"VANCE! Vance, nasa kabilang table lang si Megan Young!" excited na wika ni Phoenix at tinanaw ang kabilang mesa kung saan nakaupo si Megan Young kasama ang entourage nito. Nagla-lunch sila sa pool area ng exclusive club na Pico de Loro kasama si Mauricio kung saan miyembro ang tiyuhin niya.
It was an iddylic weekend. Family day nila. Isinantabi muna ng mga ito ang trabaho para ipagdiwang nila ang desisyon niyang huwag nang ituloy ang pagbalik sa Egypt. Gusto pa siyang bigyan ng kaunting panahon ng head nila bago kumuha ng kapalit niya pero desidido na siya. Gusto niyang manatili sa Pilipinas kasama ang mga mahal niya sa buhay at maging bahagi ng yumayabong na Philippine Archaeology.
"She is really gorgeous," wika ni Mauricio.
Napansin niya na parang wala lang pakialam si Vance. Tahimik lang itong kumakain at parang di man lang interesadong sulyapan si Megan Young na kahit walang korona ng Miss World sa ulo ay beauty queen na beauty queen pa rin.
Kinalabit ni Phoenix si Vance. "Uy! Nasa kabilang table si Megan Young. Gusto mo bang magpakuha ng picture? Sasamahan ko kayo ni Tito."
"Hindi na kailangan. Hamak mas maganda ka naman doon," sabi nito.
"Wow! Hindi ko naman matandaang kinulam o ginayuma kita. Ganoon talaga ako kaganda sa paningin mo. Miss World ang nasa kabilang table," paalala niya. "Megan Young."
"Gone were the days that I am attracted to beauty queens and goddess-like models. I am quite happy having you here with me."
"Ah! Super sweet ng boyfriend ko." At kinintalan niya ng halik sa pisngi si Vance.
Hindi naman na nito kailangan pang bigyan ng garantiya. Tanggap naman niya kung tumulo ang laway nito sa kinoronahang Miss World. Subalit na-appreciate niya ang pagnanais nitong iparamdam kung gaano ito kaseryoso sa kanya. He was considerate with her feelings. Saan pa ba siya makakahanap ng lalaki na tatanggihan ang Miss World para sa girlfriend nito. Masarap pala sa pakiramdam. Parang nanalo din siya sa beauty pageant.
"Natutuwa ako na makita kayong dalawa na magkasundo," sabi ni Mauricio na parang maiiyak pa. "Dati pangarap ko lang na magkasundo kayong dalawa. Tingnan mo nga ngayon. Bukas-makalawa baka pinaplano pa ninyo ang kasal ninyo."
"Ang lagay nagayuma na ako, magpapapikot pa ako basta-basta? No way!" angal ni Vance.
Pabiro niya itong kinagat sa balikat. He yelped.
"Ninong, nangangagat o!" sumbong ni Vance na parang bata.
"Puro ka kasi kalokohan."
"Huwag kang masyadong malambing sa akin. Nagseselos si Ninong sa atin," sabi ni Vance at lumingon kay Mauricio.
"Ipa-date kaya natin kay Megan Young para hindi siya naiinggit," nakangisi niyang sabi.
"Puro kayo kalokohan. Wala akong planong makipag-date. Sapat na sa akin na makita kayong magkasundo at nagmamahalan. Mapapanatag ang loob ko na aalagaan mo si Phoenix, Vance. Mahal na mahal ko ang batang iyan," anang si Mauricio.
Nilapitan niya ito at niyakap. "I love you, Tito." Pakiramdam niya ay kumpleto na siya. Wala na siyang hahanapin pa dahil kasama niya ang mga taong mahal niya at nagmamahal din sa kanya.
Pagod na pagod na ang pakiramdam niya nang makauwi sa mansiyon. Naghahanda na siyang matulog nang may kumatok sa pinto. Napagbuksan niya ang isa sa mga kawaksi na may dalang maliit na package. “Ma’am, may dumating pong package para sa inyo kaninang hapon."
"Maraming salamat po."
Excited niyang binuksan ang plastic package. Maliit na kahon ang laman at nang buksan niya ay white gold necklace na may pendant ng isang anghel.
Pumitlag ang puso niya at isinuot agad iyon. Walang nakalagay na card pero natitiyak niyang kay Vance galing iyon. Humarap siya sa salamin. It was lovely. Kailangan niyang tanungin si Vance kung anong ibig sabihin ng pendant na anghel - siya ba ang anghel ng buhay nito o ito ang anghel na laging magbabantay sa kanya?
Pasorpresa pa kasi. Bakit hindi na lang ibinigay ang kuwintas habang nasa Pico de Loro sila. Mas romantic sana doon.
Sa sobrang excitement niya na isukat ang kuwintas ay hindi na niya nabasa ang card na kasama nito. Inilabas niya iyon mula sa maliit na sobre. Sulat-kamay ng isang lalaki ang sumulat sa card pero hindi iyon sulat-kamay ni Vance.
Thanks for spending an afternoon with this old man. I think the necklace will look lovely on you. I used to call your mother as my angel. I guess that is what you are as well – Maxie
Nanlamig ang buong katawan ni Phoenix. Hindi kay Vance galing ang kuwintas kundi kay Maximo Pantaleon. Nataranta siya. Paano ba ito? Bakit siya nito binigyan ng kuwintas? Naalala niya ang pangako kay Vance na iiwasan na niya ito. Dapat ba niyang ibalik na lang ang kuwintas dito? But that would be rude.
Naguguluhan pa siya sa dapat gawin nang may kumatok sa pinto. "Phoenix, gising ka pa ba?"
Si Vance!
Dali-dali niyang itinago sa drawer ang kahon ng kuwintas at kasama ang card.
"Ano... sandali lang," wika niya at hinamig ang sarili bago binuksan ang pinto. "Yes?"
"Dito ako matutulog. May pag-uusapan kami ni Ninong."
He had his own penthouse condo. Ngayong naroon siya sa mansiyon ay madalang na itong matulog doon. Gusto daw nitong ingatan ang puri nito dahil baka di daw niya mapigilan ang sarili niya at akitin ito. As if.
"Nangako naman akong magbe-behave ako at di ka papasukin sa kuwarto mo," aniya at kinindatan ito.
“Nice necklace." Tumutok ang mata nito sa dibdib niya. "May nagbigay sa iyo?”
“N-No. I mean, yes. Regalo ng kasamahan ko noong birthday ko," palusot niya at pilit na ngumiti.
“Lalaki?” nakakunot ang noong tanong nito.
“Yes. I mean, gay. He is gay.” Humalakhak siya para di mahalata ang nerbiyos niya. “Ang totoo binili niya iyon dahil gandang-ganda siya. Di naman daw bagay sa kanya kaya ibinigay na lang sa akin. Ii-imagine na lang daw niya na kasing ganda niya ako. Ayaw mo ba dito? Pwede ko namang hindi na lang isuot next time. O ibalik ko.”
Ngumiti ito at hinaplos ang pisngi niya. “Silly. Of course I am not jealous. I just want to give you something more beautiful next time. Para next time bigay ko naman sa iyo ang isusuot mo.” Niyakap siya nito. “I love you. I love you. I love you.”
“Vance, hindi na ako makahinga.”
Niluwagan nito ang pagkakayakap sa kanya pero di siya pinakawalan. “I just can’t believe that you are mine now. Wala ba akong goodnight kiss?”
“Sir Vance, ipinapatawag po kayo ni Sir Mauricio," wika ni Manang Doria.
Humiwalay sa kanya si Vance at bakas ang iritasyon sa mukha. “Wrong timing naman.”
Kinintalan niya ito ng halik sa labi. “Puntahan mo na si Tito. Baka mainip iyon.”
“Babawi ako. That is a promise.”
Mabuti na lang at nakalusot siya pero alam niyang hindi pa tapos ang problema niya.