Chapter 40

Parang nanaginip ako. Nakasama ko raw si Levi isang gabi sa ilalim ng mga kumikislap na stars sa langit. Tapos, hinalikan niya ako. 'Yon lang, hindi ko alam kung anong lasa ng halik niya. Parang ang distant kasi... hindi ko maramdaman kung totoo 'yon o hindi. Pero baka nga, panaginip lang talaga 'yon.

Nagmulat ako. Humaplos ang hangin sa mukha ko. Napatingin ako sa labas ng bintana. Nasa kotse ako, at tirik ang araw. Haaay. Sinasabi ko na, panaginip lang talaga ang pangyayaring 'yon.

Nilingon ko ang driver's seat at ilang minuto akong natigilan. Nangunot ang noo ko. "S-Sino ka?"

"You're awake."

"Sino ka. Saka..." Tumingin ulit ako sa labas ng bintana. "Saan mo 'ko dadalhin?"

"Seat back, Lat. We're driving home."

"Home?" Mas lalong kumunot ang noo ko. "Anong home? Saka sino ka ba talaga?"

Huminto ang kotse nang maging pula ang traffic light sa malayo. Bumaling sa akin ang lalaki. "Stop playing tricks, Larica. What happened to you? Earlier, you seem stressed and haven't sleep."

"Huh?" Bumaling ako sa lalaki at tinitigan ang mukha niya. Pamilyar. Saan ko nga ba nakita? Pinukpok ko nang marahan ang ulo ko.

"What are you doing?"

"Wag kang magulo. Binabalik ko lang sa ayos ang ulo ko."

Muling tumakbo ang kotse. Umiling ako at pumikit nang mariin. Tapos nagmulat at tinitigan siya. Teka, Mister Engineer? Nasapo ko ang bibig. "H-Hoy, anong ginagawa ko rito? Saka ba't kasama kita, ha?"

Pinatunog niya ang dila at bahagyang natawa. "Matapos kitang buhatin mula airport papuntang terminal, mula Lapu-Lapu pier hanggang pier 3, at mula ro'n hanggang fishing port..." Umiling siya. "Nevermind."

"Teka, sabihin mo nga, inutusan ka ni Papa, no?"

Ngumisi siya. "Hindi." Niliko niya ang kotse. "I volunteered. Natawagan ko na si Mr. Larica, and your father asked me to drop you at fishing port. Pero binawi rin niya at sinabing ihatid kita sa Boljoon."

"Sandali, ba't nandito ako sa kotse?"

Nangunot ang noo niya. "You don't remember?"

Napasandal ako sa sandalan. May nakalimutan ba ako? Teka, ano bang ginawa ko? Ang naalala ko lang kasi... "Hayst. Sa fishing port siguro ako tumambay," bulong ko.

"No. You've attended Vine's concert in Panglao." Bumuntong-hinga siya. "Are you playing tricks again, Larica?"

Natahimik ako at inalala ang nangyari. Tapos, bigla na lang pumasok sa isip ko 'yong concert ng Vine. Ah, oo nga pala. Napangiti ako. "Grabe, ang saya ng concert na 'yon!"

Nakita ko sa gilid ng mata ang pagbaling niya sa akin. "Nasa likod ang backpack mo. Sa susunod, magpasama ka. Kagaya niyan, nahihimatay ka. Kung hindi pa kita nakita sa airport, baka nasa Lapu-Lapu ka pa rin hanggang ngayon."

"E, kasama ko dapat si Tiden. Kaso..." Naningkit ang mga mata ko. "May meeting pa siya with sponsors. Nauna na ako kasi ayokong mag-rebook ng ticket."

Tumango siya. "You haven't answered my question. Anong nangyari sa 'yo at ba't gano'n ang mukha mo? Parang hindi natulog."

"Hindi natulog?" Kumunot ang noo ko. Natulog naman siguro ako? Kahit naman nagpupuyat ako sa pagbabasa, hindi ko naman binabalewala ang pagtulog.

Hininto niya ang kotse sa isang fast food. "Let's have a breakfast first."

"Nasa'n na tayo?"

"Sa El Pardo."

Umibis ako at tiningala ang fast food. Sumunod ako kay Lyndon sa loob. Panaka-naka lang ang customers at iilan lang ang crew. Hinatid niya muna ako sa isang upuan at siya na mismo ang lumapit sa counter.

Ilang days ba akong nandoon sa Panglao? Ba't parang naninibago ako sa paligid? Na parang ilang taon akong nawala...

"Larica."

Napapitlag ako. "Ha?" Tumingin ako sa tumawag. Si Lyndon. Nakaupo na siya sa tapat ko at nakahain na sa mesa ang in-order niya.

"What's happening? You seem lost."

Napahawak ako sa balikat at bahagyang hinilot. "Ewan. Parang mabigat 'yong pakiramdam ko. Magkakasakit yata ako."

"Drink a lot of water. Baka dehydrated ka."

Ngumiti ako ng pilit. "O-Oo. S-Siguro nga." Napabuga ako ng hangin.

Parang may gusto akong gawin na hindi ko magawa. Parang may dapat akong gawin, pero hindi ko alam kung ano. Bumuntong-hinga ako at tinuon ang atensyon sa pagkain. Ilang minuto akong ngumuya nang maramdaman ko na naman 'yong sensasyon na 'yon.

May nakatitig sa akin. Nalunok ko ang kanin at nagpalinga-linga pero wala namang nakatingin sa akin. Baka nasobrahan ako ng pagbabasa ng gawa ni CareLikeGoldFish. Mystery-thriller kasi ang mga kuwento at palagi akong nakakabasa ng mga bidang minamanmanan ng isang tao.

"May problema ba, Larica?"

Umiling ako at hilaw na ngumiti. Nagbaba ako ng tingin sa pagkain at nagpatuloy sa pagsubo. Hindi pa ako nangangalahati nang bumalik ulit 'yong sensasyong may nakatitig sa akin. Nabagsak ko ang kutsara.

"Now you have. Tell me what's bothering you," sabi ni Lyndon. Nahinto rin siya sa pagsubo at binaba ang kutsara. Pinagsiklop niya ang mga kamay at mariing tumitig sa akin.

"M-May nakatitig. Kanina p-pa."

"May ideya ka kung sino?"

Umiling ako. "Nang lumabas ako ng kotse, naramdaman kong may nakatitig sa akin. Pero pinagsawalang-bahala ko lang. Ngayon... mas tumindi. Tumatayo na ang balahibo ko." Napahinga ako ng malalim at inabot ang baso ng tubig. Nilagok ko 'yon.

"I can't sense someone following us. Are you sure about that?"

Tumango ako. "Hindi ko alam kung anong kailangan niya. P-Pero, naramdaman ko na 'to noon." Kinuyom ko ang nanginginig kong kamay. "B-Bumalik siya."

"Siya? Sinong siya?"

"S-Siya... 'yong taong tumitig sa akin sa concert."

Tumiim ang bagang niya. "Vine."

"O-Oo." Lumunok ulit ako. "Two months ago. S-Sa concert, ramdam ko ang ganitong sensasyon. P-Pinagsawalang-bahala ko lang k-kasi akala ko random fans lang din." Nakagat ko ang labi. "Hindi ko alam kung bakit bumabalik 'yong sensasyong 'to."

"May suspetsa ka na ba kung sino?"

Umiling ako. "Siguro may galit sa akin. O baka may stalker ako."  Huminga ako nang malalim. "N-Natatakot ako."

Nagitla ako nang hawakan niya bigla ang nanginginig kong kamay. Pinisil niya 'yon. "I will protect you."

Umawang ang labi ko. Hindi dahil sa mariin niyang titig sa mukha ko pero may kung anong pilit pumapasok sa isip ko, nandoon sa dulo. Kinapa ko. Pero biglang naglaho nang halos maabot ko na. I will protect you... s-sinong nagsabi niyan?

"Rishell."

"Y-Yeah. S-Salamat."

Nangunot ang noo niya. "Something's wrong with you."

"Please... 'wag na nating pag-usapan." Winaksi ko sa isip ang tungkol sa sensasyon at pilit tinuon ang tingin sa pagkain.

Matapos kumain ay inaya na niya akong lumabas. Nagpatianod ako. Pero nabaling ang tingin ko sa isang karatula sa gilid ng salon sa tapat ng fast food.

Club Fort Med

May sumikdo bigla sa dibdib ko. Kinabahan ako. Hindi ko alam kung bakit.

"Rishell?"

"Nakapunta ka na sa Club Fort Med?"

"Minsan. Bakit?"

"Maganda ba ro'n?"

Tumango siya. "Why you ask?"

"Ah, nagpunta kami ng highschool batchmates ko doon. Mga last month? May nangharana pa nga sa akin." Napangiti ako.

"Sino?"

"Friend ko sa highschool. 'Yong may crush sa akin." Natawa ako. "Ang ganda ng boses. Hindi ko alam na kumakanta siya. Akala ko, sintunado."

Napatango si Lyndon at inaya akong maglakad papunta sa parking area. Sumunod ako pero huminto pagkaraan. Nilingon ko ulit ang karatula. Nangunot ang noo ko nang sumikip ang dibdib ko habang tinititigan 'yon. Bakit?

"Rishell, let's go. I still have work to attend to."

"Ah, s-sige..."

Humakbang ulit ako habang iniisip ang asul na dagat. 'Yong cottage sa pangpang, tirik na araw, malamig at maalat-alat na hangin, sa ilalim ng alon... Huminto ako sa paghakbang.

Napakurap ako. Napahawak ako sa pisngi at basa 'yon. Umiiyak ako? Nangunot ang noo ko at pinahid ang luha sa pisngi.

Binuksan ko ang passenger seat at sumakay sa loob ng kotse.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.