“Shhhh!” saway ni RJan sa kanya. “Huwag kang maingay. Di tayo makakahuli ng isda mo.”
Maingat na lumapit si Jeyrick sa target pero nanatili sila ni Rjan sa kinatatayuan para hindi lumabusaw ang tubig. “Isasalalay mo sa balikat mo ang speargun.”
Isinandig ni Jeyrick sa balikat ang speargun. Pinindot ni Jeyrick ang gatilyo ng speargun. Kumawala ang sibat na nasa dulo ng speargun at humaginit sa tubig. Nang hatakin ni Jeyrick ay kasama na ang nagpapapalag na isda.
“Ang galing! Nakahuli ka na!” anang si Paloma at pumalakpak. Nilapitan niya si Jeyrick. “Sino ang nagturo sa iyo?”
“Si Papa. Una nilang ni Mama sa aming magkakapatid kung paano bubuhayin ang sarili namin mula sa pagtatanim, pag-aalaga ng hayop at pangingisda. Bukod daw sa edukasyon, iyon ang maipapamana nila sa amin,” paliwanag ni Jeyrick.
“Sana may tatay din ako na nagtuturo sa akin,” usal ng dalaga.
“Di bale. Tuturuan kita ng lahat ng itinuro sa akin ni Papa. Kapag patatamaan mo ang isda, asintahin mo ang baba ng bungo para hindi basta makawala,” sabi naman ng binata at itinuro kung saang parte ng isda niya aasintahin. “Ikaw na ang maglagay ng isda sa buslo.”
Pumapalag pa ang isda nang ilagay niya sa nilalang sidlan na gawa sa ratan. “Naku! Masarap sigurong iihaw iyan.”
Inabot ni Jeyrick ang speargun sa kanya. “Ikaw naman. Para sa susunod na mapadpad ka sa gubat, kaya mong mabuhay.”
Nanlamig si Paloma nang nasa kamay na ang kawayang speargun. Hindi pa niya naranasang manghuli ng isda kahit gamit ng fishing pole.
Tumuro si Rjan sa tubig. “May isda banda doon.”
“Tantiyahin mo ang layo ng isda,” sabi ni Jeyrick at hinawakan ang balikat niya para maipihit siya sa direksyon ng isda. “Asintahin mo ang baba ng bungo.”
Anong baba ng bungo? Paano ko maaasinta iyon kung gumagalaw ang isda?
“Malapit na. Malapit na,” sabi ni Rjan. “Huwag masyadong malapit dahil baka tamaan ang paa mo.”
Kinabahan si Paloma nang makitang palapit ang isda sa kanya. Basta na lang niyang kinalabit ang gatilyo at bumagsak sa tubig ang sibat. Sa pagkadismaya niya ay bumagsak iyon sa harap ng mga isda. Nabulabog ang mga isda at naglanguyan ang mga iyon palayo.
“Haist! Napaaga ako ng kalabit ng gatilyo,” malungkot na usal niya. “Umalis tuloy ‘yung mga isda.” Epic fail.
“Subukan mo ulit. Kailangan mo lang mag-practice hanggang masanay ka,” sabi ni Jeyrick at ngumiti. “Humanap tayo ulit ng isda.”
“Naku! Ngayon pa kayo magtuturuan na mangisda. Pare-pareho pa tayong magugutom. Hahanap na lang ako ng ibang pwedeng iluto,” sabi ni Rjan at naglakad papalayo sa kanila habang may bitbit na maliit na lambat. “Nakakaabala pa ako sa inyo.”
“Hala! Galit yata si Rjan,” sabi ni Paloma. “Di na ako magpapaturo muna.”
“Pinaghirapan mong makaakyat. Nandito ka na. Subukan pa natin,” sabi nito at ginalugad nila ang ilog.
Nakailang beses nilang sibukan ni Jeyrick na makatama ng isda pero palaging sablay si Paloma. “Walang pag-asa iyan,” sabi ni Rjan nang bumalik at nakita niya na may dala itong malaking dahon ng gabi na nakabalumbon. “Sana pala tinuruan na lang natin na manghuli ng palaka si Paloma. Baka may napala pa tayo.”
Bumagsak ang balikat ni Paloma. “Baka kahit palaka di ko mahuli. Palpak ako. Bumaba na lang tayo, Jeyrick. Mukhang isang libong practice pa bago ako makahuli.” Nangangawit na rin ang braso niya. Di pala ganon kadali na manghuli ng isda. Di gaya ng bibili ka sa palengke at iluluto o kaya ay may lutong ulam na agad at kakainin na lang niya.
“Isa na lang. Tapos bababa na tayo,” sabi ni Jeyrick. “Subukan mo ulit.”
Huminga siya ng malalim at inasinta ang nakita niyang isda sa gitna ng ilog. Tinandaan niya lahat ng bilin ni Jeyrick. “Asintahin ang baba ng ulo, tantiyahin ang distansiya,” mahinang usal niya.
Pigil niya ang hininga nang kalabitin ang gatilyo. Kumawala ang sibat at umilalim sa tubig. Hinila ni Jeyrick ang lubid. Pag-angat ay isang isdang pumapalag ang nakatusok sa sibat.
“Yes! Nakahuli ako!” tili niya habang nagtatatalon. Niyakap si Jeyrick sa sobrang tuwa. “Nakahuli na ako!”
“Paloma, dahan-dahan lang…!” Di na nito natapos ang sasabihin at natumba ito sa tubig. Nanlaki ang mata ng dalaga dahil madadaganan niya ito.
Naitukod niya ang kamay sa magkabilang gilid ng katawan ni Jeyrick para di niya ito tuluyang madaganan. Lumubog ang ulo ni Jeyrick. Natakot siya na baka malunod ito. Inangat nito ang ulo sa tubig at suminghap.
“Sorry. Okay ka lang?” tanong ni Paloma sa binata.
Tumawa lang ang binata at inangat ang kamay na may hawak na speargun. “Ayos lang ako. ‘Yung isda mo buti di nakawala.”
Natulala ang dalaga sa guwapong mukha nito. Kapag tumatawa ito ay nagliliwanag ang mundo niya. Nawawala ang alalahanin niya. At parang kahit ano ay kaya niyang gawin. Kahit gaano kahirap ang isang bagay para dito, kahit na masaktan pa rin ito, lagi itong nakangiti.
Tinitigan din siya ni Jeyrick at nawala ang ngiti sa labi nito. Wala itong sinabi na kahit ano. Parang masaya rin ito na nakatitig lang sa kanya. And she was satisfied with that. Na nasa kanya lang ang atensiyon nito na parang siya lang ang nakikita nito at tanging babae sa mundo.
“Hoy! Magtititigan na lang ba kayong dalawa diyan? Mawawala na ‘yung isdang huli ninyo, ano ba?” angil ni Rjan at kinuha ang sibat ng speargun mula kay Jeyrick. “Parang nagde-date lang kayo. May ibang taong nagugutom dito. Kahit mga chaperone sa date may karapatan din naman kumain at mabuhay.”
“Ang dami mong sinasabi,” sabi ni Jeyrick.
Nagkukumahog na tumayo si Paloma at umahon ng ilog. Nakakahiya! Bakit ba masyado namang halata na gustong-gusto niyang titigan na lang si Jeyrick? Baka iniisip nito na may malisya ang pagtitig niya dito. Huwag na lang sanang ipagkalat ni Rjan ang nakita nito. Nakakahiya talaga.
“O! Tingnan mo ang nilalakaran mo,” sabi ni Jeyrick at pinigilan ang braso niya.
Nahigit ni Paloma ang hininga na ng makitang nasa gilid na pala siya ng falls. Muntik na siyang malaglag. “Paano pala tayo bababa?”
“Tingnan mo ako,” sabi ni Jeyrick at bumaba sa batuhan gamit ang lubid. Pero nakakailang metro pa lang ito nang tumigil ito sa isang bahagi at tumalon pababa.
“Whoa! Gagayahin ko iyon? Tatalon din ako?” tanong ng dalaga.
“Oo. Ganoon talaga pababa sa falls,” sabi Rjan.
Lumunok ang dalaga at nakita si Jimarah na kumuha ng video sa pampang ng ilog. Bumaba siya gamit ang lubid at pinagmasdan ang malamig at malalim na tubig na babagsakan niya. “Kaya ko ba ito?” usal niya.
“Tumalon ka na, Paloma. Nandito ako,” sabi ni Jeyrick na nasa baba ng waterfalls. “Kaya mo iyan.”
Bumilang siya ng tatlo at pigil ang hininga nang tumalon sa tubig. Hindi niya kailangang matakot dahil alam niyang nasa baba si Jeyrick at naghihintay sa kanya. Di siya nito pababayaan.