Halos manghaba na ang leeg ni Fabio habang tinatanaw niya ang malaking bahay kung saan nakatira si Vanessa. Nakasandal siya sa hood ng kotse niya at pasipol sipol habang matiyagang naghihintay. Nakapagtanong tanong na siya sa mga kapitbahay ng dalaga at nalaman niya maliban sa pagtuturo ay wala naman itong ibang pinagkakaabalahan. Kapag sabado ng hapon daw ay umaalis si Vanessa para maggrocery.
Mas lalo pa siyang namangha sa mga nalaman niya tungkol sa dalaga. Maliban sa isa pala itong teacher ay mabait daw ito sa mga kapitbahay. Madalas nga daw itong magbigay ng masarap na ulam. Aaminin niya na weakness niya ang pagkain dahil magaling magluto ang mommy niya. Wala pa siyang nakikilalang babae na magaling magluto—maliban sa kaniyang ina—kaya nakaramdam siya ng matinding excitement.
Ano kaya ang pakiramdam kapag nagising siya sa umaga na ang masarap na ulam na iniluto ni Vanessa ang una niyang matitikman? Napapalatak siya sa naisip. Masyado na nitong sinasakop ang buong sistema niya. Isang buwan ng hindi active ang social life niya dahil mula nang makilala niya ito ay parang nawalan na siya ng ganang makipaglapit pa sa ibang babae. Palagi na lang ito ang laman ng isip niya. Malapit na nga siyang magpatingin sa psychiatrist dahil sa mga kakaibang nangyayari sa kaniya. Kahit ang mga kapatid niya ay nagtataka na dahil napasin ng mga ito na hindi na siya gumagala sa gabi.
Ang sabi ni Jaime ay baka masyado lang siyang nachallenge kay Vanessa dahil ngayon lang nangyari na hindi niya nakuha ang isang babae. Nasaktan daw siguro ang pride niya. Kaya ang plano niya ngayon ay suyuin ang dalaga at sa oras na makuha na niya ang gusto ay baka sakaling makontento na siya.
Right. Napatango siya at ipinagkrus ang mga braso sa dibdib niya. Wala pa siyang nagugustuhang babae na hindi niya nakukuha at hindi exemption doon si Vanessa. Sa lahat ng mga babaeng nakilala niya ay ngayon lang siya naranasan ang ganoon na habang tinititigan niya ang magandang mukha nito ay para siyang mas lalong nakakaramdam ng matinding excitement.
Pero ang nakapagtataka ay hindi man lang siya nakaramdam ng disappointment nang puntahan niya ito noong isang araw at makita niya ang napakasimpleng ayos nito. Kahit na natatakpan ng makapal na salamin ang magandang mga mata ni Vanessa ay hindi naging dahilan iyon para mapigilan niya ang mabilis na tibok ng puso niya. Nakakatawa mang sabihin pero nang makita niya ang simpleng ayos nito ay parang mas natuwa pa siya. Mas gusto niya iyon kaysa sa nakilala niyang Vanessa sa bar at basta na lang nang iwan sa kaniya sa gitna ng….
“Nandito ka na naman?”
Mabilis na nag angat ng ulo si Fabio. Masyadong malalim ang iniisip niya kaya hindi na niya namalayan pa ang pagbukas ng gate at ang paglapit ni Vanessa sa kaniya. Daig pa niya ang teenager na ngayon lang nakita ang crush niya dahil bigla na lang ay kumabog ng malakas ang dibdib niya. Napahinga siya ng malalim para kalmahin ang sarili. Hindi naman siya torpe at mas lalong hindi siya mahiyain. Pero bakit ba kapag nakikita niya ang simpleng Vanessa ay natutunaw siya?
“Hinihintay kita,” mabilis na sabi niya at tumayo na. Pinagmasdan niya ito. Suot na naman nito ang eyeglasses nito. May design ng Pokemon ang oversized t-shirt na suot nito na tinernuhan nito ng maong shorts. Nagmukha itong estudyante sa porma nito dahil maliban sa medyo maliit ang height ay babyface ang dalaga. Nag iiba lang talaga siguro ang aura nito kapag naglagay na ito ng make up at nagsuot ng dress na revealing ang dating.
“Bakit?” mataray na tanong ni Vanessa.
Napaubo siya nang marinig ang pagkairita sa boses nito. Kung posible lang sigurong magbuga ito ng apoy dahil sa inis sa kaniya ay baka ginawa na nito iyon. Nahagod niya ang batok at muling nagsalita.
“Baka lang kasi gusto mo ulit makalimutan ang boyfriend mo. Nandito naman ako, single and ready to mingle.” Sabi niya at kinindatan pa ito.
Naikurap ni Vanessa ang mga mata. Nahuli niya ang pamumula ng mga pisngi nito kaya napangiti siya.
“Princess, you’re blushing, hindi ka na makakapagdeny pa. Gusto mo talaga ako.”
Napasinghap ito at nang makabawi ay pinanlisikan siya ng mga mata.
“Kung gusto kong makalimot sa manlolokong ex boyfriend ko, bakit pa kita iisipin? Maraming lalaki diyan.” Anito at nilampasan na siya.
Napalis ang ngiti sa mga labi niya. Tama ba ang narinig niya? bakit parang sa halip na masaktan lang ang pride niya ay inatake pa siya ng matinding selos nang maisip na pwede nitong ulitin ang ginawa sa bar at wala itong pakialam kung sinong lalaki pa ang lumapit dito?
Mabilis ang mga hakbang na hinabol niya si Vanessa. Napansin siguro nito na sinusundan niya ito kaya mas lalo pa nitong binilisan ang paglalakad. Nang maabutan niya ito ay agad na hinarang niya ito.
“Marami pa akong gagawin, Mondemar. Kung marami kang oras para makipaglokohan, pwes, huwag ako ang istorbuhin mo. Hindi ako katulad mong nakahiga sa pera at pwedeng sayangin ang oras sa mga walang kwentang bagay.” Seryosong saad nito.
Napabuntong hininga siya at ng hindi na makontrol pa ang emosyon ay pinigilan niya ito sa mga braso at sinalubong ito nang nalilitong tingin.
“Ano ba ang nangyari sa Vanessa sa nakasama ko sa bar at sa Vanessa na nakikita ko ngayon? May split personality ka ba—”
“Wala!”
“Then why are you doing this to me?” desperadong tanong niya.
Bumakas ang pagkagulat sa mga mata nito. Hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isip nito ngayon pero pakiramdam niya ay napakarami nitong gustong sabihin sa kaniya at parang may kung pumipigil lang dito na magsalita.
But why?
“I hate you.” Mahinang sabi nito.
Kumunot ang noo niya. “Why? May nasabi ba akong hindi maganda sa`yo noong unang beses na nagkita tayo? May hindi ka ba nagustuhan sa ginawa natin—sorry.” Natigilan siya at hindi na naituloy pa ang saasbihin nang tingnan siya nito ng matalim.
“Palagi ka na lang sumusulpot kung kailan mukha akong manang, sinong matutuwa sa ganoon?”
Namilog ang mga mata niya dahil sa pagkabigla. Nang tuluyan na niyang maiproseso sa isip ang gustong sabihin nito ay malakas na natawa siya.
“Huwag mo akong pagtawanan!” bulyaw nito sa kaniya.
“Pero mas gusto kong nakikita ka na simple lang. Mas naa-attract ako sa`yo dahil mas maganda ka kapag wala kang makeup.”
Muling namula ang mga pisngi nito. Kumibot ang mga labi ni Vanessa at nang makita ang paparating na tricycle ay pinara iyon.
“Huwag na huwag mo akong susundan, naiintindihan mo?” banta nito.
Itinaas niya ang mga kamay tanda na sumusuko na siya. Sa ngayon.
“Babalik din ako dahil gusto kong makita na nagtuturo ka sa mga bata. Bye, princess!”
“Ewan ko sa`yo!” nakasimangot na inirapan siya ni Vanessa.
Kumaway lang siya at nagflying kiss pa sa dalaga. Mas lalo pa siguro itong nainis sa ginawa niya dahil namumula na ng sobra ang mga pisngi nito. Napangiti na lang siya at tinanaw ang papalayong tricycle.
Habang tumatagal ay mas lalo siyang nahahamon dahil sa pagpapakipot ni Vanessa. Hindi ito katulad ng iba na nadadala sa isang kindat lang niya. Napakamisteryosa ng babae at curious siya kaya gusto niyang mas makilala pa ito.
Really, Fabio Angelo Mondemar? Iyon lang talaga ang gusto mong gawin? Nang aasar na tanong niya sa sarili. Mahinang napaungol siya. Bakit ba nangungulit na naman sa kaniya ang mainit na tagpo na pinagsaluhan nila ni Vanessa. May pag asa pa nga kaya na maulit iyon?
********************************************************************************
“Luka-loka ka talaga, palay na nga ang lumalapit tapos aayaw ayaw ka pa?”
Hindi umimik si Vanessa habang patuloy ang panenermon sa kaniya ni Geraldine. Hindi niya matiis na hindi ikwento dito ang nanyari noong isang araw kung saan bigla na lang sumulpot si Fabio. Pinagtawanan siya nito pero bandang huli ay sinermunan naman siya nang maisip nito na hindi biro ang pagkakataon na pinakawalan niya.
“Masyado mong tinatarayan si Fabio, baka mamaya mainis na iyon sa`yo at hindi na magpakita ulit.” Sabi pa ni Geraldine.
Napailing siya at itinuloy ang pagsuklay ng mahabang buhok habang pinagmamasdan niya ang sarili sa malaking salamin. Ala una ng hapon magsisimula ang klase niya kaya kailangan na niyang maghanda. Si Geraldine naman ay pang umaga ang klase. Iisang classroom lang naman ang mayroon sa ibaba ng bahay nito. Balak nga sana nito na hatiin ang first floor sa dalawang parte para hindi na nila kailangan pang maghati sa oras. Pero tumanggi naman siya dahil hindi rin siya magtatagal sa Mondemar. Kapag naisagawa na niya ang plano ay aalis siya at hindi na muling babalik pa sa lugar na iyon.
“Babalik iyon,” naninigurong saad niya.
Pinamaywangan siya ni Geraldine. “Paano mo naman nasabi, aber?”
Ngumisi siya at tiningnan ito. Nakatayo ito sa likuran niya kaya natatanaw niya ito mula sa salamin.
“Basta lang.”
“Ay naku talaga naman!” natampal nito ang noo at sa nakikita niyang inis sa mukha nito ay parang gusto na siya nitong batukan. Alam niya kung bakit determinado ito na tulungan siya. Maliban sa naging close sila noong high school ay gusto nitong makita kung paano niya sasaktan si Fabio. Maraming babae daw ang umiyak ng dahil sa binata kaya tama lang na turuan niya ito ng leksiyon.
Mayamaya ay natigilan siya habang nilalagyan niya ng manipis na lipstick ang mga labi niya. Paulit ulit na bumalik sa isip niya ang paghalik ni Fabio sa kaniya noong isang araw. Napahinga siya ng malalim at pilit na itinaboy iyon sa isip niya. Malakas ang loob niyang ipagtabuyan ito dahil naramdaman niya sa mga halik nito na interesado talaga ito sa kaniya. Kung bibigay agad siya dito ay baka mawalan agad ito ng interes sa kaniya.
Ganoon naman kadalasan ang mga playboy na katulad ni Fabio. Sa oras na mahamon ang mga ito ay mangungulit hangga’t hindi nakukuha ang gusto. Paano niya makukuha ang puso nito kung hindi niya ito hahayaan na paghirapan siya?
Kailangan na rin niyang magbago ng strategy dahil parang nag iba na ang tingin sa kaniya ng binata nang makita nito ang simpleng ayos niya. Pinanindigan na rin niya ang hinala nito na gusto lang niyang makalimutan ang dati niyang boyfriend kaya siya nagpunta sa bar. Tingnan lang niya kung hindi ito masaktan kapag ipinamukha niya dito na isang simpleng babae lang pala—at hindi katulad ng mga sosyal na babaeng pinopormahan nito—ang dudurog sa puso nito.
“Nandiyan na ang mga estudyante mo.” Ani Geraldine. Tumayo na siya at dinampot sa ibabaw ng cabinet ang dalawang malaking balot ng lollipop. Bago siya magsimula sa klase ay binibigyan na muna niya ng candies ang mga estudyante niya. May ibang mga bata kasi na ayaw humiwalay sa magulang kaya kailangan pa niyang libangin at bigyan ng pagkain. “Nag effort talagang mag ayos, ha? Infer! Hindi ka na mukhang haggard na teacher sa hitsura mo ngayon.”
Kinindatan niya ito. Ready na siya sa battle. Kahit na simple lang siyang tingnan ay kailangan na maayos pa rin ang hitsura niya dahil baka bigla na lang sumulpot si Fabio. Nawawalan kasi siya ng self-confidence kapag mukha siyang losyang at bigla na lang itong magpapakita sa kaniya.
Sinipat niya ang sarili sa salamin at nang makontento naman sa hitsura niya ay bumaba na siya sa first floor ng bahay. Naabutan niya ang mga estudyante niya na masayang naglalaro sa isang sulok ng classroom kung saan may nakalagay na malaking tent na mickey mouse ang design.
Tent? Teka kailan pa nagkaroon ng tent sa classroom nila? Agad na kumunot ang noo niya. Hindi naman lumalabas ng bahay si Geraldine kaya imposibleng ito ang bumili niyon. Hindi rin nito hilig ang umorder sa mga nauusong online shop ngayon kaya paano nagkaroon ng tent doon?
“Yey! May house na kami!”
Nalilito na siya sa nangyayari habang ang mga estudyante niya ay nagkakagulo na at nag uunahan sa pagpasok sa loob ng tent. Ilang sandali siyang nanatiling nakatayo lang at pinagmasdan ang mga bata. Malaki ang tent kaya kahit siya ay magkakasya sa loob niyon. Siguradong mamahalin iyon dahil ganoon ang mga klase ng tent na nakikita niya noong nasa London pa siya at umeekstrang tutor sa mga bata.
Bigla ay nanlaki ang mga mata niya at para siyang ipinako mula sa kinatatayuan niya nang lumabas mula sa tent si Fabio. Hindi niya mapigilan ang malakas na pagkabog ng dibdib niya nang magtama ang mga mata nila. Napansin niya ang pagngiti nito pero hindi niya magawang gumanti ng ngiti dito o kahit simangutan man lang ito. Lumipad na siguro sa Mars ang katinuan niya nang makita ang pawisang hitsura nito.
Nang maramdaman na parang may humihila sa laylayan ng blouse niya ay mabilis na nagbaba siya ng tingin nang makita ang estudyante niyang si Mawie.
“Teacher, boyfriend mo po ba siya? Sabi po ng mommy ko sikat daw po si kuya pogi. Siya rin po ang nagkabit ng tent, gift daw po niya sa amin para hindi daw po kami masyadong makulit.”
“Ah…” napakamot siya sa batok at hindi alam kung ano ang isasagot sa paslit. Pinilit niyang ngumiti at ginulo ang ibabaw ng ulo nito. “Sige na, magplay na muna kayo. Mamaya magsasayaw na tayo, okay?”
Tumango ang paslit at tumakbo palapit sa tent. Iglap lang ay bumilis ang paghinga niya nang makita niya si Fabio na papalapit sa direksiyon niya. Pawisan pa rin ito at medyo narumihan na ang suot na blue t-shirt. Nakagat niya ang mga labi nang pasadahan niya ng tingin ang kabuuan nito. Simple lang naman ang porma nito pero nagagawa pa rin nitong pabilisin ang tibok ng puso niya. Ipinilig niya ang ulo at pilit na itinaboy ang mga kakaibang nararamdaman niya. Galit siya kay Fabio dahil sa ginawa nito sa kapatid niya. Hindi siya dapat na makaramdam ng atraksiyon dito dahil baka sa bandang huli ay siya pa ang masaktan.
“Good afternoon, butterfly.”
Naikurap niya ang mga mata nang marinig ang pagtawag nito sa kaniya. Para siyang ice cream na natutunaw dahil sa mainit na mga titig nito. Malakas na tumikhim siya at lihim na sinaway ang sarili. Hindi dapat siya magkamali o mataranta sa harap nito dahil hindi naman siya inosente sa mga bagay na gustong mangyari ni Fabio. Ilang beses na siyang pumasok sa relasyon at puro kapalpakan lang naman ang dala niyon sa kaniya. Dapat ay hindi na siya maapektuhan pa kapag nasa malapit lang ang binata dahil alam niyang wala rin itong ipinagkaiba sa ibang lalaki na sex lang ang habol sa mga babae.
“Mr. Mondemar, mukhang nagkamali ka yata ng pagdeliver ng tent. Wala akong natatandaan na umorder kami ng mamahaling tent sa company ninyo.” Pormal na wika niya.
Sa pagkakaalam niya ay may pag aaring international toy company ang pamilya nito at isa sa mga pinsan nito ang ang nagpapatakbo ng kompanya.
“Regalo ko `yan sa mga bata para huwag ka na nilang pahirapan pa.”
Natahimik siya ng ilang segundo at nang maisip kung ano ang gusto nitong sabihin ay pinanlisikan niya ito ng mga mata.
“Nang aasar ka ba?” pasimpleng asik niya sa binata. Pinapalabas nito na masyadong makukulit ang mga estudyante niya kaya palagi siyang mukhang haggard.
Naaaliw na umiling naman si Fabio. “Nagpapapansin lang.”
Pakiramdam niya ay tumigil sa pagtakbo ang oras niya ng dahil sa sinabi nito. Napalunok siya nang salubungin siya nito ng tingin. Napaatras siya ng mas lalo pa itong humakbang palapit sa kaniya. Parang gusto nang sumabog ng dibdib niya dahil sa matinding kaba. Napapasinghap siya kapag nanunuot sa ilong niya ang amoy ng cologne ni Fabio. Lalaking lalaki ang dating ng pabangong gamit nito at mas lalo pang nagpapabilis iyon sa tibok ng puso niya. Nawawala na rin ng lakas ang mga tuhod niya dahil sa klase ng tingin na ibinibigay ng lalaki sa kaniya.
Muli siyang tumikhim ng malakas at sinalubong ito ng naghahamong tingin. Ipinagkrus niya ang mga braso sa bandang dibdib niya at nakaarko ang isang kilay na nagsalita.
“Nanliligaw ka ba?”
Bumakas ang pagkalito sa mga mata ni Fabio. Napangisi siya. Alam niyang wala sa style nito ang panliligaw kaya matatalo niya ito ngayon. Pinigilan niya ang matawa nang mapansin ang pagkibot ng mga labi ng binata. Pero hindi niya inaasahan na makakabawi agad ito. Halos mawindang siya sa sunod na sinabi nito sa kaniya.
“Paano kung sabihin ko sa’yo na oo liligawan nga kita, anong gagawin mo?”
Whaaat? Seryoso?!