Chapter HOBH 13

NAKAHINGA ng maluwag si Verona nang sa wakas ay patawid na ang kotse ni Kirst sa EDSA. Maigsi lang naman ang biyahe mula New Manila papuntang Cubao pero dahil sa traffic kaya napuno ang sasakyan ng kwento tungkol sa binata. Pakiramdam niya ay ibinebenta si Kirst sa kanya.

Marami tuloy siyang natuklasan tungkol sa binata. Malambing daw ito sa pamilya lalo na sa lola nito. Probinsiyano pa din daw ito at di kumukuha ng maid kahit na busy sa trabaho. Mas gusto daw nitong asikasuhin ang sarili.

“Di ba nagvo-volunteer ka sa pag-aalaga ng mga bata sa ampunan?” tanong ng binata sa kanya. “Anong ginagawa mo?”

“Nag-aalaga ng babies. Nakikipaglaro sa mga bata at nagbibigay ng advice sa mga malalaki na. Parang all-around ate. Basta free time ko nandoon ako. Nangangailangan sila ng pagmamahal at pang-unawa para hindi nila maramdaman na kinalimutan sila o iniwan.”

“Pwede bang sumama ako minsan?” tanong ng binata. “Bukas ba nandoon ka?”

“Kirst, may out of town shoot ka bukas sa Subic. Next time na lang,” paalala ni Sir Jojit.

Nilingon siya ng binata. “Pwede bang i-text kita para i-inform kita next time kung pupunta ako? I will get your number...”

“Pumunta ka na lang sa House of Hope sa Antipolo. Anytime naman pwede kang dumalaw doon kahit na wala ako,” sabi niya at pinagsalikop ang kamay. Ayaw niyang ibigay ang numero sa binata. Masyado nang personal iyon. At ayaw niyang magkasabay silang pumunta sa ampunan. Hindi siya komportable na binubuksan niya ang buhay niya dito.

“Dito na lang ako sa gilid, Kirst. May masasakyan namang taxi dito,” anang si Sir Jojit nang makarating sila sa Gateway.

“Di po ba kayo sasamang manood ng sine?” tanong ni Verona sa matandang lalaki.

“Hindi na. Mukhang gusto ni Kirst na kayo lang dalawa.” Ngumiti si Sir Jojit. “Huwag kang mag-alala. Mabait naman ang batang iyan. Mabuti na rin na may kasama ka dahil malungkot naman manood ng sine nang mag-isa. Mag-enjoy kayo.”

At bago pa makaapela ang dalaga ay bumaba na ang lalaki sa pinto at naiwan silang dalawa ni Kirst sa sasakyan. Silang dalawa na lang ang manonood ng sine.

Alumpihit ang dalaga habang nakasakay sila ng elevator ng binata. Baka naman may nakasunod pa rin sa amin. Kunyari lang wala kaming kasama sa date namin. Baka nasa paligid-ligid lang sina Cheng at Miss Agnes at nagdo-document pa rin o kaya ay si Sir Jojit.

Luminga-linga siya sa paligid pero wala naman siyang napapansin hanggang makarating sila sa ikalimang palapag ng mall kung saan nandoon ang cinema. Tumuloy agad ito sa mga poster kung saan nakalagay din ang oras ng simula ng screening.

“Sakto lang pala ang dating natin. Thirty minutes bago ang screening. Bumili na tayo ng ticket,” sabi ng binata at naglakad papunta sa cashier.

Pinigilan niya ito sa braso. “Kirst, hindi mo naman ako kailangang alagaan. Kung iniisip mo ang dating game, pwede naman siguro tayong magpa-picture na lang dito tapos i-post natin sa internet.” Inilahad niya ang palad sa poster. “Kunyari nanood tayo ng sine kahit di naman. Tayo na lang naman dalawa dito. Wala nang ibang makakaalam.”

Tumango-tango ito. “Tama ka.”

“Hindi mo na kailangan mag-aksaya ng oras. Ako na ang bibili ng sarili kong ticket.” Inilabas niya ang cellphone at seryoso ang mukha nito habang kinukuhanan niya ng selfie. “Okay na siguro ito. Salamat sa paghahatid sa akin dito. Bye! Mag-ingat ka pauwi,” nakangiti niyang sabi at kumaway pa.

Mabuti na lang at natuto na siyang huwag magpadala sa ilusyon. Mabuti nang ngayon pa lang ay malinaw iyon sa kanya. Na kung di parte ng trabaho ay di naman siya nito gugustuhing maka-date. Gusto na lang niyang palayain ang sarili sa pagpapanggap na iyon.

“Ako pa rin ang bibili ng ticket,” giit ng lalaki at sinabayan siyang maglakad.

“P-Pero sabi mo kanina na tama ako. Na picture lang pwede na.”

“Tama ka. Tapos na ang dating game natin kanina sa restaurant. Dito pa lang nagsisimula ang totoong date natin.” Hinawakan nito nito ang kamay niya. “This is no game at all.”

“What? Totoong date ito?” bulalas niya.

“Sinabi ko na gusto pa kitang makilalang mabuti. Nabitin ako sa date natin kanina. At sinabi mo rin naman na nag-ejoy ka sa date natin.”

“Pero sinabi mo lang iyon dahil iyon ang sinasabi ng script.”

Ngumiti ito. “Mukha ba akong may binasang script. Seryoso ako sa sinabi ko. Isa pa, gusto kong bigyan kita ng pagkakataon.”

“Bigyan ako ng pagkakataon na ano?”

“Na aksidente talaga ang pag-invade mo sa kayamanan ng mga pirata,” anito at tumaas-taas pa ang kilay. “Patunayan mo na malinis talaga ang intensyon mo sa akin.”

“Ako pa talaga ang may masamang intensyon ngayon.”

Nagkibit-balikat ito. “Ewan ko lang. Ikaw itong parang may pagna...”

“Wala akong pagnanasa sa iyo. Manood na tayo ng sine. Ang dami mong sinasabi,” aniya at hinila ang kamay nito papunta sa pila ng bilihan ng ticket.

Saka niya na-realize na parang na-trick siya nito. Date. Magde-date na talaga silang dalawa. Totoong date. Ewan lang niya kung makakapag-concentrate pa siya sa palabas ngayong kasama niya si Kirst sa madilim na sinehan. Sana may maintindihan pa akong matino sa palabas.

TENSIYONADO si Verona habang nakaupo sa sinehan katabi si Kirst. Puno ang sinehan na karamihan ay mga estudyante. Lahat excited na manood ng pelikula habang siya naman ay di alam kung paano pakakalmahin ang sarili habang katabi ng binata. Date daw ito. Movie date. Ano bang ginagawa ng mga tao sa movie date? Ano bang inaasahan ng binata sa date nila?

Paano kapag hinawakan niya ang kamay ko? Paano kung inakbayan niya ako? Paano kung gumapang ang kamay niya sa kung saan-saan? Paano kung halikan niya ako? Huwag niya lang subukan!

Mabuti na lang at maraming tao sa paligid nila. Wala naman sigurong gagawing kabalbalan itong si Kirst at di magsasamantala kung maraming tao sa paligid nila.

“Popcorn?” alok ng binata sa kanya.

“Hindi. Okay lang. Busog pa ako sa dami ng kinain natin kanina.”

Ito ang nagbayad ng ticket nila at bumili ng pagkain. Di daw ito nagpapayad sa date. Hinayaan na niya ito. Baka ngayon na lang niya ma-experience makipag-date. Baka di na ito maulit pa kay Kirst o sa kahit na sinong lalaki.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.