Nakakahiya!
Maluha luha si Allyson sa labis na kahihiyan. Ilang beses pa siyang napabahing habang nababalot siya ng makapal na kumot. Hanggang ngayon ay parang nararamdaman pa rin niya ang malamig na tubig sa katawan niya.
“Okay ka na ba?” tanong ng tagapagligtas niya.
Hindi siya tumingin kay Jaime. Nanatili lamang siyang nakayuko at manaka nakang ipinipikit ang mga mata. Matapos siya nitong iligtas kanina mula sa kamuntik na niyang pagkalunod sa ilog ay agad na dumiretso sila sa bahay ng debutante.
Nagsimula nang magtrabaho si Yara habang sila naman ay inasikaso agad ni Aling Tesing na ina ng debutante. Pinahiram sila nito ng mga pampalit na damit para hindi daw sila magkasakit. Dahil malapit nang magsimula ang okasyon at medyo maingay na ay sa likod ng bahay kung saan mayroong maliit na kubo sila dinala ng matanda.
Nang malaman ni Aling Tesing kung sino ang kasama niya ay para silang mga celebrity na inasiko nito ng todo. Ipinagtimpla pa sila nito ng mainit na kape para mainitan daw ang mga sikmura nila.
May mesa na yari sa kahoy ang nakapagitna sa kanila ni Jaime. Napansin niya sa sulok ng mga mata niya na ikinukuskos nito ang hawak na tuwalya sa basa nitong buhok. Nang bumaba ang tingin niya sa suot nitong t-shirt na may tatak pa ng pangalan ng mayor sa bayan nila ay napakagat labi siya. Bumabakat sa tela ng damit nito ang malapad na dibdib nito. Kahit ang mga muscles sa magkabilang braso nito ay hindi magawang maitago ng damit. Kahit ano pa marahil ang ipasuot dito ay kusang lulutang ang kakisigan nito.
Walang anu-ano ay biglang tumayo si Jaime at lumipat ng upo sa tabi niya. Dahil sa bandang dulo pa ang pwesto niya ay hindi na siya makadasig pa. Malakas na napasinghap siya nang magsimula itong ikuskos sa basang buhok niya ang hawak nitong tuwalya.
“J-jaime…” hindi niya malaman kung papaano ito sasawayin. Napilitan siyang mag angat ng tingin sa lalaki.
Napalunok siya nang masamyo ang natural at mabangong amoy ng katawan nito. Ngayon na napakalapit nito sa kaniya ay parang gusto niyang mapabunghalit ng iyak. Ilang linggo din niyang hinanap hanap ang amoy nito. Halos mabaliw na siya sa paghahanap ng ganoong klase ng amoy na pabango sa mga tindahan sa mall huwag lang siyang makaramdam nang pangungulila dito.
“Bakit ka ba kasi nandito?” pigil ang paghingang tanong niya sa lalaki.
Patuloy lang ito sa ginagawa na animo ay napakanatural na tagpo lang iyon para sa kanilang dalawa. Bakit nga ba hindi niya pinansin noon ang mga kakaibang nararamdaman niya noong magkasama pa sila? siguro ay marahil ay sinasaway niya ang sarili dahil may nobyo pa siya noon at alam niyang mali ang magkagusto siya sa iba.
“Nanggaling ako sa inyo, wala ka daw sabi ng mommy mo,” bumaba sa mga pisngi niya ang hawak nitong tuwalya at saka ito tumingin sa kaniya.
“A-ang mommy? sinabi mo ba sa kaniya ang tungkol sa atin?” agad na tumahip ang dibdib niya dahil sa matinding kaba. Napangiti naman ito na halos ikawindang ng buong sistema niya.
“Tungkol sa atin? hmm..”
“Jaime!” pinanlakihan niya ito ng mga mata.
“Wala akong sinabi, ang sabi ko lang sa kaniya ay hinahanap kita at sinabi niya na dito nga kayo papunta ng kapatid mo.” kahit magulo ang buhok ay napakagwapo pa rin nitong tingnan. Siguradong magkakagulo ang mga kababaihan kapag nagsimula na ang okasyon at lumabas ito mamaya.
“Bakit mo ba kasi ako hinahanap? Dahil ba sa mga bata? Pakisabi na lang sa kanila na ipapasyal ko sila ngayong week. Pero iyon ay kung papayagan mo sila na ilabas ko?” kagat labing tanong niya. Tumango ito at nagsimula naman suklayin ng mga daliri ang buhok niya.
Pakiramdam niya ay may dumadaloy ng kuryente sa tuktok ng ulo niya pababa sa leeg hanggang sa ilalim ng talampakan niya. Panaginip lang ba ang nangyayari ngayon? baka naman mamaya ay magising siya at madismaya lang dahil hindi naman pala totoo na kasama niya si Jaime ngayon. Huwag naman sana dahil baka lumuha siya ng ilang balde.
“Saka na muna natin pag usapan ang mga bata. Nakausap ko na ang mommy mo, nagpaalam na ako sa kaniya na manliligaw ako sa'yo. Nagulat siya pero pumayag din naman sa huli. Sa tingin mo kapag nalaman na niya ang totoo magagalit siya sa akin?”
“Hindi mo kilala ang mommy ko, iba magtanim ng galit iyon tumutubo—ha?”
Tama ba talaga ang narinig ko? hinawakan niya ang ilalim ng tenga at nalilitong tumingin kay Jaime.
“A-ano ulit iyon sinabi mo?” halos hindi na humihingang tanong niya sa binata. Muling pumaloob sa ilalim ng buhok niya ang mga daliri nito at naaaliw na tumingin sa kaniya.
“Alin sa mga sinabi ko, marami rami iyon?”
“I-iyong..iyong..”
Jusko! huwag po ninyo akong paasahin dahil baka umabot hanggang sa Edsa ang atungal ko. Mahirap po ang mabigo, sa totoo lang po..
“Iyong…liligawan kita?”
Napaawang ang mga labi niya. Walang kasing bilis ang tibok ng puso niya at halos hindi na niya mahabol pa ang paghinga niya. Animo ay may mga paruparo ang nagsimulang magliparan sa loob ng sikmura niya kaya parang hinahalukay ang loob niyon.
“Ate, tapos na ang trabaho ko. Anyare na sa inyo diyan?” humahangos na lumapit sa kanila si Yara. Dumako sa mga pisngi niya ang mga palad ni Jaime at kontentong humaplos haplos doon. Napakainit ng mga palad nito at nagsilbing heater iyon sa nilalamig na katawan niya.
Napansin niya na natigilan si Yara. Tumayo ito sa bungad ng kubo at nakatulalang tumingin sa kanila ni Jaime. Nang sulyapan ito ng binata ay halos hindi na ito magkandatuto sa pagsasalita.
“G-good afternoon po Mr. Mondemar,”
“Kuya Jaime ang itawag mo sa akin. Hindi naman maganda na habang nililigawan ko ang ate mo ay ganiyan pa rin ang tawag mo sa akin.”
“Manliligaw ka kay—” natutop ni Yara ang dibdib. Napasandal ito sa mataas na kahoy at malakas na tumili ito habang nagwa-walling.
Dahan dahan niyang ipinikit ang mga mata. Totoo nga na nasa harap niya si Jaime at gusto din daw siya nitong ligawan. Malaking patunay na ang nakakabinging pagtili ni Yara na hindi nga siya nangangarap lang ng gising.
“Jusko lord!” hirit pa ng eskandalosa niyang kapatid.