IMPATIENT na tinapik-tapik ni Vance ang mesang kinauupuan niya habang nakikinig sa kausap sa kabilang linya. Kanina pa siya nakikipag-argumento subalit hindi pa rin niya makuha ang kanyang gusto. Hindi siya sanay sa ganoon. Sanay siyang nakukuha ang lahat ng naisin niya sa isang iglap lang.
“Bakit ba napakakulit mo? Sinabi ko nang hindi ako babalik diyan. Kahit ikadena mo pa ako at kaladkarin pabalik sa Pilipinas. Ayoko pa rin! A-yo-ko!” mariing wika ni Phoenix na dahilan para magsalubong ang kilay niya.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay kinukumbinsi niya itong bumalik sa Pilipinas. It was painful. Nakakadurog ng pride. Madalas ay mukha siyang tanga pero kailangan niyang gawin para kay Mauricio.
Malaki ang utang na loob niya kay Mauricio. Labingwalong taong gulang siya nang parehong masawi ang kanyang mga magulang nang manakawan sila. Saka niya nalaman na iniwan siyang pulubi ng mga ito dahil itinakas ng pinagkakatiwalaan nitong accountant ang pera nila. Tanging trust fund lang niya ang natira na makukuha niya pagtuntong niya ng dalawampu’t apat.
Dahil walang kamag-anak, si Mauricio ang tumulong sa kanya. Pinatuloy siya nito sa sariling tahanan. Pakiramdam niya ay parang pangalawa na niya itong ama. Kaya nga lahat ng gusto nito ay sinusunod niya. Ito rin ang gumawa ng paraan para mahuli ang mga pumatay sa mga magulang niya. Kaya kahit kaya na niyang mabuhay ng mag-isa ay hindi pa rin niya ito iniiwan. Dahil alam niyang sila lang dalawa ni Phoenix ang inaasahan nito. At sa mga oras na ito ay hindi niya maasahan si Phoenix.
“Anim na buwan na ang nakakaraan. Hindi mo ba kami magagawang patawarin sa nangyari?” malumanay na tanong niya.
“Hindi pa rin. Why should I after what you did to me? Pinaikot ninyo ako. You are like a gigolo. Ayokong makita ka.”
“Kung ako lang ang problema mo, hindi ako magpapakita sa iyo,” wika niya. “Hindi na ako tutuloy sa bahay. Kundi lang din naman official function, hindi tayo magkikita. After all, mas madalas ka naman sa El Nido. Hindi mo na ba gustong magtrabaho doon?”
“Masyadong maraming alaala sa lugar na iyon,” anito sa malamig na boses. “Kung magkaka-amnesia siguro ako, pwede mo akong ibalik diyan.”
“May sakit si Ninong Mauricio. Kalalabas lang niya sa ospital. How could you be so heartless about this?”
“Maniwala naman ako na may sakit talaga siya. He is as strong as a horse. Alam ko na pakana na naman ninyo ito para pauwiin ako diyan at paikutin. Huwag ka na nang tatawag dito. Sinisira mo lang ang araw ko.” At tuluyan nang naputol ang tawag nito. Sinubukan ulit niyang i-dial ang numero nito pero cannot be reached na ang numero.
Mariin niyang isinuklay ang daliri sa buhok. Phoenix Villaviray was the most exasperating woman he had ever met. Oras na nabuo na ang ideya sa isip nito ay hindi na mababago. Wala na itong ibang pinakikinggan. And she knew how to hold a mean grudge, too.
Maya maya pa ay pumasok na si Mauricio sa opisina niya. Dali-dali niya itong sinalubong sa pinto pa lang. “Ninong, bakit lumabas na kayo ng bahay? Dapat nagpapahinga na kayo.”
Isang buwan lang ang nakakaraan mula nang lumabas ito sa ospital. He had a mild heart attack. Ayon sa doktor ay dahil sa sobrang pagtatrabaho daw iyon at pag-aalala. Iniisip pa rin nito ang nangyari kay Phoenix.
Itinawag niya iyon kay Phoenix pero masyado itong mapaghinala. Pakiramdam nito ay gumagawa na naman sila ng istorya para lang mapauwi ito. Hindi niya alam kung ano pa ang pwede niyang gawin para mapaniwala ito na kailangan talaga ito ni Mauricio.
Iwinaksi nito ang kamay at tinanggihan ang pag-alalay niya. “Hindi naman ako imbalido. Kaya ko ang sarili ko.”
“Pero sabi po ng doktor ay magpahinga kayo.”
“Vance, lalo lang akong magkakasakit kung nasa bahay lang ako. Lagi ko ring iniisip ang trabaho dito sa opisina. Kailangan ko ring gumalaw-galaw para sumigla. Ano nang balita sa mga project na hawak mo?”
“No. Hangga’t walang go signal ng doktor, hindi ko kayo kakausapin tungkol sa trabaho. It is enough that you know that the business is running smoothly.”
Sa tulong ng top executives ng kompanya at mga project managers ay tiniyak nila na maayos ang lahat ng projects at wala silang problema mula sa supplies, operation, mga tauhan at sa mga deals na pumapasok sa kanila.
Iwinaksi nito ang kamay. “Pagdating sa trabaho ay may tiwala naman ako sa inyo. Nakausap mo na ba ulit si Phoenix?”
“Katatawag lang po niya kanina.”
“Ano ang sinabi ni Phoenix, Vance? Uuwi na raw ba siya?” Maaliwalas bigla ang mukha nito nasa tinig nito ang pag-asam.
He shook his head. “Ganoon pa rin po ang sagot niya, Ninong. Ayaw pa rin niyang umuwi. Hayaan na lang daw natin siya doon.”
Malungkot itong bumuntong-hininga. “Hindi ko na alam kung anong gagawin ko para mapatawad niya ako. Gusto ko siyang makasama. Pakiramdam ko humihina ako sa bawat araw. Parang hindi na ako magtatagal.”
Tinabihan niya ito sa couch at hinaplos ang likod nito. Kaya niyang tiisin ang pang-iinsulto nito sa kanya pero nasasaktan siya sa araw-araw na nakikita si Mauricio. Alam niyang ito ang higit na nagdadala ng guilt dahil sa paglayo ni Phoenix. Kung tutuusin ay pinrotektahan lang nito ang pamangkin.
Gusto niyang sisihin si Phoenix. Dahil sa katigasan nito ay nagkakasakit si Mauricio. Hindi ba nito kayang isantabi ang sama ng loob nito para sa tiyuhin nito?
Naalarma siya. “Ninong, huwag po kayong magsasalita ng ganyan. Marami pa kayong hindi nakikita. Pipilitin pa ninyo akong magpakasal at kukulitin pa ninyo ako na bigyan kayo ng mga apo.”
“I hope so. Gusto ko sanang makita kayo ni Phoenix na lumagay sa tahimik.”
Hindi niya maipapangako ang paglagay nila ni Phoenix sa tahimik. Tingin nga niya ay sinelyuhan na niya ang pagiging manhater nito. Dahil sa ginawa ni Maximo Pantaleon sa nanay nito ay lalong sumama ang tingin nito sa kanya. Pati ang maayos na relasyon nila na walang bahid ng panlilinlang ay naging madumi na sa paningin nito.
“Kaya huwag kayong magsasalita ng kung anu-ano. Malakas pa kayo.”
Muli itong bumuntong-hininga. “When I am gone, promise me you’ll take care of Phoenix. She’s my little baby, you know?”
Kinabahan siya sa tinatakbo ng pananalita nito. “I don’t like the tone of your voice, Ninong. Huwag kayong magsalita ng ganyan. Kasasabi ko lang.”
Mariin nitong hinawakan ang braso niya. “Promise me, Vance!” he said urgently. “Aalagaan mo si Phoenix kahit anong mangyari.”
Napatingin siya sa pagkakahawak nito. “Yes, Ninong. Alam naman ninyo na gagawin ko ang lahat para sa kanya.”
There was a certain urgency in his voice that made him promise.
Noon lang nagliwanag ang mukha nito. “I expect you to keep that promise, Vance. Napasaya mo ako.” Tumayo ito at tuluyan nang nilisan ang opisina niya.
Nagtataka siya sa ikinikilos at sinasabi nito. Hindi siya sanay na ganoon ang tema ng pinag-uusapan nila. Lalo siyang kinabahan nang sabihin nitong ‘when I’m gone’. Bakit ganoon ang tono ng pananalita nito?