“NARI, buksan mo ang pinto!” Gigil ng sigaw ni Vincent sa panganay na anak. Halos sirain na rin niya ang pinto ng kuwarto nito. Ayon sa asawa at mga kasambahay nila ay ilang araw na raw hindi lumalabas ang anak roon. Kahit ang mga pagkain na ibinibigay raw para dito ay halos hindi nito ginagalaw.
“Hayaan na muna natin siya, Vincent…” Pagpapakalma sa kanya ng asawang si Jonabel. Hinagod-hagod pa nito ang likod niya.
Vincent love and adored his wife. Pero hindi iyon dahilan para mapasunod siya ng asawa sa lahat ng gusto nito. “No, Bel. Tama na ang pagkukunsinti sa kanya. Napakalaki na niya para magmukmok! Ilang araw na siyang ganyan. Pati ako ay naistorbo sa mga ginagawa niya.”
Nang malaman ni Vincent ang lagay ni Nari ay napauwi siya galing Korea. Halos isang buwan na siyang naroroon. Na-stroke kasi ang Mommy niya. She was still recovering and he wanted to personally take care of her. Mahina na rin kasi ang Daddy niya para maalagaan ito. Gusto rin niyang bumawi sa mga ito. Naging napakabait ng mga nag-ampon sa kanya. Surely, they can afford nurse care. Pero iba pa rin ang personal na pag-aalaga.
“Hindi ko naman sinabi na umuwi ka. I can handle our child---“
“Ayoko lang na may mangyaring masama sa kanya.”
“Wala kang tiwala sa akin sa pag-aalaga sa kanya.” Kinagat ni Jonabel ang ibabang labi. Halatang nasaktan ito.
Napabuntong-hininga si Vincent. Hinawakan niya ang pisngi ng asawa.
“Hindi naman sa ganoon. Pero alam mo naman na sakit ng ulo ang panganay natin `di ba?”
Sinalubong ni Jonabel ang tingin niya. Mas sumingkit pa ang natural ng singkit na mata ng kanyang asawa. “It was your entire fault, Vincent.”
Kumunot ang noo ni Vincent. “Bel…?”
“Kung sana ay pinayagan mo ang anak natin na sundin ang pangarap niya, hindi sana siya magrerebelde. Sana ay masaya siya sa buhay niya.”
“She has no future on the music industry!”
Teenager pa lang si Nari ay mahilig na ito sa music. She owned a lot of musical instruments and she can play all of it. Wala naman sanang problema kung classical music ang tutugtugin nito. Pero namana nito ang isang bagay na ayaw niya sa asawa noong kabataan nito---ang pagkahumaling sa rock music.
Umiling si Jonabel. “She has. Ayaw mo lang na i-recognize `yun dahil hanggang ngayon ay insecure ka pa rin kay Minjoon!”
Naglihis ng tingin si Vincent. Medyo guilty siya.
Nagkaroon ng malaking galit si Vincent sa rock band at music dahil sa dating boyfriend ng asawa niya. Pero hindi naman siya masisisi. Ipinagpalit siya ng asawa niya noon sa isang Korean Rockstar. It was very hard for him. Kaya hindi niya matanggap na mahilig ang anak sa mga rock band. Naalala niya ang pagkahumaling ng asawa roon na minsang sumira sa maayos na relasyon nila.
Kaya naman nang sabihin ng anak na interesado itong mag-aral ng music ay ipinadala niya ito sa New York. Pinilit niya itong mag-aral ng business. Nagbago ang anak simula noon. Ang dating mabait, sweet at palangiti na anak ay halos hindi na siya kinakausap. Lumayo ang loob nito sa kanya. Dahil rin sa ginawa niya ay nagpabaya ito sa pag-aaral. Matalino naman ito pero last year lang nito natapos ang kurso. Twenty-six years old na ang anak niya ngayon. Ibinagsak nito ang mga subjects nito kaya nagtagal ito sa kolehiyo. Muntik na itong maunahan ng bunsong anak niyang si Yohan na kumukuha ng kursong Dentistry.
But Vincent was a proud man. Hindi niya aaminin ang pagkakamali niya. Para sa kanya, tama pa rin ang ginawa niya. The music industry is a mess. Kakaunti lang ang mga taong nabibigyan ng chance na sumikat roon. Kung sisikat man, malaki rin ang risk na masira kaagad. Rock band pa man rin ang gusto ng anak niya. Karamihan pa naman sa mga miyembro noon ay nagiging adik at nasisira ang buhay.
“What done is done. She had to deal with this life.” Sagot na lang ni Vincent sa asawa.
Dumating ang kasambahay na inutusan niya kanina para kuhanin ang susi sa kuwarto ng anak. Kung ayaw nitong buksan ang pinto, siya na mismo ang gagawa noon.
Ibinigay ng kasambahay ang susi. Nang mabuksan niya ang kuwarto ng panganay ay sabay silang pumasok roon ni Jonabel.
Nakita ni Vincent na nagsayang lang siya ng effort sa pagsigaw at pagkatok sa kuwarto. Wala talagang sasagot at magbubukas ng pinto. Wala ang anak sa loob.
Isang envelope ang nakita nila sa kama nito. Binuksan nila iyon at binasa ang papel na nasa loob.
I’m sorry, Daddy and Mommy - Nari
Nanginig sa takot si Vincent. Hindi niya lubos maisip na magagawang maglayas ni Nari. Wala itong sariling pera dahil wala itong trabaho. Umaasa pa rin ito sa kanya. Saan ito kumuha ng lakas ng loob para maglayas? Sinong susuporta rito? Walang boyfriend ang anak niya. Wala rin itong malapit na kaibigan. Sadya ba talagang sinira na niya ang buhay ng anak? Hindi nito iniisip ang consequences ng gagawin nito…
Nadagdagan pa ang takot ni Vincent nang may isa pa silang makita ng asawa sa loob ng envelope. It’s a pregnancy test. And it has two lines in it…
Naibagsak ni Vincent ang hawak. Parang anumang oras ay hihimatayin na siya.
Buntis si Nari! Pero sino ang ama?
“SALAMAT sa pagpunta,” wika ni Ritter sa mga kaibigang sina Francis, Lucky at Analisse. Kasama rin ni Francis ang girlfriend na si Marisa. Inilahad rin niya ang kamay sa mga ito pero walang kahit isa ang tumanggap noon. Sa halip, iiling-iling na tinapik ni Francis ang balikat niya.
“Masama raw ang magpasalamat sa ganitong okasyon, Ritter. At hindi mo rin kailangan iyon. Mga kaibigan mo kami. We will always be here for you,”
“Salamat,”
Pati si Lucky ay napailing-iling rin. “Kulit mo talaga, Pare.”
Napangiwi si Ritter. “Pasensya na, alam niyo naman na wala ako sa hulog, eh.”
Niyakap ni Analisse si Ritter. “Naiintindihan namin. Pero magpapakatatag ka, ha? Sabi nga ni Francis, we’ll always be here for you. Hindi man tayo kompleto---“
“Hindi big deal. Naiintindihan ko na wala ngayon sina Sophie at Natalia,” ang tinutukoy ni Ritter ay ang dalawang kaibigan niya. Parehong nasa America ang mga ito. Doon ang mga ito nagtatrabaho.
Sina Francis, Lucky, Analisse, Sophie at Natalia ang tinuturing ni Ritter na mga matatalik niyang kaibigan. Room mates silang anim sa Safe Haven Orphanage. They were all orphans. Halos pamilya na rin ang turing niya sa lima.
“Yes. Pero nandito lang kami. Kung may kailangan ka, `wag kang mahihiya na magsabi sa amin. Kung gusto mong lumabas para mabawasan ang lungkot mo, always remember that we’re just one call away. Sasamahan ka namin.”
“Samahan kita sa pagtulog sa bahay niyo, Pare. Doon na ako titira ngayon kung gusto mo,” Inakbayan pa ni Lucky si Ritter.
Ngumiwi si Ritter. “Sinasabi mo lang `yan para hindi ka na magbayad ng apartment mo. Napakatipid mo talaga.”
Ngumisi lang si Lucky. Tumikhim si Francis.
“Seriously, Ritter. Kung gusto mo ay doon muna kami matulog sa inyo para may kasama---“
“Okay lang ako. Isa pa, parang gusto ko muna na mag-isa. Na-appreciate ko ang concern niyo sa akin. Pero `wag kayong mag-alala. Hindi ako suicidal. Namatay lang si Papa pero tuloy pa rin ang buhay `no. Ako pa. Kaya ko ito!”
Pinilit ni Lucky na ngumiti. Masakit pero kailangan niyang magpakatatag. Twenty nine years old na siya. Hindi na siya tanga para hindi maintindihan ang buhay. Isa pa, hindi lang naman iyon ang unang beses na namatayan siya ng mahal niya sa buhay.
Limang araw na simula nang mamatay si Ernesto Salazar---ang lalaking itinuring niyang magulang. Namatay ito dahil nawalan ng preno ang jeepney na sinasakyan nito pauwi. Ngayon ang araw ng libing nito.
Napakasakit ng nangyari kay Ritter. Si Ernesto na lang ang pamilya niya. Inampon siya nito at ng asawa nito noong twelve years old pa lang siya. Pero isang taon pagkatapos siya nitong ampunin ay namatay ang asawa nito. Simula noon ay hindi na nag-asawa si Ernesto. Nag-focus na lang ito sa trabaho at pati na rin sa kanya. Parang tunay na anak na talaga ang turing nito sa kanya. Wala rin kasi itong tunay na anak. Ayon rito, infertile daw ang asawa nito.
Mahal na mahal ni Ritter si Ernesto Salazar. Idol rin kasi niya ito. Musikero ito at ganoon ang pangarap niya. Sa katunayan, magaling siyang kumanta. Ayon sa totoo niyang Mama, mana raw siya sa tunay niyang ama. Isang German Musician ang Daddy niya. Pero dahil hindi nito pinanagutan ang kanyang Mama ay hindi rin niya ito nakilala. Namatay naman ang tunay niyang Mama noong anim na taong gulang siya dahil sa sakit na cancer. Itinakwil ang Mama niya ng pamilya nito dahil sa pagiging dalagang ina. Wala na siyang mapupuntahan kaya dinala na lang siya sa Safe Haven Orphanage ng mga kapitbahay nila.
Naging maayos naman ang buhay ni Ritter sa Safe Haven Orphanage. Maayos rin ang buhay niya nang ampunin siya ni Ernesto Salazar. Hindi ito sikat na musician pero sapat naman ang kinikita nito para magkaroon sila ng maayos na pamumuhay.
Pero nagbago ang lahat nang mag-college si Ritter. Dahil tumatanda na si Ernesto ay kakaunti na ang kumukuha rito para kumanta. Sa mga maliliit na bar na lang rin ito nakakatugtog. Dahil roon ay napilitan si Ritter na magtrabaho at tumigil sa pag-aaral. May Diabetes rin kasi ang Papa niya at mahal ang maintenance noon. Dahil maganda ang trabaho dati, maluho rin ang kanyang Papa. Malaki ang nagagastos nila.
Sa umaga ay nagtatrabaho si Ritter bilang factory operator. Sa gabi naman ay tumutugtog siya kapag may kumukuha sa kanya. Kaya lang, mahigit dalawang taon na nang magsara ang factory na pinagtatrabahuhan niya. Nahihiya naman siyang bumalik sa pag-aaral dahil matanda na siya. Bukod pa roon, kulang rin talaga sila sa pera.
Naging full-time musician na lang si Ritter. Pero kahit marami man na kakilala, hindi siya kasing suwerte ng ama. Madalas na sa maliit na mga bar lang siya nakakatugtog. Maliit lang ang kinikita niya. Malabo para sa kanya na makuha ang pangarap: maging sikat, mayaman at matagumpay sa buhay kagaya ng International Billionaires. Ang International Billionaires rin ang dahilan kung bakit close sila nina Francis, Lucky, Natalia, Sophie at Analisse. Pangarap nilang anim na maging kagaya ng iniidolo.
But they all turned out to be International Billionaires Wannabes. O siguro sa ngayon ay silang apat na lang nina Sophie, Lucky at Analisse. Si Analisse, kahit na inampon ng isa sa mga International Billionaires na si Jet Martinez, pakiramdam naman nito ay hindi pa rin nakukuha ang pangarap. Paano kasi, para dito ay hindi pa rin ito matagumpay sa buhay. Pero ang dalawa niyang kaibigan na sina Francis at Natalia ay parang abot na ang matagal na nilang pangarap. Parehong naka-relasyon naman ng dalawa ang anak ng International Billionaires.
Masaya si Francis sa relasyon nito kay Marisa---ang modelo rin na anak ng dating International Model na si Ed Ferreira. Samantalang si Natalia, kahit LDR ng boyfriend na si Callisto---ang panganay na pintor rin na anak ni Cedric Guidicelli, ay masaya rin.
Naka-jackpot ang mga kaibigan ni Ritter. Samantalang ito siya, wala pa rin na maipagmamalaki at namatayan pa ng mahal sa buhay. Kailan ba darating ang suwerte sa buhay niya?
Nginitian ni Francis si Ritter. “Siyempre naman. Marami na tayong pinagdaanan. Kayang-kaya mo `yan…”
Tumango si Ritter. Maya-maya ay nagpaalam na ang mga ito para umalis. Samantalang siya naman ay nagpaiwan muna sa sementeryo. Nakaalis na ang lahat ng nakiramay sa pagkamatay ng ama. Tanging ang supulturero na siyang inaayos ang puntod ang natira roon.
Sandaling umalis lang si Ritter sementeryo para bumili ng makakain niya at ganoon rin ng supulturero. Gusto niya kasing makitang maayos ang puntod ng ama bago umalis. Pero pagbalik niya, sa halip na ang supulturero, isang nakaitim na babae ang naabutan niya roon. Nakatalikod ang babae pero umiiyak.
Kumunot ang noo ni Ritter. Sino ang babae? Kaibigan ba ito ng Papa niya? Bakit hindi ito pamilyar? Isa pa, sigurado siyang wala naman ito kanina. Kakaunti lang ang dumalo sa libing. Nahuli lang ba ito ng dating?
“Excuse me, Miss. Kaibigan ka ba ni Papa?” Nilapitan ito ni Ritter.
Nanigas ang likod ng babae. Pero maya-maya ay nilingon rin siya nito. “Ritter…”
Nagulat si Ritter. Paano siya nakilala ng babae? Hindi masyadong pamilyar sa kanya ang mukha nito. But as she looked further ay unti-unting naging pamilyar na rin ito.
Mala-seda sa kintab ang buhok nito at napaka-amo ng mukha nito. And those cute chinky eyes! Saan nga ba niya huling nakita iyon?
“Korean ka ba?”
“Kind of. Sa Korea ako lumaki. Parehong Korean Citizen rin ang magulang ko. You might also know my father---“
“Vincent Kim?” Kamukha ito ng Korean International Billionaires na si Vincent Kim, minus the chinky eyes and radish-colored skin. Hindi kasi talagang natural na Koreano si Vincent Kim. Inampon lang ito ng Korean Nationals kaya ito naging Korean Citizen. Pero karamihan sa mga features ng mukha ng ama ay nakuha ng babae. Parehong maliit ang labi ng mga ito at matangkad. “A-are you Nari Kim?”
Hindi lang dahil iniidolo ni Ritter ang International Billionaires kaya marami siyang alam sa mga ito. Iyon ay dahil personally na kilala niya ang ilan sa mga ito at pamilya nito.
Kagaya ni Ritter at ng mga kaibigan niya, mga orphan rin ang International Billionaires. Galing sila sa iisang ampunan---ang Safe Haven Orphanage. Bumibisita ang International Billionaires sa ampunan. Madalas ay sinasama rin nito ang pamilya roon. Minsan na nakalaro na niya si Nari kaya naalala niya ito. Isa pa, naikukuwento rin ito ng kaibigang si Analisse dahil parehong nasa iisang circle.
“Yes.”
“Wow,” Hindi sila close ni Nari. Ngayon na lang rin sila nagkita pagkatapos siyang ampunin ni Ernesto Salazar. Bihira na kasi siyang bumisita ng Safe Haven. Kung nagagawa man niya ay hindi rin naman sila nagkakaabutan.
“So, ano ang ginagawa mo rito?”
Hindi sumagot si Nari. Sa halip ay ibinalik muli nito ang tingin sa puntod ng ama.
“Kilala mo si Papa?”
Hindi pa rin sumagot ang babae. Maya-maya ay narinig niya ang iyak nito. Takang-taka man ay hindi na nagtanong si Ritter.
Makulit na tao si Ritter. Pero dama niya ang nararamdaman ni Nari. Mukhang nasasaktan ito ngayon. Hindi nito kailangan ng mangugulo sa lagay ngayon.
Nirespeto niya Ritter si Nari. Ano ba’t mamaya ay aamin rin siguro ito.
Pero masama rin pala ang maging kunsintidor. Maya-maya ay ginulat na naman siya ni Nari. Nabuwal ito at basta na lang nawalan ng malay sa harap niya.
“KUMUSTA na ang pakiramdam mo?”
Ilang beses na napakurap si Nari. Nanlalabo ang paningin niya. Kahit ang mga alaala niya ay ganoon rin. Pilit niyang inalala ang mga nangyari sa kanya at bakit nasa isang hindi siya pamilyar na lugar.
“Nasa ospital ka, Nari. Dinala kita rito pagkatapos mong mawalan ng malay kanina sa sementeryo…”
“Sementeryo…” Kumurap-kurap ulit si Nari. Unti-unting pumasok na sa isip ni Nari ang mga nangyari. But she wished she was not informed. Naramdaman niya ulit ang sakit.
Ernesto was dead. It hurts like hell. Napaiyak siya.
“Nari? Okay ka lang ba? Wait, tatawagin ko na ang Doctor…”
Hindi napigilan ni Nari si Ritter. Maya-maya ay dumating nga na Doctor sa cubicle kung nasaan siya.
“I already have your results, Miss Kim.”
“Ano pong lagay niya, Doc?” Si Ritter iyon.
Tinignan ng Doctor si Ritter. “Kaano-ano ka ng pasyente?”
Bumuntong-hininga si Nari. May hinala na siya kung bakit tinanong pa iyon ng Doctor. Her condition was confidential. “Ritter, lumabas ka muna. Kami na lang ng Doctor ang mag-uusap.”
Kumunot ang noo ni Ritter. Pero napilitan rin itong lumabas.
“You’re pregnant, Miss Kim.” Wika ng Doctor nang sila na lang dalawa ang nasa cubicle.
Tumango si Nari. Isang linggo na simula nang malaman niya ang tungkol sa lagay niya. “It’s common naman sa mga buntis ang mawalan ng malay `di ba?”
“Yes. Pero you have to be careful next time. Reresetahin rin kita ng vitamins na kailangan mong inumin para hindi na ito maulit. Hindi ka na namin iko-confine dahil hindi naman malala ang nangyari. But you need to rest.”
Pumayag si Nari. Mabilis na naibigay sa kanya ng Doctor ang reseta. Mabilis rin na na-discharged siya.
“So ano nga ang nangyari?” tanong ni Ritter nang paalis na sila ng ospital.
“Wala. Over fatigue lang `yun.” Pag-iiwas na sagot ni Nari. “Magpapahinga na ako.”
“Ihahatid na kita,”
“Ha? No.” Kiming nginitian niya si Ritter. “Salamat sa pagdala mo sa akin rito. Pero ayos na ako,”
“Pero hindi ako. Naguguluhan pa rin ako sa pangyayari,”
Naglihis ng tingin si Nari. Magtatanong na ba ang lalaki kung bakit nasa sementeryo siya? Inaasahan na dapat niya iyon noong una pa lang sila nagkita. Pero wala pa rin siyang lakas ng loob na aminin rito ang lahat. Ano ang iisipin ni Ritter? May magagawa rin ba ito sa lagay niya? Wala itong alam kahit naging napakalapit nila sa isa’t isa nang pinakamalapit rin na tao rito.
“You don’t have to worry about everything. Darating na ang driver ko. Nagpasundo na ako para makapagpahinga na ako…” pagsisinungaling ni Nari.
“Nari, kailangan kong malaman kung ano ang ginagawa mo sa sementeryo. Hindi ako mapakali.”
Huminga nang malalim si Nari. “M-magkaibigan kami ng Papa mo.”
“Bakit wala siyang nabanggit sa akin?”
Tumunog ang cell phone ni Nari. Nagkaroon siya ng excuse para hindi sagutin ang tanong ni Ritter. But it just makes the tension more intense. Ang Daddy niya ang tumatawag sa kanya. Kung hindi pa siya handang ipaliwanag kay Ritter ang lahat, lalo na sa kanyang Daddy. Sa ngayon ay ramdam niya na may alam na ito. Pero hindi lahat ng detalye. Hindi pa siya handa para roon.
Pinatay ni Nari ang tawag. Pero siyempre, hindi iyon ang ipinakita niya kay Ritter. Kunwaring sinagot niya iyon para ipakita rito na busy nga siya.
“Really, Ritter. Padating na nga ang driver ko. Kasama rin niya si Daddy---“
“At masama na makita niya ako?”
Ayoko lang na malaman mo na nagsisinungaling ako. Tumikhim si Nari. “Ayoko lang na maistorbo pa kita. You’ve done enough.”
“Pero---“
“I don’t need you. Please leave,” Sadyang nilamigan ni Nari ang boses. Nararamdaman niyang hindi titigil si Ritter. Being mean is the only option that she has right now.
Nagdilim ang mukha ni Ritter. “Ako ang nagdala sa `yo sa ospital, Nari. Naniniwala ako na may karapatan ako na irespeto mo. Ako na nga ang nagmagandang loob sa `yo, ako pa ang susupladahan mo? Ganyan ba talaga kayong mayayaman?”
“Whatever,” Inikutan niya pa ng mata ang lalaki. Masakit sa pakiramdam iyon. Alam niyang nasaktan niya ang lalaki. It was very mean of her. But it was her only escape.
Hindi masasabi ni Nari na nakahinga siya nang maluwag nang iwanan nga siya Ritter. Nakokonsensya siya. Pero sa ngayon ay masyado pa siyang naguguluhan sa nangyari. Naduduwag pa siya.
And Nari knew she could not be blamed. Dahil ano pa ba ang dapat maramdaman ng isang kagaya niya?
Isa siyang babaeng nagmahal, nabuntis at namatayan. At ang pagiging mag-isa lang ang naiisip niyang sagot para maghilom ang sakit sa puso niyang labis na nasasaktan.
“AKO NA nga ang gumawa ng mabuti, ako pa ang masama.”
Hanggang makauwi si Ritter ng bahay ay ang sama-sama pa rin ng loob niya. Iniwan niya ang pagbabantay sa puntod ng ama para asikasuhin si Nari. Pero sa halip na i-appreciate, naggawa pa siyang pagsupladahan ng babae. Pambihira!
Anak mayaman si Nari kaya hindi na rin nakakapagtaka na maarte ito. Pero bakit naman si Marisa? Anak rin ito ng Bilyonaryo. Kilalang maarte pa ang babae. Pero marunong ito na maka-appreciate. Nakikisama rin ito. Ganoon rin ang boyfriend ni Natalia na si Callisto Guidicelli. Kahit sikat at nalaman nila na may malagim pala na nakaraan ay mabait rin naman ito. Ang kaibigang si Analisse ay nanatili pa rin humble kahit inampon na ng Bilyonaryo rin.
Samantalang ibang-iba si Nari. Napakasama ng ugali nito. Sa pag-alala rin ng pagtataboy nito sa kanya sa ospital ay nasipa niya ang kahon sa nag-iisang kuwarto sa loob ng bahay nila. Nasira iyon, dahilan para maglaglagan ang laman.
“Badtrip talaga, o.” Napilitan si Ritter na ayusin ang kahon. Naglalaman pa naman iyon ng gamit ng Papa niya. Doon rin niya inilagay ang mga nakuhang gamit nito pagkatapos ng aksidente kagaya ng cell phone at wallet nito.
Pero blessing in disguise pala ang aksidenteng iyon. Sinagot ng laman ng kahon ang mga katanungan ni Ritter.
Nagkalat ang mga larawan mula sa kahon. Si Nari at ang Papa niya ang bida roon. And they were not just simply together on the picture. Napaka-sweet rin ng dalawa. May isa pang larawan na magkahalikan rin ang dalawa!
Hindi lang sila magkaibigan. Gulong-gulo ang pakiramdam ni Ritter ngayon.
May itinago ang Papa niya sa kanya? Bakit? Dahil ba sa nahihiya ito? Heck, mas matanda pa siya kay Nari! Puwedeng-puwede ng pagkamalan na anak nito ang babae. Baby-faced pa man rin si Nari.
At ang babaeng iyon…anong nakita nito sa Papa niya para makipagrelasyon rito? Nagtaasan ang lahat ng balahibo niya sa mga nadiskubre. Naibagsak rin niya ang mga larawan.
Pero hindi iyon nagpatigil kay Ritter para alamin ang katotohanan. Marami pa siyang nakita sa box. Nakuha ng isang sulat ang atensyon ni Ritter.
Last night was wonderful. Thank you for everything. Love, Nari.
Last night? Anong nangyari sa last night? Pinagpawisan si Ritter ng may maisip. Diyata’t may nangyari pa yata sa Papa niya at kay Nari. Pero hindi imposible. Halatang apektado si Nari sa pagkamatay ng Papa niya. Minahal nito ang Papa niya. Kung wala itong espesyal na nararamdaman sa lalaki, hindi nito iiyakan ng ganoon ang puntod.
Aminado naman si Ritter na guwapo si Ernesto Salazar sa kabila ng edad nito. Mabait at charming rin ito. Siguro nga ay hindi talaga imposible na magkagusto si Nari rito.
Nagpatuloy sa paghahanap ng ebidensya pa rin si Ritter tungkol sa “hinalang relasyon”. Nakita niya ang cell phone ng ama. Pa-lowbat na iyon dahil ilang araw ng hindi natsa-charge. Pero sapat pa rin ang battery para mabasa niya ang mga recent messages at lalo lang magulat sa nalaman.
Ngayon ay naging malinaw na kay Ritter ang lahat, pati na rin ang pagkaka-ospital ni Nari. Namutla at nanghina siya.
Pero pinilit ni Ritter na huwag magpatalo sa nararamdaman. Kailangan niyang kumilos. Kinuha niya ang number ni Nari sa cell phone ng ama para tawagan ito. Naiinis man sa babae ay naiintindihan na niya ito. She probably just did that to throw him away.
Malamang ay kagaya rin ni Nari ang Papa niya. Gusto rin nitong itago sa kanya ang lahat.
Nag-umpisang manginig sa takot si Ritter nang hindi sagutin ni Nari ang tawag niya. Napamura siya. Naisip niyang tawagan si Marisa para magka-contact siya sa pamilya nito. Pero naalala niyang mukhang may itinatago nga ang babae. Siguro ay hindi rin nito sasabihin sa pamilya nito ang lagay. Mali rin kung papangunahan niya ito.
Naisip ni Ritter na bumalik sa ospital. Pero mahigit isang oras na simula nang maghiwalay sila ni Nari. At hindi naman mukhang titigil ang babae roon.
Iisang lugar lang ang natira sa isip ni Ritter---ang lugar kung saan sila nagkita ulit ng babae.
Hindi nga nagkamali si Ritter. Bumalik ulit si Nari doon. Nasa parehong lagay pa rin ito noong una niyang makita: umiiyak. O mas tamang sabihin na humahagulgol na ngayon.
“Anong gagawin ko ngayong wala ka na? Alam na ni Daddy ang tungkol sa lagay ko. Pero alam ko na hindi niya matatanggap ang lahat. Hindi ko pa rin kayang ipaliwanag. But then, nag-risk ako na ipaalam sa pamilya ko dahil umaasa ako na iyon na ang last straw para pabayaan na niya ako. Walang pakialam iyon sa akin, eh. Isa pa, maiisip niya na isa akong kahihiyan. He will hate me forever. Itatakwil niya ako. A part of me wanted that. Pero hindi ko alam. Natatakot pa rin pala ako.
“Bakit kailangan mong mawala? Lalo na ngayon. I’m so scared. Kailangan kita, Ernesto…”
“Kailangan mong tanggapin ang lahat, Nari. Hindi na babalik si Papa.” Nasasaktan si Ritter. Pero kung hihinaan niya ang loob, saang kangkungan sila pupulutin? Kailangan niyang magpakatatag.
Tumigil sa pagsasalita si Nari. Nilapitan niya ito. Inilagay niya ang kamay sa balikat nito. “Tumahan ka na. Makakasama `yan sa `yo.”
Tinanggal ni Nari ang kamay niya. “Gusto kong mapag-isa.”
“Naiintindihan ko. Kaya mo nga ako pinaalis sa ospital `di ba? Kaya ka nagsinungaling sa akin na susunduin ka.”
“Hindi mo naiintindihan ang nararamdaman ko.”
“Naiintindihan ko, Nari. Pareho lang tayo na nawalan. O sige na nga, mas masakit siguro ang nangyari sa `yo. Pero `wag ka ng mag-alala. Wala naman si Papa pero nandito naman ako---“
“Hindi ikaw ang kailangan ko, Ritter. Please, umalis ka na.”
“Bilang natitirang pamilya ni Papa, responsibilidad ko ang lahat ng maiiwan niya. Kaya ngayon ay responsibilidad na kita at ang magiging anak niyo…”
Doon lang nilingon ni Nari si Ritter. Gulat na gulat ang mukha nito.
Napakurap naman si Ritter. Hmmm…Cute pala kapag lumaki ang mata ng mga singkit.