Chapter 18

“THIS is so grand, Tito! Sobra-sobra na po ang ibinigay niyo sa amin,” Manghang-mangha na wika ni Ritter kay Vincent Kim. Pagkatapos ng garden wedding nila ni Nari ay dinala sila nito sa isang magandang bahay sa loob pa ng isang exclusive subdivision. Iyon daw ang wedding gift nito para sa kanilang dalawa ni Nari na ngayon ay asawa na niya.

Hinawakan ng Biyenan ang balikat ni Ritter. “From now on, you should call me Daddy. Anak na rin kita ngayon. At wala kang dapat ikahiya sa akin, Ritter. You and my daughter deserve to live in this house.”

“Pero wala naman po kaming magandang trabaho ni Nari para matustusan ang mga gastos sa bahay---“

“I will still support you both.” Putol ni Vincent Kim. “Kasalanan ko rin naman kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa nararanasan ni Nari na magtrabaho. Kung hindi ko siya pinigilan sa career na gusto niya, sikat na sana siya ngayon at kumikita na rin sa sarili niya.”

“Enough,” Nagsalita na rin si Nari. “Thank you for this Daddy.”

Ngumiti si Vincent Kim. Niyakap nito ang unica hija. “You are always welcome, Baby.”

Maya-maya ay nagpaalam na rin ang ama ni Nari. Nilibot nila ni Nari ang ibang parte pa ng bahay. Bungalow type lang iyon na may tatlong kuwarto na lahat ay may sari-sariling rest rooms. May main rest room rin, malinis na kusina, dining room at malawak na sala. Maganda at malawak rin ang garden. Napangiti siya nang maisip na sa garden na iyon madalas na maglalaro ang anak nilang dalawa ni Nari.

Tanggap na ni Ritter ang kapalaran niya. Para sa kanya, anak na rin niya ang anak ni Nari at ng kanyang ama. Matagal pa pero may excitement na sa puso niya sa pagdating ng sanggol. Nahiling rin niya na sana ay babae iyon at kamukha ito ni Nari. She will be probably the cutest baby in the world. Sa tingin niya ay malaki rin ang chance na babae ang pinagbubuntis ni Nari. Habang tumatagal kasi ay mas lalong gumaganda ito.

Pero ang pinaka-excited si Ritter ay ang magaganap ngayong gabi. Malaki na si Nari para malaman ang responsibilidad nito. Tonight, they are going to be one. May regalo na honeymoon trip sa kanila ang Mommy ni Nari sa Hong Kong. Pero dahil kukuha pa lang siya ng passport ay two weeks from now pa iyon. Ganoon pa man, hindi naman iyon dahilan para maudlot ang lahat ng maaaring mangyari sa pagitan nila `di ba? They could still enjoy the pleasure of their first wedding night.

“Ready for your wedding night?” Tinabihan ni Ritter ang asawa nang umupo ito sa sofa. Aakbayan sana niya ito ng lumayo ito sa kanya. Kumunot ang noo niya.

“I’m tired,” Tumayo na si Nari. Naglakad ito papunta sa masters bed room.

Humarap sa kanya si Nari nang maramdaman nito na sinundan niya ito. “Anong ginagawa mo?”

“Magpapahinga na rin. Kuwarto ko rin `yan `di ba?” Inintindi na lang ni Ritter si Nari. May bukas pa naman. After all, today was a very long day. Kahit siya ay pagod na rin. Bawal rin na mapagod nang sobra si Nari.

“Yeah. Pero---“ Nakagat ni Nari ang ibabang labi. “Gusto ko sanang mapag-isa,”

“Ano? Bakit?”

“Gusto ko lang.” Pumikit si Nari. “Please, iwan mo muna ako.”

“Nari…”

Hindi pinakinggan ni Nari ang pagpo-protesta niya. Pumasok na ito ng kuwarto. Ni-lock rin nito ang pinto.

Napailing-iling si Ritter. Sa mga nakalipas na linggo bago sila ikasal, pakiramdam niya ay iniiwasan siya ni Nari. At may pakiramdam rin siya na hindi lang iyon dahil sa nagluluksa pa rin ito sa Papa niya.

Something was not right. Pero hindi niya pinansin iyon dahil tuloy pa rin naman ang kasal. Ibig sabihin lang noon, okay pa rin kay Nari ang lahat dahil hindi naman ito tumanggi roon. Nakipag-cooperate pa rin ito.

Pero kung pinalagpas ni Ritter ang mga ginawa ni Nari sa nakalipas na linggo, hindi na dapat ngayon. They are married now. Ganoon pa man, ipapagpapabukas na lang niya ang lahat. Iintindihin niya ulit si Nari. But today should be the last day for that.

“GOOD Morning!” Bati ni Ritter nang makita si Nari sa kusina.

Napakunot-noo si Nari. Nagluluto si Ritter sa kusina nang magising siya. Mukhang patapos na rin ito. May nakahain na sa lamesa. “Bakit ka nagluluto ng breakfast?”

Pinatay ni Ritter ang niluluto. Nilapitan siya nito. Maganda pa ang ngiti nito. “Someone has to do it.”

“Wala bang pinadala na kasambahay si Daddy?”

“Meron. Pero pinaalis ko. Nakakahiya na sa Daddy mo. Kayang-kaya ko naman ang mga gawaing bahay,”

“That’s silly! Paano kung wala ka dito?!”

“Edi gagawin ko muna ang lahat ng dapat gawin bago umalis,” Hinawakan ni Ritter ang mukha niya. “`Wag ng sad, okay? Be happy. Masarap `yung niluto ko, promise.”

Napatitig si Nari kay Ritter. He looks so positive. Bakit? Samantalang kagabi ay tinaboy niya ito. Ilang linggo na rin niyang pinalalamigan ito. Nahahalata niya na nararamdaman nito iyon. Pero wala siyang naririnig na reklamo rito.

Another sign that he is too good to be true. O baka naman dahil wala naman talaga itong pakialam sa kanya?

Kahit mawala si Nari sa buhay ni Ritter ay marami itong reserba.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin kilala ni Nari si Liza sa buhay ni Ritter. Para ano pa?. Marami pang babae sa buhay ni Ritter at baka mapagod lang siya sa pagkompronta.

“May dumi ba ako sa mukha?”

“Ha? Wala,” Naglihis ng tingin si Nari. “Kumain na nga tayo.”

“Hmmm… Akala ko naman ay sasabihin mo na ang guwapo ko.” Tumawa pa si Ritter.

Hindi na niya pinansin ito. Pumunta na siya sa lamesa. Tinabihan siya ni Ritter roon. Binalewala niya ito at kumuha na ng makakain.

Inuna ni Nari na kainin ang pancakes kaysa sa Fried Rice at Tocino na niluto ni Ritter. Nilagyan niya ng Honey ang pancake niya. Kumuha rin si Ritter ng pancakes.

“Masarap, Honey?” wika ni Ritter nang masubo niya ang pancake.

“Don’t call me that,” For sure marami kang “Honey” na tinatawag!

Tumikhim si Ritter. “I mean, masarap ba ang Honey?”

Lalong nainis si Nari. “Hindi,”

“Oh, talaga? Sabagay, sa lahat naman ng pagkain, ito lang ang masarap at matamis…” binitawan ni Ritter ang kutsara at tinidor nito. Mukha niya ang hinawakan nito at bago pa man siya makapag-react ay inilapit na nito ang mukha sa kanya. Hinalikan siya ni Ritter! “Hmmm…masarap talaga.”

Namula si Nari. “H-hindi mo dapat ginawa `yun,”

Naging seryoso ang mukha ni Ritter. “Kasal na tayo. I have the right to do that. Ginawa na rin natin kahapon `di ba?”

Dahil kinasal sila kahapon, nahalikan na nga siya ni Ritter sa labi.

“I-I don’t like---“

“Don’t you dare say that!”

“I’m sorry, Ritter.” Bumuntong-hininga si Nari.

“Para saan? Dahil hindi mo nagustuhan ang halik ko? Hindi ko matatanggap `yun, Nari.” Madilim ang mukha ni Ritter.

Napakagat labi si Nari. Siyempre, nagsisinungaling siya. The first time their lips met, she was stunned. Napakalambot ng labi ni Ritter. Matamis rin iyon. May naramdaman pa siyang kuryente na dumaloy sa katawan niya. She felt wonderful. At ganoon pa rin ang pakiramdam nang halikan ulit siya nito.

Pero dahil nasasaktan, nuncang aaminin ni Nari iyon. Pinigilan niya ang maapektuhan. “But that’s the case and---“

“No.” Gumalaw rin ang mga ugat sa leeg nito. Kinuha nito ang kamay niya. Medyo masakit ang pagkakahawak nito roon. Mukhang galit ito. “Hindi ka naapektuhan sa mga ginagawa ko, Nari? Puwes, naapektuhan ako. I love the feeling of your lips pressed to mine. And I don’t want to be a loser on this game. Papatunayan ko na kaya kong manalo. Papatunayan ko na kaya mo rin na magustuhan ang isang kagaya ko.”

Natulala ulit si Nari. Lumakas ang kabog ng puso niya. Gusto niyang i-recognize ang pakiramdam na iyon bilang takot. Pero bakit may malaking bahagi ng isip niya ang nagsasabing kaya ganoon ay dahil excited siya sa “pagpapatunay” ni Ritter?

Ano kayang gagawin nito? Kiligin pa rin kaya siya?

KUNOT na kunot ang noo ni Nari nang makarating sila sa Safe Haven Orphanage. Sa lugar daw na iyon uumpisahan ang “pagpapatunay” nito na magugustuhan rin niya ito. Ang buong akala pa naman niya ay ide-date siya nito. Pero dapat talaga ay natuto na siya. Isang malaking paasa talaga si Ritter.

“Relax. Tutulong lang tayo sa feeding program dito. Tinawagan ako ng isa sa mga sisters at niyaya akong tumulong.”

“And do you think that would impress me?”

Kinindatan siya ni Ritter. “To see is to believe.”

Humalukipkip si Nari. “I don’t enjoy charity works much.”

“Alam ko. That’s why I just barely knew you right then. Kung nag-enjoy ka, sana ay matagal ka ng impress sa akin. Ako kaya ang pinakamagaling na kumanta sa ampunan---“

“Keep on wishing, Ritter.” Bumaba na ng kotse si Nari. Sinabayan siya ni Ritter sa pagpasok.

Pinanood ni Nari ang mga nangyayari sa loob ng Safe Haven Orphanage. Nag-umpisa na ang feeding program. Malaking ampunan iyon kaya maraming mga bata. Organisado naman iyon dahil marami rin ang tumutulong. Napakunot noo ulit siya nang makita ang isang pamilyar na mukha.

“Alexandrine?”

“Lucky?” Halos kasabay rin niyang nagsalita si Ritter.

Nagkatinginan sila ni Ritter. Nakakunot rin ang noo nito.

“Sinong Lucky?” Si Nari ang unang nagtanong.

“Kaibigan ko. Naikuwento ko na naman `yung lima ko pang mga kaibigan mula sa Safe Haven `di ba? Nakilala mo na si Francis,”

Nakilala ni Nari si Francis sa kasal nila ni Ritter. Ito ang best man ng asawa. Ito lang rin ang bisita nito. Hindi daw kasi puwede ang iba pang kaibigan sa araw ng kasal nila. Maliit lang rin na pagtitipon ang kasal kaya hindi na sila nag-imbita nang marami pa. Tanging malalapit na tao lang ang invited.

“Ah…” Naalala niyang minsan na naikuwento ni Ritter ang mga ka-roommate nito sa Safe Haven Orphanage. Hindi nga lang siya masyadong napamilyar dahil hindi pa niya nakikita sa personal ang lahat sa mga ito. Nasa ibang bansa kasi ang ilan sa mga ito.

“Eh ikaw, sino ang sinasabi mong Alexandrine?”

“Anak ni Tito Augustus,” Ang tinutukoy ni Nari na Tito Augustus ay ang kaibigan ng Daddy niya. Panganay sa tatlong anak ni Tito Augustus si Alexandrine. Medyo nakakasalamuha niya ito dahil parehong active ito at ang kapatid niyang si Yohan sa mga charity works. Close ang dalawa.

Napahawak si Ritter sa baba. “Hmmm… I smell something fishy. May itinatago ang lalaking ito. At may kinalaman roon si Alexandrine.”

“There’s only one way to find out…” Nilapitan nila si Lucky at Alexandrine. Magkasamang tumutulong ang dalawa sa table. O mas masasabing si Alexandrine lang ang talagang tumutulong. Si Lucky kasi ay panay ang tingin sa babae habang nagsasandok ito ng lugaw sa bowl. Malagkit ang tingin nito sa babae.

“Bagong trabaho mo, Lucky?” Nakataas ang isang kilay na tanong ni Ritter.

Namutla si Lucky. Naibagsak nito ang hawak na plastic bowl. “Ritter! Bakit ka nandito?”

“Siyempre ay tutulong sa feeding program. Ikaw ang bakit nandito,”

Lumunok muna si Lucky. “T-tumutulong rin. Wala namang masama `di ba?”

Tinignan ni Ritter si Alexandrine. Napatigil ito sa pagsasandok. Maganda ang ngiti nito. “Ikaw si Ritter `di ba? I’m glad to finally meet you,”

Nilahad ni Alexandrine ang kamay nito. Tinanggap iyon ni Ritter. “Same. Magkakilala kayo ni Lucky?”

Ngumiti lang si Alexandrine. Humarap ito sa kanya. “Hey,”

“Hi…” Dahil hindi close, civil lang sila na mag-usap ng babae. Wala siyang ka-close sa mga anak ng kaibigan ng Daddy niya kahit marami sa mga ito ang ka-edad lang niya.

Tumikhim si Lucky. “Mamaya na tayo mag-usap, Pare. Nakita mo naman na maraming bata `di ba? Toxic pa,”

Tumango si Ritter. “Marami kang ipapaliwanag,”

Ngumiwi lang si Lucky. Umalis na sila ni Ritter sa lugar. Pumunta sila sa playground kung saan naglalaro ang mga bata na tapos ng kumain. May bubble show rin doon na pinapanood ng ilan.

Nakipaglaro si Ritter sa mga bata. Naiwan naman siya sa isang tabi. Hindi naman kasi siya ganoon kahilig sa bata. Ganoon pa man, nag-enjoy siya dahil mukhang enjoy na enjoy rin si Ritter. Para rin itong bata. Giliw na giliw rin na nakipaglaro ang mga bata rito.

Ritter is good with kids. Hindi tuloy niya maiwasang isipin ang magiging reaksyon nito sa batang dinadala niya kapag lumabas na. Kagigiliwan rin ba iyon ni Ritter kagaya ng mga batang ito? Magiging masaya rin ba ang anak niya? Siguro. Nari felt Ritter would be a good father someday. She just hoped he will also be a good husband to her---faithful husband to be exact of what she wanted him to be.

Ganoon pa man, sa ginawa ni Ritter ay may na-realize siya. Wala talagang dapat na patunayan sa kanya si Ritter. Napakadali lang nito na magustuhan. Ang problema nga lang ay ang lalaki talaga. Iisa lang ang puso nito at marami silang naghahati rito.

“ANG GANDA-GANDA ni Marisa…” wika ni Nari nang makita ang babaeng umaahon sa swimming pool. Sinalubong ito ng boyfriend na si Francis. May hawak itong bath robe. Tinulungan nito si Marisa na isuot iyon.

“Hmmm…Maganda ka rin naman, ah?”

Gustong kiligin ni Nari sa komento ni Ritter. Pero naalala niyang malamang ay hindi lang siya ang sinabihan nito ng ganoon. Isa pa, paniguradong binobola lang rin siya ng lalaki. Nagiging matakaw siyang kumain ngayon dahil na rin sa kondisyon niya. Tumataba siya. Paano siya magiging maganda?

Inirapan ni Nari si Ritter. Hindi na naman nakapag-react si Ritter dahil nilapitan na sila nina Francis at Marisa. Binati silang dalawa ng babae.

Sa kasalukuyan ay nasa Luxurious Haven sila---isang clubhouse resort na matatagpuan sa gitna ng Maynila. Isa ang Luxurious Dream sa chain of resorts ng Haven Resorts. Ang Haven Resorts ay umbrella company ng Haven Group of Companies---ang kompanya na itinayo ng Daddy niya at ng mga kaibigan nito na kilala sa tawag na International Billionaires.

Dinala siya doon ni Ritter para sa “pagpapatunay” na naman nito. Magde-date daw sila roon. Kahit may access siya roon dahil isa ang pamilya niya sa nagmamay-ari noon ay ginamit pa ni Ritter ang access ni Marisa. Naikuwento ni Ritter sa kanya na nagtatrabaho roon si Marisa bilang swimming at diving instructor. Iniwan na nito ang pagmomodelo para magkaroon ng permanenteng trabaho sa Pilipinas at para na rin mas makasama nito si Francis na ngayon ay bumalik na sa dating trabaho nito sa Philippine Army.

“Hey, ready to swim?” tanong ni Marisa. Nakapagpalit na sila ng swimming attire ni Ritter bago sila nagpunta sa mismong swimming pools. Marami kasing in-offer na amenities ang resort. Bukod sa swimming at diving area, may bar, basketball and badminton court at go Karts rin doon. Mayroon ding maliit na golf field. It was also exclusive for its members at hindi basta-basta ang maging member. It has a high-maintenance membership.

“Yes. Tuturuan mo ba kami?” Nakangising wika ni Ritter. Binatukan ito ni Francis. “Huy, bakit mo ginawa `yun?”

“Marunong ka na maglangoy. Bakit ka magpapaturo sa girlfriend ko? `Wag ako, Ritter, ha.” Possessive na wika ni Francis. Inakbayan pa nito si Marisa na isinandal naman ang basang ulo sa dibdib ng boyfriend.

Kumunot ang noo ni Ritter. “Luh! Bakit naman ako magpapa-cute sa girlfriend mo eh may asawa na ako? Tumigil ka nga.”

Tumawa si Marisa. “Pagpasensyahan mo na `yan, Ritter. Kinakain `yan ng matinding selos kasi may isang business man dito na isang linggo na akong pinopormahan---“

Tumiim ang bagang ni Francis. “`Wag mo na ngang ikuwento. Lalo lang akong naiirita.”

Pinisil ni Marisa ang pisngi ng boyfriend. “Ang cute mo talagang magselos, Babe.”

“I hope you could say that when I saw that douchebag of a businessman.” Inis pa rin na wika ni Francis.

Hinalikan ni Marisa si Francis. “I love you, Babe. You are the only one for me.”

Lumambot ang mukha ni Francis. Hinalikan nito si Marisa. It was hot and passionate. Para silang nanonood ng live romance movie. They seem to be also oblivious to their surroundings.

Tumikhim si Nari. “We better get out of here…”

Ngumisi si Ritter. “Hmmm… I think we better copy what they are doing.”

“Shut up!” Hinila na ni Nari si Ritter papunta ng swimming pool.

“Gusto mo ba na sa swimming pool na lang natin gawin?” Nakangisi pa rin si Ritter.

“You wish.”

“Sana po makipaghalikan sa akin si Nari sa swimming---“

“Kayo talagang mga lalaki, libog lang ang gusto niyo sa aming mga babae.” Inikutan niya ulit ng mata ang asawa.

“Kung libog lang ang gusto ko sa `yo, hindi kita pagtitiyagaan ng ganito. Maraming babae diyan at---“

Humalukipkip si Nari. “Then go with them. Hindi naman kita---“

“HELP!”

Naputol ang pagsasalita ni Nari sa sigaw ng babaeng hindi kalayuan sa kanila. Iwinawagayway nito ang kamay na parang nalulunod. Lahat ay naalerto sa sigaw. Pero ang pinaka-unang kumilos ay si Ritter. Lumangoy ito papunta sa babae. Iniligtas nito ang babae.

Dinala ni Ritter ang babae sa parte kung nasaan sila. Naging concern rin si Nari. “Are you okay now?”

Tumango lang ang babae kay Nari. Tumingin ito kay Ritter. May kislap sa mga mata nito. Hinalikan nito ang asawa niya sa labi. “Thank you so much for rescuing me, handsome,”

Napakurap si Ritter. Halatang nagulat ito sa ginawa ng babae. “Y-you’re welcome.”

“Hmmm… care to have some drinks with me? My treat. My way of thanking you…”

“Ha? No thanks…”

“Bakit naman? Busy ka ba?”

“Yeah…” Napakamot ng ulo si Ritter. “I’m busy with my wife…”

“Wife?” Nanlaki ang mata ng babae. Tinignan siya nito. Naningkit ang mata nito. “Oh well…”

Basta na umalis na lang ang mukhang naasar na babae. Nagkibit-balikat lang si Ritter. “O, impress ka na ba sa akin? `Galing ko `di ba? Hero…”

“Yeah. And a hero should go after her damsel in distress,”

“Uy, nagseselos ba ang baby ko?” Hinapit ni Ritter ang baywang niya.

“Maganda siya,” The woman had a body of a goddess. Pang-beauty Queen ang ganda nito. Walang-wala siya kung itatabi siya rito.

“Pero mas maganda ka sa paningin ko…”

“Puwede ba, Ritter! `Wag mo akong bolahin. Bulag ka siguro para masabi mo `yan.”

“Siguro nga. Pero hindi ko kailangan ng isang babaeng kagaya niya. Siguro nga ay hero niya ako. Pero hindi ako ang prinsipe niya. I am your prince, Nari. At siguro ay hindi mo rin iniisip na prinsesa ka dahil ayaw mong maniwala na maganda ka. Pero sige, ikaw na lang ang damsel in distress ko. And you are the damsel in distress that I’m happy and will always be very welcome to rescue…” wika ni Ritter at hinalikan ang tuktok ng ulo niya. Binigyan rin siya nito nang napakatamis na ngiti.

Kinagat ni Nari ang ibabang labi. Pinigilan niyang maapektuhan. Nanghina siya sa lakas ng kilig sa sinabi at ginawa sa kanya ni Ritter. But she still hopes that it was just her physical body, not her heart. Kaya lang, sino ba ang niloko niya? Hilingin man niya ay alam naman niya sa sarili niya na sumuko na rin ang puso niya. Pero nuncang aaminin niya iyon sa lalaki.

Sa ngayon.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.