“Ito na ba iyong palagi mong sinasabi sa akin noon na darating ang oras na kung hindi man ikaw ang para sa akin ay may makilala akong taong nakatadhana sa akin? Noon, palagi kang naiinis dahil madalas na wala na akong oras para sa'yo. Magiging unfair ba ako sa'yo Eunice kung sasabihin ko na nahanap ko na ang taong tinutukoy mo? Maiinis ka ba kapag nalaman mo na gusto kong ibigay sa kaniya ang lahat ng oras ko?
Nakakatawa 'di ba? Alam mong hindi ako dating ganito. Kilala mo ako. Mas inuuna ko pa ang negosyo kaysa sa mga date natin noon. Pero ngayon biglang nagbago ang mundo ko.
Binago mo na noon ang mundo ko nang mawala ka sa akin. Pero dumating siya at ipinakita niya sa akin ang bagong mundo. Sabi mo noon sa akin hindi naman talaga ganoon kalalim ang pagmamahal ko sa'yo dahil second priority lang naman kita palagi. Sabi mo pa, kapag mahal mo kasi ang isang tao dapat walang first,second o third priority dahil dapat na palaging siya lang ang inuuna mo. Ngayon ko na naiintindihan ang lahat.
Sorry kung marami akong naging pagkukulang sa'yo. I still love you, Eunice..mananatili kang parte ng buhay ko.”
Nakangiting tiningala ni Juancho ang langit at kontentong pinagmasdan niya ang mga ulap. Itinaas niya ang mga kamay na para bang inaabot ang mga ulap at ibon na nakikita niya doon.
Kung kasama lang siguro niya ang mga kapatid niya ngayon ay baka pagtawanan na siya ng mga ito. Dati kasi ay hindi naman niya ugali na tumambay sa rooftop ng pag aari niyang hotel at pagmasdan ang langit.
Noon ay kulang na kulang pa ang oras niya para sa tambak na trabaho sa opisina. Ang mga magulang naman niya ay mas gusto pa daw ang bagong siya. Madalas na kasi siyang umuuwi ngayon sa mansiyon nila, hindi kagaya noon na nagpapalipas na lang siya ng gabi sa opisina o hotel kapag gusto niyang magpahinga.
Mas masigla daw siyang tingnan ngayon sabi pa ng mommy niya. At nang kulitin siya ng mga ito kung may espesyal na babae na ba ang nagpapangiti sa kaniya ay mas pinili niya na manahimik na muna.
Mas gusto niyang masolo ang atensiyon at oras ni Suzy bago niya ito ipakilala sa pamilya niya. Kilala niya ang kaniyang ina, sa oras na makilala at makasundo nito si Suzy ay siguradong tatawagan nito madalas ang babae para yayaing lumabas at mamasyal.
Siyempre ay gusto niyang mangyari iyon sa dalawang babaeng espesyal sa kaniya pero hindi pa siguro ngayon. Masyado pa siyang nasasabik sa mga oras na makakasama niya si Suzy at gusto niyang masolo na muna ito.
“Juancho?”
Mabilis ang ginawang paglingon ni Juancho nang marinig niya ang tinig ni Suzy. May usapan sila na magkikita ngayon sa rooftop ng hotel building.
Kanina pa siya naghihintay at sabik na mayakap na agad ito. Ilang araw din silang hindi nagkita dahil naging abala ito sa pagtulong sa lolo Impeng nito na ayusin ang paglilipat ng mga gamit sa bagong bahay na nabili ng matanda.
Nag alok siya ng tulong pero matigas ang naging pagtanggi ni Suzy. Aaminin niya na nagtatampo siya dito pero mas pinili niyang manahimik na lang kaysa naman pagtalunan pa nila ang tungkol doon.
“Hey love,” ngumiti siya at mabilis ang mga hakbang na naglakad palapit sa direksiyon nito.
Niyakap niya ito ng mahigpit at ibinaon ang mukha sa mabangong leeg nito. Naipikit niya ang mga mata nang maramdaman ang paghagod ng palad nito sa likod niya.
Sa ginawa nito ay nabawasan na kahit papaano ang tampo niya. Siguro mamaya kapag natikman na niya ang matamis na mga labi nito ay tuluyan na niyang makakalimutan ang sama ng loob.
“Oo na, huwag mo na akong masyadong yakapin ng mahigpit at baka hindi na ako makahinga. Alam ko naman na nagtatampo ka pa rin sa akin hanggang ngayon.” Sabi nito.
Hindi niya mapigilan ang mapahinga ng malalim. Papaano ba kasi niya ipapaliwanag dito na hindi siya sanay na tinatanggihan siya?
Pakiramdam kasi niya ay napahiya siya. Nasanay siya noon sa mga naging dati niyang kasintahan na palaging tumutulong siya kapag may kailangan o problema ang mga ito.
Kahit noong sila pa ni Eunice ay sanay siya na siya ang madalas na nagbibigay. Ang dahilan niya ay siya ang lalaki at responsibilidad niya na tulungan ito.
“Mas nakakapagtampo na ilang araw mo akong hindi tinatawagan o kahit text man lang wala.” Masama ang loob na tugon niya.
“Hindi mo lang kasi alam kung gaano kita nami-miss kapag wala ka sa tabi ko. Hindi mo rin siguro alam ang pakiramdam kung gaano kahirap pigilan ang sarili ko na puntahan ka kahit alam kong busy ka.”
“Mabuti na lang pala masunurin ka.” Natatawang sabi nito at niyakap siya ng mahigpit.
“Huwag ka nang magtampo, namili ako bago ako nagpunta dito. Ipagluluto kita ng masarap na chicken adobo.”
“Adobo?” nagliwanag ang mukha niya at agad na pinakawalan ito.
Napangiti siya nang mapansin ang dala nitong plastic bag. Dumiretso ito sa sink para hugasan ang dalang karne ng manok. Hindi niya halos magawang ilayo ang tingin dito.
Halatang sanay na sanay itong magluto at makikita naman agad iyon sa siguradong mga kilos nito. Huminga siya ng malalim at hinaplos ang batok niya nang mapansin na may ilang minuto na pala siyang nakatulala lang at pinanonood ang ginagawa ni Suzy. Natawa na lang siya at nagpasiyang lapitan ito.
“Need help, babe?” tumayo siya sa likuran nito at agad na ipinulupot ang mga braso sa baywang nito.
Pinuno ng hindi maipaliwanag na emosyon ang dibdib niya nang masamyo ang mabangong amoy ng buhok nito.
“Hindi na, magpahinga ka na lang sa loob ng tent.” Suhestiyon nito.
Mukhang sanay na sanay na ito sa paglalambing niya dahil habang naghihiwa ito ng bawang at sibuyas sa chopping board ay hinayaan lang siya nitong samyuin ito.
“Pahinga? Wala naman akong ginagawa buong araw maliban na lang sa isipin ka maghapon. Hindi naman nakakapagod gawin iyon.”
Umingos ito. “Tama na ang pambobola mo baka maniwala na ako sa'yo niyan.”
“Pwede ka namang maniwala sa akin, walang pumipigil sa'yo.”
“Sabihin mo na lang sa akin iyan kapag natikman mo na ang luto ko.”
“No need, sigurado naman ako na masarap iyan. Kasing sarap nito…” hinawakan niya ang ilalim ng baba nito at bahagyang ipinihit ang ulo nito paharap sa kaniya.
Sabik na yumuko siya at kinagat ang ibabang labi nito. Umungol naman ito at binitiwan na ang kitchen knife. Pareho na silang nawala sa tamang huwisyo nang maglapat ang mga labi nila.
Hinawakan niya ang kamay ni Suzy at ipinulupot iyon sa leeg niya. Lumipas ang mga sandali na nakontento na lang siya na halikan ito sa buong mukha at mga labi.
Hindi siya napapagod na gawin iyon dito. Habang tumatagal ay mas lalo pa siyang nagiging mapaghanap. Kahit siguro buong araw na ganoon lang ang gawin nila ay hindi na siya magrereklamo pa.
“M-magluluto na ako,” pahingal na sabi ni Suzy nang pakawalan niya ang mga labi nito.
Umungol lang siya at pinagdikit ang mga noo nila.
“You’re driving me crazy, love. Binabaliw mo ako sa mga halik mo.”
Habol ang paghingang pinakawalan na niya ito. Kakailanganin siguro niya ng cold shower para matanggal niya ang namumuong init sa katawan niya.
Lumipas ang mga oras na masaya nilang pinagsaluhan ang niluto nitong chicken adobo. Hindi naman siya nagkamali nang sabihin na masarap ang luto nito. Mas lalo pang lumaki ang nararamdaman niyang atraksiyon sa babae nang matikman ang pagkain na niluto nito para sa kaniya.
Kung siya lang ang tatanungin ay parang mas gusto na lang niyang manatili sa rooftop na iyon kasama ito at huwag nang umalis pa.
Pagsapit ng gabi ay nagkaroon pa sila ng kaunting pagtatalo dahil ayaw na niya itong pauwiin pa. Isang gabi lang naman ang hinihiling niya na makasama ito. Hindi naman siguro masama iyon lalo pa at ilang araw din siyang nagtiis na hindi ito makita. Sa huli ay pumayag na si Suzy at tumawag na lang sa lolo nito para magpaalam na makikitulog sa isang dating kaklase na umuwi galing sa Maynila.
Habang nasa loob na sila ng tent at parehong nakahiga ay napapailing na lang siya habang nakatagilid siya paharap dito at pinagmamasdan ang bawat pagkibot ng mga labi nito.
Kausap pa rin nito sa cellphone ang lolo Impeng nito at parang hindi pa gaanong nakukumbinsi ang matanda na payagan ang apo na magpalipas ng gabi sa ibang bahay.
Kahit papaano ay nakonsensiya siya nang mapansin na napapakagat labi ito habang nagpapaliwanag sa lolo nito. Pagkatapos ng tawag ay ngumiwi ito at isiniksik na ang cellphone sa ilalim ng unan. Hindi na siya nakatiis pa at hinila ito palapit sa kaniya. Hinagod niya ang likod nito para kalmahin ito habang nakasandal sa dibdib niya.
“Ihahatid na lang kita ngayon, maaga pa naman.” Suhestiyon niya.
Mabilis na umiling ito. “Okay na si lolo, nangako naman ako na uuwi bukas ng maaga. Alas siyete daw dapat nasa bahay na ako.”
Napaungol siya. “Nine AM ang madalas na gising ko, love.”
“Okay lang kahit ako na lang ang gumising at umuwi na mag isa.”
“Hindi pwede. Ayokong umalis kang mag isa ng ganoon kaaga.”
Kinuha niya ang cellphone niya at nagset ng alarm para bukas ng alas sais ng umaga. Pagkatapos ay basta na lang niya inilapag iyon sa tabi niya at iniunan ang mga braso sa ilalim ng ulo niya.
Pinipigilan niya ang sariling hawakan si Suzy dahil hindi niya alam kung hanggang saan ang kaya niyang pagtitimpi. Kapag ganoon na napakalapit lang nito sa kaniya ay hindi na niya nagagawa pang makapag isip ng matino.
Kulang na nga lang ay patalian na niya ang mga kamay niya para lang pigilan ang sarili na hawakan ito.
“Matutulog na ba tayo?”
“Hindi pa ako inaantok.” Tugon niya.
“Wala ka naman sigurong balak na makipagtitigan na lang sa akin magdamag?”
Napakunot noo siya at tiningnan ito. Sa bandang huli ay natigilan siya nang mapansin na nakatutok ang mga mata nito sa mga kamay niya na nakatago sa ilalim ng ulo niya.
Nahalata ba nito na sinadya niyang gawin iyon para makaiwas sa tukso?
Napalunok siya ng hilahin nito ang mga kamay niya at dalhin iyon sa likod nito.
“Suzy…” nagsisikip ang dibdib na pigil niya dito.
“Wala tayong gagawin,”
“Wala akong pwedeng gawin dahil may respeto ako sa'yo at lalong lalo na sa lolo mo. Ayokong isipin niya na hindi ako matinong lalaki.”
“Pero papaano natin pipigilan ito? Sa tuwing magkasama tayo, sa tuwing magdidikit ang mga katawan palagi na lang akong nawawala sa sarili.”
“I know babe, hindi ko na rin alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko kapag magkatabi tayo. Hindi naman ako manyakis at mas lalong hindi ako naging ganito sa ibang babae. Sa’yo lang talaga.”
“Ang laki ng problema nating dalawa. Nakakahiya naman kay Governor Seth.”
Napahalakhak siya nang marinig ang sinabi nito. Nang hindi na siya makatiis ay umakyat ang mga kamay niya para haplusin ang mga pisngi nito. Pinigilan niyang mapatingin sa mapulang mga labi nito dahil ayaw niyang matangay na naman siya ng sariling emosyon.
“Mas magiging malaki ang problema nating dalawa kapag hindi ka pa umalis sa ibabaw ko.”
“Gusto ko dito,” giit nito at mas lalo pang inayos ang pagkakahiga sa ibabaw niya.
Napabuntong hininga na lang siya at hinayaan itong maging komportable sa posisyon nila.
Kontentong pinalandas niya ang mga daliri niya sa likod nito habang nararamdaman niya ang mainit na pagbuga nito ng hangin sa leeg niya. Sa pagkakataong iyon ay nakakaya na niyang kontrolin ang sarili niya. Alam niyang hindi sa lahat nang pagkakataon ay iiral na lang basta ang init ng katawan niya. Mas madalas na bugso ng totoong damdamin ang bumabalot sa kaniya.
“Magkwento ka,” udyok niya kay Suzy.
Nag angat ito ng tingin sa kaniya. Napansin niyang unti unti na itong dumadausdos pababa kaya hinawakan niya ito sa baywang para maingat. Napangiti siya nang magpantay na ang mga mukha nila. Hinalikan niya ito sa ibabaw ng noo.
“Anong kwento? Boring ang buhay ko, baka makatulog ka lang.”
“Kahit ano,”
“Kahit tungkol sa mga alien? Sa mga zombie?”
Pinisil niya ang baba nito. “Kahit ano.”
“Kahit ano?” kumunot ang noo nito bago muling nagsalita.
“Boring ang buhay ko, bata pa lang ako nang maghiwalay ang mga magulang ko. Naiwan kami ng mga kapatid ko sa lolo Impeng ko. Third year college na dapat ako ngayong taon kaya lang nagdesisyon akong tumigil sa pag aaral dahil nga naging sakitin na si lolo at isa pa humina na ang kita ng peryahan.”
“Hindi ka ba nalulungkot na lumaki kang walang mga magulang?” bigla siyang nakaramdam ng awa para dito.
Lumaki kasi siyang kompleto ang mga magulang at mga kapatid niya at bilang pangalawa sa panganay na magkakapatid ay maaga siyang natuto na maging responsable. Kahit kasi lumaki siya sa mayamang angkan ay hindi naging dahilan iyon para maging spoiled siyang anak.
“Noong una mahirap talaga pero sanayan lang naman 'eh. Nandiyan naman si lolo at ang mga tauhan namin para alagaan kaming tatlo. Iyong dalawang kuya ko parehong mga gago pero siyempre mga kapatid ko pa rin sila at hindi ko kayang pabayaan.”
“Oo nga pala,” biglang sabi niya nang may maalala siya.
“Ha?” nagtatakang tanong nito.
“Ipinasa ko na sa maintenance department ng amusement park ang resume ng mga tauhan ninyo. Pwede na silang magsimula sa trabaho next week.” Imporma niya.
Namilog ang mga mata nito at awang ang mga labi na tumitig lang sa kaniya. Isang beses pa niyang inulit ang sinabi niya kanina bago niya napansin na kumurap na ang mga mata nito. Nagliwanag ang buong mukha nito at pinupog siya ng halik sa buong mukha.
“Thank you…thank you…” paulit ulit na sabi nito habang sapo ang mga pisngi niya at pinapalibutan ng mga halik ang bawat bahagi ng mukha niya.
Nang dumako sa mga labi niya ang mga mata nito ay pareho silang natigilan.
“You’re welcome, love.” Paanas na turan niya.
Hindi na siya nakapagtimpi pa at hinila ang batok nito para salubungin ito ng isang makapugtong hiningang halik. Nang pakawalan niya ang mga labi nito ay hindi man lang siya nakaramdam nang pagsisisi.
“Baka nga pervert talaga ako dahil hindi ko talaga kayang hindi ka halikan.”
Pareho silang natawa. Nang maghikab na ito ay kinabig na niya ito at ipinatong ang ulo sa dibdib niya.
“Sleep now, baby.”
“Kantahan mo ako,” ungot nito.
“Baka umulan,”
“Okay lang, para kapag lumamig mas yayakapin mo pa ako ng mahigpit.”
“Sure, love.”