“Nakita mo na ba si Mr. Right?”
Awtomatikong nag init ang mga pisngi ni Suzy nang marinig ang nakakaintrigang tanong ni Tiya Guanda sa kaniya. Mula sa pagsasalansan ng mga de latang sardinas ay nahihiyang nilingon niya ang matandang nanay nanayan niya.
“Andiyan na naman po kayo 'eh, bibiruin na naman ninyo ako.”
Nakalabing sabi niya. Natawa ito at marahang tinapik ang kaliwang pisngi niya.
“Ikaw naman, Suzy parang hindi ka na nasanay sa nanay mo. Ano nga? Tama ang hula ko sa'yo noon 'di ba?”
Nakagat niya ang mga labi habang binabalikan sa alaala niya ang naging basa nito sa palad niya. Sabi nito sa kaniya ay may isang lalaking darating daw sa buhay niya na magbibigay ng swerte sa kanilang lahat.
Tama si tiya Guanda dahil mula nang dumating si Juancho sa buhay niya ay nagbago na ang lahat. Unti unting naging maayos na ang buhay nila ng lolo Impeng niya. Sa katunayan ay nakapagpatayo pa ito ng maliit na grocery store na katabi lang ng bahay nila.
Binili na rin kasi nito ang katabing pwesto na hindi naman ginagamit ng may ari at ginawang extension ng bahay nila para gawing tindahan.
Patapos na ang renovation at naidisplay na rin nila sa mga estante ang karamihan sa mga items. Ang dalawang pamangkin ni tiya Guanda ang kinuha nilang tauhan na magbabantay ng tindahan habang ito naman ay magiging kasama nila sa bahay ng lolo Impeng niya.
Lahat ng iyon ay inihanda ng lolo niya para sa oras na makapag enroll na ulit siya ay wala na daw siyang ibang iisipin pa.
“Tama ka nga po, mabait po talaga si Juancho at isa pa tinutulungan niya tayong lahat.”
Kinikilig na niyakap siya ni tiya Guanda.
“Sabi ko naman sa'yo, anak. Hindi talaga ako pwedeng magkamali sa hula ko sa'yo noon. Kaya lang 'eh…”
“Kaya lang ano po?” agad na nagkaroon ng gatla sa noo niya at nagtatakang bumitiw sa matanda.
“May problema po ba?”
Pilit na ngumiti ito at hinawakan ng mahigpit ang mga kamay niya.
“Ayoko na sanang sabihin sa'yo ito anak pero nabasa ko rin sa palad mo na magkakaroon kayo ng malaking problema. Pero lahat naman tayo dumadaan sa ganoon kaya alam kong malalampasan ninyo lahat iyon ni Juancho.”
Nakaramdam siya ng kaba at hindi maipaliwanag na takot pero mas pinili niyang huwag na lang intindihin pa ang sinabi ng matanda.
“Mahal ko na po si Juancho at promise po hindi na ako ulit maglalasing at sasayaw sa gitna ng kalsada kung sakaling masaktan man ako.”
Sabay pa silang natawa sa sinabi niya. Pagkatapos nilang mailagay sa estante ang lata ng mga sardinas ay lumipat na sa kabilang bahay si tiya Guanda para magluto ng gabihan nila.
Pagpatak ng alas otso ng gabi ay nakakain na silang lahat at naghanda nang matulog ng maaga. Ang lolo Impeng niya ay may sariling silid. Silang dalawa ni tiya Guanda ang magkasama sa isag malaking silid.
Dahil hindi pa naman siya inaantok ay nagpasiya siya na magbukas na lang ng TV. Ang nanay nanayan naman niya ay naglalaro ng baraha sa kama. Hinihintay niyang tumawag si Juancho sa kaniya. Nakabalik na ito sa trabaho kaya kung madalas ay abala ito at hindi agad nakakatawag sa kaniya.
Sulit na sana ang pamamahinga niya kung hindi lang siya nakatanggap ng tawag mula sa presinto. Isang pulis ang nakausap niya at nagimbal siya nang ipaalam nito na inaresto daw ang mga kapatid niya at kailangan niya agad mapuntahan ang mga ito sa presinto.
Nagmamadaling nagpaalam siya kay tiya Guanda at nagbilin na kung magising man ang lolo niya ay huwag na nitong ipaalam pa ang nangyari. Siya na ang bahalang makipag usap sa matanda kapag naayos na niya ang lahat at nakauwi na siya.
Mabuti na lang at nasalubong niya ang mabait na kapitbahay nila na may tricycle at nakiusap siya dito na ihatid siya sa presinto. Medyo malayo kasi ang lokasyon nila kaya kakailanganin pa niyang maghanap ng sasakyan.
Pagkarating niya sa station ay parang doon na lang tuluyang nagsink in sa kaniya ang lahat. Nakakulong ang mga kapatid niya at hindi niya alam kung anong kalokohan na naman ang ginawa ng mga ito. Sinalubong siya ng isang pulis at nang sabihin niya kung sinong mga tao ang pakay niya ay agad na sinamahan siya nito sa loob.
Kahit malaki ang galit niya sa dalawang kuya niya ay nakaramdam siya ng awa nang makita ang sitwasyon ng mga itos habang nakakulong. Napaiyak na siya at patakbong nilapitan ang mga ito.
“Kuya Jepoy, anong nangyari?” umiiyak na tanong niya sa panganay na kapatid.
Nang makita siya ng dalawa ay lumapit ang mga ito sa rehas at parehong umiiyak na nagmakaawa sa kaniya.
“Suzy, tulungan mo kami, hindi namin sinasadya ang nangyari.”
“Ano ba kasi ang nangyari at bakit kayo hinuli ng mga pulis?”
Pumalatak ang isang pulis na nakapwesto sa isang mesa at nakikinig sa pag uusap nila.
“Gago iyang mga kamag anak mo, Miss. Mondemar pa ang dinale,” sabi nito.
“A-ano?” gulat na napahawak siya ng mahigpit sa rehas na bakal. Huminga siya ng malalim at nagpalipat lipat ang tingin sa mga kuya niya. “A-anong nangyari?”
Umiling si Jepoy at napahagulhol.
“Si lolo Impeng kasi ayaw kaming bigyan ng pera kaya gumawa kami ng paraan ni Jonel.”
“Anong paraan?!” hindi niya mapigilan ang pagtaas ng boses niya.
“Ang sabi sa inyo ni lolo magbibigay lang siya sa inyo ng pera kapag may naisip na kayong pwedeng inegosyo.
Hindi pa ba sapat sa inyo na ibinili pa kayo ni lolo ng tag isang bahay para sa mga pamilya ninyo?”
“Hindi pa sapat iyon!” bulyaw ni Jonel sa kaniya.
“Bahay lang ba ang kailangan namin? Paano ang pagkain namin? Pambayad sa ilaw at tubig? Mga pangangailangan namin?”
Napailing siya.
“Ang kapal ng mga mukha ninyo! Natural na kailangan ninyong magtrabaho para mabayaran ang mga pangangailangan ninyo!”
Kung matapang si Jonel ay kabaliktaran naman nito si Jepoy na nagmamakaawa na sa kaniya.
“Hindi namin sinasadya ang nangyari. Dahil nga ayaw kaming bigyan ni lolo ng pera ay sumama na lang kami sa grupo ni Tony dahil may raket daw sila ngayong gabi. Desperado na kaming magkapera dahil bago pa man mabuntis ang asawa ko ay malaki na ang naging utang ko sa mga kakilala ko. Tinatakot nila ako na magdedemanda sila kapag hindi ako nakabayad. Kaya kahit alam kong hindi maganda ang raket nila Tony ay sumama na ako. Pero hindi ko alam na ganoon nga ang mangyayari. Tinambangan namin ang sasakyan ni Juancho at hindi naman kami nahirapan dahil hindi naman siya katulad ng ibang mga kamag anak niya na palaging may mga kasamang bodyguard. Nanlaban siya at sinaksak siya ni Tony bago nila ninakaw ang wallet at sasakyan ni Juancho. May nakakita na pala sa nangyari at nakapagreport na agad sila sa pulis. Bago pa man kami makasakay ni Jonel sa sasakyan ay dumating na ang mga pulis at nadakip na kami.”
“S-si…J-juancho?” parang may malakas na bomba ang sumabog sa mismong harap niya.
Hindi makapaniwalang tumingin siya sa dalawa.
“Mga gago kayo, pinsan pa ni Governor Seth ang dinali ninyo. Hindi ba ninyo naisip ang pwedeng mangyari sa inyo?” galit na tanong ng isang pulis.
Napahagulhol ang kuya Jepoy niya.
“Boss, hindi namin sinasadya. Kung alam lang namin na Mondemar ang kakataluhin nila Tony hindi po kami sasama. Kilala po namin si Juancho dahil—”
“Tama na!” nanginginig ang buong katawan niya sa nang sumigaw siya
Hindi na dapat pang malaman ng mga naroon kung ano ang totoong kaugnayan niya kay Juancho.
“H-hindi ko kayo mapapatawad! Hinding hindi ko makakalimutan ang ginawa ninyong dalawa!” singhal niya sa mga ito habang umiiyak siya.
Nagmakaawa ang dalawa sa kaniya at hindi niya matagalan iyon. Tinalikuran niya ang mga ito at balak na sanang pumunta ng ospital pero natigilan siya nang makita ang pagdating ng mommy ni Juancho. Saglit na tiningnan lang nito ang mga kapatid niya bago siya muling sinulyapan.
“Pwede ba tayong mag usap?” seryosong tanong nito sa kaniya.
Hindi niya matagalan ang mga titig nito kaya yumuko siya at mabagal na tumango. Sumunod siya dito nang maglakad ito palabas ng police station. Tumigil ito sa parking lot kung saan nakaparada ang kotse nito.
“Alam ko na ang lahat Suzy, alam kong mga kapatid mo sila.”
“S-sorry po….” Nanatili siyang nakayuko at nakatitig lang sa lupa.
Hindi niya magawang magsalita ng mas mahaba pa sa unang sinabi niya dahil alam niya na walang kapatawaran ang ginawa ng mga kapatid niya.
“Layuan mo si Juancho.”
“Tita….” Napalunok siya at gimbal na nag angat ng tingin dito.
“T-tita please gusto ko po siyang makita. Please…gusto kong malaman kong okay lang siya at alam kong kailangan niya ako ngayon. Dapat na nasa tabi po niya ako.” Umiiyak na hinawakan niya ang palad ni Donya Leticia at nagmaakawa.
“Kilala mo ako, Suzy at alam mong ayoko sa lahat na napapahamak ang pamilya ko.”
Napailing siya at tumitig sa ginang. Alam niyang mabait ito pero may lugar pa ba sa puso nito ang pagpapatawad kung ang mismong anak na nito ang nasaktan?
“T-tita….i-iniisip mo ba na may kinalaman ako dito?”
“Hindi ko alam..sa totoo lang hindi ko alam kung kaya ko bang paniwalaan ang mga sasabihin mo.”
Bumitiw ito sa kaniya at malamig na tiningnan siya.
“Maayos na ang kalagayan ni Juancho. Maraming dugo ang nawala sa kaniya pero alam kong hindi naman siya pababayaan ng mga doktor. Huwag ka nang mag alala sa kaniya. Mas dapat mong isipin ang mga kapatid mo at hanapin ang mga kasabwat ninyo—”
“Tita wala akong kinalaman dito. Mahal ko po si Juancho.” Giit niya.
“Minsan na siyang napahamak ng dahil sa'yo pero wala kang narinig na kahit ano sa akin. Hihintayin ko pa ba na mawala sa akin ang anak ko? Ako na ang nakikiusap sa'yo mas mabuti pang ikaw na lang ang lumayo sa kaniya. Kung gusto mo…..” malalim na bumuntong hininga ito at muling nagsalita.
“Iuurong ko ang reklamo sa dalawang kapatid mo pero susunod ka sa gusto kong mangyari.” Pinal na sabi nito.
Hindi makapaniwalang tumitig lang siya kay Donya Leticia. Mababakas ang determinasyon sa mga mata nito at alam niyang wala na siyang magagawa pa kundi ang sumunod na lang. Dalawang beses siyang tumango at umaagos ang mga luha sa mga pisngi na yumuko ulit siya.
“Salamat.”
Hindi na siya nakapagsalita pa. Pinakawalan niya ang mga hagulhol na kanina pa niya pinipigilan ng tuluyan nang umalis ang ina ni Juancho. Nanghihinang napasandal na lang siya sa likod ng isang itim na sasakyan habang walang tigil ang pagpatak ng mga luha niya.
Masamang masama ang loob niya. Bakit kailangan gawin iyon ng mga kapatid niya? Bakit ayaw siyang paniwalaan ng mommy ni Juancho?
Bakit kailangan niyang layuan ang lalaking natutunan na niyang mahalin sa loob lang ng maiksing panahon?
Nagsisikip ang dibdib na tumingin siya sa madilim na langit. Pinunasan niya ang mga luha at humihikbing nagsalita.
“Ang daya mo naman 'eh. Ibinigay mo siya sa akin tapos babawiin mo agad? Papaano na ako ngayon? H-hindi ko na kaya ng wala siya….a-ayokong mawala siya sa akin kasi mahal na mahal ko siya. Mahal na mahal ko si Juancho.”