(Ayesha)
Napasinghap ako nang maramdaman ko ang magaan na paglapat ng palad niya sa likod ko. Siguro para alalayan ako papasok sa restaurant. Nagpaubaya ako at inabala ang sarili sa pagmamasid sa loob ng Secret Garden. Puro pareha nga ang mga customer na nakapuwesto sa magkakalayong mga lamesa. May classical music na pumapailanlang sa paligid. Romantic at private ang ambiance. Kaso hindi ko naimagine na sa ganitong paraan ako unang beses na pupunta sa Secret Garden. Hindi sa piling ng isang estranghero.
Pumuwesto kami sa isang pandalawahang lamesa na pinakamalayo sa ibang customers. Nang makaupo kami napansin kong nawala si Arnold. Lumingon ako at nakita ko ang lalaki na tahimik na nakapuwesto sa hindi kalayuan.
“Anong gusto mong kainin?” tanong ni Cain na nakatuon ang tingin sa menu na naabutan naming nakapatong sa lamesa.
Tumikhim ako. “Mas gusto kong malaman kung bakit ka nagpunta sa bayan namin para sa akin.”
Natigilan si Cain at tumingin sa akin. Nagtama ang aming mga paningin. Matagal na katahimikan ang namayani sa pagitan namin. “Sinabi ko na sa iyo noong una tayong magkita ang rason kung bakit ako narito ngayon.”
Napakurap ako. “Sinabi mo na?”
“Yes. I told you. You are my fiancée.”
Napanganga ako at nanlaki ang mga mata. “P-pero hindi mo ipinaliwanag sa akin ang tungkol diyan. Paano kita naging… f-fiancee kung ngayon lang tayo nagkakilala?”
Ibinaba ni Cain sa lamesa ang menu at tuluyang itinuon sa akin ang buo niyang atensiyon. “The moment you were born, you are already destined to be my bride. Iyon na ang koneksiyon ng pamilya ko at pamilya mo noong unang panahon pa. Now more than ever, we must fulfill that tradition.”
“Sandali lang. Ang ibig mong sabihin mga pamilya natin ang nagdikta na maging… mag-asawa tayo?”
Tumango si Cain. “Ang leader ng Alpuerto clan, kung saan ako kabilang, at ang Forseer ng Malyari clan kung saan ka kabilang. Sila ang nagdedesisyon.”
Forseer? Malyari? “Teka lang. Hindi ko alam ang sinasabi mong Malyari. Querol ang apelyido ko. Molina ang apelyido ni mama.”
Naningkit ang mga mata ni Cain. “Kasinungalingan. Isang Malyari ang iyong ina.”
“Hindi sinungaling si mama!”
Natigilan si Cain, halatang nagulat. Hindi ko kasi napigilan magtaas ng boses. Ayokong may naririnig na hindi maganda tungkol sa nanay ko. Kaming dalawa na lang ang magkakampi sa mundo.
Bumuntong hininga si Cain. “Ayesha, I don’t mean to insult your mother. Pero totoo ang sinasabi ko. Isa siyang Malyari. She was supposed to marry my uncle, you see? Pero tinakbuhan niya ang tadhana labing pitong taon ang nakararaan. Wala siyang ideya kung gaano kalaking gulo ang idinulot ng pag-alis niya. Kung gaano kalaking pagkasira sa balanse at kapayapaan ng ating mga pamilya ang pagtakas niya sa responsibilidad niya. But one thing your mother failed to realize is that you cannot run away from destiny. Hahabulin at hahabulin ka niyon kahit saan at gaano katagal mo pang takbuhan. So why not give in? At least kapag sinunod mo ang tadhana, you can do so in your own terms.”
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Nalilito ako, naguguluhan. Himbis na luminaw sa akin ang lahat dahil sa mga sinabi ni Cain lalo lang akong naguluhan. Lalo lang dumami ang mga katanungan ko.
Napaigtad ako nang marahang abutin ni Cain ang kamay kong nakapatong sa lamesa. Hindi naman ako napaso na katulad noong una niya akong hinawakan pero nagulat pa rin ako. “Huwag mo siyang gayahin, Ayesha. Don’t run away from me. From our destiny. Bigyan mo ako ng pagkakataong makilala at kilalanin ka.”
Nakatitig pa rin ako sa magkalapat naming mga kamay. “Noong una mo akong hawakan, bakit ako napaso?”
Natigilan si Cain. Lakas loob na nag-angat ako ng tingin.“Kung talagang gusto mo akong makilala at gusto mong kilalanin kita, puwde mo bang sagutin ang tanong ko?”
Bumuntong hininga siya. “It’s too early for you, Ayesha.” Marahan niyang binitawan ang kamay ko. Humalukipkip siya at pinakatitigan ako. “Kapag handa ka na, sasabihin ko sa iyo. Pangako.”
“At sa tingin mo, kailan ako magiging handa?”
May sumilay na munting ngiti sa mga labi niya. Kumislap ang kanyang mga mata. “Kapag hindi ka na nagdududa sa intensiyon kong pakasalan ka. Kapag nagustuhan mo na ako.”
Napanganga na naman ako. “Teka lang. Wala pa sa isip ko ang… ang makipagrelasyon, okay? Bata pa ako. Marami pa akong pangarap sa buhay. Kaya sa totoo lang ang weird para sa akin na sinasabi mong fiancée kita. I’m just seventeen.”
“Almost eighteen,” sagot ni Cain.
Hindi na ako nagtaka na mukhang alam din niya pati ang birthday ko. “At hindi ka ba naiilang sa age gap natin? Hindi ka ba takot makasuhan?” giit ko pa rin.
Parang nag-isip si Cain. “Tama ka. Six years is a huge gap. Lalo na sa edad mo. I’ll try to convince my family to give you time. Iba na ang panahon ngayon. Hindi katulad dati na kapag tumuntong ang isang dalaga ng labing walong taong gulang pag-aasawa na agad ang nakatakda niyang gawin.”
“Sandali. Six years? Ibig sabihin, twenty three years old ka lang?!”
“Almost twenty four.”
Namangha na naman ako. Hindi kasi halata na ang bata pa pala niya! Akala ko nasa twenty six o twenty seven na siya. Mukha naman kasing hindi nalalayo ang edad niya kay sir Angus.
Mukhang naaliw siya sa reaksiyon ko dahil bumakas ang amused na ngiti sa mga labi niya. “Marami ka pang malalaman tungkol sa akin. At gusto ko ring malaman pa ang lahat ng tungkol sa iyo.” Dumeretso siya ng upo at inabot ulit ang menu. “But for now, why don’t we eat? Nandito na rin tayo. And then you can tell me something about your college life.”
Noon lumapit ang isang waiter sa lamesa namin. Napabuntong hininga na lang ako at inabot na rin ang menu. Sige na nga, hindi na muna ako magtatanong pa ng kung ano-ano sa gabing ‘yon. After all, ito ang unang beses ko sa Secret Garden. Ito ang unang beses na nakipag-date ako.
Teka. Date? Napasulyap ako kay Cain na umoorder na ng pagkain. Date ba talaga ‘to? Biglang bumaling sa akin si Cain. Nahuli akong nakatingin. Pagkatapos malawak siyang ngumiti. Napahugot ako ng hangin. Uminit ang mukha ko kaya mabilis kong ibinalik ang tingin sa menu.
Naku naman. Hindi ako sanay na tinitingnan at nginingitian ng ganoon. Wala akong immunity sa lalaki dahil ni kaibigan na lalaki wala ako. Pero sana maka-survive ako sa gabing ‘yon. After all, marami pa akong tanong na sigurado akong si Cain ang makakasagot.