Chapter THE MAGIC IN YOU 15

Pagkatapos umextrang clown sa birthday party ay nagpasiyang umuwi na agad si Suzy. Malaki laki ang kinita niya ngayong araw kaya nakapaggrocery pa siya at bumili ng ulam para sa gabihan nila.

Dahil maaga pa naman ay tinakpan na muna niya ng plangganita ang binili niyang bangus na isda at dumiretso sa sala. Mamaya na lang siya magluluto dahil mas gusto niya na makapagpahinga na muna.

Kasama niyang nanonood ng TV ang lolo Impeng niya. Nakakatuwang isipin na nitong mga nakaraang araw ay mas bumubuti na ang pakiramdam ng matanda. Hindi na ito madalas na inaatake ng asthma nito. Nakatulong siguro na hindi gaanong maalinsangan ang panahon ngayon dahil malapit na rin sumapit ang tag ulan.

Kaninang umaga lang ay pilit na kinukumbinsi pa siya ng lolo niya na gusto na daw nitong bumalik sa trabaho. Magician din kasi ito na kagaya nila ni tata Denong. Siyempre pa ay tumanggi siya. Alam niyang kaya nito pero mas gusto niyang magpahinga na lang ang matanda sa bahay at huwag nang intindihin pa ang tungkol sa mga gastusin nila.

“Kamusta pala ang itinatayong amusement park, Suzy, patapos na ba?”

Habang nakatutok ang mga mata niya sa maliit na TV nila ay saglit na natigilan siya at nilingon sa tabi niya ang lolo niya. Pinilit nitong ngumiti para mabawasan ang tensiyon sa paligid nila. Kahit hindi magsalita ang lolo Impeng ay alam naman niya na nahihirapan pa rin itong tanggapin ang sitwasyon ng peryahan nila. Hindi naman niya inilihim dito na sa loob ng ilang buwan ay hindi na talaga sapat ang kinikita nila.

“Matagal tagal pa siguro iyon 'Lo,”

Tumango ito at parang nauwi na sa malalim na pag iisip ang pananahimik nito. Kapag ganoon na ang nagiging reaksiyon nito ay natatahimik na lang siya at hinihintay na muling magsalita ang matanda.

“Ilang araw ko nang pinag isipan ito at sa palagay ko ay magiging tama lang ang desisyon ko na ibenta na lang ang peryahan. Alam mo naman na maraming may gustong bumili ng lote natin 'di ba?”

“Lolo!” nagimbal siya sa narinig.

Hindi makapaniwalang tumingin siya dito. Sa mga sandaling iyon ay parang gusto na niyang mapabunghalit nang iyak. Importante sa kaniya ang peryahan at ang mga tauhan nila dahil malaking pamilya na rin ang turingan nila sa mahabang panahon na nakasama niya ang mga ito.

Napailing siya at nag angat ng tingin sa kisame para pigilan ang pagpatak ng mga luha niya. Kapag nagdesisyon na ang lolo niya ay alam niyang wala na siyang magagawa pa. Kahit pilitin niya pa ito ay alam niyang hindi na magbabago pa ang isip nito. Sa palagay niya ay dito siya nagmana pagdating sa katigasan ng ulo.

Tinapik siya ng lolo Impeng niya sa balikat at muli itong nagsalita.

“Alam kong ako ang huling inaasahan mo na magdedesisyon ng ganito, apo. Pero ikaw lang naman ang iniisip ko. Gusto kong ipagpatuloy mo na ang pag aaral mo at magkaroon ka ng magandang buhay. Dapat nga ay hindi mo na ako iniintindi pa.”

“Lolo naman eh!” tuluyan na siyang napaiyak. Naputol ang seryosong pag uusap nilang dalawa nang humahangos na dumating ang mga kuya niya.

Nagtatakang tiningnan niya ang mga ito. Nag uunahan pa sa pagsasalita ang dalawa kaya wala siyang maintindihan sa sinasabi ng mga ito.

“Ano ba kayong dalawa!” galit na saway ng lolo Impeng nila. “Nag uusap kami dito tapos bigla na lang kayong mang iistorbo.”

“Eh kasi lolo….” Excited na naupo sa katabing silya ng lolo niya si Jepoy. “Buntis na si Joy!”

“May good news din ako sa'yo lolo Impeng, buntis na rin po ang asawa ko.” Singit naman ni Jonel.

Saglit na hindi sila nakapagsalita ng lolo niya. Nakatitig lang siya sa matanda na para bang hinihintay ang sunod na sasabihin nito.

Nanlaki ang mga mata niya ng bigla itong mapahalakhak ng malakas.

“Lolo, nangako ka na kung sino man ang magkakaroon ng anak ang siyang pamamanahan mo nitong carnabal.” Sabi pa ni Jepoy.

Umiling ang lolo nila at tinapik ito sa balikat.

“Sinusubukan ko lang kayo kung hanggang saan ang kaya ninyong gawin.”

“Lolo!” magkakasabay na bulalas nilang tatlo. Nanigas siya mula sa kinauupuan niya at nanginginig ang kalamnan na kinuyom niya ang isang palad.

“Ngayon ko napatunayan na napakatuso ninyong dalawa. Nakahanda talaga kayong gawin ang lahat para lang mapunta sa inyo ang negosyo na ipinamana pa sa akin ng mga magulang ko. At anong gagawin ninyo kung totoo man nga na ibigay ko sa isa sa inyong dalawa ang carnabal ko? Ibebenta ninyo? Sa akala ba ninyo ay hindi nakarating sa akin ang balita na marami na kayong kinausap na prospect buyer ng carnabal?” singhal ng matanda.

Hindi nakapagsalita ang dalawang kuya niya at namumutlang tumingin lang dito. Nag aalalang nilapitan naman niya ang lolo niya nang mapansin na nahihirapan na itong huminga ng maayos.

“Kunin ninyo ang inhaler ni lolo!” nanginginig sa takot na utos niya.

Tumakbo naman si Jonel para kunin ang inhaler sa kwarto ng lolo nila at ibinigay iyon dito.

“Ibebenta ko ang carnabal pero bibigyan ko lang kayo ng sapat na pera para makapagsimula ulit. Kailangan makapag aral ng kapatid ninyo dahil iyon na lang ang maibibigay ko sa kaniya sa mahabang panahon na hindi niya tayo pinabayaan.”

Humihikbing niyakap ni Suzy ang matanda at mariing ipinikit niya ang mga mata. Alam niyang hindi na siya nag iisa sa laban na iyon. Kasama niya ang lolo Impeng niya at nakahanda itong suportahan siya para sa mga pangarap niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.