Chapter 17

“HUUUWAAAT?” sigaw kay Yngrid ni Destiny.

Nang gabing iyon ay nagulat na lang siya nang madatnang naroon sa kanilang bahay ang kaibigan niya. May dala itong goodies na talaga namang na-miss niya sa Bellisima. Natuwa siya dahil naaalala pa rin siya ng mga dating katrabaho niya roon at pinadalhan pa siya ng kung anu-anong pagkain.

“Salamat dito ha?” aniya rito habang tuloy ang pagkain ng mga dala nito. Napamata lang ito sa kanya.

Tinabihan siya nito sa sofa nila at hinawakan ang magkabila niyang balikat pagkatapos ay tahasang iniharap ang kanyang katawan sa gawi nito. “Gustong manligaw sa’yo ni DJ Kyle pero tinanggihan mo?”

“Oo nga. Hindi mo ba narinig ang kwento ko?”

“Ate, ang ganda mo naman.” tila naiinis na sabi nito sa kanya. “Bigyan mo nga ako ng isang magandang rason kung bakit binasted mo siya agad?”

“Hindi ko naman siya binasted agad. Nagpaka-Pilipina lang ako, ‘te. Kahit crush ko siya, kailangan pa rin niyang dumanas ng hirap, ‘no.”

“Ay tungek! Ang ganda mo talaga, ‘te! Bahala ka na nga. Nakakainis kang babae ka! Nandiyan na nga, ayaw--------‘Oy, may tumatawag na number.” sabi ni Destiny at inabot sa kanya ang cell phone niyang nakapatong sa side table malapit dito.

Nang matanggap niya ang kanyang cell phone ay napakunot-noo pa siya dahil hindi niya kilala ang numero na tumatawag. “Hindi ko naman kilala ito eh.” sabi niya kay Destiny.

“Sagutin mo. Baka si DJ Kyle ‘yan. Ako na nga.” excited na sabi ni Destiny. Pero bago pa man nito makuha sa kanya ang kanyang cell phone ay sinagot na niya ang tawag.

“Hello. Sino ‘to?”

“I Love You.” anang boses na nasa kabilang linya. Nanlaki ang kanyang mga mata.

“Bakit?” tanong ni Destiny ngunit hindi niya ito pinansin.

Hindi siya maaaring magkamali. Ilang taon na niyang naririnig ang boses na iyon sa programang Dream Love ng Dream Radio. At kanina lang nga’y kasama niya lang ito. Walang dudang si DJ Kyle ang tumawag sa kanya.

“Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo?” aniya kay DJ Kyle.

“What’s my name?” anito.

Napangisi siya. “DJ Kyle, hindi mo ‘ko madadaan sa ganyan lang.”

“Ang ganda mo talaga, ‘te!” nakasimangot na sabi sa kanya ni Destiny. Pinatahimik na lang niya ito sa isang tabi.

“I know. I called because for the nth time, I’m going to ask you the same question again. Will you let me court you?” seryosong tanong nito sa kanya pero kung nakikita niya ito ngayo’y alam niyang nakangiti ito.

Hindi na rin niya mabilang ang mga pagkakataong nagtanong ito sa kanya kung pwede na itong manligaw dahil katwiran niya’y hindi pa niya ito nakikilala ng mabuti. Pero ang mas malalim na dahilan ay dahil sinusubukan lang niya ang pasensiya nito. Mukha nga namang seryoso sa panliligaw sa kanya si DJ Kyle dahil hindi lumalampas ang isang araw na ilang beses ito kung magtanong sa kanya. Maliban doon ay pinapayagan naman niya ang kanyang sarili na lumabas kasama ito.

Tinabunan niya ng kanyang kamay at throw pillow ang mouthpiece ng kanyang cell phone at saka impit na tumili. Si Destiny na nasa tabi lang niya’y parang maloloka na sa katitingin sa kanya. Nang mailabas na niya halos ang kilig ay binalikan niya si DJ Kyle sa kabilang linya.

“Hindi ka pa rin pala talaga nawawalan ng pag-asa, ‘no?” aniya.

“Kahit na ano pang pagtataboy ang gawin mo sa’kin, hindi pa rin ako titigil hanggang sa malaman kong pag-aari ka na ng iba.”

“Talaga lang ha?”

“Oo naman. And by the way, we’re on air.”

“Ano?!” sigaw niya rito. Natatarantang binuksan niya ang kanilang radyo na awtomatikong naka-set ang frequency sa Dream Radio. Narinig niya mula roon ang pagtawa ni DJ Kyle na naririnig din niya sa kanyang cell phone.

Anak ng…Kanina pa pala kami on-air? Peste!

“Hindi nakakatuwa!” muling sigaw niya rito.

“Yngrid, don’t get mad at me. Gusto ko lang ipakita sa’yo kung gaano kita ka-gustong ligawan.”

“Oh-my-god!” patiling sigaw ni Destiny na nagtatalon-talon pa.

“Mag-usap tayo bukas.” aniya rito saka tinapos ang tawag. Pero naririnig pa rin niya ang boses nito mula sa kanilang radyo.

“All right. You just heard my conversation with the apple of my eyes tonight, dreamers. And please do pray na sana, um-oo na siya sa’kin bukas. Good night and take care always, dreamers! Dream on!” sabi ni DJ Kyle saka pumailanlang ang awitin ni Colbie Caillat na Realize.

“Seryoso siya, ‘te! O, ‘ayan na ang cue mo. Sagutin mo na siya agad ‘pag nagtanong bukas.” sulsol sa kanya ni Destiny.

“Pag-uusapan namin bukas ang tungkol do’n, Des. Peste siya! Hindi muna sinabi na on-air pala kami.” nanggigil na sabi niya rito.

“Ang sweet nga ng ginawa niya eh. Ipinangalandakan niya sa buong Pilipinas na gusto niyang manligaw sa’yo, seryoso siya at ikaw lang ang babae sa buhay niya ngayon. Ang sweet, ‘di ba?”

Oo nga. Ang sweet. Naroon na naman ang kakaibang tibok ng kanyang puso na naramdaman niya simula nang makilala niya si DJ Kyle.

“ANG SWEET naman ni Kyle. Ang swerte mo sa kanya, Yngrid.” sabi kay Yngrid ni Rodge. Nang araw na iyon ay mananatili raw ito buong maghapon sa kanilang opisina kaya may kadaldalan na siya.

Ang tinutukoy nitong ‘sweet’ ay ang mga padalang pagkain at bulaklak ni DJ Kyle sa kanya sa kanilang opisina. Ipinamigay na nga niya ang sobrang bulaklak sa kanilang cubicle ni Rodge dahil ayaw naman iyong ipapasok sa loob ni Nick. Maging sa kanilang bahay ay halos mapuno rin ng pagkain ang kanilang mesa pagkagising niya kaninang umaga.

“Nakakakilig nga eh.” aniya.

“Gano’n? Eh, bakit hindi mo siya hinayaang manligaw sa’yo noon? Nagpakipot ka pa, ‘no?” sunod-sunod na tanong ni Rodge.

“Hindi naman masyado. Tinitingnan ko lang kung seryoso talaga siya sa kagustuhan niyang manligaw sa’kin. Sinusubukan ko ang pasensiya niya. Pumasa naman siya kaya…”

Gusto na niya noon pa man ang personalidad ni DJ Kyle sa radyo. Mas lalo naman niya itong nagustuhan nang una niya itong makita dahil hindi maikakailang gwapo nga talaga ito. Parang siya’y nasa isang panaginip o kaya nama’y isang fairy tale kung saan siya ang prinsesa at si DJ Kyle naman ang prinsipe.

Hindi siya makapaniwala sa lahat ng nangyayari sa pagitan nilang dalawa. Oo at takot naman siyang masaktan pero pakiramdam naman niya’y hindi siya magagawang saktan ni DJ Kyle.

“Sasagutin mo na siya?” excited na tanong ni Rodge.

“Hindi pa. Hindi ko pa naman siya totoong kilala eh. Ang pakilala lang niya sa’kin eh bilang si DJ Kyle. Ikaw, kung gusto mong sagutin ko na siya, sabihin mo sa’kin kung sino talaga siya.” aniya rito.

Ilang beses na niyang tinanong kay DJ Kyle kung sino ba talaga ito pero hindi pa rin niya ito napapaamin. Ang palagi nitong sinasabi sa kanya ay, ‘sa tamang panahon, kapag nagawa ko na ang lahat’. Hindi naman niya mapilit pa ito dahil palagi siya nitong binibigyan ng ibang bagay na pagkakaabalahang ipagtanong.

“’Ay, ‘wag na lang.” agad na sabi nito.

“Bakit ba ayaw niyang sabihin sa’kin kung sino siya talaga?” Hindi niya kasi makuha ang rason kung bakit ayaw nitong magpakilala ng buo sa kanya.

“Aba, malay ko sa kanya. Pero kung sasagutin mo na siya, sabihan mo ‘ko agad ha.”

“Manliligaw daw muna siya, ‘di ba?”

“’Ay nako, ‘te. Ang haba na ng hair mo dahil ilang linggo ka ng pinopormahan ni Kyle. Sa kanilang magkakaibigan, sa kanila nina Sir Red, Sir Chord at pati si Bossing Nick, wala pang babaeng nakakaranas ng ganyang trato. Kaya nga bilib ako sa’yo eh.”

“Talaga? Ibig sabihin, wala pang mga girlfriend sina Red, Chord at Boss Nick?”

“Mayro’n. Actually, madami sila. Mabuti nga at hindi ka pinagdadala ni Bossing Nick ng mga regalo niya sa kanyang mga babae, eh ako, araw-araw niyang inuutusan. Hindi na nga ako executive assistant dito eh, personal assistant na.” reklamo ni Rodge.

“Rodge, pwede mo namang ipagawa sa’kin ‘yong mga pinapagawa ni Boss na hindi mo kaya eh.” sabi niya rito.

“’Sus! Wala ‘yon. Hindi naman ako nagrereklamo sa’yo kundi kay Bossing. Gagaw------“

“Rodgine! Pumasok ka nga dito sa loob!” malakas na sigaw ni Nick mula sa loob ng opisina nito.

“Patay!” nakakagat-labi na saad ni Rodge.

“Ano ba kasi ang ginawa mo?”

“Asin ‘ata ang nailagay ko sa kape niya imbes na asukal eh.” sabi nitong may pilyang ngiti sa mga labi.

“Loka ka talaga! Bahala ka d’yan. Kakatayin ka niya ng buhay sa loob.”

“Subukan lang niya. Kakainin ko muna siya ng buhay.” anito bago pumasok sa loob ng opisina ng kanilang boss.

“Papatayin mo ba ako?” dumadagundong ang boses na tanong ni Nick.

“Slight lang naman.” narinig pa niyang sagot ni Rodge. Nailing na lang siya dahil sa kapilyahan nito.

“Sana hindi ang iling na ‘yan ang sagot mo sa’kin.” anang isang pamilyar na boses sa kanyang gilid.

Nasapo niya ang kanyang dibdib dahil sa pagkagulat. “Peste ka! ‘Wag ka ngang basta susulpot na lang!” inis na sigaw niya rito.

“I’m sorry. I didn’t mean to startle you. Here.” sabi nito sa kanya saka iniabot sa kanya ang isang bouquet ng white roses.

“Hindi mo ba nakikita ang mga bulaklak dito, ha?” tanong niya rito at itinuro ang mga bulaklak na nakapaligid sa kanya.

“You don’t like it?”

“Hindi naman sa gano’n. Pero pwede namang isang araw eh isang bulaklak lang. Over-over ka naman kung magbigay eh.” natatawang saad niya rito.

“Okay. Next time. Pero, nabawasan ba ang pag-asa kong makaakyat ng ligaw sa’yo?”

“Bakit ka pa aakyat kung pwede ka namang maglakad papunta sa’kin?” banat niya rito.

Nanlaki ang mga mata nito sa una pero maya-maya lang ay napalitan iyon ng ngiti. “You mean, pinapayagan mo na akong manligaw sa’yo?” tanong nito. Hindi niya nasagot ang tanong nito dahil muli na namang dumagundong ang boses ni Nick.

“Eh, kung ibalik na lang kaya kita sa nanay mo?” sigaw na naman ni Nick kay Rodge sa loob.

“Si Rodgine ba ang nasa loob?” natatawang tanong ni DJ Kyle.

Tumango siya. “Asin daw kasi ang nailagay niya sa kape ni Boss Nick imbes na asukal.” natatawa ring saad niya.

“Sakit talaga sa ulo ni Nick ang isang ‘yon.” umiiling na saad ni DJ Kyle. “O, tanggapin mo na dahil wala akong bibigyan niyan kundi ikaw.” sabi nito at muling iniabot sa kanya ang bouquet.

“Salamat.” nakangiting sabi niya rito.

“So, tungkol do’n sa tanong ko sa’yo. Okay na ba?”

“Yngrid, sumama ka sa’kin. May imi-meet tayong kliyente.” pormal na sabi sa kanya ni Nick nang bigla na lang itong lumabas sa opisina nito.

Nakakatakot ito kung tumingin kaya nawala ang ngiti sa kanyang mga labi. Tila nakalimutan na rin niya ang tanong ni DJ Kyle dahil nakamamatay ang hitsura nito ngayon. Magkasalubong ang mga kilay nito at malamig na malamig ang ginagawa nitong pagtingin sa kanila ni DJ Kyle.

“Nick, nand’yan naman si Rodgine ah. Bakit hindi siya ang isama mo?” ani DJ Kyle dito.

“Oo nga naman, Bossing. Kaya ko namang makipag-meeting sa mga kliyente mo eh. Nagawa ko na nga ng maraming beses eh.” sabi ni Rodge dito ngunit hindi man lang ito pinansin ni Nick.

“Kyle, hindi ito ang oras para magligawan kayo ni Yngrid. May trabaho pa kami kaya mamaya ka na manligaw.”

“Nick, ano bang bago sa tangkang pagpatay sa’yo nitong si Rodgine?” biro ni DJ Kyle dito.

“Kaya nga bukas na bukas din ay isasauli ko na siya sa ina niya para wala nang sakit sa ulo ko.” sabi ni Nick na hindi man lang tinapunan ng tingin si Rodge. Napangiwi na lang ang huli pero makikita pa rin sa mga mata nito ang pagkapilya.

“Hindi mo ako basta na lang mapapaalis dito, Nick. May hawak pa akong alas sa’yo.” sabi ni Rodge dito saka pilyang ngumiti. Lumakad ito palayo kay Nick at tumigil lang ito nang tila may nakalimutan. “Oh. If you want to see your oh-so-nice pictures, just call me, ‘kay?” nakangising sabi ni Rodge kay Nick saka binigyan pa ito ng isang flying kiss.

Natawa ng malakas si DJ Kyle dahil sa ginawa ni Rodge pero mas lalo namang naging mukhang nakakatakot si Nick kaya pinipigilan niya ang matawa.

“That devil!” inis na wika ni Nick.

“Just deal with her, Nick. Kaya mo siya kung mag-iisip ka lang ng mabuti.” makahulugang sabi ni DJ Kyle dito. Hindi niya maintindihan kung ano ang iniisip nito.

“Umuwi ka na, Kyle. Aalis na kami ni Yngrid.”

“Okay. Pero, pasagutin mo muna si Yngrid sa tanong ko.” nagmamakaawang sabi ni DJ Kyle.

“Yngrid, once and for all, magpapaligaw ka na ba dito kay Kyle?” naiinip na tanong ni Nick.

“Sinabi ko na nga sa’yo kanina, ‘di ba? Ang hina mo naman.” aniya.

“Ano nga?” naiinis nang wika ni Nick.

“Oo na nga po.” natatakot na sagot niya.

“Yes!” masayang sigaw ni DJ Kyle. “I’ll make you happy, Yngrid.” anito sa kanya.

At naniniwala naman siya rito dahil ngayon pa lang ay masaya na siya kasama lang ito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.