Chapter FTCM3: MFTS 10

“DALAWANG malaking news program na ang naghahanap sa iyo, Jeyrick. Pati si Vice Mayor tumawag na kanina para magtanong tungkol sa iyo dahil may mga kumontak daw sa kanyang reporters. Handa daw silang puntahan ka dito mismo sa Barlig. Baka bukas nandito na sila,” sabi ni Lerome habang naghahanda sa pag-uwi ng Kadaclan ang lalaki.

Nasa dulo ng Barlig ang komunidad ng Kadaclan at nakatira si Jeyrick sa baranggay ng Ogo-og. Mas ideal para dito na doon muna magtago habang pinapalamig pa ang pagiging viral nito. Ayaw talaga nito na ma-expose sa publiko.

“Ayoko ng interview. Gusto ko ng tahimik na buhay. Ayoko ng showbiz. Saka bakit naman nila ako pag-iinteresan? Pagbubuhat lang naman ng carrots ang ginawa ko. Di naman ako nakatulong para mapalago ang ekonomiya ng Pilipinas o kaya nadiskubre ko ang gamot sa cancer,” nagtatakang sabi ng lalaki.

“Guwapo kasi lahi natin, pinsan. Guwapong pag-viral para ma-good vibes ang mga tao,” sabi ni Cardo. “Saka may nag-post daw ng picture ni Paloma sa kasalan habang nagsasayaw kayo. Iniisip tuloy ng mga tao na may something kayo dahil mukhang seryoso ang pinag-usapan ninyo habang nakatitig sa isa’t isa..”

Biglang tumaas ang presyon ng dugo ni Beliza. “Nagsayaw kayo ni Paloma? Hindi mo man lang ikinuwento sa akin?”

“Hindi naman ganoon kaimportante para ikwento ko,” kaswal na sagot ni Jeyrick.

Ganoon lang? Di big deal dito pero para sa kanya ay big deal iyon. Gusto niyang magngitngit dahil may nangyari palang titigan.

Namaywang si Beliza. “Baka naman may napag-usapan pa kayo na hindi mo sinasabi sa akin.”

“Sabi ko naman sa iyo. Ikaw lang kasi ayaw mo pa,” pakantang sabi ni Cardo habang nakatingala sa kisame at sumipol-sipol pa.

“Huwag ka nang dumagdag.” Isa na lang at baka dito mabuhos ang inis niya.

“Beliza, hindi ito ang oras para diyan,” saway ni Lerome sa kanya.

Isang matalim na tingin ang ibinigay ni Beliza kay Cardo bago nanahimik. Nakakainis! Pakiramdam niya ay pinagtutulungan siya ng lahat. Siya pa ang huling nakaalam na may moment sina Jeyrick at Paloma.

Kung pumayag ako sa kondisyon ni Cardo o kaya ay nakipag-deal ako sa kanya, baka nalaman ko rin ang agad ang nangyari sa kasalan.

Pero umiral ang pride ni Beliza. Tanggap naman niya na siya ang may kasalanan pero mas makakagaan sa damdamin niya kung si Cardo ang sisisihin niya.

“Ayaw mo ba talaga na magpa-interview?” paniniyak ni Cardo.

“Gusto ko ng tahimik na buhay at ayokong maidikit ang pangalan ko kay Paloma. Ayokong isipin niya na ginagamit ko siya para sumikat. Kaya mas mabuti pang makalayo na ako dito bago pa dumating ang mga reporter. Ayokong pati ang pamilya ko at mga kaibigan ko sa Kadaclan ay bulabugin pa nila.”

“Anong sasabihin namin kapag may naghanap sa iyo?” tanong ni Beliza.

“Sabihin ninyo nasa Tabuk ako o sa Besao o sa kung saang parte ng Cordillera. Basta malayo sa Barlig. Sabihin ninyo may mga kamag-anak ako doon. Masaya na ako sa simpleng buhay. Wala namang kakaiba sa pagbubuhat ko ng carrots. Di bale sana kung isa akong bayani. Kung gusto nila, ipasyal mo na lang sila dito sa Barlig. Mas nakatulong pa sila sa turismo at mga tao dito.”

“Sige. Kami na ang bahala,” sabi ni Lerome.

“Jeyrick, mag-iingat ka,” anang si Beliza sa kaibigan.

“Huwag kang mag-alala. Lilipas din ang ilang araw at makakahanap na sila ng ibang pag-uusapan,” sabi ni Jeyrick.

“May gusto sana akong sabihin sa iyo,” sabi ni Beliza. Oras na para sabihin dito ang nararamdaman niya. Di niyai gusto ang pakiramdam na sa posibleng pagbabago sa buhay ni Jeyrick ay nawalan na siya ng pagkakataon.

“Sa susunod na lang natin pag-usapan iyan kapag bumalik na sa normal ang lahat. Gagabihin na kami ni Cardo. Mas matatagalan kaming makarating ng Kadaclan,” sabi ni Jeyrick at pinisil ang balikat niya.

Tumango na lang si Beliza at kumaway nang umalis na ang sasakyan ng mga ito. Sana lang ay bumalik na sa normal ang lahat. Sana ay may pagkakataon pa si Jeyrick na sabihin dito ang nararamdaman niya.

MAHIMBING ang tulog ni Beliza dahil napuyat siya nang nagdaang gabi sa pagre-review. Sa wakas ay nakapag-focus din siya dahil alam niyang nasa ligtas na lugar si Jeyrick. Kaya naman sinamantala niya ang pagkakataon habang ganado pa ang utak niya.

Nag-text ito sa kanya para sabihin na kasama nito ang lola nito at ito ang mag-aasikaso sa bukid. May instruction na rin ito sa mga nakakakilala na bawal sabihin kung nasaan ito. At sa layo ng lugar na iyon, tiyak na di ito basta-basta mapupuntahan.

Subalit nabulabog siya nang bigla na lang may kumatok sa pinto ng kuwarto niya. “Ate Beliza! Ate Beliza!” tawag ng boses ng isang babae sa kanya.

“Inaantok pa ako,” ungol niya at itinalukbong ang comforter sa sarili.

“Ate! Emergency po! Si Carrot Man!”

Bigla siyang dumilat. “Si Jeyrick!” Pagulong siyang bumaba ng kama dahil di niya alam kung paanong aalisin ang comforter na nakabalot sa katawan. Dali-dali niyang binuksan ang pinto at wala siyang pakialam kung magulo man ang buhok niya. “A-Anong nangyari kay Jeyrick?”

Bumungad sa kanya ang isa sa tourism officer ng Barlig na si Jhen. Nakasapo ang palad nito sa magkabilang pisngi at mukhang nilalamig din gaya niya. “Ate, kasi po nagkakagulo po ang mga reporter sa baba. Hinahanap si Sir Jeyrick. Grabe! Sikat na nga talaga siya.”

Hindi siya komportable na sa harap niya mismo ay may nagfa-fan girl kay Jeyrick. Pero mabait si Jhen kaya di niya masyadong ininda.

“Sino ang nag-aasikaso sa kanila?” tanong ni Beliza.

“Nasa baba po si Sir Lerome at nakaalalay din si Officer Chogsayan. Naghahanap nga po sila ng gustong ma-interview tungkol kay Carrot Man. Pati nga po mga babaeng may gusto kay Carrot Man dumayo pa dito. May galing pang Maynila na fans niya.”

“Kaya naman na siguro nila iyon,” usal ni Beliza at naisip sina Lerome at Cardo na mas sanay sa pag-handle sa ganitong sitwasyon.

Wala siya sa mood na humarap sa mga reporter ngayon. Makakagulo pa siya doon. Kapag naman nalaman ng mga tao na wala sa Barlig si Jeyrick, tiyak na mag-aalisan din ang mga ito. Sasawaan din ang mga ito kay Jeyrick dahil marami namang pauso at magvi-viral o may panibagong eskandalo na susulpot at pagpipiyestahan n bayan. Ganoon naman sa showbiz, gusto ng bago at fresh. Madaling sawaan.

“Sige. Matutulog na ulit ako ha?” pagpapaalam niya kay Jhen.

“Ate, nandiyan po sa baba si Paloma Escalante.”

Sinakmal ng takot ang puso ni Beliza. “Si Paloma? ‘Yung singer? ‘Yung nag-artista?” ‘Yung pantasya ng mga kalalakihan? Yung first love ni Jeyrick? ‘Yung kasayaw niya sa kasal ng kaibigan nila? ‘Yung katitigan niya?

“Oo, Ate. Ang ganda-ganda niya sa personal. Naku! Parang walang pores ang mukha niya. Mukha siyang diyosa.”

Nanalamig ang buong katawan ng dalaga. Iba na ikinukwento lang ni Jeyrick sa kanya ang tungkol dito nang magkakilala sila. Iba na malaman na nagsayaw ang mga ito sa kasalan at nagtitigan. Pero iba kapag alam niyang nasa baba na ang pinakamatindi niyang karibal at makikita niya in flesh and blood.

Bangungot. Parang binabangungot siya.

“Sabi niya dati daw niyang kaibigan si Jeyrick noong college pa,” patuloy na pagkukwento ni Jhen at humagikgik. “Sabi niya sa mga reporter handa daw siyang tulungan si Jeyrick at ang pamilya niya.”

Talaga lang ha? Kinalimutan niya si Jeyrick nang sumikat siya. Habang si Jeyrick nagpapakahirap dito tapos ngayon lang niya tutulungan.

Paano pa mawawala sa spotlight si Jeyrick kung pati si Paloma ay sumunod sa Barlig? Hindi titigilan ng reporters ang mga ito. Tapos ay lumalabas pa ngayon na mabuti itong kaibigan. Naiipokritahan talaga siya sa babaeng iyon.

Kinalabit ni Jhen si Beliza. “May something ba sila ni Sir Jeyrick?”

“Anong something?”

“Dating relasyon. Boyfriend-girlfriend. Mutual understanding maybe? Baka naman may alam kayo, Ate Beliza. Ikwento na ninyo sa akin. Hindi ko naman ipagsasabi sa mga reporters. Kasi kahit na di sinagot ni Paloma Escalante ang tanong ng reporters, dama ko na may nararamdaman siyang espesyal kay Carrot Man. Walang girlfriend

Dumayo pa si Paloma sa Barlig para lalong guluhin ang buhay ni Jeyrick. Di na mahalaga ang nakaraan ng mga ito. Siya ang future ni Jeyrick. At ngayon pa lang ay kailangan na niyang harangan ang pagbabalik ni Paloma Escalante sa buhay ng binata.

Pilit siyang ngumiti. “Pakisabi kay Lerome na mag-i-issue ako ng statement. May kailangang malaman ang lahat,” sabi niya at hinablot ang tuwalya niya at dinampot ang toiletries.

“May sarili kayong press conference?”

Tumango siya. “Bigyan lang nila ako ng isang oras para maghanda.”

Kailangan kong maglabas ng official statement. Kailangan kong pigilan ang mga babaeng naghahabol kay Jeyrick lalo na si Paloma. Wala na siyang puwang sa buhay ni Jeyrick.

NAPAHIYAW si Beliza nang ibuhos sa sarili ang malamig na tubig. Mala-yelo pala iyon at halos manigas ang buong katawan niya. Nawala sa isip niya na magpainit ng tubig sa kamamadali. “Beliza, ano na nangyari sa iyo?”

Kumunot ang noo niya nang marinig ang boses ni Cardo. Hanggang dito ba naman sa banyo nambubulahaw ito? Di agad siya nakasagot.

“Papasok ako diyan. Babalyahin ko itong pinto kapag di ka sumagot,” banta nito.

“Malamig lang ang tubig. Di ako sinugod ng terorista. Huwag kang OA.”

“Nag-aalala lang ako sa iyo. Bigla ka kasing sumigaw,” sabi nito sa boses na may bahid pa rin ng pag-aalala.

Gusto niyang mainis pero kinilig siya sa gesture nito. Ito ang tipo ng lalaki na basta may panganib ay susugod agad. Handa siyang protektahan kahit anong oras. Magtigil siya. Di nga niya naprotektahan ang puso ko. Nasaktan pa rin ako. At hindi ako kinikilig sa kanya. Malamig lang talaga ang tubig.

“Anong kailangan mo?” tanong ni Beliza.

“Totoo ba ang sinabi ni Jhen sa amin ni Lerome na magpapa-presscon ka at haharap sa mga reporter?”

“Oo. Kaysa kung sinu-sino ang interview-hin nila na wala namang alam tungkol kay Jeyrick, mas mabuting sa akin na lang manggaling.”

Mas may authority naman siya pagdating kay Jeyrick kaysa kay Paloma. Mas kilala na niya ito ngayon dahil mas matagal silang magkasama.

“Ano namang sasabihin mo?”

“Maghintay ka na lang at hayaan mo akong maligo nang mapayapa. Magpahanda ka na lang ng miryenda sa mga reporter. Sagot ko,” puno ng kompiyansa niyang sabi.

“Mag-usap muna kayo ni Lerome bago ang press conference. Siya ang humarap sa mga reporter mula pa kanina. Tawagin mo lang ako kung may kailangan ka.”

Isa pa itong panggulo sa love life nila ni Jeyrick. Naka-move on na siya dito pero di niya alam kung bakit kinikiliti ang puso niya kapag nag-aalala ito sa kanya. Hindi siya pwedeng ma-distract sa pagmamahal niya kay Jeyrick.

Sa plano niya, sigurado siya na hindi na rin siya liligaligin pa ng mga fans ni Jeyrick, ni Paloma at Cardo.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.