Chapter 14

"Nandito ka ba para yayain akong makipag-date sa Valentines?" bungad sa kanya ni Veronica nang makarating siya sa coffee shop. Tinawagan ni Arthur Lance ang dalaga. May kailangan silang pag-usapan.

"Sorry babe, but I have other plans for Valentines," aniya na ngayon lang na-realize na tatlong araw nalang ay February fourteen na. At isang linggo na niyang hindi nakikita ang babaeng gustong makasama sa araw na iyon.

Umangat ang isang sulok ng labi ni Veronica. "Babe? Iyan ba ang endearment natin? Pwedeng palitan?"

Natawa siya. Ganoon din ito.

Well, Veronica was not bad for a fiance. Mukha itong suplada pero palabiro pala. And yes, she is pretty. Pero nawalan na siya ng hilig sa ibang babae.

"Wala na pala akong kwenta sa inyo ng daddy mo. Pwede ka nang magback-out."

"And make life easier for you?"

Tumango siya. "For the both of us actually. I'm sure you don't want to get stuck with me."

Nag-isip ito kunwari. "Actually, I think I do."

"No, you don't." Dumating ang order niyang kape. Hinintay muna niyang umalis ang waiter bago muling hinarap si Veronica na pinagti-tripan yata siya. "Well, it doesn't really matter. Nandito lang naman ako para ipaalam sa'yo na hindi matutuloy ang kasal."

"Sinong may sabi?"

"Ako."

"Really?" Binigyan siya nito ng nagdududang tingin. "Paano mo nakumbinsi ang daddy mo?"

Ngumiti si Arthur Lance. "Well, I gave him an offer he can't refuse."

Ikinuwento niya kay Veronica ang nangyari kahapon.

"You'd do that?" hindi makapaniwalang tanong ni Vice-Governor Natividad.

"You heard me. I'll help you win this election. Kapag natalo ka, tatakbo ako sa susunod na halalan." Nakipagtitigan si Arthur Lance sa ama. Gusto niyang iparating na seryoso siya sa desisyon. "Just put that damn engagement off."

Napasandal ang ama sa antigong upuan. Tinitimbang ang kanyang mga sinabi. Maya-maya pa ay nagsalita ito.

"You hated politics Arthur Lance. Bakit bigla ay nagbago ang isip mo?"

"Hindi nagbago ang isip ko dad. I still hate politics," pagtatapat niya.Pumasok sa isip ni Arthur Lance ang magandang mukha ni Guinevere. It made him smile. "But I fell in love. And that love made all the difference."

"Romantiko ka pala," komento ni Veronica matapos siyang magkwento. May pang-aalaska sa boses nito. "Gaano ka naman ka confident na maipapanalo mo ang daddy mo?"

"Kung gaano ako kagwapo, ganoon din ako ka-confident," sagot niya na naging dahilan para humalakhak ang kausap.

Ang totoo, kinakabahan si Arthur Lance. Hindi magiging madali ang kanyang gagawin. Pero para kay Guinevere, wala siyang di kakayanin.

--------------------------------------------------------------------------------

Nag-eempake si Guinevere nang maleta. Babalik na siya ng New York.

Pinili niyang sa valentines day na umalis. Ayaw niya kasing mapaligiran ng mga taong in-love. At least, kapag nasa himpapawid siya, mga ilaw nalang ang kanyang makikita pagtingin niya sa ibaba. Then she could pretend that it was just another day on earth.

Biglang tumunog ang cellphone niya. Natigilan siya nang makita kung sino ang caller. Nagdalawang-isip siya kung sasagutin ba niya o hahayaan nalang itong mag-ring hanggang sa magsawa ang tumatawag.

Pero hindi siya nakatiis. Sinagot ni Guinevere ang tawag.

"Hi. Na-miss mo ba ako?" bungad ng lalaking higit isang linggong di nagparamdam. Inisip niyang kinausap ito ni Leigh kaya ito umiwas sa kanya. Pero bakit kaya ito napatawag? Halos ala-una na ng madaling-araw. Malamang ay may duty din ito at wala lang magawa kaya nang-iistorbo. Bumalik na naman kasi ang dati nitong kakulitan. Parang wala lang kay Arthur Lance ang nangyari sa kanila. Ang dali siya nitong kinalimutan. Balik-normal na nga ang pakikitungo nito sa kanya.

Sinita ni Guinevere ang sarili. Dapat ay inasahan na niya iyon. Leigh have warned her.

But damn it. Ang sakit pala.

"Hindi kita na-miss," malamig na tugon niya.

"Kahit one percent di mo ako na-miss?"

"Ang kulit mo."

Narinig niyang bumuntong-hininga si Arthur Lance sa kabilang linya. "Hindi kasi ako makatulog, nami-miss kita."

"O, ngayon?"

"Ang suplada mo yata ngayon."

"Sino ba naman ang babait sa taong naninira ng tulog?" asik ni Guinevere. Natawa naman si Arthur Lance.

"Alam mo, kulang ka lang sa yakap at halik."

Sinimangutan niya ito ng mata kahit di naman nito nakikita. "Ang sabihin mo, kulang ako sa tulog. Salamat sa'yo."

"Di ka makatulog dahil sa akin? Hindi ko naman akalaing gabi-gabi mo akong naiisip."

"Sarap mong balian ng buto."

"Okay. Pero para magawa mo iyan, buksan mo muna ang pinto."

"Huh?" Napatingin si Guinevere sa hawak na cellphone. Anong sinasabi ni Arthur Lance? Nasa labas ba ito?

Lumabas si Guinevere ng silid. Huminto siya sa tapat ng main door at sumilip sa peep hole. Nandoon nga si Arthur Lance.

Nataranta siya bigla. Bumalik siya sa silid at itinago ang mga maleta. Hindi nito pwedeng malaman na aalis na siya. Guinevere hated goodbyes.

Narinig niya ang pagkatok ni Arthur Lance. Bago muling lumabas ay tiningnan muna niya ang sarili sa salamin. Pagkatapos ay kinuha niya ang robang katerno ng pantulog na suot.

Huminga siya ng malalim bago pinagbuksan ang binata.

Isang mahigpit na yakap ang naging salubong ni Arthur Lance sa kanya. Parang torture naman kay Guinevere ang gumanti sa yakap nito. Pero pinagbigyan niya ang sarili.

Last na to, promise.

"Bakit ka ba nandito? At sa ganitong oras pa talaga?"aniya at pasimpleng kumawala sa yakap ni Arthur Lance.

"Di ba sabi ko, na-miss kita?" Ibinaba ng binata ang mukha para halikan siya. Umiwas si Guinevere. Tumama ang labi ni Arthur Lance sa noo niya. Nagdikit ang kilay nito pero hindi na nagkomento. Sa halip ay ngumiti nalang. "Teka, may kukunin ako."

Tumalikod saglit si Arthur Lance at may kung anong kinuha sa labas. Nang makabalik ay may bitbit na itong pizza, dalawang canned beer at isang tangkay ng pulang rosas. Iniabot nito sa kanya ang hawak na bulaklak.

"Gusto kong i-celebrate ang birthday ko kasama ka."

Napakurap siya. "Birthday mo?"

Tumango si Arthur Lance. Kinuha nito ang kamay niya at dinala siya sa harap ng flatscreen TV. Pina-andar nito iyon. Umupo ito sa carpeted na sahig at hinila siya pababa. Binuksan ng binata ang box ng pizza at binigyan siya ng isang slice.

"Wala manlang akong regalo sa'yo," aniya nang abutan siya nito ng beer.

"Sapat na sa akin na kasama kita ngayon." Inihiga ni Arthur Lance ang ulo niya sa balikat nito. "Pizza, beer, ang paborito kong TV series at ikaw. Kumpleto na yata ang buhay ko." Hinawakan ni Arthur Lance ang kamay niya at pinisil. "May birthday wish pala ako."

“Ano naman iyon?”

“Gusto kitang maka-date sa Valentines.” Dinala nito ang kamay niya sa tapat ng mapupula nitong mga labi at hinalikan. “Pagbibigyan mo ba ako?”

Umangat ang tingin niya sa mukha lalaking hindi niya pinagsisihang mahalin. Hinaplos ni Guinevere ang pisngi ng binata. Gustong-gusto niyang sabihin dito kung gaano niya ito kamahal. Pero alam niyang kabaliwan iyon.

What Arthur Lance and she has is only good while the attraction lasts. At least ganoon iyon sa pananaw ng binata. Isa pa, ikakasal na ito.

Marahang tumango si Guinevere. Kasabay nun ang pagpatak ng mga luha sa kanyang mga mata.

I'm sorry Arthur Lance.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.