Chapter FCM2: HITO 29

...Naniwala pa nga ako sa malasakit mo sa turismo ng lugar na ito. Na nag-alala ka para sa akin. Mabuti na lang hindi ako masyadong nasaktan sa mga natuklasan ko ngayon. Sa mga bagay na alam ko na sa simula pa lang.”

Gustong maiyak na Madison. Parang sinampal siya ni Lerome. She was tough. Marami ang naitawag sa kanya mula sa pagiging pasikat, ambisyosa, mayabang dahil sa ngalan ng paggawa niya nang mabuti sa tungkulin niya bilang mamamahayag. Pero sa unang pagkakataon ay nasasaktan siya sa sinabi ni Lerome kahit na totoo. Dahil alam niyang itinuring niya itong kaibigan. Maaring una niyang plano ay hanapin pa rin si Jeyrick. Pero kinalimutan niya iyon para kay Lerome. Dahil ayaw niya itong masaktan. Dahil ayaw niyang mawala ang tiwala nito sa kanya. Subalit huli na.

Kinuyom niya ang palad. “Kung wala kang tiwala sa akin, huwag na lang tayong tumuloy. Hindi ko kayang makasama ang taong walang tiwala sa akin at maliit ang tingi sa pagkatao ko.”

Tumalikod ang dalaga. Di niya kayang makasama si Lerome na lagi siyang sinusumbatan sa bawat tingin nito sa kanya. Wala ring halaga kung tutuloy pa sila dahil sa palagay niya ay hahadlangan din nito ang misyon niya. Di ito papayag na magkita sila ni Jeyrick.

Pinigilan nito ang kamay niya. “Tutuloy tayo. Nandito na tayo.”

“Bakit pa? Wala ka namang tiwala sa akin.”

“Gusto kong patunayan sa iyo na wala si Jeyrick dito. Sasamahan pa rin kita kahit saan mo gusto gaya ng pangako sa iyo. Tumutupad ako sa pangako ko.”

At naunang naglakad ang lalaki. Tahimik siyang sumunod dito. Mabuti nga ito, hindi ba? Wala na akong itatago. Malinaw na kay Lerome na gusto kong ma-interview si Jeyrick. Hindi ko na kailangang magpanggap.

Mas mabuti nga iyon. Magagawa na niya nang malaya ang trabaho niya. Ano ngayon kung nagasgasan niya ng damdamin nito? Ginagawa lang naman niya ang trabaho niya. Isa siyang journalist na gagawin ang lahat para sa balita. Manhid na siya sa mga batikos sa kanya gaya nito. Mahalaga ay magawa niya ang trabaho niya. She was right on track. Napatunayan din niya na siya ang journalist na malakas ang instinct at di sinasayang ang oportunidad.

Pero bakit parang sinasaksak ang puso niya? Dahil alam niyang nasaktan niya si Lerome. Pinatunayan lang niya ang masamang hinala nito sa kanya. At kahit anong pagtatanggol niya sa sarili niya ay alam niya na totoo ang lahat ng sinabi ng binata. Sa simula pa lang ay di na siya nito mapagkakatiwalaan.

At sa unang pagkakataon ay hindi niya nagustuhan ang sarili niya.

MADILIM na ulap sa kalangitan nang makarating sina Madison at Lerome sa farm nila Jeyrick. Di madali ang paglalakad kay Madison dahil na rin sa lamig ng panahon at di patag na daan na minsan ay nasa gilid pa ng matarik na bangin. Nakakahapo din ang paglalakad kahit pa inako na ni Lerome ang pagdadala ng bag niya. Kasama kasi ang bigat ng kalooban niya sa dala-dala. Kaya kahit nang patuluyin sila sa kubo ng ama ni Jeyrick at malapit na sa tagumpay ay mabigat pa rin ang pakiramdam niya.

“Mabuti naman at nakarating din kayo bago bumuhos ang ulan. Makapal na ang ulap, Lerome.”

“Opo. Mahalaga po di kami inabutan ng ulan. Si Madison po pala, bisita natin galing sa Baguio,” pagpapakilala ni Lerome sa kanya.

“Magandang hapon po,” bati ng dalaga at inilahad ang kamay.

Kinamayan naman siya ng lalaki na mas matandang version ni Jeyrick, subalit walang dimples. “Mang Melvin na lang, Ma’am Madison.”

“Naku! Huwag na po nila akong tawaging ma’am. Kaibigan ko po ang anak ninyong si Jeyrick. Siya po ang guide ko nang ipasyal niya ako dito sa Barlig,” sabi niya.

“Girlfriend mo ba siya, Lerome? Mabuti naman nagka-girlfriend ka na nang hindi ka tumandang binata. Baka maunahan ka pa ng anak ko,” anang isang lalaki na sa palagay niya ay matanda lang ng ilang taon kay Lerome.

“Unggoy! Anim na taon pa lang ang anak mo.” Ipinakilala sa kanya ni Lerome ang isa pang lalaki bilang si Jensen, ang pinsan ni Jeyrick. “Bisita natin si Madison. Bisita,” giit ng binata.

“Ang hina mo kasing manligaw. Tatandang binata ka talaga niyan,” kantiyaw ni Jensen sa lalaki.

Muntik nang sumimangot si Madison pero pilit niyang pinanatili ang ngiti. Nakakailang na itukso sa lalaking halos isuka na siya. Kahit na di naman sila romantically involved, masakit pa rin ang ma-reject.

“Pupunta kami sa Siblang Taraw sana para makita ni Madison,” sabi naman ni Lerome.

“Naku! Swertehang makita iyon. Minsan kasi basta na lang nawawala. Kataka-kata nga. Kahit daw magpaikot-ikot ang mga nakakakabisa sa lugar, hindi nila makita. Tanungin mo pa si Lerome at kasama siya sa mga nagpunta doon,” anang si Mang Melvin.

“Kasi walang pag-ibig si Lerome noong pumunta doon. Kailangan daw magsama ng magandang girlfriend para sa pangako ng tunay na pag-ibig,” dagdag naman ni Jensen.

“Tama na nga ang mga gawa-gawa mong kwento. “Linisin mo itong isda para naman di ka panggulo sa usapan.”

“Ako pa ang panggulo. Tinutulungan na nga kitang dumiskarte,” sabi ni Jensen at kakamot-kamot na pumunta sa kusina.

“Sayang wala si Jeyrick dito ngayon,” anang si Mang Melvin n. “Magugustuhan tiyak niya ang mga tilapia na dala ninyo.”

“N-Nasaan po si Jeyrick?” tanong ni Madison at sinalubong iyon ng mahabang katahimikan. Napansin niya ang tinginan nina Mang Melvin at ni Lerome. Parang itinatanong ng matandang lalaki kung mapagkakatiwalaan siya habang naging matiim naman ang mukha ni Lerome. Sa palagay niya ay wala siyang makukuhang sagot sa mga ito. Hindi sasabihin ng mga ito kung nasaan si Jeyrick.

“Nasa Natonin si Jeyrick ngayon. Dinadalaw ang kapatid niyang si Charles,” sabi naman ni Mang Melvin sa may kahinaang boses.

“Ano naman ang gagawin ni Jeyrick sa Natonin?” singit ni Jensen na may hawak pang kutsilyo. Gusto nitong makisingit talaga sa usapan. “Nasa Kadaclan lang iyon.”

“Nasa Natonin nga. Marunong ka pa sa akin. Saka maglinis ka na nga ng isda doon. Iihaw mo na rin at gutom na kami,” utos ni Mang Melvin saka nakangiti ulit na bumaling sa kanya. “Kumusta naman ang pamamasyal ninyo dito sa Barlig?” pag-iiba ng matandang lalaki sa usapan.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.