Nang matiyak na mahimbing si Jeremy ay iniwan ito ni Esmeralda. Tahimik na ang paligid at sarado na ang mga ilaw. Tanging tanglaw lang ay ang gasera na hawak niya. Tiyak ang lakad niya patungo sa isang kuwarto malapit sa sala. Napansin niya na may ilaw pa ang ilalim niyon. Ibig sabihin ay gising pa ang tumutuloy doon.
Kinatok niya ang pinto. Di nagtagal ay pinagbuksan siya ni Richard. “Nagising ba kita?” tanong niya dito.
“Hindi. I was just about to sleep.”
“Pwede ba tayong mag-usap? ”
Pinagbuksan siya nito ng pinto. “Sige.” Pumasok siya sa kuwarto nito, isinara ang pinto at humalukipkip. Sinandalan niya ang pinto at pinagmasdan lang ito. “Maupo ka muna.” At inilahad nito ang palad sa direksyon ng katre nito.
“Hindi na. Di rin naman ako magtatagal. Kung pwede sana huwag kang mangangako ng mga imposibleng bagay sa kapatid ko.”
Umupo ito sa gilid ng katre. “Anong imposibleng bagay?”
“Tulad ng tuturuan mo siyang mag-surfing.”
“Kung inaalala mo na baka hindi na ako bumalik, huwag kang mag-aalala dahil tutuparin ko ang pangako ko. I will be back. Tuturuan ko ang kapatid mo.”
“May sakit si Jeremy at hindi niya kailangan ng kung anu-anong nakakapagod na gawain.”
“Esmeralda, di dahil may leukemia siya, di na siya pwedeng mag-surfing. May kakilala ako na may leukemia pero nae-enjoy niya ang surfing at ibang activities. Bata pa si Jeremy. Let him enjoy life.”
“Bata pa ang kapatid ko. At hindi siya katulad ng ibang bata na malakas. Wala siyang oras para sa pa-YOLO-YOLO na nalalaman mo. Hindi ko siya hahayaang gumawa ng bagay na ikapapahamak niya. Palibhasa hindi naman ikaw ang gagastos kapag nagkasakit ang kapatid ko. Hindi naman ikaw ang nagpapagamot sa kanya.” Hindi ikaw ang magpapakasal sa lalaking hindi mo mahal para lang matiyak na mabubuhay ang nag-iisang pamilya mo.
Ibinuka nito ang mga kamay. “Hindi mo ba naisip na pwede niyang gawing inspirasyon ang mga pangarap niya para lalong gumaling?”
“Ayaw niyang maghintay na gumaling pa siya. Gusto niya na matuto gaya ng pangako mo. At iniisip na niya ngayon na baka hindi siya gumaling kaya gusto na niyang gawin ang lahat ngayon.”
At napakasakit niyon para kay Esmeralda.
Tumayo ang binata. “Bakit hindi mo siya hayaan na mag-enjoy sa buhay?”
Naningkit ang mga mata niya at dinuro ang dibdib ni Richard. Parang sinasabi nito na mali siya ng pagpapalaki niya sa kapatid niya. “Hindi ako nagsakripisyo ng maraming bagay para lang matiyak na madudugtungan ang buhay ni Jeremy. Para saan ang pansamantalang kaligayahan kung lalala din naman ang sakit niya? Kung ikaw gusto mong ilagay sa alanganin ang buhay mo, ikaw na lang. Huwag mo na lang idamay ang kapatid ko. Wala ka sigurong kapatid o mahal sa buhay na aalalahanin kaya ka ganyan.”
Natilihan ang lalaki. “May kapatid ako at gagawin ko rin ang lahat para protektahan siya. Pero hindi pwedeng habambuhay mo na lang katatakutan ang kaligtasan mo na nakakalimutan mo na kung paano mag-enjoy sa buhay. May ginawa ka ba para sa sarili mo kahit minsan lang sa buhay mo? May ginawa ka ba na nagpasaya sa iyo?”
“Oo naman. Masaya ako na mapagamot ang kapatid ko...”
Pumalatak ang lalaki. “Hindi responsibilidad ang pinag-uusapan dito. Hindi tungkol sa magagawa mo para sa ibang tao. Ano ang nagawa mo para sa sarili mo na nagpasaya sa iyo?”
Bumuka ang bibig ni Esmeralda. “Ahmmm...”
Wala siyang maisip. Kahit bagong sapatos o damit o kahit panonood ng sine ay iniisip muna niya ang kapakanan ng kapatid niya. Kung may bago man siyang gamit, iyon ay dahil gusto ni Aiden. Si Alexa din ang namimili para sa kanya para daw bumagay sa kanya bilang babaeng pakakasalan ng binata.
“Ano na ang nagawa mo kahit na mali sa paningin ng iba, kahit pa nakakatakot ang maaring maging resulta, kahit na alam mong labag sa patakaran ay nagpasaya naman sa iyo?”
“W-Wala pa,” aniya sa mahinang boses. Lagi siyang sumusunod sa mga patakaran. “Basta doon lang ako kung ano ang tama. At ang gusto ko lang makuha ay kung ano ang kailangan ko. Walang mapapahamak, walang masasaktan.”
Ngumiti ang mga mata nito. “You are a good girl then.”
“Kailangan kong isipin ang kapakanan ng kapatid ko. Siya na lang ang pamilya ko. Kapag inuna ko ang sarili ko nang di ko siya iniisip, hindi ko na alam kung ano pa ang mangyari sa akin, sa kanya.”
Umangat ang gilid ng labi ni Richard. “Ang mga sakripisyo mo?”
Gustong mainsulto ni Esmeralda dahil di niya gusto ang bagsak ng salita ng lalaki. Parang minamaliit nito ang mga nagawa niya para sa kapatid samantalang hindi naman nito alam ang buhay niya at ang mga pinagdaanan niya. Baka nga wala pa itong nagawang sakripisyo para sa ibang tao.
“Hindi mo kailangang maging sarkastiko. Mayaman ka kasi. Di mo siguro alam kung ano ang pakiramdam nang walang-wala. Wala akong oras para magpasarap at isipin ang sarili ko.”
“Minsan ka lang mabubuhay sa mundong ito, Esmeralda. Wala ka bang kahit isang bagay na gustong makuha kahit na parang imposible? Kahit parang di tama sa iba?” Humakhang ito palapit sa kanya at inilapit ang mukha sa kanya. “Damn the consequences! Damn what’s right or wrong.”
“I...” Tumutok ang mga mata niya sa labi nito at muli ay mistulang dinidilaan ng apoy ang balat niya. Gusto niyang maranasan kung paano mahalikan ng gaya nito. Kung paano angkinin. Tanging kay Richard lang siya nakadama ng ganoong klase ng simbuyo, hindi sa ibang lalaki.
Pumikit siya. Pero alam niyang mali. Ikakasal na siya. Kahit pa may mga kamay na nagtutulak sa kanya palapit dito, hindi siya dapat sumuko sa temptasyon. Masyadong malaki ang kapalit.
“Esmeralda, Esmeralda…” narinig niyang usal ni Richard. “Kahit minsan subukan mong gawin ang magpapasaya sa iyo. Tell me what’s on your mind. Walang ibang makakaalam. Tayo lang dalawa.”
Animo’y nanghahalina ang boses nito. Inangat ni Esmeralda ang paningin at nakita ang nanuuot na tingin ng binata. Animo’y gusto nitong matuklasan kung ano ang isinisigaw ng puso niya. At sa loob ng mahabang panahon ay wala pang nagtanong kung ano ang tunay niyang nararamdaman, kung ano ang nagpapasaya sa kanya. Ngayon lang may nagka-interes sa kanya.
At nang mga oras na iyon ay nais lang niyang lumaya. Lahat ng pag-aalinlangan niya ay kinalimutan niya. Nang mga oras na iyon, hindi siya isang mabuting kapatid, matulunging kapitbahay o maasahang kaibigan. Gusto lang niyang maging si Esmeralda.
Binasa ng dalaga ang labi at lakas-loob inangat ang kamay. Nanginginig niyang hinaplos ang mukha ni Richard. Halos hindi siya humihinga. Gusto lang niyang malaman kung ano ang pakiramdam na haplusin ang lalaking nagpaparamdam na babae siya sa unang pagkakataon sa buhay niya.
Parang may kuryente na tumalunton sa daliri niya nang dumampi ang balat sa balat ng binata. Narinig niya ang pagsinghap ng binata. Napapitlag siya at binawi ang kamay. Baka hindi nito gusto ang ginawa niya.
Sinapo nito agad ang kamay niya at ibinalik sa mukha nito. “Touch me. Touch me anywhere. I like it,” usal nito sa malat na boses.
Huminga ng malalim ang dalaga at tinalunton ng daliri niya ang labi nito. Mainit iyon at malambot na nangangako ng nakakabaliw na halik. Halik. Hindi pa siya nahahalikan ni Aiden kahit na kailan. Hanggang pisngi lang o dampi sa gilid ng labi. Ni hindi siya nakakadama ng kuryosidad. Ano kaya ang pakiramdam?
Kumabog ang dibdib niya. Papayag kaya si Richard sa ideya?
“Sabihin mo kung ano ang gusto mo, Esmeralda,” utos nito sa nang-aakit na boses. Natuon din ang mga mata nito sa labi niya. “Gawin mo kung ano ang gusto mo.”
Humawak siya sa balikat ng lalaki. Bumuka ang bibig ng dalaga para sabihin ang nais pero natatakot siya na sa huli ay mawalan siya ng lakas ng loob o tanggihan siya nito. Tumingkayad siya at idinikit ang labi sa labi nito. Magaan lang ang halik na iyon noong una. Hindi niya alam kung ano ang dapat gawin.Umaasa siya na sasagutin ng binata ang halik niya.
Hinawakan ng binata ang magkabila niyang pisngi na parang ingat na ingat. Saka marahang gumalaw ang labi nito, ninanamnam ang halik. Pero walang duda na nais nitong ipadama sa kanya na maganda siyang babae at kaakit-akit. Inengganyo siya ng labi nito na ibuka iyon para at saka nanaliksik ang dila nito papasok.
Bago iyon para sa kanya. Nakadama siya ng panghihina ng tuhod. Mahigpit siyang kumapit sa balikat ng binata at nagpaangay sa bawat sensasyong naibibigay nito sa kanya. Kahit pa malunod siya basta nakakulong siya sa mga bisig nito ay wala siyang pakialam.