Chapter FCM4: FMBYS 28

Pinagtulungan nina Paloma at Ma’am Fe na ibalot ang sinangag na red rice, pritong talong at daing na isda para kay Jeyrick. Dala ang gitara ay tinalunton ni Paloma ang daan sa gilid ng mga palayan. Natanaw niya ang kulumpunan ng mga puno sa gilid ng daan. Iyon lang ang natatanaw niya na mapunong bahagi dahil halos puro palayan na ang natatanaw niya.

Isang kubo ang nakatayo sa paligid ng dalawang puno ng mangga na nagsisilbing silong. May mga puno naman na maliliit sa paligid. Sa palagay niya ay kape ang mga iyon. Totoo ang sinabi ni Lerome na nasa coffee farm si Jeyrick. Wala nga lang sa Kalinga kundi nasa Kadaclan.

Tuloy-tuloy na lumapit ang dalaga sa kubo. Walanng harang iyon o tarangkahan man lang. “Jeyrick! Jey!” tawag niya sa binata. Walang sagot. Baka naman umalis ito. Pero saan naman ito pupunta? “Jeyrick!”

Pupungas-pungas si Jeyrick nang pagbuksan niya ng pinto. “Hi! Good morning.”

“Magandang umaga,” mahinang bati nito at kinusot pa ang mata. “Ang aga mo yatang dumalaw.”

“Alas nuwebe na ng umaga,” sabi niya at ipinakita pa dito ang sportswatch niya. Ang alam niya ay gising na ito alas singko pa lang nang umaga. Bukod sa pagbabantay sa taniman ng kape, may mga native chicken din na inaalagaan doon.

"'Nagbantay ako sa kapehan kaya wala akong tulog,” sabi nito at nilakihan ang bukas ng pinto. “Anong ginagawa mo dito?”

“May ipaparinig sana ako sa iyo. Nabuo ko na kasi ‘yung kanta sa Kadaclan na nasimulan natin kahapon sa falls.” Gusto niyang marinig nito ang kanta niya. Gusto niya ang approval nito para maiparinig niya ang iba pang kanta na tumatakbo sa utak niya. “Saka pinagdala kita ng agahan. Mukhang di ka pa nakakaluto.”

“Nakakahiya naman. Nagdala ka pa.”

“Nahiya ka pa. Di na uso iyan,” aniya at nakialam na sa mga plato at kubyertos para mahainan si Jeyrick.

Matapos mag-agahan ay ipinasyal siya nito sa bahay. Maliit lang iyon at may dalawang kuwarto. Pero nagustuhan niya ang view na puro puno ng kape. May patuyuan din ng coffee cherry na gigilingin pagkatapos para pwede nang ilaga at inumin.

Nahigit ni Paloma ang hininga nang makita ang bungo ng mga hayop na nakasabit sa dingding ng bahay. “A-Ano iyan? Ikaw ba ang pumatay sa mga iyan?”

“Mga civet iyan. Wild cat. Gagala-gala sila dito Kinakain kasi 'yung mga kape dito sa farm." reklamo ni Jeyrick na di maipinta ang mukha. “Hindi ako ang pumatay sa kanila. Itinataboy ko lang sila. Si Jensen ang bumaril sa kanila para hindi na nila kainin ang mga bunga ng kape. Kaya rin ako napuyat kagabi dahil sumugod sila.”

Tinampal niya ang balikat ni Jeyrick. "Ano ka ba? Di mo sila dapat tinataboy."

"Paanong di ko itataboy? Salot sila dito sa kapehan. Ano pang maaani dito kung ipapakain na lang lahat sa kanila?"

"Paanong naging salot? Alam mo ba na mahal ang civet coffee?" frustrated na usal ni Paloma at namaywang.

Kumunot ang noo ni Jeyrick. "Civet coffee?"

"Kapag kumain ng coffee beans ang mga civet o alamid, hindi naman nila nada-digest ang coffee beans. Pero napa-process ng enzymes nila ang coffee beans at iyon ang ginagawang alamid coffee. Nagsimula iyan sa Vetnam nang ayaw ng mga French na painumin ng kape ‘yung mga Vietnamese dahil daw lower class ang locals. Napansin nila ‘yung mga civet na kumakain ng coffee cherries. Di naman nila nagigiling ‘yung coffee beans. Nang ilaga nila, nalaman nila na mas masarap pa kaysa sa normal na kape,” paliwanag ni Paloma dito. Na-fascinate siya sa civet coffee nang magpunta sila sa Vietnam at ipinaliwanag ng guide nila kung bakit mahal ang kape.

Nasindak si Jeyrick. "Iniinom 'yung dumi ng alamid?"

"Siyempre huhugasan naman iyon. Napili na daw kasi ng mga civet ang pinakamasasarap at pinakamagandang klase na coffee cherry at ina-absorb ng kape ang enzyme sa katawan nila. Hindi naman kasi nada-digest ng mga civet ang coffee beans kaya inilalabas din nila. Alam mo ba na umaabot ng three hundred hanggang five hundred pesos kada isang tasa ng kape?”

Napanganga ang lalaki. “Ganoon kamahal?”

“Iyan ang pinakamahal pero pinakamasarap na kape sa mundo. Na-shock nga ako nang ipatikim sa akin iyan sa Vietnam dahil sobrang mahal pero sulit naman.”

Napailing si Jeyrick at kinuha ang gitara. "Di ko alam anong trip ng mga mayayaman. Pati ‘yung dumi ng alamid ginagawang kape. Mahal pa.”

"Basta. E sa mahal talaga iyan. Kumuha ka ng plastic. Mamumulot tayo ng civet coffee beans," excited niyang sabi at kinuha ang gitara mula dito.

“Huwag na. Magkantahan na lang tayo dito.”

Itinaas niya ang baba. “Ako na lang maghahanap mag-isa kung ayaw mo.”

Ibinaba ni Jeyrick ang gitara sa upuan at tumayo. “Siyempre di kita pwedeng samahan na mag-isa. Baka mamaya kung mapaano ka pa.”

Ngumisi si Paloma. Alam niyang hindi siya matitiis ng binata. “Civets are friends. Di sila dapat pinapatay o sinasaktan.”

“Oo na,” sabi ni Jeyrick na halatang tutol ang kalooban na samahan siya.

"Ilang kilo kaya ang makukuha ko para dito? Ilang tasa kaya ng kape iyon? Maraming five hundred pesos iyon. Masayang magpa-coffee party." Luminga siya sa paligid. "Ano pala ang itsura ng poopoo ng alamid?"

Itinuro sa kanya ni Jeyrick kung ano ang itsura ng dumi ng alamid. Sa paligid muna sila ng coffee farm naghanap hanggang palayo na sila nang palayo sa farm. Malawak ang lugar na pwede nilang mapagkuhanan ng alamid coffee at hindi iyon madali. Kailangan lang nilang mag-ingat sa masusukal na bahagi dahil baka may ahas. Parang namumulot ng ginto si Paloma tuwing nakakakita siya ng dumi ng civet.

"Di ka ba nandidiri?" tanong ng binata habang namumulot sila.

"Hindi. Organic naman iyan. Saka sayang naman ito. Iisipin ko na lang namumulot ako ng five hundred pesos,” anang si Paloma at walang kiyeme sa pag-iipon ng dumi ng civet cat.

"Wala ka talagang arte. Di ka pa rin nagbabago," humahangang sabi nito.

"Siyempre naman. Jeyrick, di ko nakakalimutan kung saan ako nanggaling. Sa squatter's area ako lumaki. Kahit anong linis ang gawin namin, makalat naman ang mga kapitbahay namin. At kung maselan ka, hindi ka tatagal doon,” paliwanag niya dito. “Umayos-ayos lang ang buhay ko nang kunin na ako ni Tita Bevz. Hindi ako ang sosyal na nakilala mo."

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.