“She used to be Miss Lang-ay,” bulong ng pinsan sa kanya at nakita niyang nakapag-stalk na sa Facebook ni Beliza. “Graduate din siya ng Accountancy. Mukhang may something sa kanila ni Jeyrick.”
Umasim ang mukha ng dalaga nang makita ang profile picture ng babae. Ito at si Jeyrick noong graduation nito habang nagtatawanan. Nakasuot pa ang toga hat ni Beliza sa binata. They looked so close. Gaya kung gaano sila ka-close ni Jeyrick dati. Or maybe closer.
Nginangatngat ng selos ang puso niya. Pakiramdam ay inokupa ng babae ang lugar na para sana sa kanya. Na binakante ko.
“Di pa rin niya sinasabi kung nasaan mismo si Jeyrick,” bulong niya sa pinsan at siniko ito. “Magtanong ka.”
Nagtaas ng kamay si Hepburn. “Miss, sabihin mo na lang sa amin kung nasaan siya. Alam mo ba na malaking tulong kung mahahanap siya? Nandito rin si Paloma Escalante na handang tumulong sa kanya. Hindi na niya kailangang magbuhat lang ng carrots. Pwede siyang mabigyan ng maayos na trabaho at matutulungan na niya ang pamilya niya.”
“Wala po tayong magagawa kung hindi natin ma-contact si Jeyrick ngayon. Wala pong signal kung saan siya nandoon,” paliwanag ng babae.
“Ang sabihin mo ayaw mo lang i-share sa amin si Jeyrick. Alam mo talaga kung nasaan siya,” biglang singit ni Chacha.
“Pinapalabas mo ba na sinungaling ako, Miss? Sino ka ba?” mataas ang boses tanong ni Beliza.
Namaywang ang babae. “Ako lang naman ang destiny niya. Ako si Charisse, ang babaeng naka-discover kay Carrot Man. Ako ang nagpasikat sa kanya. Kaya ilabas mo na siya para magkita na kami ng destiny ko.”
“Ikaw ang destiny niya?” tanong ni Paloma.
“Oo. Sino ka ba sa buhay ni Jeyrick para ipagkait siya?”
Tumayo si Beliza. “Ako lang naman ang bestfriend niya. Ako ang nandito sa tabi niya kahit na ano pa ang pagdaanan niya. At ako ang babaeng mahal niya. Ako ang girlfriend niya.”
HABOL ni Paloma ang hininga habang naglalakad sa paakyat na kalsada palayo sa sentro ng Barlig. Hindi niya alintana ang lamig ng panahon. Tumalilis siya sa press conference habang nagkakagulo ang mga reporter kay Beliza.
Nahihilo siya sa natuklasan. May girlfriend na si Jeyrick. Parang sasabog ang puso niya sa sobrang sakit.
“Ate, saan ka pupunta?” pasigaw na tanong ni Hepburn at sinundan siya.
“Gusto ko lang maglakad-lakad,” sabi niya at di nilingon ang pinsan. Kung pwede lang ay umalis siya ng Barlig. Baka sakaling maging klaro ang utak niya.
Binatak siya ng pinsan at saka lang niya napansin na may paparating na sasakyan. “Ano ka ba? Wala ka sa sarili. Masasagasaan ka na o!”
Nanginginig siyang umupo sa sementadong barikada sa gilid ng daan nang lumampas na ang sasakyan. “M-May girlriend na si Jeyrick. Hindi man lang niya sinabi sa akin na may girlfriend siya. Nagkausap pa kami noong isang linggo…”
“Baka naman bago pa lang ang relasyon nila.”
Tears welled up in her eyes. “Pero sana sinabi niya sa akin agad.”
“Umasa ka ba na babalik kayo sa dati?” malungkot na tanong ng pinsan niya.
“Sana. Iyon sana ang gusto ko.” Sinapo niya ang noo. “Ang tanga ko. Kung pumunta ako dito, wala naman pala akong mapapala.”
“Anong magagawa mo? Six years kayong hindi nagkita. Iniisip mo ba na babalik na lang kayo basta na parang first year college ulit kayo? Marami nang nangyari. Marami nang nagbago. Ang babaeng iyon ang kasama niya noong wala ka.”
Kinagat niya ang labi. “I-I know. Pero umasa ako na baka… baka may tsansa pa kami ni Jeyrick.” Na makakatakas siya sa mapait na realidad ng showbiz kasama ito. “Parang unfair lang kasi na ganito ang nangyayari sa akin. Sa loob ng anim na taon ginawa ko ang lahat para sa career ko at para sumaya ang ibang tao. Si Jeyrick lang ang paraan ko para mapasaya ang sarili ko pero hindi rin pala siya para sa akin.”
“Kalma ka lang, ate. Mamamaga ang mata mo. Baka makita ka ng mga reporter at gawan pa nila ng kwento na kesyo bitter ka. Gusto mo bang lumala ang isyu sa iyo?”
Humikbi siya. “Siya ang pumalit sa akin sa buhay ni Jeyrick. M-Mas marami silang pinagsamahan. Maganda siya…”
“Mas maganda ka sa kanya, Ate,” sabi ng pinsan niya at hinaplos ang buhok niya. “Ikaw si Paloma Escalante. Di ka papakabog kahit brokenhearted. Saka walang forever. Magbe-break din ang mga iyan.”
Natawa siya. “Sira!”
“Tahan na. Nandito ka kasi may misyon ka. Sa ayaw mo’t sa gusto, kailangan mong mahanap si Carrot Man. Kailangang tayo ang mag-handle ng career niya,” giit nito.
“Parang hindi ko na kaya.”
“Hindi mo na ba siya tutulungan kahit bilang kaibigan dahil lang bigo ka sa pag-ibig?” Hinawakan ng pinsan niya ang balikat niya. “Sige. Isipin mo na lang na kasama ito sa trababo mo. Nagawa mong magpanggap na girlfriend ni Thirdy Concepcion sa loob ng tatlong taon. Kaya ko rin magpanggap na wala lang sa iyo na may girlfriend si Jeyrick. Na di ka in love sa kanya.”
“A-Anong gusto mong gawin ko?”
Kumuha ito ng eye drop sa pouch na dala at inabot sa kanya. “Una, patakan mo ang mga mata mo para di mamula. Tapos kakausapin mo nang nakangiti si Beliza tungkol sa tulong na pwede nating ibigay kay Jeyrick. Isipin mo na trabaho lang ito.”
Trabaho, trabaho, trabaho. Napapagod na siya. Pero wala naman siyang ibang choice. Di siya nagpunta doon para magbakasyon. Kahit sa bagay na kasangkot ang puso niya, trabaho na lang din ang trato niya.
“Give me two minutes,” usal niya at huminga ng malalim. Paano ba niya haharapin nang nakangiti ang babaeng mahal ng lalaking mahal niya?
“Make it fast. Naglalabasan na ang mga reporter at mukhang paalis na sila,” sabi ni Hepburn. Nang tanawin nila ang kalsada ay isa-isa nang nag-aalisan ang sasakyan ng mga reporter.
“I am ready,” usal ni Paloma at naglakad na pabalik ng inn.
Naabutan nila na ihinahatid ni Beliza ang mga reporter sa sasakyan at nagpapaalam sa mga ito. “Beliza... Miss Mendez.” Humarap ang babae sa kanya nang walang kangiti-ngiti. Inilahad niya ang kamay dito. “Hi! I am Paloma Escalante.”
“Kilala na kita.” Malamig ang boses nito. Parang napipilitan lang kausapin siya pero kinamayan siya nito. “Wala namang di nakakakilala sa iyo.”
“Not really. Ang pinsan ko, si Bernardo,” pagpapakilala niya sa pinsan.
“Call me Hepburn. Like Audrey Hepburn,” friendly naman na sabi nito.
“Pumasok na tayo sa loob. Malamig dito sa labas.” Nauna itong pumasok sa loob ng dining area ng Seaworld. “Gusto ba ninyong kumain o kaya kape?”
“Meron pa ba ng turon kanina?” tanong niya. Hindi siya nakakain kanina sa sobrang tensiyon. Pero ngayon ay kailangan niya ng diversion.
“Ang diet mo,” paalala ni Hepburn.
“Turon at arabic coffee,” giit niya. “Kung okay lang. Pati ‘yung para sa pinsan ko, sa akin na rin.” Dinalhan naman siya ni Beliza ng request niya. Matapos magpasalamat ay kumain muna siya. “Sorry. Wala kasi kaming oras na kumain kanina. Hindi tayo personal na nagkakilala pero kaibigan ako ni Jeyrick noong college pa kami.”
“Oo. Naikwento ka niya dati. Marami siyang naikwento tungkol sa iyo. Ayoko pa ngang maniwala dati dahil hindi ka naman nagpaparamdam sa kanya. Kaya akala ko gawa-gawa lang niya ang lahat,” sarkastikong sabi nito. Parang ipinahihiwatig ng babae na kinalimutan na niya si Jeyrick dahil sikat na siya.
“Not for my cousin’s lack of trying,” singit ng bading. “Si Jeyrick lang kasi...”
Siniko ni Paloma ang pinsan. “Bernardo...”
Ayaw na niyang pag-usapan pa kung gaano siya kamiserable tuwing walang nababalitaan tungkol kay Jeyrick noon. Kung gaano niya ito nami-miss. Sa palagay niya ay di matutuwa ang nobyo ng binata na marinig iyon.
“Ito kasing pinsan ko gustong tulungan ang old friend niya. Noon kasing nagkita sila sa Baguio, di niya nasabi na nagbubuhat lang siya ng carrots at nagpapakahirap sa bukid,” sabi ni Hepburn.
“Anong masama kung nagtatrabaho si Jeyrick sa bukid? Marangal na trabaho kahit na mahirap. Tourist guide din si Jeyrick,” protesta ni Beliza sa mataas na tono.