Chapter KABANATA 14

"MAHAL ko, kumusta ang pakiramdam mo? Maayos na ba?" masuyong tanong ni Kiah sa asawa habang marahan niya itong hinahaplos sa buhok.

Nasa ospital sila ngayon sa kabayanan dahil bigla na lamang natumba si Carlos habang nagtatrabaho sa bukid. Ayaw na sana niya itong payagan pang magtrabaho subalit mapilit ang asawa niya. Lalo raw siyang magkakasakit kapag naglagi raw siya sa bahay. Kung kaya't wala na siyang magawa kung 'di pabayaan ito. Subalit hindi naman niya akalain na ganoon ang aabutin ni Carlos. Tuloy ay sising-sisi siya.

Ginagap ni Carlos ang kamay ng asawa na humahagod sa kaniyang buhok saka iyon dinala sa mga labi. Pagkatapos ay ngumiti siya rito. "'Wag ka nang mag-alala, mahal ko. Maaayos na ang pakiramdam ko. Siguro ay napagod lang ako sa pag-gapas ng palay."

Ngunit alam ni Carlos na kasinungalingan lamang iyon. Alam niyang nalalapit na ang kamatayan niya. Sa palagay niya, hindi na niya aabutin pa ang anim na buwang taning ng doktor sa buhay niya. Nararamdaman niyang unti-unti na siyang iginugupo ng sakit, bagaman mukha siyang malusog tingnan.

Ramdam niyang bilang na ang mga oras niya, at gustuhin man niyang gumaling subalit huli na. Ang sabi ng doktor, ang lung cancer niya ay hindi nagpakita ng ano mang sintomas noon, at ngayong nasa kritikal na estado na ito ay doon lamang ito nagparamdam. Totoong traydor ang sakit na cancer, napatunayan niya iyon.

Ngumuso si Kiah sa asawa saka kunwaring hahatakin ang kamay sa pagkakahawak ni Carlos. Pero hindi siya nagtagumpay, hindi pinakawalan ni Carlos ang kamay niya. Sa halip, ginagap pa nito iyon ng mas mahigpit. "Ikaw talaga, mahal ko. . . Kung sana'y narinig ka sa aking 'wag nang magtrabaho pa, hindi mo sasapitin iyan! Napakatigas ng ulo mo!" may himig pagtatampo niyang turan dito.

Mahina namang natawa si Carlos sa itsura ng asawa. Kahit kasi nakasimangot ito ay maganda pa rin ito sa paningin niya. Kung sabagay, simula pa naman noong mga musmos pa sila ay maganda na ito sa paningin niya. At noon pa man, gusto na niya si Hezekiah.

Subalit hindi niya lamang maaamin sa babae dahil matalik niya itong kaibigan. At isa pa, alam niyang walang saysay na sabihin pa iyon dahil ramdam niyang

kaibigan lamang ang turing sa kan'ya nito.

Kahit pa nga ngayong kabiyak na niya ito ay ramdam niyang hindi pa rin nagbabago ang damdamin nito. Oo nga't mabait si Hezekiah at malambing subalit alam niyang dahil lamang iyon sa nalalapit niyang pagkamatay. Alam rin ni Carlos na pagiging makasarili ang pilitin niyang magpakasal ito sa kan'ya ngunit iyon lamang ang naiisip niyang paraan upang makasama sa huling sandali ng kaniyang buhay ang babaeng pinakamamahal.

Kasinungalingan lamang rin ang sinabi niya kay Hezekiah na hindi alam ng kaniyang mga magulang ang tungkol sa sakit niya. Ang totoo'y ang mga ito pa ang naunang makaalam kaysa kay Carlos dahil ang mga magulang niya ang kausap noon ng doktor.

Noong malaman nga iyon ng Inay niya ay nanikip ang dibdib nito. Tuloy ay dalawa silang nasa ospital noon na naka-admit. Ang Itay naman niya ay iyak lamang nang iyak. Hindi raw nito akalain na sa mura niyang edad ay magkakaroon siya ng ganoong karamdaman.

At masama mang pakinggan, pin'lano ng Itay at Inay niya ang lahat---ang alukin ng kasal si Hezekiah. Nais daw kasi ng mga itong maibigay ang makakapagpasaya sa kaniya. At iyon nga ang pakasalan si Hezekiah.

Noon pa man kasi'y alam na ng mga ito na may pagtatangi siya sa babae. Kaya nga ganoon na lamang din ang pagkagusto ng mga magulang niya rito. Mabait at responsable naman kasing babae ito. Isa pa'y alam nilang pinalaki nang may takot sa Diyos.

Hindi na rin iyon tinutulan ni Carlos kahit alam niyang mali, sa kadahilang kung may hihilingin siyang mangyari bago siya pumanaw---ang maging kabiyak si Hezekiah ang nanaisin niya. Subalit may mga araw ring gusto niyang sabihin sa asawa ang totoo pero pinangungunahan siya ng takot. Ayaw niyang magalit si Hezekiah sa kan'ya at basta na lamang siyang iwan.

Kaya sa t'wina hinihiling na lamang niyang kung malaman nito ang katotohanan paglaon, ay wala na siya sa mundo. Ang nais kasi niya'y manatili sa kaniyang puso at isip ang masasayang sandali nila ng babae at iyon ang babaunin niya sa kabilang-buhay.

Sana lang ay mapatawad mo ako, Hezekiah. . . Mahal na mahal kita. . .wika ni Carlos sa isipan habang nakatingin sa magandang mukha ng asawa.

Maya-maya pa'y pumasok sa silid ang mga magulang ni Carlos at ang ina at kapatid na bunso ni Hezekiah. Mabilis na nilapitan ni Erlinda ang anak na nakahiga saka mahigpit na niyakap. Mangingak-ngiyak pa ang ginang habang nakayapos sa anak.

"Diyos ko, hijo! Sobra akong nag-alala sa iyo! Ang akala ko'y tuluyan ka nang mawa---"

"Akala namin ng Inay mo ay kung napaano ka na, anak. Sobra kaming nag-aalala sa iyo," agad na salo ni Luciano sa sana'y sasabihin ng kan'yang maybahay. Hindi pa maaaring malaman ni Hezekiah na alam na nila ang lahat. Kung hindi, ay baka iyon pa ang maging dahilan ng pag-iwan nito sa kanilang pinakamamahal na anak. Kaya mahirap man pigilan ang emosyon, ay sinisikap nilang mag-asawa.

"Tama ang Itay mo, Carlos. Labis kaming nag-aalala sa iyo. Kaya pala noong pagkakaalis mo kaninang umaga ay hindi ako mapakali. Iyon pala, may mangyayari sa iyong hindi maganda," segunda naman ni Erlinda habang mahigpit na hawak ang palad ng anak.

"'Wag po kayong mag-alala Inay, Itay. Maayos na po ang pakiramdam ko. Ang mabuti pa po'y umuwi na rin kayo para makapagpahinga. Makakasama po sa inyo ang sobrang mapagod," anang Carlos sa mga magulang na noon ay bakas sa mukha ang matinding pag-aalala para kaniya. "Ang asawa ko na po ang bahalang mag-alaga sa'kin dito. Kaya maaari na po kayong umuwi," pangungumbinsi pa niya saka masuyong ngumiti sa mga ito.

Bakas sa mukha ng Inay niya na nais nitong tumutol, subalit wala itong magawa. Ramdam din niyang pinipigilan lamang ng inay niya ang humagulhol ng iyak katulad ng parati nitong ginagawa, simula nang malaman nito ang sakit niya. Ngunit marahil, pinipigilan lamang ng inay niya iyon dahil nandoon ang si Hezekiah at ang pamilya nito.

"K-kung iyan ang gusto mo anak, sige. Kami'y uuwi na ng itay mo. Bukas na lamang kami ng umaga, babalik muli. Ipagluluto kita ng paborito mong pagkain," anang Erlinda sa anak saka masuyong ngumiti rito.

Subalit habang ginagawa niya iyon, binabayo naman ng matinding sakit ang dibdib niya. Hindi niya kayang makitang kahit nahihirapan ang anak ay inililihim pa rin nito sa mga kaharap. Ramdam niya bilang isang ina kung gaano kasakit ang pinagdaraanan ni Carlos. Ngunit bilang ina, triple ang sakit na nararamdaman niya para sa anak.

"Hezekiah, anak," baling naman ni Luciano sa manugang. "Ikaw muna ang bahala kay Carlos, ha? Uuwi muna kami ng Inay Erlinda mo, ngunit babalik din kami bukas na bukas rin," bilin pa niya sa babae.

"'Wag po kayong mag-alala Inay, Itay, ako na po'ng bahala kay Carlos. Magpahinga na po muna kayo," magalang namang tugon ni Hezekiah.

"Oo nga naman Erlinda, Luciano, magpahinga na kayo. Huwag kayong mag-alala. Sasamamahan ko sila rito upang magbantay kay Carlos," sabat naman ni Rebecca sa mga ito.

Wala na ngang nagawa ang mga ito kung 'di sundin ang sinabi ng anak. Isa pa'y ayaw nilang bigyan pa ng alalahanin si Carlos. Nilisan na nila ang ospital na dala ang alalahanin para sa kalagayan nito, lalo na si Erlinda.

Hindi kasi niya mawari kung bakit pakiramdam niya ay may hindi magandang mangyayari sa anak. Subalit pilit na lamang niyang iwinaksi iyon sa isipan. Ayaw niyang mag-isip ng kahit anong masama ukol sa kalagayan ng anak.

Dahil sa mga naisip ay napaiyak si Erlinda habang papalabas ng ospital, samantalang inaalo naman siya ng asawa.

"Kailangan nating maging matatag Erlinda, para sa ating anak. Kaya huwag kang panghihinayaan ng loob." Tumango-tango naman siya saka umiiyak na ngumiti sa kabiyak.

Kinabukasan, nagising si Kiah nang maramdaman ang mahigpit na hawak ni Carlos sa kaniyang kamay. At gayon na lamang ang nerbiyos niya nang makitang nagdidiliryo at naninigas ang katawan ng asawa na para bang inaatake.

"O, Diyos ko! Carlos! Anong nangyayari sa'yo?!" natataranta niyang tanong rito. Subalit patuloy lamang ito sa pangingisay. Sa labis na takot at matinding kaba ay nagtatakbo siya palabas ng silid saka umiiyak na humingi ng tulong sa mga nurse.

"Parang awa n'yo na po, tulungan po ninyo ang asawa ko!" humahagulhol niyang pagmamakaawa sa mga ito. Maagap naman na rumesponde ang mga ito at nagmamadaling tinungo ang silid ni Carlos.

"'Wag po kayong mag-alala, misis. Kami na po ang bahala sa mister ninyo," anang babaeng nurse saka sinenyasan ang dalawa pang kasama.

Si Hezekiah naman ay nakasunod lamang sa mga ito habang umiiyak at abot-abot ang kaba't takot. Siya na lamang din ang mag-isa na nagbabantay kay Carlos nang mga oras na iyon sapagkat umuuwi na ang nanay niya kaninang mag-uumaga dahil upang magpahinga.

Pinanonood niya sa isang sulok ang mga nurse habang may kung anong itinuturok kay Carlos. Hindi rin niya malaman ang gagawin. Humahagulhol lamang si Kiah habang nakatingin sa kaawa-awang kalagayan ng asawa.

Ramdam ni Kiah ang panghihina ng mga tuhod bunga ng halu-halong emosyon kaya ipinasya niyang maupo muna at doon ibinuhos ang iyak. Labis siyang nasasaktan habang pinagmamasdan ang asawa na noon ay walang malay-tao.

Nang maturukan ng nurse ng gamot si Carlos ay napansin ni Kiah na nawala ang pangingisay nito. Kaya naman dahil doon ay nakahinga siya ng maluwang. Subalit ilang minuto pa lamang ang nakalilipas ay muling nangisay si Carlos.

"Nurse, anong nangyayari sa asawa ko?!" sigaw niya saka tumayo at nagmamadaling nilapitan ang asawa. Ngunit agad siyang hinarang ng nurse.

"Pasensya na po, misis pero mas maninam kung sa labas na lang po muna kayo maghintay," pakiusap pa nito sa kan'ya.

Mabilis na umiling si Kiah. "Hindi! Ayaw ko! Hindi ko iiwanan ang asawa ko!" sigaw niyang naghihisterya na. Pero wala siyang nagawa nang alalayan siya ng dalawang lalaking nurse palabas ng silid.

"Misis, ipinapangako po naming gagawin namin ang aming makakaya upang mailigtas ang inyong asawa. Sa ngayon, kailangan po muna ninyong kumalma," nakikiusap pang wika ng mga ito sa kaniya.

Pinunasan niya ang mga mata sapagkat bahagya na iyong nanlalabo dahil sa mga luha, saka pinukol ito nang matalim na tingin. "Paano ako kakalma kung nasa bingit ng kamatayan ang asawa ko?!" galit na tanong niya. Hindi rin niya maiwasang magtaas ng boses dahil sa halu-halong emosyon na lumulukob sa kaniya.

Hindi na nakasagot pa ang nurse nang humahangos na dumating ang doktor saka binalingan ang nurse na kausap niya.

"How's the patient, nurse?"

"Nag-seizure po ang patient, dok. Pababa rin po nang pababa ang vital signs. Nabigyan na rin po namin ng Benzodiazepine pero 'di tinatanggap ng katawan ng patient, dok."

Sa mga narinig ay halos matumba si Kiah mula sa pagkakatayo kaya naman humahagulhol niyang nilapitan ang doktor saka tinanong, "Dok, ano po'ng nangyayari sa asawa ko?! Sabihin n'yo, dok! Parang awa niyo na!"

Ngunit hindi na siya nasagot pa nito nang humahangos itong tinawag ng nurse na nasa sa loob. "Dok, ang pasyente, nagse-seizure! Bumababa na rin po ang heart rate!"

Mabilis na pumasok ang doktor at ang mga nurse sa loob ng silid dahil doon. Nagtangka pa siyang sumunod ngunit maagap na naisara ng mga ito ang salaming pinto, kung kaya't naiwan siya sa labas niyon. Wala nagawa si Kiah kung 'di umupo sa waiting area at doon ibinuhos muli ang luha.

Diyos ko, Carlos. . . 'wag mo muna akong iiwan! Hindi ko pa nasasabi sa iyo ang nararamdaman ko. . . humahagulhol niyang wika sa isipan habang nakayuko sa dalawang palad.

Nagsisisi siyang hindi agad niya nasabi ang nararamdaman sa asawa. Kaya naman lihim siyang humihiling Diyos na sana'y bigyan pa ito ng pangalawang buhay para makasama pa niya ito nang mas matagal.

Ilang minuto rin siyang nasa ganoong sitwasyon nang muling bumukas ang pinto at iniluwa noon ang nurse na kausap niya kanina. Pinahid niya ang luha saka hinarap ito. "Nurse, kumusta ang asawa ko? Mabuti na ba s'ya?" agad na tanong niya.

Hindi sumagot ito sumagot ngunit bakas sa mukha nito ang awa. Dahil sa reaksyon nito ay muli siyang binundol ng matinding kaba at takot. Ramdam rin niya ang muling pag-agos ng mga luha sa kaniyang pisngi.

Hindi maaari! Hindi maaaring mamatay si Carlos. . .

Malakas niya itong tinulak at saka humahangos na pumasok sa loob ng silid. Subalit ganoon na lamang ang panlulumo niya nang matunghayan ang itsura ni Carlos na tila wala ng buhay. Nilapitan niya ito saka mahigpit na niyakap.

"Carlos! Carlos, gumising ka!" Malakas pa niya itong niyugyog. "Mahal ko, gumising ka!" humahagulhol pa niyang wika habang yakap at niyuyugyog ang katawan nito. At halos panawan siya ng ulirat nang marinig ang anunsyo ng doktor.

"Time of death, 7:30AM."

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.