Chapter 33

(Cain)

KADARATING pa lang namin sa gusali kung nasaan ang tirahan ko nakita na naming nakaparada sa tapat ng entrada ang isang sasakyan. Sa labas niyon nakatayo si Angus, si Chance na ilang taon ko nang hindi nakikita pero katulad pa rin ng dati ang hitsura, at isang may-edad na babae na malaki ang pagkakahawig kay Ayesha. Sigurado akong siya ang ina ng dalaga. Namamaga ang mga mata ni Rebecca na parang ngayon lang humintong umiyak mula ng mawala ang anak. Si Chance galit ang ekspresyon, wala ang indifference at boredom na palaging nasa mukha niya sa tuwing nakikita ko. Si Angus malamang kapareho ko ng hitsura. Galit, nag-aalala at bakas ang protectiveness sa mukha para kay Ayesha.

Lumapit kami sa kanila. Si Angus ang unang bumaling sa amin, matalim ang tingin. “This might be your fault, do you know that?” sabi niya sa akin.

Napaatras ako dahil para niya akong sinuntok sa sikmura sa paratang na iyon. “What made you say that?” malamig at matalim na sagot ko.

“Hindi mo dapat siya isinama noong birthday ni tita Martha. You made her vulnerable to attacks such as kidnapping. Tingnan mo kung ano ang nangyari,” galit din na sabi ni Angus.

Tumiim ang bagang ko. “Gusto kong makilala niya ang pamilya natin. Ayokong magkunwari at magtago sa kaniya. Gusto ko na alam niya kung anong klase ng pamilya ang papasukin niya kapag nagpakasal na kami.”

“Masyado ka namang bilib na ikaw talaga ang pakakasalan niya,” singit ni Chance sa usapan.

Bumaling ako sa nakatatanda kong pinsan. Kahit hindi halata sa mga hindi nakakaalam ng tunay na edad niya. “Bakit? Interesado ka rin ba kay Ayesha?”

Tumiim ang ekspresyon ni Chance. “Alam nating pareho na mas interesado tayo sa pagiging clan leader at sa kapangyarihang makakamit natin kapag nakipag-isa tayo sa moon bride. Kahit gaano ka pa ka-interesado sa kaniya o sabihin mo man na gusto mo talaga siya, mas nakakahigit pa rin para sa iyo ang responsibilidad mo sa pamilya, hindi ba?”

Kumuyom ang mga kamao ko dahil kahit gusto kong itanggi ang sinabi niya hindi ko magawa. Dahil tama siya. Kahit gaano pa maging espesyal sa akin si Ayesha, hindi pa rin maikakaila na mas matimbang ang responsibilidad ko sa pamilya Alpuerto.

“Sino naman ang may sabi sa inyo na papayag akong mapunta ang anak ko sa kahit sino sa inyo?” galit na basag ni Rebecca sa namayaning katahimikan. Napunta sa kaniya ang tingin namin lahat. Kahit na namumutla ang matandang babae at parang pagod at wala pang tulog, nag-aapoy naman sa galit ang mga mata niya. “Pero saka ko na iisa-isahin ang mga dahilan ko kung bakit ayokong mapabilang sa pamilya ninyo si Ayesha. Ang mahalaga sa akin ngayon makita ang anak ko. Tatlong araw na mula nang mawala siya. Nagsumbong na ako sa pulis sa Tala pero kahit anong halughog ang gawin nila hindi nila makita kahit bakas lang niya. Pumasok lang siya ng eskuwela at ni hindi nakapasok sa part-time job niya sa fastfood chain. Nasaan siya ngayon? Hindi ko maatim isipin kung ano na ang nangyayari sa kaniya sa mga sandaling ito.”

Kumuyom ang mga kamao ko dahil ganoon din ang nararamdaman ko. Iniisip ko pa lang kung ano ang ginagawa kay Ayesha ng mga taong kumuha sa kaniya… nakikinita ko lang na baka sinasaktan siya at umiiyak siya…. dumidilim na ang paningin ko sa galit.

“Nakapasok pa siya sa klase ko ng araw na nawala siya,” sabi ni Angus matapos huminga ng malalim para siguro kalmahin ang sarili.

“Nagkita din kami ng hapon sa school library,” sabi ni Chance.

“Kaya ko iginiit na makita ka o kahit sino sa mga nakatatanda sa pamilya ninyo ay para malaman kung may ideya kayo sa kung sino ang may motibong kunin ang anak ko,” may halo na ng pag-aalala at panginginig ang tinig ni Rebecca.

Wala akong ideya. Masyado kaming maraming kaaway na hindi ko alam kung saan magsisimula.

“Iyong party na pinuntahan ninyo, may tao bang nagpakita ng labis na galit o kung ano pa man kay Ayesha? Isang tao na may kakayahang gumawa ng napakasamang bagay katulad ng pag-kidnap?” giit pa rin ng babae.

Natigilan ako dahil isang mukha ang sumulpot sa isip ko. Katunayan kanina ko pa nakikita ang mukha ng taong iyon. Mula pa nang sabihin ni Arnold na nawawala si Ayesha. Hindi ko makalimutan ang galit sa mukha niya, ang kislap ng kalupitan sa mga mata, habang nakatitig kay Ayesha noong kaarawan ni tita Martha. Dumeretso ako ng tayo at siguro nakita nila na nagbago ang ekspresyon ko dahil naging alerto sila. Lalo na si Rebecca.

“May ideya ka?”

“Just someone who might have a motive.”

“Sino?” tanong ni Rebecca.

Bago pa ako sumagot nakita ko nang nagbago ang ekspresyon nina Angus at Chance. Sandaling palitan ng tingin sa pagitan naming tatlo nasiguro kong naiisip din nila ang naiisip ko.

“Si tiyo Victor. Ang lalaking dapat pakakasalan mo noon,” sabi ko kay Rebecca.

Natigilan ang babae at namutla ang mukha. Hanggang mamasa ang kanyang mga mata at itakip ang mga kamay sa umawang na bibig. “S-sinasabi mo ba na maaaring kinuha niya ang anak ko bilang ganti sa nangyari maraming taon na ang nakararaan?”

“Posible,” sabi ni Chance. “Para lang sa kaalaman mo, galit na galit siya sa iyo. Lahat ng kabiguan sa buhay niya sa iyo niya isinisisi.”

“Pupuntahan ko siya para komprontahin,” gigil na sabi ko at tumalikod upang bumalik sa kotse ko.

“Hindi naman siya aamin kung sakali mang siya ang may pakana ng pagkawala ni Ayesha. Hindi niya dudumihan ang mga kamay niya. Marami siyang pwedeng utusan,” habol ni Angus.

“Pupuntahan ko pa rin siya,” hindi lumilingon na sagot ko.

Narinig ko ang frustrated na ungol ni Angus bago siya nagsalita, “Sasama ako. Chance, ikaw na muna ang bahala kay Becky.”

Nabuksan ko na ang pinto ng kotse ko nang balingan ko si Arnold. “Samahan mo sila sa bahay ko at doon sila paghintayin. Babalik kami agad. Ako na ang magmamaneho.” Nilingon ko si Rebecca nang bigla akong may maalala. “Mayroon ka ba diyan na kahit anong bagay na ginamit ni Ayesha?”

Kumurap ang babae at mabilis kinapa ang bulsa. Inilabas niya ang isang panyo at ipinakita sa akin. Kinuha iyon ni Angus na mukhang alam kung ano ang plano kong gawin doon. Tinapik niya sa balikat ang babae at umusal ng assurances bago naglakad palapit sa kotse ko.

Magkakasabay kaming sumakay sa kotse.

“Hindi ko siya mapapatawad kung talagang si tiyo Victor ang may pakana ng pagkawala ni Ayesha. They have done too much damage to me and Chance. Hindi ako papayag na saktan nila maging si Ayesha,” mahina pero gigil na sabi ni Angus.

Humigpit ang hawak ko sa manibela. “Mas lalo na ako.” Saka ko tuluyang binuhay ang makina at pinaharurot palayo ang kotse, papunta sa mansiyon ni lolo Carlos.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.