Mabilis ang kilos ni Liam.Binuksan nito ang gripo. Hinawakan nito ang kamay ni Cattleya at itinapat sa tubig. "Hindi ka kasi nag-iingat," paninisi nito sa kanya. Hawak pa rin nito ang daliri nang buksan ang first aid kit na nasa sulok ng kusina. "Di ka nagfo-focus sa ginagawa mo."
"Kasalanan mo iyon! Pangit ang kanta mo at pangit ang pagkakakanta mo," angil niya at umupo sa upuan.
"Noong nasa Germany gustong-gusto mo iyan," anito at parang nang-aakit siyang tiningnan.
Nahigit niya ang hininga. Nangyari nga iyon. Hindi basta panaginip lang. Nangyari iyon nang malasing siya at bumibiyahe sila papunta sa bahay nito. Ayaw niya ng ganitong pakiramdam.
Natitiyak niya na sinadya nitong kantahin iyon para ligaligin siya. Trip ba talaga nito na i-torture siya? Napakaraming tanong ang rumagasa sa utak niya. Ang alam niya ay maingay siya kapag lasing. Di lang niya alam kung anu-ano pang kahihiyan ang ginawa niya.
"H-Hindi naman ako nagkalat sa inyo, di ba?" marahan niyang nagtanong.
"Kumanta ka lang, nag-ingay at saka pinagtangkaan ang puri ko," sabi nito at maingat na nilagyan ng antiseptic ang sugat niya.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. "H-Hinalikan ba kita?"
Hinipan ng binata ang daliri niya. "That's a secret."
Napalunok si Cattleya . Naestatwa siya habang magkasugpong ang mga mata nila. She tried to rack her brain with memories of that "kiss". Kung meron man. Mukhang inaasar lang siya ni Liam kaya pasekre-sekreto pa ito. Tutal mula nang dumating ito sa buhay nito ay buwisit talaga ito.
Binawi niya ang kamay dito. "Secret-secret ka pa diyan. Hindi naman kita hinalikan."
"Hindi natuloy pero gusto mo pa rin akong halikan kahit na hindi ka lasing. Kahit ngayon mismo."
Umiling ang dalaga. "No. Hindi totoo iyan." Pero tumutok ang mata niya sa labi nito. Hindi niya ito gustong halikan pero curious siya. Parang may matinding kapangyarihang humihila sa kanya para isipin kung ano ang pakiramdam na mahalikan ni Liam Aramis.
"Iba ang sinasabi ng mga mata mo." Umuklo ito at inilapit ang mukha sa kanya. "You desire me."
Desire. Di niya kilala ang salitang iyon. Hindi pa niya nararamdaman at wala rin siyang planong maramdaman. Pero marami rin naman siyang nararamdaman kay Liam na di pa niya nararanasan noon at hindi rin niya alam kung anong tawag sa pakiramdam na iyon.
"Tantanan mo nga ako. Kaya naiinis ako sa iyo dahil lagi mong pinapalabas na parang pinagnanasaan kita. Hindi naman. And I hate you!" Cattleya made sure that she uttered that with so much conviction. Walang kahit anong bahid ng panghihina. Ayaw na niyang mabutasan pa nito.
Hinawakan nito ang daliri niya at binalutan ng manipis na gasa. "Di mo ba naiisip na the more you hate, the more you love?"
"Tumigil ka na." Tumingin siya sa banggerahan. "Ang niluluto ko…"
Tumuwid ito ng tayo at inayos ang first aid kit. "Ako na ang magluluto. Ako na rin ang maghihiwa ng mga di mo pa natapos."
Kumunot ito ang noo niya. "Marunong ka bang magluto?"
Puno ng kompiyansang sabi nito at hinugasan ang dahon ng gabi. "Oo naman. Paborito akong anak ni Mama dahil ako ang laging tumutulong sa kanya sa gawaing-bahay."
"Wala sa itsura mo na mabait ka. Mukha ka kasing wild child. Black sheep."
"Mukha lang akong luko-luko pero di pa ako nasasangkot sa gulo maliban na lang kung ako ang naunang saktan. Noong nasa Germany ako madalas kaming ma-bully ng kapatid ko. Sabi ni Mama huwag daw kaming gaganti. Pero isang araw umuwi si Kuya na bugbog-sarado. Iyon ang sandali na sinabi ng tatay na lumaban na kami. Kaya walang pwedeng mam-bully sa akin at umuwing walang black eye o pasa."
Nasa itsura naman nito ang pagiging palaban. Pero parang lumambot ang puso ni Cattleya dito nang banggitin nito ang tungkol sa nanay nito. Nahihimigan kasi niya ang respeto at pagmamahal sa boses nito para sa nanay nito.
“Anong sabi ng tatay mo?” tanong niya.
Nagkibit-balikat ito. “Nasa London siya nang mga panahong iyon. Kapag si Tatay kasi puro tiis.”
"Magsimula ka nang maggisa. Tustahin mo muna saka ka maggisa," utos ni Cattleya at naging seryoso na si Liam habang nagluluto. "Nang sipain kita kanina, di ka gumanti sa akin."
"I will never hit a girl. Will never hit her or hurt her emotionally."
"Di yata ako naniniwala. You are a flirt," aniya at itinuro pa ito sa nasaktang daliri.
"Bakit? Pini-flirt ba kita?" Lumapit ito sa kanya at inilapit ang mukha sa kanya. Naghahamon ang mga mata nito.
Hinawakan niya ang leeg niya. Parang di siya makahinga. "Liam, don't do this." She was begging. Yes, she was begging a man. Hindi na niya kayang makipagmatigasan. Nanlalambot na siya.
"I am not doing anything...yet."
Wala pa itong ginagawa pero nanlalambot na siya. Paano pa kaya kapag hinawakan na siya nito? Hinaplos? Niyakap? Hinalikan? Waaaa! Parang sasabog na ang puso niya.
"Ang niluluto mo," paalala niya dito. "B-Baka masunog na."
Dali-dali itong tumayo at naging seryoso ulit. Di na siya nito pinagalaw at ito pa ang naghain ng pagkain sa kanya. "Ako dapat ang bumabawi sa iyo pero ikaw pa ang nagsilbi sa akin," sabi niya.
Nagkibit-balikat ito. "I don't mind. Kasalanan ko rin naman kung bakit ako nagulpi kanina at kung bakit ka napaso. Let me make amends." Di nagtagal ay ihinain na nito sa harap niya ang umuusok na kanin at laing mismo. "Kumain ka na."
"Ikaw na lang. Para naman talaga sa iyo iyan."
"Kumain ka na." Mukhang di ito papayag na di siya kumain. Ipinagsandok siya nito ng kanin at ulam at inilagay sa plato niya. Nilagyan nito ng ulam at kanin ang kutsara. Hinipan pa nito ang kutsara saka inilapit sa bibig niya. "Sumubo ka. May kiss ka sa akin kapag di ka kumain."
"Unggoy!" angil ng dalaga dito at saka sumubo. In fairness, masarap ang luto nito. Nag-thumbs up siya at kinuha ang kutsara mula dito. "Masarap. Ako na ang kakain kaya kumain ka na rin."
"Subuan mo rin ako," ungot ni Liam.
"How sweet," tukso ni Jerry at Yu na nakasungaw sa pinto ng kusina.
"P-Paano kayo nakapasok? I mean… hindi naming kayo narinig na dumating," sabi niya. Drat! Bakit ba hindi niya naramdaman ang mga ito? Her senses were so attuned to Liam that's why.
"We are intruding," sabi ni Yu. "I think we should leave them alone."
"Abala tayo sa moment nila," sabi ni Jerry.
"Anong moment? Wala. Masakit lang ang sugat ko kaya niya ako sinusubuan. Kumain na kayo dito." Binilisan ng dalaga ang pagkain. Parang di na niya kayang magtagal doon dahil hindi niya gusto ang nanunuksong ngiti nina Jerry at Yu. "May kasama na si Liam. Di na siya mag-isang kakain. Mauna na rin ako," sabi niya at tumayo. "Enjoy your lunch."
Ihinatid siya ni Liam hanggang sa lobby ng building. "Salamat sa pagluluto para sa akin. Sa uulitin."
"Iyan na ang huli. Asa ka naman na mauulit pa ito."
"Marry your daughter. Make her my wife..." kanta pa nito habang palayo siya dito.
Napailing na lang si Cattleya. Talo talaga siya dito pagdating sa asaran. Di niya alam kung alam ni Liam ang kahinaan niya o ito mismo ang kahinaan niya.