CHAPTER 26

Elwood

HYSTERICAL si Chloris nang lumapit sa akin. Sumasakit na ang ulo ko dahil hindi ko na din alam ang gagawin. Nagawa na naming papasukin sina Alvis at Meteor. Wala na ding problema dahil nagkakaroon na nang team work sa training ng mga ito kasama pa ang dalawang priestess na sina Soleih at Ceilah.

And I found out na kailangan talaga ang mga choosen wizards na may kaparehong embossed birthmark ng mga priestess para mapalabas ang mga weapons nila. Dahil nagawa na iyon nina Ceilah at Meteor. Nagkukulitan ang dalawa sa training ground habang pinalalakas ang mga spells nila. Aksidenteng sumalya ang mga bows na pinadadami ni Meteor sa orb energy na binuo naman ni Ceilah. Nang magclash ang dalawang bagay na binubuo ng mga ito, sabay na nagliwanag ang mga birthmarks ng mga ito. Lumalabas doon ang mga enerhiya nila na hinigop naman ng mga nagka-clash na orb and bows. Until after the transformation, bumagsak sa harapan ng mga ito ang blue bow and arrows and multiply into two. Pinagtig-isahan iyon ng mga ito. That’s their weapon na kailangan pa din nilang palakasin. Ceilah and Meteor were good examples para mapalabas ang mga weapons na kakailanganin namin sa ritual. Kahit pa nga aksidente lang ang pagkakatuklas doon, nagkakaroon na ako ng malaking pag-asa na matatapos na namin ang misyon. Nagte-train na din sina Alvis at Soleih para mapalabas ang mga weapons nila.

Pero heto nga. Sumulpot na naman ang isang problema. Dapat ay isang beses lang na mangyayaring magkakaroon ng blocker sa isang Kimburian na papasok sa training ground. At iyon ay kung hindi pa nakakadaan sa House Of Regrets. Sa kaso ni Dach, unang beses palang niyang pumasok sa secret door papunta sa time plane na hide out namin, pinaderetso ko na siya sa House Of Regrets at mabilis din ang naging proseso ng cleansing niya. Ano at ngayon ay hindi na ito makapasok sa training ground namin? Sa entrance door palang ng chateâu, sumasalya na si Dach palayo.

“Bakit may blocker? Anong nangyayari at hindi siya makapasok?” Paulit-ulit na ang tanong ni Chloris. Wala naman akong maisagot dahil hindi ko din maintindihan.

Tulala daw na pumasok ng school si Dach at palagay nito, kailangang magpahinga ng lalaki. Kaya naman inaya ni Chloris na dumeretso sa time plane. Alam niya ang dahilan ng pinagkakaganoon ni Dach. Kagabi lang niya nalaman ang tungkol sa naging malaking kasalanan nito sa kaibigan. Siguro ay kino-condemn si Dach ng sariling konsiyensiya…

Konsiyensiya.

Tama!

Hinarap ko si Chloris na palakad-lakad sa harap ng table ko sa meeting room. Nasa port area si Dach. Nakaupo lang siya sa isa sa mga couch doon habang inaaliw ng mga android na nag-e-exhibition sa harapan nito. Pero wala naman iyong pakialam sa paligid. Nakatulala lang at malalim ang iniisip. Nakikita ko iyon sa CCTV viewer na nasa isang bahagi ng meeting room.

“Ipasok ulit natin siya sa House Of Regrets.” Sabi ko kay Chloris na biglang tumigil sa pagpapalakad-lakad.

“Bakit? Akala ko ba, isang beses lang dapat na magdaan sa House Of Regrets?” Halatang nalilito si Chloris sa desisyon ko.

Napailing ako. Ginawa ko ang House Of Regrets to purify the heart and body of once self. At isang beses lang iyon dapat na gawin dahil masyado nang napapakialaman ang pagkatao ng mga ito kung palagi iyong pagdadaanan. Masyadong napupwersa ang mga ito na magdesisyon kaagad. And not all decisions and situation should be made right away. May mga desisyon na nangangailangan ng mahabang panahon bago pagpasyahan.

Sa kaso ni Dach, nai-skip siguro ng House Of Regrets ang isang bagay na nakabaon sa kailaliman ng alaala at damdamin ni Dach. Hindi iyon naisama sa cleansing and purification. Ngayon, sigurado akong may mga regrets sa buhay ni Dach kaya hindi na naman ito makapasok sa training ground. Isa pa, malakas na wizard na si Dach nang sumama sa grupo namin, hindi na ganoon kadaling mabasa ang pagkatao niya.

“Ibang kaso si Dach. May malalim siyang pinagdadaanan ngayon. At malalim din ang character niya. Hindi ganoon kadaling mai-cleanse ang isip. Siguradong madaming lalabas na door of decisions sa loob ng House Of Regrets.” Paliwanag ko kay Chloris.

Sa case ni Dach, posible siyang makapag-time travel pabalik kung pipiliin niyang ayusin ang pagkakamali sa nakaraan. Pero, nangangahulugan din iyon ng pagbabago ng lahat. Kung pipiliin niyang ayusin ang nangyari sa nakaraan, posibleng mabago ang destiny ng mga priestess. Posibleng mapalitan ang mga priestess. Madi-dissolve ang ginawa kong secret door na portal papunta sa time plane na ito. Magsasara nang tuluyan ang portal at mahihigop kaming lahat palabas dahil siguradong magbabago na naman ang scheduled scene and events ng ministry of time.

Napaka-risky na ipasok si Dach dahil kaya niyang mabago ang nakaraan sa sandaling piliin niya ang silid na kinaroroonan ng nakaraan nito. Pero hindi din naman pupuwedeng hindi dumaan si Dach sa House Of Regrets. Hindi magiging matagumpay ang pagpasok niya sa grupo kung hindi siya dumadaan sa cleansing. Hindi ko din magawang sabihin kay Chloris ang lahat ng consequences dahil malamang na mamoroblema siya nang sobra.

Ako na lang ang mamomoroblema.

“Eh, ano pang ginagawa natin? Bakit hindi mo pa pabuksan ang House Of Regrets? Tara na at nang ma-cleanse na si Dach. Ako ang nahihirapan na makita siyang ganyan.”

Nangunguna na si Chloris na lumabas para puntahan sa port area si Dach. Wala din akong choice kundi sundan siya. Isang buntong-hininga at lumabas na din ako ng meeting room.

Buwisit! Mula nang buuin ko ang task force na ito, puro problema na lang ang binalikat ko. Kailan ba ako makakapag-pahinga ng matagal-tagal? Kapag nasa loob ng time plane, ang mga priestess at si Chloris ang konsumisyon ko. Paglabas ko naman ng time plane, problema naman sa makukulit na mga estudyanteng halos kaedad ko lang din.

Aist! Lintik ngang talaga!

Serene

MADILIM ang paligid. Wala naman akong pakialam. Normal na lang sa akin na lumabas ng gabi. Iyon ang oras na nagagawa kong i-train ang kapangyarihan ko. Isa pa, nakakapagod din matulog dahil ibig sabihin noon ay walang hanggang pakikipaglaban. Isa yatang sumpa ang magkaroon ng witch blood. Dahil sa totoo lang, lahat ng advantages ng kapangyarihan ko, parating may kasamang consequences. At iyon nga ay ang parating pakikipaglaban sa mga simulacrum. At magpahanggang sa panaginip ko, hinahabol nila ako. Hindi sila makatawid sa portal ng mga tao. Kaya lang, nitong nakaraan, nakita kong may gumagala nang simulacrum sa mundo ng mga tao. Nasa virtual reality na sila. Hindi ako puwedeng magkamali. Nakikita ko iyon na nakatira sa katawan ng isa sa estudyanteng sa university na pinapasukan ko. Palagi kasi iyong nakapwesto sa balikat no’n. Ang mas mapanganib, hindi alam ng mga nakakasalamuha niya. Palagay ko nga, nakapokus siya kay Anika dahil doon siya lagi dumidikit. Binabalaan ko na si Anika pero ayaw naman niyang makinig. E’ di bahala siyang mapahamak.

Dumeretso ako sa paborito kong lugar. Sa magubat na bahagi ng bayan namin. Dito ako nagsasanay kasi walang posibleng makapansin ng mga ibabato kong enerhiya. At walang problema kasi wala naman akong matatamaan. Ready na akong gumawa ng fire ball nang may maramdaman akong kaluskos. Pinatay ko ang apoy na nabuo ko sa palad ko saka nakiramdam.

Hindi nga ako nagkamali. May humahangos na nilalang na dumaan sa bahaging iyon ng kinaroronan ko. Pero dahil madilim at nababalot ako ng invisibility spell, hindi niya ako mapapansin. Kahit pa anong nilalang siya.

Huminto ang kung sino sa tapat ng isang dambuhalang puno. Sugatan siya. Nakikita ko ang pagdaloy ng dugo mula sa kung saang bahagi ng katawan niya. Nagpalinga-linga siya sa paligid na parang sinisigurado na walang makakakita sa kanya. Medyo na lang ang pagkagulat ko pagkakita sa mukha niya. Si Guimard.

Sinasabi ko na nga ba at hindi siya basta-basta estudyante lang. Hindi siya normal. Nahalata ko na iyon sa aura niyang kasing dilim ng gabi.

May kung anong badge na dinukot si Guimard sa bulsa niya. Pagkuway itinapat sa puno. May lumabas na hologram ng isang gadget. Itinapat niya ulit ang badge doon.

“Identification detected. You may enter the vampire society. Welcome back, Guimard.” Sabi ng computerized voice.

Nag-transform ang dambuhalang puno sa isang parang entrance ng isang community. Sa arc noon, nakasulat ang Vampire Community. Parang astral type ang arc dahil para iyong reflected image sa isang tubig. Umaalon pa kung titingnang mabuti.

Nanlaki ang mga mata ko sa pagkabigla. So, ibig sabihin ay may vampire community pala sa lugar na ito. At dito sa kagubatan nagkukuta ang mga iyon?

Kailangan kong makapasok doon. Kailangan kong alamin ang mga activities nila. Kailangan kong malaman kung kakampi ba sila ng mga witch and wizards o kaanib sila ng sorceress na nagsumpa sa bansa namin.

Nang makapasok na si Guimard at tuluyang mawala sa mga mata ko, naghanda na ako sa pagpasok din sa entrance ng secret community nila. Pero sa malas, hindi pa ako nakakalapit, may sumalpok na malakas na enerhiya sa katawan ko at itinaboy ako.

“Spy, alert! Spy, alert. Undetected individual was trying to passed through!” paulit-ulit na sabi ng hologram ng kung anong gadget. Umiilaw din iyon sa kulay pula.

Sa pagkabuwisit ko, bumuo ako ng fire ball at ibinato sa hologram. Pero tumalbog lang iyon pabalik sa akin na mabilis ko namang naiwasan.

Naalerto ako nang may marinig na ingay mula sa arc. Mabilis akong tumakbo palayo sa lugar. Hindi pa ito ang tamang oras para lumusob. Anong malay ko kung sandamakmak na malalakas na bampira pala ang nasa loob ng secret community na iyon? Kailangan ko munang magpalamig at lumayo. But what important is atleast, alam ko na ngayon na may community pala sila rito.

“May araw din kayo. Mapapasok ko din kayo!”

Kailangan kong balikan si Anika. Kailangan kong mahawakan ulit ang locket watch niya para malaman ko ang bahaging ito ng nakaraan. Baka may kinalaman din ito sa tadhana naming magkapatid. Lahat ng bagay na kakaiba sa mundong ito, kailangan kong alamin. Wala akong dapat palagpasin dahil baka nandito nga ang sagot sa problema namin.

Anika

HINDI ako pumasok ngayong araw. Hindi lang dahil sa pagod sa nangyaring sagupaan ng nagdaang gabi kundi sa mga nalaman ko. Alam ko na shocked pa din sina Mama at Papa sa nakita nila kagabi. Lalo na nang umuwi akong duguan. Pero dahil sa tulong ni Sir Elwood, nagawang maghilom ng mga sugat ko. Si Dach ang nag-offer na mag-channel ng energy para maampat ang pagdudugo ng mga sugat ko, pero tumanggi ako. Hindi ko na magawang tumanggap ng tulong mula sa taong pumatay sa kapatid ko. Para ko na ding ipinagbili ang hustisya ng kamatayan ni Kuya kapalit ng paggaling ng kakaunting mga sugat.

Alam kong mas masa-shock sina Mama at Papa kung sasabihin ko ang nalaman ko patungkol kay Dach. Paanong nagawang isekreto at takasan ni Dach ang kasalanan niyang iyon sa amin ng ganoon katagal? Fourteen years. Fourteen years nang patay si Kuya Art at ngayon lang in-allowed ni Dach na malaman ko ang nagawa niya. At paano niya iyon nagawa kay Kuya? Mag-best friend sila!

Ang lakas ng loob niyang lumapit pa sa amin. Saan siya kumukuha ng kapal ng mukha na harapin at ngitian kami araw-araw matapos ang lahat ng nagawa niya? Ganoon na ba siya kakapal at katigas? Huh! Ang kapal-kapal niya lang talaga! Wala siyang puso! Wala siyang kaluluwa!

Pero hindi ko maitanggi sa sarili na maski paano, nag-iisip pa din ako. Kalahating bahagi pa din ng puso ko ang ayaw at hindi mapaniwalaang magagawa iyon ni Dach kay Kuya. Ano ang dahilan? Paano niya nagawa? Aksidente ba ang lahat? Matter of choices ba? Hindi naman ganoon kasama ang pagkakakilala ko sa kanya. Sabay na kaming lumaki at kahit minsan, hindi niya ako pinakitaan ng masama o ipinahamak. Palagi pa nga siyang nandiyan para protektahan ako. Kaya ano ang dahilan? Bakit niya nagawa iyon?!

Isang katok sa silid ko ang pumutol sa malalim kong pag-iisip. Pumasok si Mama nang sabihin kong tumuloy na. Nakangiti siyang lumapit sa akin. Nasa likod ang isang kamay. Nang tumigil siya sa harapan ko, naupo siya sa tabi ko sa ibabaw ng kama. Saka niya inilabas ang isang maliit na kahon na itinatago niya sa kanyang likod. Kulay itim na may golden ribbon.

“Open it.” Nakangiting utos niya sa akin.

Napatunganga ako sa kanya at maang na tinitigan siya. Tumango naman siya para i-encourage ako. Pagkabukas ko, tumambad sa akin ang laman noon. Isang necklace na may pendant na kulay old gold at vintage look na locket watch. Kasinlaki lang iyon ng five-peso coin. Traditionally design. May mga swirl sa paligid ng glass enclosure at hindi ko maintindihan ang numerals pero alam kong numbers ang mga iyon dahil may tatlong daliri ng orasan. Hindi ko alam kung latin ba ang mga engravings o anong klaseng letra o numbers ang mga iyon. Pero ang design ay katulad ng mga engravings sa secret door ng hideout na ginawa ni Sir Elwood at sa libro na ibinigay niya sa akin. Bigla akong kinabahan. Ayon kay Sir Elwood, ang mga tila latin letters na nakapalibot sa secret door ay ang panulat sa Kimbura.

Ibinaligtad ko ang locket watch at sa likod noon, may mga latin letters din o kung latin nga ba ang tawag sa mga letters na iyon. Letters na pare-pareho lang at nakakalat sa paligid na parang design lang. Basta katulad ng nasa libro ang paraan ng panulat. Sa pinakagitna noon ang katulad na katulad na marka ko sa may balikat. Inverted triangle na may guhit sa gitna. Matingkad na yellow ang kulay noon at sa mga paningin ko, parang nagliliwanag. Parang kinikilala niya na ako ang may-ari ng locket.

Nang buksan ko ang locket, mabilis na umikot ang orasan pabalik. Sobrang bilis na para akong nahihilo na titigan iyon. May mga eksena sa isip ko na nagpe-play. Mga nilalang na hindi ko kilala. Nahihilo ako habang tinitingnan iyon at sinasabayan ng mabilis na roll ng mga eksena. Napakabilis ng mga eksena na wala akong maintindihan maliban sa isang eksena na nakita ko din sa isa sa mga pintuan habang nasa loob ako ng House Of Regrets. Nandoon sa mga eksenang iyon ang babaeng nakasuot ng kulay dilaw na costume ng isang Arabian princess. Ang iniisip ko at hinihinala kong tunay kong ina. Nanlaki ang mga mata ko nang maranmdaman ko na naman ang katulad na sakit nang muli kong makita ang napakasakit na eksena ng pagkamatay niya. Isinarado ko ulit ang locket nang hindi ko na makayanan ang magkahalong galit at sakit.

“Ano `to, `Ma?” hindi ko napigilang itanong. Gusto kong sakalin ang puso ko sa mga damdaming nabubuhay na naman sa loob noon.

Ngumiti ulit si Mama. Nagtubig na naman ang mga mata ni Mama. Pagkatapos ay hinaplos niya ako ng marahan sa buhok. Pinilit kong itago ang mga damdaming binuhay ng locket watch sa akin. Ayokong mag-alala si Mama. Baka magbago na naman ang isip niya na paliwanagan ako.

“Nasa’yo ‘yan noong gabing may mag-iwan sa `yo sa tapat ng bahay. Kakauwi lang namin noon. I had miscarriage back then. Sobrang depressed ako. Wala pang nakakaalam sa pamilya na nakunan ako. Kaya nang biglang may mag-doorbell sa labas ng gate at ipasok ka ng Papa mo, agad-agad ang desisyon ko. Alam kong mali na angkinin ka namin. Pero mamamatay ako sa depression ng pagkawala ng second baby namin.”

Humagulhol si Mama. Ramdam ko ang bigat at sakit na dinadala niya sa dibdib sa bawat tunog ng mga hagulhol niya. Niyakap ko si Mama. Iyon lang ang kaya kong gawin para mapagaan ang loob niya. Hindi ko alam kung makakatulong iyon but still, gusto kong gawin. Mama ko pa din siya. Sa puso ko, siya ang Mama ko na walang sawang nagmahal at nag-aruga sa akin.

“I am so excited to meet my baby Anika. Ilang buwan ko siyang naramdaman sa sinapupunan ko. Hindi pa siya reading lumabas pero napilitan. Siguro dahil, sadyang hanggang doon lang siya. Hindi ko iyon matanggap. Kaya nang bigla kang sumulpot sa buhay namin, ginusto kong paniwalain ang sarili ko na hindi namatay ang anak ko. That she was alive and healthy and so beautiful. Sa paraan mo, naubos at nabura ang lungkot at sakit ng pagkawala ng baby ko. You became her. And I never regretted that. You are and you will be forever my baby Anika.”

Hindi ko alam ang sasabihin. Hindi ko alam kung bakit nagco-confess si Mama sa akin ngayon, ganitong alam ko na napakasakit para sa kanya na magbalik sa alaala ng nakaraan. Pero siguro, matapos ang nangyari kagabi, napag-isip-isip niya na hindi na maitatago pa sa akin ang totoo. Siguro, na-realize niyang alam ko na pero nagpapanggap lang akong walang alam.

But it was all because I don’t want her to feel afraid. Hindi ko naman sila iiwan. Gusto ko lang mahanap ang katotohanan.

“Buong buhay ko, Ma, hindi ko naramdaman na ampon lang ako.” Mahina kong sabi habang yakap ko siya. Ni hindi ko din namalayan na lumuluha na din ako. Kumawala ako sa kanya at hinarap ko siya. Pareho na kaming umiiyak at sabay na nagpapahidan ng luha sa isa’t-isa.

“Buong buhay ko, hindi ako nagtanong kasi, hindi ko naman naramdaman na may kulang. Hindi ako nakulangan sa pagmamahal n’yo nina Papa at Kuya. I felt so loved and very much cherished.”

Tumango ng tumango si Mama habang umiiyak pa din.

“And I am so thankful for that. Binigay niyo sa akin ang pagmamahal at pamilya na ipinagdamot sa akin ng parents ko. Pero Ma…” Inabot ko ang kamay ni Mama at mahigpit na hinawakan. “Kahit kasi ganoon, nauuhaw ako sa katotohanan. Kahit gaano pa kasakit ang magiging sagot sa mga tanong ko, gusto ko pa ding malaman. Gusto kong malaman kung bakit ako ipinamigay. Gusto kong mahanap ang mga magulang ko. Gusto kong malaman ang lahat-lahat.”

Isang mabilisang pagkabig at pagyakap ang ginawa ni Mama sa akin. Humahagulhol siya na para bang sa bawat tunog ng iyak niya, ipinaparinig niya sa akin ang takot na baka mawala ako sa kanya. Ipinaparamdam ng mahigpit na yakap na iyon na ayaw niya akong pakawalan. Niyakap ko din siya ng mahigpit. Gusto kong iparamdam sa kanya na hindi naman ako mawawala sa kanya. Siya pa din ang Mama ko, kahit baligtarin pa ang mundo. Sa puso ko, siya pa din ang pinakamamahal kong Mama. Sila pa din ni Papa ang aking pamilya.

Pero unti-unti, lumawag ang yakap ni Mama sa akin. Pinapakawalan niya ako ng marahan. Nang humarap siya sa akin, tinutuyo na niya ang mga luha niya. Saka siya ngumiti.

“Of course.” Sagot niya. “Matagal ko iyong ipinagdamot sa `yo and I knew you still deserve to know the truth, anak. Matapos ang nangyari kagabi, alam ko, dapat mo nang malaman. Alam kong maghahanap ang puso at isip mo lalo pa at may kakaiba sa `yo. Kaya ko nga ibinigay iyan sa `yo.” Inginuso niya ang hawak kong locket watch. Saka hinawakan ang kamay ko at ikinuyom ang palad na may hawak sa locket. “Sa unang beses ko palang mahawakan ang locket na iyan, nakaramdam na ako ng kilabot kaya itinago ko. Natatakot ako na baka may sumpa ang locket o kung anupaman. Pero alam kong hindi tama na itapon dahil iyan lang ang pagkakakilanlan mo. Totoong inangkin na kitang akin, pero sa likod ng isip ko, alam kong darating ang araw na lalabas din ang katotohanang ito. Kaya hindi na kita pipigilang hanapin ang sarili mo. Tutulungan ka namin sa kahit anong paraan na magagawa namin. Pero ipangako mo, ipangako mo anak na hindi mo ako iiwan. Ipangako mo na babalik ka sa amin, babalik ka sa akin ha? Promise me, Anika.”

Sunod-sunod na tumango ako kay Mama. Mabilis akong yumakap sa kanya. Sobrang higpit. Humagulhol na naman siya. Sinagot ko din iyon ng isang mahigpit na yakap. Pero kumatok ang guilt sa puso ko. Ang tunay na anak nila, alam ko na ang cause of death pero hindi ko magawang sabihin sa kanila. Alam kong masasaktan sila kapag nalaman ang totoo. Itinuring na din nilang anak si Dach. Sobrang welcome siya sa bahay. Kapag nalaman nila ang totoo, masasaktan sila. Ayoko nang dagdagan ang paghihirap ng damdamin ni Mama. Ayoko na siyang masaktan. Ako na lang… ako na lang ang magdadala ng lahat ng sakit para sa kanila.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.