CHAPTER 24

Anika

“WHAT is that? Bakit bigla kang sumama sa grupo nina Sir Elwood? Hindi ba panay ang condemn mo sa kanya?”

Hindi ako nakatiis. Papauwi na ako. Kami ni Dach, rather. Ewan ko ba at nitong hapon na uwian na, nakabantay na siya sa exit gate. Medyo naiinis na din ako kasi bukod sa wala siyang paalam na sumabay sa akin sa paglalakad, wala din siyang imik. Nakakainis.

Hindi ko alam kung bakit ako naiinis. Siguro dahil nararamdaman ko `yong napakalaking pader sa pagitan namin na ako naman ang nagtayo. And honestly, gusto kong maiyak. Dahil ngayong kahit magkasama kami, parang ang layo-layo pa din niya. Ayoko mang aminin pero nami-miss ko na `yong dating Dach. `yong makulit. `yong mapang-asar. `yong nakakainis!

Bakit kasi ganito? Dapat hindi na lang siya lumapit sa akin para mas maging madali para sa akin ang lahat.

“I realized I’d be better if I am with the people of my kind. Pare-pareho tayong may mga kakayahan na hindi kayang ipaliwanag ng mga normal na tao. I should keep myself with you.”

Medyo hindi ko gusto ang sagot niya or parang nakukulangan ako. May hinahanap ako sa sagot niya. Gusto kong marinig na… na ako ang dahilan ng pagpasok niya sa grupo maski pa nga sa simula palang, ayaw na niya kay Sir Elwood.

“Fine.”

Tumahimik na ako at patuloy na naglakad nang biglang dakmain ni Dach ang kamay ko. Pinatigil niya din ako sa paglalakad. Magtatanong sana ako nang senyasan niya ako na tumahimik. Nalito ako at naguluhan ako nang makita kong naging mailap ang mga mata niya. Nasa shortcut way kami na madaming puno. Medyo gubat kung tutuusin kasi malayo na sa hi-way.

“Anong meron?” naguguluhang tanong ko.

“Sssh…”

Bigla niya akong hinila paupo. Hindi ko na alam kung ano pa ang mga nangyayari. May mga black smokes na umaatake sa amin. Malakas na humahagupit sa amin. At bawat hagupit, mahapdi sa balat. Sinimulan naman ni Dach na mag-shape din ng power sa right palm niya habang kabig niya ako sa isang braso. Iyon ang inihahagis niya sa mga umaatakeng black smokes sa amin habang pilit niya akong pinoprotektahan mula sa mga iyon. Hindi pa niya tapos ubusin ang mga black smokes nang may mabuong figure sa ‘di kalayuan mula din sa mga black smokes. At dumadami ang mga iyon!

Nanlaki ang mga mata ko. Ganoong-ganoon ang mga simulacrum na humahabol sa akin sa mga panaginip ko! Ibigsabihin ba, nakatawid na sa dimension namin ang mga simulacrum? Nag-aanyong black smokes sila, that will form into a figure kapag hihigupin na ang mga kaluluwa namin?

“Oh my God! Nananaginip ba ako? Nananaginip lang ako, `di ba?” Hindi ko mapigilan ang mag-hysteria.

Nagsisimula na naman akong matakot. Hindi ko na alam kung alin ang totoo. Parang totoo ang lahat pero parang panaginip din. Dahil ganitong-ganito sumugod ang mga simulacrum. Hihigupin nila kami ni Dach!

“Gusto ko nang magising! Gusto ko nang gumising!” sigaw ko na hindi ko alam kung tatakbo at kung saan ako tatakbo.

Pero bigla kong naramdaman na hinapit ako ni Dach. “Gising ka na, Anika. Gising na gising ka. At kung sa mga panaginip natin, palagi kang tumatakbo, this time, lalaban na tayo.”

Nanlaki ang mga mata ko at nagpumiglas sa pagkakahapit niya sa baywang ko. Pero hindi ako makawala sa kanya. Palapit ng palapit ang simulacrum at patindi-ng patindi ang takot ko. Ayoko pang mamatay! Hindi ko pa nalalaman ang totoo. Hindi ko pa nakikita ang mga magulang ko. Ang totoong mga magulang ko. Hindi ko pa sila natatanong kung bakit nila ako iniwan.

Nanginginig na napaiyak ako sa dibdib ni Dach nang maramdaman ko na iilang hakbang na lang at nasa harapan na namin ang dark shadow. Yumakap ako ng napakahigpit sa kanya. Takot na takot ako. Anong gagawin ko? Anong gagawin namin? Hihigupin niya kami! At baliw na si Dach para hayaan lang iyong mangyari.

Pero mas nagulat ako nang may marinig na salita mula sa kanya. Latin spell. Alam kong spell iyon.

“Decoquo, procul!”

Kasunod noon ang tunog ng malakas na pagtama ng kung anong bagay sa isa pang bagay. Paglingon ko sa harapan namin, nakikita kong natutunaw na ang mga simulacrum. Nagiging usok ulit hanggang sa tuluyang maglaho at lamunin ng yellow energy na nanggaling sa palad ni Dach at naka-extend sa tapat mismo ng dark shadow.

Parang naubusan ako ng lakas na sumalampak sa lupa nang pakawalan ni Dach. Nanginginig pa din ako sa takot. Hindi ko mapaniwalaan na hinayaan lang ni Dach na lumapit sa amin ang dark shadow. At lalong hindi ko mapaniwalaan na nagawa niyang talunin iyon.

“Oyaaaa!!!” (Nooo!!!)

Isang napakalakas na sigaw ng parang galit na galit na babae ang narinig namin mula sa kalawakan. O baka ako lang ang nakarinig noon. Napalingon ako kay Dach.

“Papalakas ng papalakas ang kalaban. Nagpe-penetrate na din ang boses niya sa mundo natin.” Sabi niyang biglang napasinghap sa hindi ko malamang dahilan.

“P-Paano mo nagawa iyon?” kandamulagat pa din ako sa kanya. Ni hindi mai-process ng utak ko ang sinabi niya. Ang mas nangingibabaw sa akin, ang pagkagulantang ko sa nagawa niya.

“I learned from the book of spell na ibinigay ng Lolo kong half-wizard. Mula din sa mga bangungot ko na ini-consider kong normal na lang na panaginip. Hanggang sa na-realize kong ang mga panaginip ay premonitions. At kaya kong baguhin ang destiny ko dahil doon. Ilang beses na akong dapat na napapahamak kung hindi lang ako binababalaan ng mga panaginip.”

Medyo humuhupa na ang paghi-hysterical ko. Pilit kong dina-digest ang mga sinasabi niya. Kung ganoon, ibig sabihin na ang mga dark dreams and nightmares ko, posibleng premonitions din? At sa lahat ng iyon, palaging napapahamak si Dach.

“Dach… Oh my God, Dach!”

Sinalakay ako ng matinding takot. Dahil sa bawat panaginip kong napapahamak siya, iisa lang ang dahilan ng mga iyon. Palagi niya akong inililigtas kaya siya napapahamak. Napahagulhol ako ng iyak. Bigla namang yumuko si Dach at kinabig ako sa isang mahigpit na yakap.

“Hey… bakit? Ano ba’ng nangyayari.” Nag-aalalang tanong na niya habang yakap-yakap pa din ako.

“You should keep your distance from me, Dach. Mas mapapahamak ka kapag nasa tabi kita. Nakikita ko iyon sa mga panaginip ko. Premonitions ang mga panaginip mo, `di ba? Malamang na ganoon din ang sa akin.”

Hindi ko mapigilan ang pagsalakay ng takot. Hindi lang para sa akin kundi para sa kanya. Isa siya sa pinakamahahalagang tao sa buhay ko at kahit madalas akong mainis sa kanya, hindi ko naman gusto na mapahamak siya. Mas gugustuhin ko pa na magkalayo kami kaysa naman magkakasama kami na palagi lang siyang manganganib.

“Hey… hey…” Pilit niya akong pinakalma habang hinahaplos ang likod ko. “Lalo nga akong hindi dapat na lumayo sa `yo. Ngayong nakatawid na sa reyalidad ang mga simulacrum, mas dapat na magsanib-pwersa tayo. Pareho tayong may air-shaper ability. Mas malakas tayo kung magkasama.”

“Hindi ka ba nakikinig?” pagalit na sita ko sa kanya at hinarap ko si Dach. “Sa panaginip ko, palagi din tayong magkasama pero lagi kang napapahamak. Dahil lagi mo akong inililigtas. Dahil lagi mo akong pinoprotektahan—”

“Because that was my mission. To protect you. Always. At walang makakapigil sa akin sa misyon kong iyon sa buhay. Mamamatay akong pinoprotektahan ka.”

Natigilan ako. Hindi ko alam kung ano ang dapat maramdaman. Gusto ko siyang sapakin. Alam ba niya talaga ang mga pinagsasasabi niya? Bakit niya ba ginagawa sa akin ito? Bakit pinag-aalala niya ako ng sobra?!

Dahil sa mga sinabi niya, lalo akong natakot at nag-alala. At nagagalit ako sa sarili ko. May kakayahan naman ako pero hindi ko magamit ng maayos. Palagi akong nabablanko kapag ganitong nakaharap na kami sa panganib. May mga spells naman na naituro sa akin si Sir Elwood. May mga spells din na kusang lumalabas sa bibig ko. It seems like I am a pro. Pero alam kong hindi iyon sapat. Nagiging pasanin tuloy ako ni Dach. Baka kasi nagkamali naman ang kung sinong deity na pumili sa akin para bigyan ng ganitong kakayahan. Kasi, hindi ko naman magamit eh! Bakit hindi ko magamit?!

Nang ngumiti sa akin si Dach para siguro iparamdam nito na okay lang ang lahat, bigla ko siyang sinunggaban ng yakap. “Dach naman eh! Bakit ka ba ganyan?” Sumisinghot kong sita sa kanya. Gusto ko pang hampasin ang dibdib niya.

Narinig kong tumawa bigla si Dach. Parang sa isang tawa na iyon, nalusaw ang napakalaking pader sa pagitan namin. Nawala ang seriousness na pumapagitna sa amin. Bigla, parang bumalik kami sa normal. Sa dati. Sa kinauuhawan kong samahan namin na tulad ng dati.

“Pumayat ka nga talaga. Hindi ka na mabigat eh.” Narinig kong parang nang-aasar na sabi niya.

Noon ko na-realize na halos nakakubabaw na ako sa kanya habang nakasalampak siya sa lupa. Para akong napasalang sa bucket challenge. Nanlamig ako at biglang humiwalay sa kanya. Ramdam na ramdam ko `yong pag-iinit ng mukha ko. Hiyang-hiya ako kay Dach. Baka isipin naman niya na sinasamantala ko ang sitwasyon.

“Pero kapag naiisip kong para kay Guimard ang lahat ng pagpapapayat mo, nabubuwisit ako. Magpataba ka na nga ulit.”

Magsasalita pa sana ako para salungatin ang mga sinabi niya pero bigla na siyang tumayo.

Luh?

Baka nagbago na naman ang mood niya. Napaka-moody pa naman niya.

“Dach…”

“‘Lika na.” Inihayin niya ang isang kamay sa harapan ko. Parang inio-offer na abutin ko para makatayo na ako. “Umuwi na tayo.”

Bigla, may naalala ako. May ganoong eksena sa panaginip ko. Agad ding sumalakay sa dibdib ko ang takot nang maalala ang kinahinatnan ng eksenang iyon sa panaginip ko. Mabilis pa sa alas-kwatro na tinanggap ko ang kamay niya at humawak doon ng mahigpit sa takot na bigla siyang mawala sa harapan ko. Natawa si Dach sa reaksiyon ko.

“Ang bilis ah?” Parang nagtatakang komento niya.

“B-baka kasi… bigla kang mawala.”

Kumunot ang noo niya. “Nasa panaginip mo din ba ang eksenang ito?”

Tumango ako.

“Don’t worry. We can change every scene from your dreams.”

Ngiti lang ang isinagot ko kay Dach. Nagtitiwala ako sa kanya. Naniniwala akong tama siya. Na puwede naming labanan ang mga posibleng panganib kung uunahan namin iyon sa tulong ng mga panaginip na premonition. Mas maganda din siguro na pati iyon, sabihin namin kina Sir Elwood.

Mahigpit pa din ang hawak ko sa kamay ni Dach habang naglalakad kami pauwi. Parang aliw na aliw naman si Dach. Kahit naiilang na akong nakahawak ako ng mahigpit sa kanya, hindi ko siya mabitawan. ‘Di bale nang lamunin ako ng kahihiyan basta masiguro ko lang na hindi mangyayari ang mga nasa panaginip ko.

And that was it. Hindi ko na napanindigan ang pagputol sa friendship namin ni Dach. Pakiramdam ko nga, mas tumatag pa iyon ngayon. Mas nagtitiwalaa ko sa kanya ngayon. Dahil ang kaligtasan ko, sa kanya ko na mas na ipinagkakatiwala. Lalo pa ngayon na pareho kaming parang palaging hinahabol ng deliakdong sitwasyon. Pero naniniwala ako, wala kaming hindi kakayanin basta magkasama kami ni Dach na haharap sa panganib.

Dach

“GUSTONG-GUSTO kita, Anika.” Mahinang bulong ko sa hangin habang nasa second floor veranda ng bahay namin.

Matapos kong linisin ang mga sugat sa may kanang binti at mga galos sa kaliwang braso na sinadya kong itago kay Anika dahil ayoko siyang mag-alala, pumuwesto na ako sa veranda para silipin siya. Mapanganib ang mga simulacrum. Hindi lang paghigop ng kaluluwa at energy ang kaya nilang gawin. Ang mga bahagi nila, pwedeng mag-form into metal weapons at sugatan ang kalaban nila na hindi namamalayan. Katulad ko. Habang pinapaulanan ko sila ng ball of energies ko, at nakapaligid sa amin ni Anika ang mga black smokes na bahagi ng katawan nila, paunti-unti din nila akong inaatake. Hindi lang hagupit, may mga humihiwa din sa ibang parte ng katawan ko. Naitago lang ang pagdudugo dahil sa suot kong black coat at black slacks na bahagi ng uniform ko. Isa pa nga ay madilim. And also, dahil din, mabilis kong nagamitan ng chants para mapatigil ang pagdudugo. May panlaban naman sana ako. Kalahati ng energy ko, pwede kong gawing shield para hindi ako tamaan ng mga hagupit nila. pero ginamit ko iyon para i-shield si Anika. Iyon lang ang pinakamadaling paraan para hindi siya masugatan ng mga simulacrum. Bigla kasi akong nataranta nang marinig ko ang mga daing niya habang hinahagupit kami ng mga simulacrum. Hindi na ako nag-isip nang pasimple kong bigkasin sa isip ang spell para mahati ang lakas ko at mai-form into shield para maprotektahan si Anika.

Isang buntong-hininga at singhap ulit. Dahil kumikirot na naman ang mga sugat. Mas nararamdaman ko ngayon ang epekto ng mga iyon. Hindi ko na magamit ang spell para sa self-healing. Halos maubos na ang lakas ko kanina. Ang talagang naging dahilan nalang para hindi ako tuluyang bumigay ay ang katotohanan na kasama ko si Anika at kailangan ko siyang protektahan kahit buhay ko pa ang kapalit.

Lumipad na naman ang mga mata ko papunta sa bahay nina Anika. Mula dito sa second floor veranda, kitang-kita ko ang bahay nina Anika. Alam ko kapag tulog na siya. Alam ko din kapag gising pa siya. Buhay pa kasi ang ilaw sa silid niya kapag may ginagawa pa din siya. Ilang taon ko na ba itong ginagawa? Iyong bago matulog, sisilipin ko muna ang bahay nila. Hindi ako papasok ng silid ko na hindi pa patay ang ilaw sa silid ni Anika.

I just wanted to make sure that she was safe before I go to sleep. Hanggang doon lang ang kaya kong gawin para maiparamdam ang pagmamahal ko sa kanya. Hindi ko magawang sabihin. Hindi ko kayang sabihin. Dahil alam ko, mas magiging masakit kapag kung kailan okay na kami, malalaman naman niya ang pinakatatago-tago kong sekreto.

Tumingala ako sa langit. Napakadaming bituin. Sa imagination ko, nakikita ko ang mukha ni Art. Parang nag-form ang mga bituin para mabuo ang mukha ni Art.

“I’m sorry, Art. I’m really sorry.” Mahina kong sabi habang nakatingala.

Nananakit ang lalamunan ko sa pagpipigil na umiyak. Hanggang ngayon, hindi ko makalimutan ang nangyari, fourteen years ago. Habang nakatingala ako, bumalik sa akin ang nakaraan. Bumabalik sa isip ko ang lahat. Para akong dinala sa isang lumang alaala.

“ANG ganda ng kapatid mo, Art. Sana may kapatid din akong maaasar na kasing ganda niya.” Nakangiti kong sabi habang nililingon si Anika na nasa swing.

Isinama namin sa playground si Anika. Wala kasing pasok. Wala din ang parents namin dahil nasa trabaho. Nakakainip sa bahay. Ayaw naman namin siyang iwan kaya isinama na namin. Nandoon kasi ang mga kaibigan namin na kaedad namin. Isa pa, madaming magiging kalaro si Anika doon.

“Maganda talaga iyan. Pikon lang.” Alam ko, may amusement sa tono ni Art ng mga sandaling iyon.

Alam ko din na mahal na mahal nito ang kapatid. Kahit madalas nitong asarin. Siya nga ang agad na susugod sa kung sinong malaman niya na nagpaiyak kay Anika sa classroom. Uunahin niyang ihatid si Anika sa classroom ng mga iyon bago dumeretso sa classroom namin. Kapag wala pa ang teacher ni Anika at kahit male-late na siya, hindi niya iniiwan si Anika hanggang hindi nasisigurong hindi pa nakakapasok ng classroom. Lagi din siyang nagmamadali kapag breaktime. Sisilipin daw niya kasi ang kapatid at baka kung saan magsuot. Malawak pa naman ang school namin. Over protective si Art sa kapatid niya. At kung minsan, naiinggit ako na may inaalagaan.

Isa pa, talaga namang nakaka-trigger ng protective instinct ang pagkalampa ni Anika. Mahina ang tuhod niya. Kapag P.E time nila, palaging natatalo ang grupo nila dahil sa kanya. Palagi siyang sinisisi ng mga kaklase nila. Titigil lang ang mga iyon kapag umiyak na si Anika at nagbanta na magsusumbong sa kuya nito.

Napangiti na naman ako sa sarili ko at muling tiningnan si Anika na enjoy na enjoy sa swing.

“Pero, Dach, kahit best friend kita, ayoko pa ding malalaman na nagkakagusto ka sa kapatid ko, ha?”

Bigla akong napalingon kay Art. Napakunot-noo pa ako.

“Ano ba’ng sinasabi mo?”

Ngumiti naman siya sa akin. “Kapag mga binata na tayo, ayokong ligawan mo si Anika. Ayoko siyang ipagkatiwala sa kahit na sinong lalaki. Anika is precious to me. And always will be. Ayokong masira ang pagkakaibigan natin dahil lang kinatalo mo ang kapatid ko.” Ang seryoso masyado ng boses niya.

Ten years old pa lang kami pero napaka-futuristic ng mga pinagsasabi niya. Pabirong sinuntok ko nga siya sa balikat.

“Sinabi ko lang na maganda ang kapatid mo. Hindi ibig sabihin n’on, mamahalin ko na siya sa future. Siguro bilang kapatid. Kasi wala nga akong kapatid,” depensa ko sa sarili.

Natawa si Art, saka napailing.

“Naniniguro lang.”

“Oo na nga. Pangako, hindi ko liligawan si Anika sa future. Tutulungan pa kitang mambakod sa mga manliligaw niya.”

Pangakong-pangako ko iyon kay Art na isinumpa ko pang kahit mamatay ako, hindi ko iyon sisirain. Wala kasing mahalaga sa akin ng mga sandaling iyon kundi ang pagkakaibigan namin. Siyempre, best friend ko si Art. Siya na ang sanggang-dikit ko magmula nang magkamalay ako sa mundo.

“Halika na. Hinihintay na tayo nina Gem do’n,” yaya ko kay Art.

Medyo malayo sa swing ang kinaroroonan nina Gem. Nagpaalam sandali si Art kay Anika na makikipaglaro sa mga kaibigan namin. Busy din si Anika sa bago niyang kalaro kaya madaling pumayag.

At kung may time machine, babalik ako sa panahon na iyon para sulsulan si Anika na mag-tantrums at pigilan ang kapatid na sumama sa mga kaibigan namin. Susulsulan ko siyang magyaya na lang umuwi. Hindi sana nangyari ang mga nangyari. Hindi ko sana iyon nagawa. Buhay pa sana si Art. Hindi sana ako inuusig ng konsiyensiya ko magpahanggang ngayon. May kaibigan pa sana ako hanggang ngayon. At siguro… siguro, makukulit ko si Art na babawiin ko na ang isa sa mga ipinangako ko.

Dahil… kahit ano kasing gawin ko, hindi ko napigilan ang sarili ko na magkagusto sa kapatid niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.