Tumirik ang mata ni Beliza nang makaalis na ang dalawang lalaki matapos bumili ng miryenda. “Ang corny lang. Pahara-harana pa.”
“Kung di ka girlfriend ni Jeyrick, iisipin ko na nagseselos ka.”
Binelatan lang niya ang lalaki. Minsan iniisip niya kung seryoso ba ito na feeling nito ay gusto pa rin niya ito o masaya lang ito na asarin siya. Sa dinami-dami ng pagbibilinan ni Jeyrick sa kanya, bakit kay Cardo pa?
Tiniis ni Beliza ang presensiya ng lalaki hanggang matapos silang kumain. “Inumin mo ‘yang gamot.”
“Kapag sumakit ang ulo ko,” sabi niya.
“May hangover ka. Di lang kasing tindi ng tama pero halata naman sa mga mata mo na masakit ang ulo mo. Kapag nalaman ni Jeyrick na...”
“Oo na. Oo na.” At napilitan siyang inumin ang gamot. Okay lang sa kanya na masermunan ni Jeyrick. Sanay na siya.
Pero di siya komportable na inaalagaan siya ni Cardo. Parang may kiti-kiti na lumalangoy sa sikmura niya na di niya maintindihan. Iyon din ang naramdaman niya dati matapos siyang ipagtanggol nito sa mga nambastos sa kanya.
“Parating na daw sila Lerome,” sabi ni Manang Lourdes. “Hindi pa naaayos ang mga ipapadala sa kay Edward.”
“Tapos na po ako,” sabi ni Beliza at tinungga ang kape saka tumayo.
“Tulungan na kita,” prisinta ni Cardo. At bago pa siya makakilos ay siya makahuma ay lumapit na ito sa tiyahin niya. “Manang, ano po ang mga supplies na kailangan ni Manong Edward? Baka di kaya ni Beliza na ikahon lahat. Baka mabigat pa po ang bitbitin.”
“Mabuti pa nga. Salamat, Officer Cardo,” sabi ni Manang Lourdes at ibinigay dito ang listahan ng mga order.
“Ako na diyan,” aniya kay Cardo at inilahad ang palad para kunin ang listahan.
Nakangiti nitong inabot ang bareta ng sabon. “Ikaw na lang ang mag-check sa nakuha nang order at mag-ayos sa kahon. Ako na lang ang kukuha.” At inilapag nito sa mesa ang sabon. “Dalawang berata na Perla.”
“Wala ka bang trabaho ngayon? O mag-sign ng autograph sa mga fans mo tutal sikat ka na?” may halong sarkasmo na tanong ni Beliza.
“Kailangan kong pagsilbihan ang mga mamamayan dito sa Barlig. Kasama na sa duty naming mga pulis na tumulong kapag kailangan kami kahit sa mga simpleng bagay. Tutal zero crime rate naman dito sa Barlig. Ano pa ang gagawin namin?”
Maasim siyang ngumiti. “Sigurado ako na gusto ng mga nanay at tatay na ipakasal ka sa mga anak nila. Wala kang balak magpapikot?”
“May hinihintay akong mamikot sa akin. Kaso...”
“Kaso...?”
Nanunukso itong ngumiti. “Bakit interesado kang malaman?”
“Nakikipagkwentuhan lang. Minsan nga lang ako di maging masungit sa iyo, hihiritan mo pa ako ng ganyan,” nakaingos niyang sabi.
Sino ba ang babaeng gusto nito? Ano ang problema bakit di pa nito ligawan? Si Glenda ba? Naiilang siyang magtanong tungkol sa bestfriend nito. O baka naman may iba pang babae. Matagal na panahon naman na ang lumipas.
Kung may iba itong gustong babae, bakit hanggang ngayon ay tinutukso pa rin nito? Why did he want to make her feel uncomfortable? Na parang ine-enjoy nito na ibalik ang nakaraan nila na parang kahapon lang nangyari?
“Nandiyan na si Lerome,” sabi ni Manang Lourdes at nang sumilip siya sa pinto ay nakita niya na nakahimpil na ang pick up truck ni Lerome sa kabila ng daan.
“Okay na po!” sigaw naman ni Beliza at hinigpitan ang pagkakatali sa kahon.
“Ako na ang magbubuhat niyan,” prisinta ni Cardo at akmang kukunin ang kahon sa kanya.
“Kaya ko naman buhatin. Isang kahon lang ito,” kontra naman niya at sinubukang iiwas ang kahon dito.
“Bilin sa akin ni Jeyrick na alagaan kita,” protesta ng binata. “Saka nasaan ang pagiging gentleman ko kung hahayaan kitang magbuhat nang mabigat? Nakakahiya naman sa uniporme ko.”
“Hanggang anong oras ninyo pagtatalunan ‘yang isang kahon? Anong petsa na?” tanong ni Lerome at tiningnan ang relo. “I don’t have all day to wait for you.” Halata sa mukha nito ang pagkainip.
Dumako ang tingin niya sa babaeng nakaupo sa tabi ng driver’s seat. Naroon ang reporter na si Madison Urbano na nakatuon ang mga mata sa kanila ni Cardo. Animo’y may x-ray vision nito. Sa halip na lamang-loob ang nakikita nito ay ini-scan nito kung ano ang nasa puso niya, ang iniisip niya, ang mga sekreto niya, at ang mga kwento sa likod ng nakikita ng ordinaryong mga mata.
At sa itsura nila ni Cardo, mukha silang magnobyo o may romantic interest sa isa’t isa na may konting lover’s quarrel. To think na ang pakilala niya sa lahat ay girlfriend ni Jeyrick. Paano kung gawan siya ng isyu ng babae?
Napilitang bumitiw si Beliza. “Sige. Ikaw na.”
Nilapitan ng dalaga si Lerome. “Mukhang tahimik na dito.”
Pinagkiskis niya ang palad. “Lerome... Paano na ang...”
“Ako na ang bahala,” anito at tumango.
“Miss Madison, mag-enjoy po sana kayo sa bayan namin. Pumunta rin kayo sa Lias dahil marami kaming waterfalls,” sabi ni Cardo sa babae.
“Thank you,” malambing na sagot ng babae at ngumiti.
Sinundan ni Beliza ng tingin ang pick up truck habang papalayo. “Ubos na ang mga reporter,” sabi ni Cardo. “Pwede ka nang bumalik sa pagre-review. May gusto ka bang kainin habang nagre-review? Magpapaluto ako.”
“Hindi na kailangan, Cardo. Simple lang naman ang gusto ko. “Sana bumalik na si Jeyrick. Gusto ko nang bumalik sa normal ang lahat.”
“Huwag kang umasa. Iba na ang buhay ni Jeyrick mula ngayon.”
Nagsalubong ang kilay ni Beliza. “Bakit ba kontrabida ka?”
“Hindi ako kontrabida. Pero kailangan nating tanggapin ang totoo. Sa ayaw mo’t sa gusto, may magbabago sa buhay ni Jeyrick. May magbabago sa buhay mo.”
“Diyan ka na nga,” sabi niya at naglakad palayo. Natigilan niya nang mapansin niya na parang may nakatingin sa kanya. Napansin niya na may nakahimpil na pick up truck sa gilid ng kalsada.
Di niya mamukhaan kung sino ang nasa driver’s seat pero parang nakatingin ang driver sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit parang kinilabutan siya. Di naman niya kilala kung sino ang sakay niyon.
“May problema ba?” untag ni Cardo sa kanya at tumingin sa sasakyan.
Nabuhay ang makina ng pick up at umandar din papunta sa direksyon ng Lias. Ipinilig niya ang ulo. “Wala. Magre-review na ako.”
Baka praning lang siya dahil sa mga sekreto niya tungkol kay Jeyrick. Baka di lang siya sanay sa lahat ng mga matang nakatutok sa kanila ngayon at sa kagustuhan niyang ilayo si Jeyrick sa mga tao.
Hindi pala madali na magtago ng maraming sekreto.