Chapter FE: TSTYS 32

Parang sasabog ang utak ni Aurora sa narinig na sinabi ng lalaki. Mahal? Paanong mahal? Bilang matalik na magkaibigan? Nasa harap na niya ang katotohanan pero di pa rin niya matanggap. Hindi siya gusto ni Omar o si Lupita dahil lalaki din ang gusto nito - si Bert.

“Tapos na tayo. Magkaibigan na lang tayo,” angil ni Bert dito. “Alam mong di pwede.”

“Hindi ko kaya,” mangiyak-ngiyak na wika ni Omar.

“Pinapili din kita dati kung aaminin mo ito. Mas pinili mo ang sasabihin ng ama mo at ng ibang tao. Mas gusto mo na ipakasal ka niya kay Aurora.”

“Mawawala ang lahat sa akin kapag sinuway ko si Amay. Mas gugustuhin daw niyang ibenta ang lahat ng ari-arian niya at ibigay ang lahat ng pera sa anak niya sa labas na may mga anak na kaysa sa akin na naghirap habang nasa tabi niya. Paano naman ang pinaghirapan ko? Alam mo ba kung gaano kasakit iyon?” hinagpis ni Omar. Nakadama siya ng awa dito. Di kasi ito nalalayo sa kanya. Kailangan din niyang bulag na sundin ang ama dahil sa kagustuhan niyang mahalin nito.

“Kung ganoon, pabayaan mo na kami ni Lupita. Siya na ang mahal ko.”

Niyakap ito ni Omar sa baywang. “Huwag! Huwag mo akong iwan, Pedring. Mahal kita. Gagawan ko ito ng paraan kahit makihati pa ako sa kay Lupita.”

“Halika na, Aurora. Umalis na tayo dito,” yaya ni Alvaro sa kanya at hinatak ang kamay niya.

Tulala pa rin siya habang nakasunod sa lalaki. Maingat silang lumabas ni Alvaro sa dawagan hanggang makarating sila sa kalsada. Hinihingal si Aurora. Malakas na malakas pa rin ang kaba sa dibdib niya. “Hindi ako makapaniwala n-na may relasyon sina Bert at Omar. W-Wala sa itsura nila na gusto nila ang isa’t isa. Ang ibig kong sabihin di lang bilang magkaibigan kundi higit pa doon.”

“Mukhang gusto ni Bert na maging straight. Ayaw ba dito sa inyo sa mga miyembro ng third sex?” tanong ng binata. “Sa pinagmulan ko, normal na lang naman iyon. Maraming mga galing sa third sex ang magagaling sa ginagawa nila at mabubuti namang tao. Tanggap na sila sa lipunan.”

“Hindi dito sa Juventus,” sabi niya at parang lutang habang naglalakad. “Ikaw na rin naman ang nakakita kung gaano kakonserbatibo ang mga tao dito. Dalawa lang ang nilikha ng Diyos - babae at lalaki.” Ayaw na niyang isipin kung anong pwedeng mangyari kay Omar oras na magladlad ito. Isang tiyuhin nito ang dati ay umaming binabae ang ginulpi ng lolo nito at binawalan nang bumalik sa isla. “Takot sila sa pwedeng gawin ni Kapitan Robredo sa kanya. Paaalisin sila dito sa isla. At kahit na ganyan pa si Omar, mahal niya ang islang ito. Gagawin din niya ang lahat para sa ama niya.”

“Sana lang hindi ka nandi-discriminate,” nagbababalang sabi ng binata.

“Siyempre hindi naman ako nanghuhusga dahil sa kung sino ang mahal ni Omar.” Hindi ba’t siya rin naman ay nagtatago ng sekreto sa ama niya? “Ang hindi ko lang maintindihan, bakit kailangan pa niya akong takutin na ibubuko kay Tatay kapag di daw ako pumayag na maging nobya niya.”

“Alam na niya ang tungkol sa atin at tinatakot ka niya?” bulalas ni Alvaro.

Kinagat niya ang labi at marahang tumango. “Sa palagay ko siya ‘yung kumaluskos noong nasa talampas tayo. Nasundan niya tayo.”

“Bakit hindi mo sinabi sa akin?” angil ng lalaki. “Aurora, nanganganib ka na pala. Dapat alam ko iyan.”

“Alvaro, ilang araw ka na lang dito. Sa makalawa, aalis ka na ng Isla Juventus. Kapag nalaman nila ang tungkol sa atin, hindi ka na makakabalik dito at baka saktan ka nila. Binalaan ka na ni Amay dati na layuan ako, hindi iba?”

“Ibig sabihin papayag kang magpanggap na nobya ni Omar? Nakita mo naman kung ano ang totoong pagkatao niya, hindi ba? Hindi ka niya mahal. Ni hindi ka nga niya nirerespeto. Nakita mo naman kung paano ka niya itrato.”

“Mananatili ka ba dito para ipagtanggol ako? Mananatili ka ba dito para panindigan ako?” Natigilan ito. Hindi na nito kailangang magsalita. “Hindi mo naman kailangang manatili dito, Alvaro. Di ko ito sinasabi sa iyo para mapilitan kang manatili dito. Pag-alis mo, problema ko na ito. Kakayanin ko na itong mag-isa. Ipagpatuloy mo na lang ang buhay mo sa Maynila.”

At naglakad siya palayo. Ginagawa niya ang lahat para hindi ito masaktan. Ipinaglaban niya ito kay Omar. Alam niyang aalis ito pero masakit pa rin pala na di man lang nito naisip na huwag siyang iwan. Oo, babalik nga ito pero kailan pa?

Sinundan siya ni Alvaro. “Aurora, hindi naman sa ganoon...”

Pilit siyang ngumiti. “Magpanggap ka na lang na wala kang narinig. Wala tayong alam sa totoong pagkatao ni Omar. Di mo alam na pinagbabantaan mo ako. Magsaya lang tayo hanggang makaalis ka. Hindi mo na ako kailangang alalahanin, Alvaro.” Di niya mapigilang mapahikbi nang huli.

Niyakap siya nito. “Aurora, hindi kita maaring pabayaan sa sitwasyon mo ngayon. Hindi kita hahayaan na magpanggap na mahal mo ang isang lalaki para pagtakpan lang ang pagbabalat-kayo niya. You deserve more than that. You deserve real affection. Real love.”

Alam niya iyon at kay Alvaro lang niya iyon naramdaman. Pero ano naman ang magagawa nito kapag umalis na ito ng Juventus? “Kaya ko ito. Kaya ko ito, Alvaro. Hindi mo ako kailangang alalahanin. Alam ko ang dapat kong gawin. Alam ko ang inaasahan sa akin.” Sanay na siyang magpanggap na masaya. Dati pa naman niya ito ginagawa. Kakayanin niya ito. “Ito ang buhay ko, Alvaro. Magpapakasal ako sa lalaking hindi ko mahal dahil iyon ang gusto ng ama ko. Tanggap ko na iyon bata pa lang ako.”

Puno ng paghihirap ang anyo nito. “It doesn’t have to be this way. Hayaan mo lang ako na ayusin ang gulong ito. HIndi ako papayag na pilitin ka ni Omar na pakasalan ka. Dapat pakasalan mo kung sino ang nasa puso mo.”

“Paano mo naman gagawin iyon?”

“Hindi ko pa alam sa ngayon. Just trust me, okay?”

Tumango na lang siya. Sa huling pagkakataon ay ipagkakatiwala niya ito kay Alvaro. Sa puso niya ay umaasa pa rin siya na mababago pa ang buhay niya. Na ito ang makakasama niya habambuhay.

“HINDI ba pwedeng ibalik na lang ang eksena sa labanan ng espada? Kaartehan lang ang babaguhin na iyan,” reklamo ni Omar kay Ethan habang sinisipa-sipa ang buhangin. Nagpunta sila sa bahagi ng dalampasigan na di matao. He suggested new stunts for the fight scene and the Grade A asshole was complaining because he couldn’t get the stunt right. Dahil dito ay nagprisinta siyang turuan ito nang one-on-one.

“Isa sa pinakatampok na eksena sa dulang ito ang labanan sa espada nina Artus at ng pakakasalan ni Joviana na si Silvestre. Labanan nito para sa pag-ibig, para makuha niya ang babaeng mahal niya. Sa palagay mo ba ganoon lang kadaling nakukuha ang pag-ibig? Pinaghihirapan iyon,” pagbibigay-diin ni Alvaro.

Kinailangan niya ng lahat ng galing niya sa pag-arte para huwag bangasan ang mukha ng lalaki sa harapan niya. Noong una ay ipinagtatanggol pa niya ito dahil hindi naman siya nanghuhusga sa mga miyembro ng LGBT community. Ang di lang niya matanggap ay malamang ginigipit ng lalaki si Aurora at gustong pagpanggapin na nobya nito. Hindi niya magawang makisimpatya sa sitwasyon nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.