Chapter THE MAGIC IN YOU 23

“J-juancho…” hindi makapaniwalang anas ni Suzy matapos kalagan ng lalaki ang tali sa kamay at panyo na nakatakip sa bibig niya.

Nag unahan sa pagpatak ang mga luha ni Suzy nang tuluyan na niyang makita si Juancho.

“Bakit nandito ka? Ipinadala ka ba dito ng mga kapatid ko?” malamig na tanong nito sa kaniya.

Hindi agad siya nakapagsalita at tahimik na pinagmasdan lang ito. Nawala na ang lahat ng takot na namamahay sa dibdib niya at ang tanging nararamdaman na lang niya ay ang matinding pangungulila at pagkasabik na mayakap niya ulit ang lalaki.

Nagsisikip ang dibdib na tumitig lang siya kay Juancho. Nakatayo lang ito sa harap niya at nanlilisik ang mga mata na sinalubong siya ng tingin.

“Hindi ka na dapat pa nagpunta dito.” Inis na sabi nito.

“G-galit ka ba sa akin? Naniniwala ka rin ba na kasabwat ako ng mga kuya ko?” nasasaktang tanong niya.

Umiling lang ito at tinalikuran na siya. Nang magsimula itong maglakad nang paika ika ay doon lang niya napansin ang hawak nitong tungkod sa kaliwang kamay. Natutop niya ang mga labi at agad na napasinghap dahil sa matinding pagkagulat.

Mabilis na tumayo siya at patakbong nilapitan si Juancho. Humarang siya sa harap nito para mapigilan ito sa pag iwas sa kaniya.

“Ipapahatid kita bukas sa kabilang bayan—”

“Ayoko!” mariing sabi niya.

“Wala akong panahon na makipaglokohan sayo.”

“A-anong nangyari sa'yo?” natitigilang anas niya at bumaba ang tingin sa kaliwang paa nito.

“J-juancho?”

“Hindi mo na kailangan pang malaman kaya pwede ba umalis ka na lang sa harapan ko.”

“Hindi nga pwede! Hindi ako aalis dito at lalong hindi ako papayag na hindi ko malaman ang totoong nangyari sa'yo. A-ang sabi nila…”

Dalawang beses siyang lumunok para pigilan ang muling pagbigat nang paghinga niya. Hindi niya mapigilan ang paghikbi habang nagsasalita siya.

“S-sabi nila sa akin okay ka—”

“Ako ang may gusto na huwag nang ipaalam sa'yo ang totoong nangyari.” Sumusukong sabi nito at matamang tumingin sa kaniya.

“Pero bakit?”

“Dahil hindi ako sigurado kong may tatanggap pa ba sa akin. Hindi ko alam kung matatanggap mo pa ba ako o baka galit ka sa akin dahil sa ginawa sa'yo ni mommy.”

“Hindi ako galit sa'yo at lalo na sa mommy mo. May kasalanan din naman talaga ang mga kuya ko sa nangyari.”

“Pinakiusapan din ako ng lolo mo na huwag ka na munang guluhin dahil kailangan mong magconcentrate sa pag aaral mo.”

“Ano?”

“And I did. Wala naman siguro akong hindi gagawin basta may kinalaman sa'yo.” napabuntong hininga ito.

“Umuwi ka na lang sa inyo, Suzy, please? Mas okay na akong mag isa lang dito.”

“Juancho!” inis na napaiyak na naman siya.

Nag isang linya ang mga kilay nito.

“Ilang beses mo nang tinatawag ang pangalan ko. Tama na. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko kayang pigilan ang sarili ko.” Mahinang sabi nito.

“Gusto kong malaman ang totoong nangyari sa'yo. Bakit…..bakit ka nagkaganiyan?”

Tumango ito at ipinaliwanag sa kaniya ang tungkol sa ginawa dito ng grupo ni Tony. Walang tigil sa pagdaloy ang mga luha niya habang nakikinig sa sinasabi ni Juancho. Nang matapos ito sa pagpapaliwanag ay pilit na naman siya nitong itinataboy.

“Bukas ng umaga ay may paalis na bangka kaya pwede kang sumabay sa mga tao na bumalik sa Mondemar.” Seryosong sabi niya sa kaniya.

Mariing umiling siya at pinakatitigan lang ito.

“Ang tigas ng ulo mo, hindi ako aalis dito ng hindi ka kasama.”

“Suzy!”

“Love! Naaalala ko na ‘love’ ang tawag mo sa akin noon. Minsan babe o kaya dear. Hindi mo ako tinatawag sa pangalan ko.”

“Hindi ko na alam ang gagawin ko sa'yo.”

Hindi na siya nagsalita at nakipagtalo dito. Humakbang lang siya palapit kay Juancho at hinila ang kwelyo ng damit nito. Sa pagkagulat nito ay nabitiwan nito ang tungkod at agad na pumulupot ang mga braso sa baywang niya para lang hindi sila parehong matumba.

Naipikit niya ang mga mata habang hawak pa rin niya ng mariin ang kwelyo ng damit nito. Dumagsa ang matinding init sa katawan niya nang maramdaman ang pagbuga nito ng hangin sa bandang noo niya.

“I-”

“Ako na muna ang magsasalita, please lang hayaan mo na akong magsalita.” Nakapikit ang mga mata na pakiusap niya.

Hindi na ito nagsalita pa kaya naging hudyat na iyon para sa kaniya na sabihin ang lahat nang nararamdaman niya.

“A-ang hirap sa akin na kung gaano kita kabilis na nakilala ay ganoon ka rin naman kabilis na mawawala sa akin. Para lang akong sumakay sa ferris wheel na umiikot ng mabilis sa loob ng ilang taon na hindi kita nakasama. Alam mo ba iyong pakiramdam na pinipilit kong maging masaya pero alam ko naman na dinadaya ko na lang ang sarili ko. W-wala man lang tayong Christmas, new year o valentines day na pinagsaluhan. Kahit anong gawin ko palaging ikaw ang laman ng isip ko. Maraming gustong manligaw sa akin pero sabi ko hindi pwede kasi may mayaman akong boyfriend..” habang nakapikit ay hindi niya mapigilan ang matawa habang patuloy sa pagpatak ang mga luha niya.

“P-papaano mo ba ako natiis ng ganito katagal? Three years mo akong hindi nakita. Kinaya mo iyon? Kungsabagay, ako nakaya ko ‘eh, pero araw-araw na namamatay ang puso ko kapag gumigising ako at maaalala ko na hindi na kita makikita pa ulit.”

“Palagi kitang nakikita.”

“Ano?” gulat na napasinghap siya at mabagal na iminulat ang mga mata.

Natigilan siya nang makita ang pamumula ng paligid ng mga mata nito tanda nang pag iyak nito.

“Palagi kong tinitingnan ang facebook at twitter mo. Isa o dalawang beses kita pinupuntahan sa Manila at kahit hirap na hirap akong pigilan ang sarili ko ay mas pinili kong huwag magpakita sa'yo. Palagi kong binibisita ang lolo Impeng mo dahil masaya na akong makinig ng mga kwento niya tungkol sa'yo. At si Dorothea, pinakiusapan ko siyang bantayan ka dahil hindi ko alam kung kakayanin mong tumira sa magulong siyudad. Ginawa ko iyon lahat kasi kahit ayokong mawala ka, wala naman akong magawa. Masaya na ako na sila ang naging mata at tenga ko pagdating sa'yo.”

“Nakakainis ka….” Natitigilang sabi niya.

Binitiwan niya ang kwelyo ng damit nito at humahagulhol na pinalo niya ito ng mahina sa dibdib.

“Nakakainis ka…. Nakakainis kayong lahat….” paulit ulit na sabi niya.

Nang hawakan nito ang mga palad niya at hilahin siya nito patungo sa mga bisig nito ay nagpaubaya lang siya. Sa mainit na mga bisig nito ay pinakawalan niya ang lahat ng emosyon na nararamdaman niya. Bumuntong hininga ito at niyakap siya ng mahigpit. Wala na sigurong mas sasarap pa sa mainit na mga yakap ni Juancho.

“Huwag mo na akong itataboy ulit palayo, ha? Hindi ka rin naman magtatagumpay na gawin iyon sa akin. Sa'yo na ako, hindi mo ako pwedeng ipamigay na lang basta.” Nakalabing sabi niya at ibinaon ang mukha sa mainit na dibdib nito.

Pumalatak ito at masuyong hinaplos ang ibabaw ng ulo niya.

“Hindi ko gagawin iyon, papaano ko ipapamigay sa iba ang puso ko?”

“T-talaga? Ako ang puso mo?” napangiti siya at dahan dahan na nag angat ng tingin dito.

Tumango ito at ipinaloob ang mga palad sa mga pisngi niya.

“Ikaw ang puso ko at ang buhay ko. Papaano kita ibibigay sa iba?”

Naikurap niya ang mga mata.

“Nasabi ko na bang mahal kita? Na mahal na mahal kita?”

Natawa ito.

“Hindi pa. Dapat kasi na ako ang mauunang magsasabi sa'yo ng magic words na iyan. I love you Suzy Dela Rama, you’re my heart, my life, my everything and my soul.”

Tumigil sa normal na pagtibok ang puso niya nang magsimula itong halik halikan ang buong mukha niya hanggang sa tumutok ang mga mata nito sa mga labi niya.

“I’ve missed this…oh God, I am so stupid…..”

Tumawa lang siya ng mahina at hinila na ang batok nito.

“Babawi tayo,” anas niya at pinagkiskis ang mga labi nila.

“No. Babawi ako sa'yo.”

“Three years, love. Makakabawi ka sa loob lang ng tatlong minuto.”

“How?”

Hindi na siya nagdalawang isip pa at siya na ang kusang humalik dito. Sabik na tumugon naman sa mga halik niya si Juancho.

Ano lang ba iyong nawalang tatlong taon sa kanila?

Kayang kaya naman nilang punan iyon ng maraming maraming taon na magkasama sila at ang magiging pamilya nila.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.