HABANG papalapit sa bahay ay lalong humigpit ang hawak ni Joy kay Matteo. Kailangan niya ng suporta nito. Ayon kay Luc ay doon daw sila dumiretso kung makakauwi sila.
Natatakot si Joy sa kung anong mangyari. Sa kabila ng naging mga hindi nila pagkakaunawaan ng ama, mahal niya ito. Ang isipin na may mangyaring masama rito ay hindi niya makakaya kaya naman umuwi siya ng Pilipinas sa kabila ng hindi niya gustong mangyari iyon. Kahit madalas na pinaparamdam sa kanya ng ama na wala siyang kuwenta dahil na rin sa hindi niya ginagawa ang mga bagay na gusto nito, hindi naman niya gustong maging kagaya nito.
“Everything will be okay,” pagpapakalma ni Matteo kay Joy.
Gusto niyang maniwala roon. Pero paano? Kahit hindi naman niya masasabi na alam na niya ang totoong kuwento, iniisip niya na masama iyon. Hindi naman siya sasaihin ni Luc kung hindi iyon importante. At malamang na masama nga iyon dahil urgent iyon.
Kaya sa kabila ng lahat, ipinagpapasalamat niya na nasa tabi niya si Matteo. Tama ito. Kailangan nga talaga niya ito. Sa eroplano pa lamang ay hindi na siya mapakalo at mabuti na lang at nandoon ito para pakalmahin siya.
Pero pagdating nila ng bahay, nagresulta ang lahat ng takot ni Joy sa wala. Sa halip, nag-uumapaw ang saya sa puso ni Joy nang makita pa lamang ang labas ng bahay nila at may nakakabit roon na tarpaulin.
“Oh My God!” hindi pa man sigurado si Joy kung ano ang dahilan kung bakit naroroon iyon pero maluha-luha na siya. Ano pa nga ba ang dahilan para maglagay ng tarpaulin na binabati siya tungkol sa pagkapanalo niya sa journalism event sa London? Hindi naman papayagan ng kanyang ama iyon dahil sa galit sa trabaho niya. Pero ang nakita ngayon ay may ibig sabihin. It just means that her father is proud of her!
Importante nga dahilan kung bakit siya pinauwi ni Luc. Hindi iyon masama dahil magandang balita iyon. Napakaganda noon!
“What’s going on, Joy?” takang tanong naman sa kanya ni Matteo pero dahil sa sobrang speechless niya, hindi niya maggawang magpaliwanag rito. Pero mamaya na niya iisipin iyon. Mamaya na siya magpapaliwanag kay Matteo. Ang tanging gusto na lang niyang gawin ngayon ay pumasok sa loob ng bahay nila upang makita ang ama.
Hindi naman nabigo si Joy. Nakita nga siya sa loob ang Daddy at pati na rin si Luc. Masaya na nag-uusap ang mga ito. At nang makita siya ay lumaki ang ngiti ng kanyang Daddy.
Halos matunaw si Joy. Napakasaya niya. Pagkatapos ng maraming taon na hindi sila nagkakaunawaan ng ama, ngayon lang niya nakitang ngumiti ito sa kanya.
“Welcome home, Anak.” Nilapitan na si Joy ng Daddy niya nang hindi na niya kinayang lumapit rito sa sobrang tindi ng emosyong nararamdaman. Tuluyan na rin siyang napaiyak, lalo na nang yakapin nito.
“Thank you, Daddy. Thank you...” wika ni Joy sa pagitan ng pag-iyak.
“No, Anak. Hindi mo kailangang mag-thank you. Dapat ay matagal ko ng ginawa ito. Matagal ko na dapat na nakita ang efforts mo...”
“K-kung ganoon, ano po ang paliwanag niyo? Bakit biglang nagbago ang isip niyo?”
Huminga muna nang malalim ang kanyang ama pagkatapos ay hinaplos-haplos siya. “Napakaraming bumati sa akin nang malaman ang pagkapanalo mo sa journalism award na iyon sa London, Joy. Lahat ay nagsasabing napakasuwerte ko raw at napakagaling ko rin na nagkaroon na anak na kagaya mo. Pinupuri nila ako dahil sinuportahan raw kita sa kabila ng lahat. Inakala nilang lahat na ganoon ang nangyayari sa atin. Na sa kabila ng pagkamatay ng Mommy mo, sinuportahan ko pa rin ang pangarap mo na maging kagaya niya. Na parte ako ng tagumpay na tinatamasa mo. And I feel guilty about it.
“Lahat ay sinasabi sa akin na ako ang dahilan ng tagumpay mo dahil ama mo ako. Pero hindi ko maggawang maging masaya. Paano ako magiging masaya samantalang ako ang pumipigil sa `yo? Pero sa kabila ng lahat, pinatunayan mo sa akin na mali ako. Sa kabila ng mga pagkaayaw mo, naging matapang ka para patunayan sa akin ang sarili mo. Mali ako na hindi ko tinanggap ang gusto mo sa buhay, Joy. Dapat ay sinuportahan kita. Hindi dapat ako nagpadala sa mga takot. Mapapatawad mo ba ako sa lahat, anak?”
Tumango si Joy. “Hindi niyo na po kailangan na sabihin `yan, Daddy. Naiintindihan ko naman po kayo. Natatakot lang po kaya para sa akin dahil mahal niyo ako. Hindi niyo gusto na maging kagaya ni Mommy.”
Totoo ang sinabi ni Joy. Sa kabila ng lahat kahit nasasaktan siya ay pinipilit niyang indahin ang lahat ng pag-ayaw ng kanyang Daddy dahil naiintindihan naman niya iyon. Pinoprotektahan lang siya nito. Hindi nito gustong maging kagaya ng Mommy niya na namatay dahil sa trabaho nito.
Delikadong trabaho ang pagiging journalist. Marami siyang kakilala na nakakatanggap ng mga death threats dahil na rin sa sinusulat ng mga ito---lalo na ang mga journalists na nagsusulat tungkol sa krimen. Nakakapagsulat rin naman siya ng mga tungkol roon pero dahil na rin sa Daddy niya, madalas ay iniiwasan niya iyon. Iniiwasan niya ang pagiging field journalist kahit na ba isa iyon sa mga paborito niya. Gusto niya na magpunta sa iba’t ibang lugar kahit madalas ay delikado iyon. Gusto niyang mas ma-expose sa mga tao at iba’t ibang klase ng balita—masama man iyon o mabuti. Para sa kanya, isang malaking challenge iyon.
“Dapat ay naging proud ako sa `yo at sinuportahan kita. Ipinakita mo sa akin na hindi mo makakayang tanggihan ang pagsusulat kagaya ng Mommy mo. I should have support you like the way Luc supported you...” tumingin ang kanyang Daddy kay Luc at napatingin rin si Joy ng dahil roon.
Ngumiti si Luc. “Kahit na ba hindi mo ipinaalam sa akin ang tungkol sa pagkapanalo mo,”
“You smiled. Ikaw rin ang nag-imporma sa akin ng lahat ng ito. But still, nagtatampo ka pa rin sa akin?”
“Hindi mo ako masisisi. We were the best of friends...yet---“ huminga ito nang malalim. “No. Hindi na dapat ako nagtatampo sa `yo. This is your moment. Palalagpasin ko na ang lahat dahil masaya ka. At masaya rin ako na natanggap na ni Tito ang lahat.”
Niyakap ni Luc si Joy at pakiramdam niya ay lalo siyang naging masaya. Kahit masaya siya sa piling ni Matteo, na-miss niya ang matalik na kaibigan. Masaya rin siya na maayos na para sa kanilang dalawa ang lahat. Hindi niya gustong nagtatampo ito dahil nasasaktan rin siya. Para bang magkakabit ang damdamin niya sa damdamin nito dahil kapag nasasaktan ito ay nasasaktan rin siya. Ang tanging pagkakataon lang na hindi niya naramdaman ang damdamin nito ay ang naging masaya ito sa piling ni Ginny.
Pero hindi na iniisip ni Joy iyon. Masaya na siya para kay Luc at kung ang dahilan noon ay dahil na rin kay Matteo, mas lalo siyang sasaya roon. Mabilis lang na naging maayos siya dahil kay Matteo at masaya siya na sa pagitan nilang dalawa ay maayos rin iyon.
O iyon lang ang iniisip mo? Sigaw nang isang bahagi ng isip ni Joy nang mapatingin siya kay Matteo. Dahil na rin sa sobrang saya na nararamdaman, doon lang niya naalala ang kasamang lalaki. Napansin niya na hindi maganda ang timplada ng mukha nito.
Pero hindi gustong intindihin muna ni Joy kung galit man si Matteo. Ano ba ang ikagagalit nito? Na iniwan lang niya ito sandali? May maganda naman siyang paliwanag roon. Na nakipagyakapan siya kay Luc? Normal lang na nangyayari iyon sa magkakaibigan. Madali lang sa tingin niya na ipaliwanag kay Matteo ang sarili sa kung ano man ang nangyari sa kaninang positibong mukha nito.
Ipinakilala niya si Matteo sa kanyang Daddy at nakita niyang hindi naman kagaya ng nangyari kay Matteo ang mukha nito. Mukhang okay rito ang nakita, kinuwento pa nga nito si Matteo.
“Salamat at kahit wala ako at si Luc sa tabi ng anak ko ay nandiyan ka para sa tabi niya.”
“Its my pleasure to do so, Sir.”
Tumango-tango ang Daddy ni Joy. Sandaling nag-usap pa ang mga ito at kagaya ng pagpapakilala niya rito, naging maayos rin ito at narinig pa nga niya na sinabihan pa ito ng kanyang Daddy ng “take care of my daughter”. Ibig sabihin, ibinibilin siya ng kanyang ama kay Matteo. Iniisip ba nito na may relasyon sila kaya ganoon? Pero kung ganoon nga, mas maganda iyon. Ibig sabihin lang noon ay aprubado nito si Matteo para sa kanya.
Nang mapag-isa sina Joy at Matteo, kinausap siya ng lalaki.
“Kung ganoon, ang maliit na bagay lang na ito ang dahilan ng pag-uwi mo...” may hindi maganda sa tinig ni Matteo.
“Maliit na bagay? Matteo, this matter is very important to me. Mas importante pa ito sa akin kaysa sa pagkapanalo ko sa journalism award sa London! Matagal ko ng pinapangarap na tanggapin ako ni Daddy...” ikinuwento niya rito ang tungkol sa paghihirap niya sa ama.
“You should have told me,” malamig pa rin ang tinig nito.
Iyon ba ang ikinatatampo ng lalaki? Napabuntong-hininga si Joy. “I know. And I’m sorry about it. Pero sana ay hindi mo isipin na maliit na bagay lamang ang lahat ng ito para sa akin...”
Tumango-tango lamang si Matteo at umaasa si Joy na sana ay naintindihan nga talaga nito ang tungkol sa nangyari.
NANATILI si Matteo ng ilang araw sa Pilipinas at pagkatapos ay lumipad na ito papuntang Singapore para sa trabaho. Bumalik muli sa dati ang relasyon nila—long distance. Pero hindi kagaya nang una, mas tumindi ang pangungulila ni Joy kay Matteo. Siguro ay dahil na rin iyon sa pagiging mas malapit nila ng lalaki kaysa sa dati. Ilang oras pa lamang simula nang maghiwalay sila ay na-miss na niya ito.
Hindi man masasabi ni Joy na maayos ang relasyon nila ni Matteo, hindi naman sila nag-aaway. Nararamdaman niya na tila bahagyang nanlamig sa kanya ang lalaki pero kapag tinatanong niya kung ano ang problema, sinasabi lang nito na nangingiba ito ngayong nasa Pilipinas ito at tumira sa bahay nila. Nahihiya raw kasi ito kahit na ba ginusto mismo ng kanyang Daddy na doon ito tumira para lalo pa na makilala nito ang lalaki. Naging maayos naman ang lahat pero siguro nga kaya naramdaman niya na parang may nagbago dahil hindi kagaya noong nasa London sila ay kaya siyang basta-basta na lamang halikan ni Matteo. Sa bahay nila, nirerespeto siya nito.
Hindi na lang rin pinansin ni Joy ang kakaibang ikinikilos ni Matteo, lalo na sa mga nakaraang araw ay purong saya ang nararamdaman niya. Sa wakas ay tanggap na siya ng kanyang ama. Sa ngayon, pakiramdam niya ay nakompleto na siya. Kontento na siya sa kanyang buhay. Maganda ang career niya, tanggap siya ng kanyang ama at kahit hindi pa man niya masasabi na opisyal na ang relasyon nila ni Matteo, maayos ang kung ano man ang mayroon sila.
Nagbalik trabaho na si Joy at naging mas maayos pa kaysa sa dati ang turing sa kanya ng mga katrabaho niya. In fact, pati ang mga boss niya. Pero hindi na naman iyon kataka-taka. Lahat ng mga ito ay proud sa kanya. Kagaya nang ginawa ng kanyang Daddy sa bahay nila, may tarpaulin rin sa labas ng opisina sa pagpupugay para sa kanya.
Tingin lahat ng mga tao kay Joy ay magaling. Mas lalong lumaki ang tiwala sa kanya ng boss niya at nang mag-request siya sa mga ito na sana ay pagbigyan siya ng mga itong lumagay sa opinion pieces o ang editorial part ng news paper, agad na pumayag ang mga ito. Kagaya ng mga sinusulat niya, naging maganda rin ang feedback roon.
“Sa ginawa mong ito, lalo mo lang ipinakita na magaling ka talaga, Joy. You’re a versatile writer. Napakaganda ng ginawa mong opinion piece para sa politikong iyon. Ganoong-ganoon rin ang naiisip ko tungkol sa kanya,”
Matagal ng pangarap ni Joy na makapagsulat sa column na iyon. Iyon kasi ang forte ng kanyang ina. Opinion journalist ito at trabaho nito ang magbigay ng opinyon sa mga tao. Dahil idol ni Joy ang ina, gusto rin niya na gawin at subukan iyon. Ngayon niya nga lamang naggawa dahil na rin ayaw naman niyang lalong magalit sa kanya ang Daddy niya kapag nalaman nito na talagang sumusunod siya sa yapak ng namatay na ina.
Delikado ang mga opinion journalists. Dahil hindi naman lahat ng tao ay open-minded, madalas na hindi nagugustuhan ng mga ito ang sinusulat. Lalo na kapag masamang opinyon pa iyon. Ganoon ang ikinamatay ng kanyang ina. Hindi nagustuhan ng isang politiko na binigyan nito ng masamang opinyon ang sinulat nito kaya pinapatay ito.
Ganoon rin ang ginawa ni Joy. Pero hindi siya takot. Ginusto niya iyon. Pangarap niya na makapagsulat ng ganoon. Naging matagumpay naman iyon kaya lalo lang siyang naging masaya sa sarili niya. Ayon sa kanyang boss, naging usap-usapan raw ang column niya sa araw na lumabas iyon.
Delikado man ang ginawa ni Joy, hindi na iyon mahalaga sa kanya. Ang tanging mahalaga na lang sa kanya ngayon ay naggawa na niya ang isa sa mga pinapangarap niya. Isa pa, matapang siya. Bilang isang journalist, kailangan niya iyon.
Ibinalita niya kay Matteo ang nangyari at kagaya ng dati, sinuportahan siya nito. Masaya rin ito sa naggawa niya. Naging habit na talaga niya ang magkuwento palagi kay Matteo ng mga bagay na nangyayari sa kanya.
“Congratulations then. How I wish I could celebrate this with you.”
“Celebration? Hindi na naman ito kailangang i-celebrate.”
“Malaking bagay iyon sa `yo. Gusto ko na i-celebrate iyon.” Bumuntong-hininga si Matteo sa kabilang linya. “Kung madali lang talaga sana sa akin ang lumipad muli pabalik ng Pilipinas.”
Pagkatapos ng Singapore, lumipad papuntang Japan ang nobyo dahil na rin sa ilang trabaho bilang modelo. “Naiintindihan ko naman, Matteo. Sapat na para sa akin ang ganito.” Sa ngayon.
“I missed you, Joy. How I wish you can be here with me today. No, not just a day. Every second, every minute, every hour in my life, I want you by my side...”
Napangiti si Joy. Kagaya ng nararamdaman ni Matteo, ganoon rin ang nararamdaman niya. Pero sa kabila ng lahat, sa tingin niya ay hindi pa tama ang panahon.
Masyado pang career-driven si Matteo at ganoon rin siya. Masasabi man niya na naggawa na niya ang mga pangarap niya, ang isipin na iiwan na niya ang pagsusulat ay hindi maganda ang tunog sa kanya. Parte na iyon ng pagkatao niya. Magiging mahirap para sa kanya na iwan iyon para lang makapag-adjust sa relasyon nila ni Matteo. Pero hindi muna niya gustong isipin ang problema sa relasyon nila. Nami-miss man nila ang isa’t isa, nakakapagpatunay lang iyon na talagang matindi ang nararamdaman nila. Ika nga, absence makes the heart grow funder.
Kung anu-ano pa ang napag-usapan nila Joy at Matteo na hanggang sa pag-uwi niya ay hindi pa rin niya mabitawan ang kanyang cell phone. Naglalakad siya papunta ng parking lot ay hindi pa rin niya maggawang sabihin sa lalaki na kailangan na niyang tapusin ang tawag dahil sa kondisyon. Masyado niyang na-miss si Matteo para putulin na lang ang tawag nila sa isa’t isa.
Pero ni hindi lubos akalain ni Joy na ibang tao pala ang puputol ng pag-uusap nila. Ilang metro ang layo ni Joy sa kotse niya ay may taong lumapit sa kanya at walang sabi-sabing may itinarak sa tiyan niya dahilan para mabitawan niya ang kanyang cell phone.