dito. ‘Ate Yeng’ ang tawag nito sa kanya dahil hindi nito mabanggit ng diretso ang pangalan niya. Labin-limang taong gulang na si Xavier pero ang isip nito’y pang-grade one lang. Mabuti na lang nga at medyo tuwid na itong magsalita ngayon hindi katulad ng dati.
“I love you, Xavier.” Mahal na mahal niya ang kanyang pamilya at handa siyang gawin ang lahat para mapasaya at masigurong palaging nasa maayos na kalagayan ang mga ito.
“Ohmygas, ‘te! Baka ma-in love sa’yo si DJ Kyle.” singit ni Destiny.
“Hindi ako ilusyonada, Destiny. Slight lang.” aniya.
“Oo na. Ako na ang napaka-ilusyonada.”
“Anak, mag-ingat ka ha. Huwag ka agad bibigay.” bilin ng mama niyang nakangiti.
“’Ma, sakaling bumigay naman ako, mayaman naman siya eh!” biro niya rito.
Pero ang totoo’y kinakabahan niya sa hindi mawaring dahilan.
Ah, basta kailangan kong mag-relax at mag-enjoy kahit isang gabi lang. Sa piling ng crush kong si DJ Kyle.
“KYLE, remember this. Sa’yo nakasalalay ang ikagaganda ng pangalan ng ating istasyon kaya i-entertain mo siya, okay? Please be participative in this date. Consider this one of your unwinding moments. Free pa, ‘di ba?” pakiusap kay Kyle ni Red.
Tinawanan pa niya ito kanina dahil tila ito naiihing pato na hindi mapakali. Dali-dali raw kasi itong pumunta sa venue ng date nila ng isang Yngrid Hidalgo na nanalo sa contest dahil kinakabahan ito na baka kung ano ang gawin niya.
“Red, relax. It’s not like this is the first time I would date someone.”
“It’s not. Pero ang tagal na panahon na mula nang huli kang makipag-date sa isang babae.”
Natahimik siya. He wouldn’t date again if it wasn’t for the station’s name. “I’ll do fine, Red. Huwag kang mag-alala. Susundin ko ang lahat ng sinabi ng crew, okay?”
“You do that.”
“Yes, I will. Mag-relax ka nga.”
Ngumisi ito. “Baka siya na ang hinihintay mo para magmahal kang muli.”
“What?”
“You’ll see her later. She’s interesting.”
“Don’t tell me plano mo siyang pormahan?”
“Of course not.”
Umiiling na tinanguan na lang niya ito. Saka sila sinabihan ng isang waiter na dumating na ang date niya. Nagpaalam sa kanya si Red para umalis doon dahil dapat ay silang dalawa lang ni Yngrid maliban sa mga waiter ang matira roon. Makakadagdag daw kasi iyon sa romantic aura ng lugar.
Minasdan niya ang paparating na sasakyan hanggang sa huminto iyon sa tapat niya. Hindi na niya hinayaang bumaba ang driver at siya mismong magbukas ng pintuan ng sasakyan sa may back seat. Siya na mismo ang nagbukas niyon at tumambad sa kanya ang isang napaka-gandang anghel. Hindi siya makahuma mula sa kinatatayuan habang hawak ang pintuan ng sasakyan at nakatingin sa babaeng nasa loob niyon.
Who is actually my date. He was staring at the girl who looked like a statue inside the car. A beautiful statue, indeed.
HINDI pa man humihinto ang sasakyan ay labis na kaba na ang nararamdaman ni Yngrid. Hindi naman kasi ganoon ang naramdaman niya noong sumali siya sa promo contest na iyon. Mas lalong kumabog ang kanyang dibdib nang makita ang lalaking magbubukas ng kanyang pinto dahil napaka-gwapo nito.
Ohmygas! Si DJ Kyle ba siya? tanong niya sa sarili.
Kung ito man si DJ Kyle ay ninais niyang hindi sana ito ang date niya nang gabing iyon. Baka kasi kung anong kapalpakan ang magawa niya. Nakakahiya iyon rito. Kaya sasabihin niya sana sa driver na ayos lang sa kanyang bumaba siyang mag-isa dahil kaya naman niya, ngunit bago pa man siya makapagsalita ay bumukas na ang pinto at sinalubong siya ng gwapong lalaki.
Hindi siya makahuma mula sa kinauupuan niya dahil labis siyang namangha sa angkin nitong ka-gwapuhan. Pareho nga yata silang hindi makagalaw ng mga sandaling iyon dahil hindi rin ito natitinag mula sa pagkakatayo habang hawak ang pintuan ng sasakyan.
Mula sa pagkakatingin nito sa kanya’y bigla siyang nakaramdam ng pagkaasiwa. Pangit ba ang suot ko ngayon? Bakit ang sabi nila maganda daw ako? hindi kumpiyansadong sabi niya sa sarili.
Kung hindi pa siguro sila kapwa nakarinig ng isang malakas na tikhim mula sa driver na kunwari’y hindi tumitingin sa kanila’y hindi pa sila matitinag na dalawa. Manong naman! Moment namin ‘yon o!
“I’m sorry. Here,” anito sabay abot sa kanya ng kanang kamay nito. “Let me help you.” Inabot naman niya rito ang kanyang kamay at inalalayan siya nitong makalabas ng sasakyan. Nagpasalamat naman siya rito.
“Wow!” manghang sabi niya sa lugar.
Hindi niya alam kung saang lugar iyon pero tiyak niyang sa isa iyong sosyal na lugar. Nakita niya kaninang pumasok sila sa isang country club na mayroong pangalan na Rich Ville Country Club. Mukhang nirentahan pa ng istasyon ang lugar para sa date nilang iyon ni DJ Kyle.
“You liked it?” tanong ng lalaking nakaagapay sa kanya.
“Oo naman. Nag-OJT na ako sa ibang hotel pero mas maganda ang lugar na ito.” aniya rito.
Isang romantic dinner with candlelight ang nakahanda sa gitna ng isang octa-pavilion at naka-handa na roon ang isang violinist pati na rin ang isang waiter. Mula sa kinatatayuan niya’y may red carpet na may mga rose petals pa. Simple lang ang laman ng date na iyon pero iyon ang gusto niya. Ito ang dream date ko! nagdiriwang na sigaw ng isip niya.
“So, shall we?” untag sa kanya ng lalaki.
Bigla siyang napatingin dito. “Ikaw ang date ko?”
Tumaas naman ang isang kilay nito. “Oo. Bakit ayaw mo?”
Siya si DJ Kyle! “H-hindi naman sa gano’n. Pero kasi…” Peste! Kinakabahan ako.
“Ano?”
“Masyado kang gwapo.” diretsong sabi niya. Ganoon kasi siya. Mas lalo siyang kinakabahan kapag hindi niya nasasabi ang mga nais niyang sabihin.
Tumawa ito ng pino na hindi niya alam kung ikagagaan ng loob niya o hindi.
“I think I’m going to enjoy this night with you.” nakangiting sabi nito sa kanya.
Her heart started to thump like crazy; like it wanted to leap out of her chest. Kung naroon lang si Destiny ay malamang na nasabihan na niya ito ng, I told you so, dahil napaka-gwapo ni DJ Kyle. Nakasuot ito ng plain baby blue polo at black pants. Kitang-kita ang ganda ng pangangatawan nito sa suot nitong iyon. Ninais tuloy niyang mapaloob sa mga bisig nito. Ano kaya ang pakiramdam na mayakap nito?
Ilusyonada ka rin! kastigo niya sa sarili. Bakit ka naman yayakapin ni DJ Kyle?
Para i-congrats? sagot ng isang bahagi ng isipan niya.
Hindi niya mapigilan ang sariling hangaan ito. He was so handsome by that simple get-up. He was handsome in the true sense of the word. Kamukha nito ang Hollywood actor na si Matt Barr. He was about six foot tall. She was mesmerized by his black piercing eyes, thick brows and beautiful lashes, aristocratic nose and very sensual lips. Bumagay rito ang clean-cut nitong buhok na itim na itim. Nakadagdag din sa appeal nito ang tila Mr. Nice Guy nitong dating.
Yes! Mai-enjoy mo ang gabing ito kasama ako, DJ Kyle. Baka nga humingi ka pa ng isang date eh. ngali-ngaling sabihin niya iyon rito.
Iniabot nito sa kanya ang braso nito at humawak naman siya roon. Sabay silang lumakad patungo sa nakahandang hapunan para sa kanilang dalawa. Iyon ang simula ng gabing puno ng pangarap. Isang gabing puno ng kasiyahan.
At susulitin ko ang gabing ito kasama ang crush kong si DJ Kyle.