Chapter FE: TDTYS 40

“TOTOO nga. Hindi umalis ng Juventus si Alvaro at naninilbihan siya sa inyo,” sabi ni Yolly habang nakatanghod kay Alvaro na inaayos ang bakod ng kulungan ng mga bibe at manok sa likod-bahay.

“Grabe! Ayos lang ba si Alvaro? Parang nahihirapan na siya,” nakasibing sabi ni Bebang na nakasakbibi pa rin ang sa baywang ang dalang batya na puno ng labahin.

Namaywang siya habang pinagmamasdan ang mga kaibigan. Sumugod ito sa bahay nila para daw makiigib ng tubig at doon maglaba. May sarili kasi silang poso habang ang ibang mga taga-isla na walang sariling poso ay sa posong bayan lang nakikiigib.

“Kayo ba ay makikiigib talaga dito o panonoorin lang ninyo si Alvaro na kumpunuhin ang bakod ng kulungan?” nakataas ang kilay niyang tanong sa mga kaibigan.

“Siyempre nandito sila para maki-usyoso,” sagot naman ni Celso.

“Nagsalita ang hindi usyosero. Ikaw kaya ang nagyaya sa amin para makita si Alvaro,” angil ni Inez dito.

“Mag-igib na kayo. Baka makita pa kayo ni Amay, pare-pareho pa tayong mapagalitan dito. Ipaglalabas ko na lang kayo ng bukayo. May natira pa sa luto ni Tiya Manuela kagabi,” sabi niya at pumasok ulit sa bahay.

Naiiling na lang si Aurora nang pagtalikod pa lang niya ay tumanghod na naman ang mga kaibigan kay Alvaro. Naging usap-usapan sa buong isla ang nangyari sa kanila ni Alvaro. Mabilis din na kumalat ang tungkol sa paninilbihan sa kanya ni Alvaro dahil umagang-umaga pa lang ay naglilinis na ito ng bakuran nila ayon sa utos ng kanyang ama. Ilang kapitbahay na rin ang dumaan kunyari sa bakuran nila o kaya ay may itatanong sa tatay niya pero mag-uusyoso lang. May nagpupustahan pa kung tatagal si Alvaro dahil ayaw ng ama niya kay Alvaro at pasusukuin ito. Di na iyon mahalaga sa kanya. Ang importante ay pasadong-pasado na sa kanya ang binata at pinatutunayan nito sa lahat na gusto siya nito.

“Ang swerte mo talaga, Aurora. Ikaw ang pinili ni Alvaro,” usal ni Inez habang kumakain ng bukayo.

“Oo nga. Samantalang ako handang ipaglaba si Alvaro at magpaalipin pero laos pa rin ang alindog ko,” anang si Bebang. “Buti na lang kaibigan kita kung hindi sinabunutan na kita.”

Maya-maya pa ay naring na nila ang sigaw ni Manoy Gener kasabay ng pakakaingay ng mga manok at bibe sa likod bahay. “Nakawala ang mga bibe! Ano ba iyan, Alvaro? Hulihin mo ang mga iyan at ibalik sa kulungan.”

Nang sumilip si Aurora ay nakita niya na nagkanya-kanyang pulas ang mga bibe at dahil sinubukan ni Alvaro na hulihin isa-isa ang mga ito. May nagtatakbuhan palayo sa binata at ang iba naman ay palipad pa kung lumayo. Kahit sinong dumadaan na nakikita ang nangyayari ay pinagtatawanan ang binata. Tiyak na kakalat na naman iyon sa isla at magiging katatawanan ang binata.

Hindi na nakatiis si Aurora. “Alvaro, hindi ganyan. Bugawin mo sila papasok sa...”

Matalim siyang sinibat ng tingin ng ama. “Hayaan mo siyang matutong mag-isa, Aurora. Kung gusto niyang magtagal dito sa atin, dapat malaman niya iyan.”

“Paktay kang bata ka,” nasabi na lang ni Celso at umiling. “Buti na lang talaga hindi ako nanligaw sa iyo, Aurora. Ayokong danasin ang dinadanas ni Alvaro. Malupit ang tatay mo. At sa palagay ko nagsisimula pa lang siya.”

“Kaya iyan ni Alvaro. Para sa akin,” usal ni Aurora habang sinisikap ng binata na ipunin ang mga bibe.

Makalipas ang may sampung minuto na pakikipaghabulan sa mga bibe ay nakuha na rin ng binata ang paraan kung paano mapapasunod ang mga ito. Gamit ang patpat ay naipon ni Alvaro sa isang kulumpon ang mga bibe at sa wakas ay naipasok sa kulungan.

“Aurora, nagawa ko rin!” masayang sabi ni Alvaro habang nakataas ang kamay hawak ang patpat nito. “Naipasok ko sila.”

Pinalakpakan niya ang binata. “Sabi ko naman sa iyo kaya mo iyan.”

“Tama na iyan. Marami pang trabaho dito,” sabi ni Manoy Gener at isang nangmumulagat na tingin ang ibinigay sa kanilang magkakaibigan. “Ano pang tinitingin-tingin ninyo diyan? Hindi ba may mga trabaho din kayo? Sayang ang oras. Tama na ang tunganga.”

Kanya-kanyang pulasan silang magkakaibigan. Maya maya pa ay narinig na naman nila ang sigaw ng tatay niya. “Alvaro, mga manok naman ang nakawala. Hulihin mo!”

“ANG bango naman ng niluluto ko,” anang si Aurora habang hinihintay na maluto ang buko pie sa de-uling na pugon. Tinuruan siya ni Tiya Manuela na magluto ng specialty nito dahil na rin sa pakiusap niya. Gusto niyang dalhan si Alvaro ng luto niya at dalhan ng miryenda sa koprahan.

“Aurora, kailangan mong bantayan ang oras at nang hindi masunog o mahilaw ang buko pie. Masasayang ang pinaghirapan mo kapag hindi mo ginawa iyon.”

“Opo,” sabi niya at sinimulan nang linisin ang mga pinagtimplahan nila ng dough at filling ng buko pie. “Kapag nagawa ko po itong buko pie, susubukan ko naman ang lumpiang isda na nasa cookbook ninyo. Nagustuhan iyon ni Alvaro nang magluto kayo dati.”

“Mukhang nahihilig ka yata na matutong magluto. Dati sinusukuan mo agad iyan dahil sabi mo wala kang talento sa pagluluto. Muntik na nga kitang ibagsak noon sa Home Economics, ‘di ba?” biro nito sa kanya. Di naman siya ibabagsak kundi wala lang talaga siyang talento sa kusina.

“Nagsisikap si Alvaro para sa akin. Hindi rin naman niya alam kung ano ang gagawin sa buhay dito sa isla. Halata naman na hindi ito ang buhay na kinakalakihan niya. Mas marami siyang alam sa buhay sa lungsod at minsan po napapansin ko na parang mas madali ang buhay niya doon. Pero ngayon po pinatutunayan niya kay Amay na gagawin niya ang lahat para sa akin. Mula sa kung anu-anong pinakukumpuni ni Amay, pagtatanim, paggawa ng pataba at iba pa. Kahit man lang sa pagluluto may magawa po ako para sa kanya,” aniya at tipid na ngumiti.

“Gusto talaga ninyo ang isa’t isa. Nabanggit ba niya kung hanggang kailan siya magtatagal dito? Kung ano ang plano niya kapag umalis na siya...”

Sumimangot siya. “Tiyang, huwag na po nating pag-usapan ang pag-alis ni Alvaro. Ngayon pa kung kailan masaya na siya dito sa isla natin. Masasanay din po siya.”

“Pero alalahanin mo na may buhay siya sa Maynila.”

Makakalimutan din marahil iyon ni Alvaro. Masaya naman ito sa isla. Noong una niya itong makilala, nakita niya kung paano itong masayang madiskubre ang mga bagay-bagay. Malaya din nitong naipapahayag ang sarili niya. Hindi ba, mabuti iyon para sa binata? Wala itong ibang alalahanin. Magkasama pa silang dalawa.

Kasama si Kenzo ay nagtungo sila sa koprahan. May labinlimang minuto pang lalakarin ang taniman ng niyog na sa paanan ng bundok na limang ektarya din ang laki. “Sana naman makakain ni Kuya Alvaro itong buko pie mo.”

“Kita mo ngang muntik mo nang maubos.”

“Gutom ako. Hindi ko na nilasahan.”

“Tse!” pakli niya sa pinsan. Kampante si Aurora na magugustuhan iyon ni Alvaro dahil iniluto niya iyon nang may kasamang pagmamahal. Hindi niya alam na dadating ang panahong ito na magiging masaya siya dahil sa pag-ibig. Na gagawin niya ang kahit anong bagay nang magaan ang loob dahil kay Alvaro.

Nadaanan nilang nakatali ang kabayong si Akbar sa puno ng niyog at nanginginain ng damo. “O! Hindi ba dapat isinasakay na sa kay Akbar ang mga kopra para maisakay na sa bangka at dalhin na sa Tacloban?”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.