Chapter FCM4: FMBYS 42

NATAPOS na sa wakas ang interview ni Jeyrick pero dama ni Paloma ang tensyon. Magaan lang ang interview nito pero naging emotional sa huli. Ipinakita doon kung gaano nito kamahal ang pamilya nito at ang Kadaclan. He was proud of his heritage.

“Congratulations!” bati niya Jeyrick nang lapitan at kinamayan ito.

Tumikhim ang binata. “Pasensiya na kung kinakabahan ako. Nauutal ako minsan at nahahaluan ko ng Kankana-ey ang Tagalog.”

“Kung saan ka komportableng magsalita walang problema.”

"Konting confidence pa masasanay ka na. Kukuha kami ng speech coach para mabawasan ang hiya mo at masanay kang makipag-usap sa mga tao,” sabi ni Hepburn. “Medyo aayusin din natin ang wardrobe mo. Parang puro kasi gray na hoodie nalang ang nakikita kong suot mo. At saka itong hair mo kailangan nating ipa-trim…”

Itinaas ng binata ang kamay. Animo’y di ito makahinga sa sunud-sunod na plano dito ni Hepburn. “Pwede bang umuwi muna ako sa Ogo-og ngayong gabi? Gusto ko lang makausap ang pamilya ko para maihanda sila. Gusto rin silang ma-interview ng Star Network bukas ng umaga at ang ganda ng Kadaclan.”

“Magiging busy tayo pagdating sa Maynila kaya gawin mo kung ano ang gusto mo,” sabi ni Paloma kay Jeyrick. “May iba ka pa bang kondisyon? Nabanggit ni Lerome na bukod kay Lolo Pio gusto mong isama si Tito Melvin.”

“Kailangan ko si Papa sa tabi ko. Kailangan kasama ko siya sa mga desisyon ko,” sabi ni Jeyrick sa matatag na boses.

“Walang problema. Kakausapin ko si Lerome kung paano siya ipasusundo sa bukid,” sabi niya. May nirerentahang bukid ang pamilya ni Jeyrick kung saan ang ama at ang pinsan nito ang nagbabantay.

“At gusto ko rin makasama si Beliza sa Maynila,” deklara ng binata.

Parang tinadyakan ang dibdib ni Paloma. Seryoso talaga si Jeyrick na isasama nito si Beliza sa Maynila. Bakit? Bakit isasama pa rin nito si Beliza sa Maynila kahit di naman nito totoong nobya? Galit ito sa kasinungalingan niya pero bakit nagawa nitong tanggapin ang kasinungalingan ni Beliza? Gusto niyang pasigaw na tanungin si Jeyrick. Hindi ito patas! Bakit siya lang ang sinasaktan nito?

Ngumiti siya nang tipid at pasimpleng humingi ng saklolo nang lingunin si Hepburn. Di niya masagot dahil baka bumulalas na lang siya ng iyak. Hindi niya kakayaning magpaliwanag sa ibang tao sa common area na masayang nagkukwentuhan.

"Kailangan pa naming kausapin si Mama Bevz. Hindi namin alam kung paano tatanggapin ng mga tao ang pagkakaroon mo lagi ng girlfriend sa tabi mo. Baka mailang ang mga fans. Masakama pa sa career mo lalo’t nagsisimula ka pa lang,” malumanay na paliwanag ng pinsan niya.

“Alam naman ng mga tao na may girlfriend ako - si Beliza. Sinabi na niya sa interview. Kailangan ko ng mga tao na mapagkakatiwalaan sa tabi ko. Kung hindi sasama sa akin si Beliza, di na lang ako tutuloy sa Maynila,” sabi ni Jeyrick sa matigas na boses. “Gusto mo bang huwag na akong tumuloy, Paloma?”

Lumunok ang dalaga. “S-Siyempre mas gusto ko kung tutuloy ka. Isama mo kung sino ang gusto mo. Kung saan ka mas komportable."

"Okay. Tatawagan ko si Mama. Excuse me,” sabi ni Hepburn at iniwan sila.

“Magpapaalam lang ako. Babalik na ako sa Ogo-og ngayong gabi,” sabi ni Jeyrick.

“Sasama ako bukas sa mga reporter,” sabi niya. “Gusto kong tiyakin na responsibilidad kita at di kita pababayaan.”

Umiling ito. “Paloma, mas mabuti kung umiwas ka muna. Alam mo naman na hindi ka gustong makita ni Charlene. Pinsan mo na lang ang ipadala mo para kumausap kina Mama. Magpahinga ka na lang dito.”

Naiwang nakatayo si Paloma nang mag-isa. Parang basahan siya na sinipa lang sa isang tabi. She felt worthless. Ganito ba ang gagawing trato sa kanya ni Jeyrick habang magkasama sila? Ito ba ang ganti nito sa kanya?

Sinundan niya si Jeyrick nang palabas ito sa gate ng homestay nang paalis na ito. “Pwede ba tayong mag-usap?” tanong niya.

“Bukas na lang pagbalik ko. Kailangan kong bumalik ng Ogo-og.”

“Hindi na ito makakapaghintay.” Di siya makakatulog hangga’t hindi niya nalalaman ang sagot. “Jeyrick, nagsinungaling si Beliza sa TV. Nagsinungaling siya na girlfriend mo siya. Bakit hindi mo itinanggi ang sinabi niya?”

“Gusto mo bang ipahiya ko ang taong importante sa akin samantalang gusto lang niya akong protektahan?”

“Hindi ka galit?” tanong niya. “Sigurado ka bang gusto ka niyang protektahan ko para sa pansarili niyang interes? Alam mo ba na may gusto siya sa iyo?”

Ngumisi ito at inilapit ang mukha sa kanya. “Katulad nang may gusto ka sa akin? Katulad ng sinabi mo na mahal mo ako?” There was an underlying current in his tone. Animo’y isa itong maamong hayop na posibleng maging mabangis kapag kinanti. Hinawakan nito ang baba niya. “Gusto mo bang magalit ako sa kanya?”

“Hindi. Gusto ko lang maintindihan kung bakit mas malupit ka sa akin?"

Binitiwan siya nito at humalukipkip. "Matagal na kaming magkaibigan. Anim na taon, Paloma. Kilala ko si Beliza. Hindi siya gagawa ng kahit ano na pwedeng makasakit sa akin. Kung mahal man niya ako bilang kaibigan o hindi kaya siya nagsinungaling sa akin, sa aming dalawa na lang iyon at wala kang karapatan na kwestiyunin kung ano ang dapat na maramdan ko sa kanya. Di tama na basta na lang siyang husgahan."

“Pero hinusgahan mo ako. Ni hindi mo pinakinggan ang mga paliwanag ko. Hindi ba napaka-unfair naman sa akin no’n? Bakit mo pa pinili na sumama sa akin sa Manila at magpa-manage sa tita ko kung sasaktan mo lang ako? Akala ko ayaw mo ng kasinungalingan pero ikaw mismo mabubuhay sa kasinungalingan.”

“Siguro dahil mahal kita. At kahit na masakit sa akin na tuwing nakikita kita at paulit-ulit kong naririnig ang kasinungalingan na mahal mo ako, hindi ko gugustuhing mapahiya ka sa mga tao. Kahit na alam kong gagamitin mo lang naman ako, ayokong mawala sa iyo ang mga pangarap mo.”

Inangat niya ang kamay at sinapo ang pisngi nito. “Jeyrick, galit ka lang sa ngayon. Pero di mo kailangang magpadalos-dalos. Lalo mong ginagawang komplikado ang lahat.” Mahal pa rin siya nito. May pag-asa pa para sa kanilang dalawa.

Hinawakan nito ang kamay niya at inilayo sa mukha nito. “Galit nga ako pero mas malinaw na ang isip ko. Alam ko na kung anong klaseng babae ang minahal ko. Kahit mahal kita, di ko hahayaan ang sarili ko na mabulag sa nararamdan ko sa iyo. Hindi na ako papayag pa na lokohin ko ang sarili ko.”

“Di ba niloloko mo rin ang sarili mo? Ako ang mahal mo pero kailangan mong magpanggap na ibang babae ang mahal mo. Alam ba ni Beliza ang gagawin mo?”

Nagtagis ang bagang nito. “Problema ko na si Beliza. Labas ka na doon. Kahit ano gagawin ko para di mo na ako mahalin ulit. Di ko alam kung anong mundo mayroon ka, Paloma. Pero pakiramdam ko kailangan kong magpanggap para lang protektahan ang sarili ko. Hindi na kita pahihirapan na magpanggap na mahal mo ako. Kaya hayaan mo na lang akong magpanggap na di kita mahal. Baka sakaling pagtagal ng panahon, mawala na rin ang nararamdaman ko sa iyo. Huwag kang mag-alala. Tatanawin kong malaking utang na loob ang lahat ng itutulong mo sa akin. Sa paningin ng marami, isa kang mabuting kaibigan. Siguro naman sapat na iyon para mapabuti ang imahe mo.”

Kinuyom ni Paloma ang palad nang talikuran siya ni Jeyrick. Naiwan siya na nakatayo sa tarangkahan ng homestay habang pinagmamasdan ito na naglalakad sa dilim. Umagos ang luha sa mata niya pero madali niyang pinunasan iyon. Hindi siya pwedeng laging umiyak tuwing tinatrato siya nang malamig ni Jeyrick.

Tumalikod siya habang humihikbi at tumuloy sa kuwarto niya sa viewdeck nang mag-isa. Di na niya kayang humarap sa ibang tao sa homestay. She was emotionally wrecked. Hindi niya alam kung ano ang mas mahirap - ang magpanggap na mahal niya si Thirdy Concepcion o ang magpanggap na di siya nasasaktan kapag nakita niya si Jeyrick na may kasamang iba?

Kaya ayaw niyang mapunta si Jeyrick sa mundo ng showbiz. Parang wala nang totoo. Pinili na irn nitong magpanggap para protektahan ang sarili mula sa kanya. Hindi ito ang pinangarap niyang buhay para sa binata.

Nawawalan na siya ng pag-asa na mamahalin pa siya ng binata. Jeyrick became hard and cold. He was just a shadow of himself. At wala siyang ibang pwedeng sisihin kundi ang sarili niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.