KAHIT anong pagmamakaawa ni Bebeng ay hindi siya pinansin ng masungit niyang bagong boss. Talagang hinila siya nito at isinama siya patungo sa banyo.
Binuksan nito ang pinto ng banyo, maliit lang din 'yon. Pang-isahan na tao lang talaga ang condo nito.
"Hindi ka puwedeng maglaho sa paningin ko. Mahirap na, baka makatakas ka," sabi nito pagkabukas ng pinto ng banyo.
Nananatiling nakahawak 'to sa pulso niya kahit iniwan siya sa labas ng pinto ng banyo. Dahil maliit nga lang ang banyo ay kaagad 'tong nakaharap sa bowl. Kaagad din na narinig niya ang pagbaba ng zipper ng pants nito!
Grabedad! Kahit pa nga ba sabihin na nasa labas naman siya ng banyo, dinig na dinig naman niya ang tunog ng pagbaba ng zipper at tunog ng ihi nito!
'Kaloka! Ano ba 'tong napasukan niyang sitwasyon?
Ah, bakit nga ba kailangan niya pang magtanong, gayong alam naman niya ang sagot sa tanong na 'yon.
Kilala ang triplets nina Mr. & Mrs. San Martinez na may mga topak, kung ano man ang ibig sabihin ng mga haka-haka na 'yon patungkol sa mga 'to ay, hayun na nga yata, nararanasan na niya! Wala naman matinong lalaki na magsasama sa banyo ng isang babae nang dahil lang sa isang singsing!
Belinda, ang singsing na 'yan ay hindi mo kayang bayaran kaya manahimik ka na lang, sumbat sa kaniya ng kung sinong nagsalita sa dulong bahagi ng utak niya.
Utak niyang umaray nang marinig naman niya ang flash ng toilet. Pero in fairness naman, wala siyang naamoy na masama. Sinarado ng 'lord of his ring' ang pinto ng banyo e, kamay lang niya ang nakapasok sa loob niyon kasama nito, inilayo niya rin kasi ang sarili sa abot ng makakaya niya at mahirap nang may masilip siya nang dahil sa kalokohan nito.
Nang marinig niya ulit ang pagsasara nito ng zipper ng pants ay maluwag siyang nakahinga. Tapos na 'to, siguro naman ay makakapag-usap na sila nang maayos at matino kahit diskumpyado siya't hindi niya alam kung may tino ba 'to sa katawan.
"Don't worry, nag-alcohol ako," siyang bungad nito sa kaniya paglabas sa banyo. Pinaamoy pa talaga sa kaniya ang libreng palad na siyang ginamit sa pag-ihi. Lukot ang ilong na inilayo na lang niya rito ang mukha niya.
Nakakainis isipin na sasayad sa mukha niya ang palad nito na kakagamit lang nito sa private part nito 'no!
Oo naman, alam niya ang ibig sabihin ng pee kahit undergrad siya ng high school. 'Yon ay dahil mahilig siyang magbasa.
Pinakawalan nito ang pulso niya nang makarating silang dalawa sa munting dining area ng bahay nito. May mesa ro'n na pangdalawang tao lang, dalawa lang kasi ang ang upuan.
"Now, we can talk."
"Sir, hindi po talaga maaari na tumabi ako sa higaan niyo sa pagtulog gaya nang hindi maaari na parati niyo 'kong kasama sa tuwing nagbabanyo kayo. Hindi naman po ako tatakas at malabo 'yong mangyari dahil amo ko po ang mga magulang at lolo niyo," kaagad niyang sambit nang makaupo sila at nagsabi 'to na puwede na silang mag-usap.
Bumuntonghininga 'to. Pinagkrus ang sariling braso sa dibdib saka sumandal at tinitigan siya.
Tinitigan siya mula ulo hanggang paa... mula paa pabalik sa mukha niya...
Ngumisi na naman 'to nang mapuna na nailang siya.
"As I was saying, mahalaga ang singsing na 'yan."
"Alam ko naman 'yon—"
"'Yan ay pag-aari ng company namin."
Napamulagat siya sa gulat. E, kung gano'n naman pala na pag-aari 'yon ng company, talaga palang magagalit 'to at hindi siya palalayain!
"Aside from the fact that it's costly, ilalabas pa lang sana 'yan ng company. Hindi naman siguro lingid sa 'yo ang line of business ng mga San Martinez."
Oo naman, alam niyang ang linya ng business ng mga San Martinez ay mga alahas dahil ang kuwento sa likod niyon ay nanggaling na rin sa ina ng mga 'to na dating artista na mahilig sa alahas. Fashion is passion too, gano'n pa nga kung ilahad nito ang lumaking negosyo. At ang masaklap, kahit alam niya 'yon, nagtanga-tangahan pa rin siya at sinukat niya ang singsing.
"P—Pasensya na po talaga, Sir Jasper," napapahiyang wika niya, ang mga mata niya ay nakatuon sa singsing na nasa kaniyang daliri.
Kung malalaman pa sana ng kaharap na nag-selfie pa siya habang suot 'yon ay—
"Then you took a lot of selfie habang nasa daliri mo ang singsing na 'yan."
"Ha?" mulagat siya, paano naman nito nalaman?
"Nadaanan kita sa banyo ng mansion kanina, narinig ko ang camera ng phone mo."
"Hindi ko pa naman po napo-post sa social media."
"Good. Dahil mas malaking problema 'yon kung sakali."
"Pasensya na po talaga. Handa naman akong maging katulong niyo hanggang sa araw na maalis 'to sa daliri ko."
"Nope. Hindi lang 'yan ang kailangan ko sa 'yo."
"Po?"
"Again, sabi ko nga, ilalabas pa lamang ng company ang singsing na 'yan na imomodelo sana ni Stacy Ho."
Namilog ang mga mata niya sa gulat. Kilala niya ang modelong nabanggit nito. Sikat 'yon at sa pagkakaalam niya ay talagang kinukuha parati 'to ng mga San Martinez para sa produkto ng mga 'to dahil mabenta talaga 'pag ito na ang nagmodelo.
"Talaga po? Naku naman..."
Tumatango-tango 'to, parang pagod na nang magsalita. "Kaya nga ayaw kong mawala ka sa paningin ko. Nag-iisa lang ang singsing na 'yan, for now. Kilala mo naman siguro si Stacy, hindi siya magmo-modelo ng damit o alahas nang may kapareho sa loob ng kalahating buwan. 'Yon ang terms and condition niya na sulit naman sa mga negosyante na tulad namin. But not for me."
"Po?" naguluhan siya sa sinabi nito.
"Si Jio lang naman ang masyadong bilib kay Stacy Ho," wika nito, tukoy ang isang kapatid.
Hala, bakit naaamoy niyang may hugot ang kuya mo, Jasper kay Stacy Ho?
"Anyway, gusto kong matapos na ang kalokohan nila sa pagtanggap kay Stacy sa araw ng pagtatapos ng kontratang huling pinirmahan niya sa San Martinez Corp. and that is by next month from now. Tutal naman ay hindi 'yan maalis sa daliri mo, hinahamon kita na talunin mo si Stacy Ho, malaking pera ang bayad namin sa kaniya, sayang 'yon. Plus the double amount of salary na napag-usapan natin while you're here with me."
Ano raaaw?!
Tumayo 'to sa kinauupuan. "Magpahinga ka na, feel free to do what you wanted here. Kung ayaw mong gumawa sa bahay, ayos lang, mas gusto kong mag-focus ka sa napag-usapan natin."
"Gagawa po ako rito sa bahay. 'Yong dobleng sahod ay hindi ko pa po nakalalimutan!" maagap niyang saad.
Tumaas ang isang sulok ng labi nito. "Oo nga pala. Magluto ka na ng dinner, gutom na 'ko."
"H—Hindi ako marunong magluto," nahihiya niyang tugon.
"What? Are you freaking serious?" hindi makapaniwalang bulalas nito.
"Hindi nga po. Labandera ako at plantsadora, tagalinis din sa mansion ng mga magulang mo."
Bumuga 'to ng hangin. "Okay, maybe I will order foods online na lang."
"E, teka— ang tungkol sa pagtulog..."
"Matulog ka sa sahig, sa kama ako. Hindi puwede ang gusto mo na sa sofa ka. Ang sofa ko ay nakikita ng kung sinong tao sa labas ng pinto." May itinuro 'tong aparato na katulad ng nakakabit sa pintuan ng mga magulang nito sa mansion.
Tumango na lang siya. At least, hindi naman pala siya tatabi rito sa kama. Puwede na 'yon.
"Maaga pa tayo bukas. Mag-shower lang ako, kung darating ang delivery ng foods, paki-assist na lang."
'Yon lang at tinalikuran na siya nito. Naiwan siyang nakatulala ro'n at hindi mapaniwalaan ang napasukan kahit alam niyang dapat niya na 'yong paniwalaan. Natampal na lang niya ang sariling noo sa inis.
B'wisit!