(Ayesha)
NAPABALIKWAS ako ng bangon nang makaramdam ako ng kaluskos. Ang unang rumehistro sa isip ko ay ang bonfire sa gitna na siyang pinanggagalingan pala ng komportableng init na nagpawala sa lamig ng paligid. Ang sumunod kong napansin, ang lalaki na nakaupo sa tapat ng bonfire paharap sa akin. Hindi na niya suot ang dark shades niya pero balbas sarado pa rin. May nakapasak na sigarilyo sa bibig at natatakpan na naman ng usok ang mukha niya. Sumulyap lang siya sa akin nang bumangon ako pero hindi siya kumilos mula sa pagkakaupo niya.
“Kumain ka,” tipid na sabi niya sa magaspang pa rin na tono. Itinuro niya ang plato na may lang kanin, inihaw na isda at hinog na mangga na nakapatong sa dulong bahagi ng papag. Tinitigan ko lang ‘yon, hindi pa rin kumilos mula sa pagkakasiksik ko sa kabilang dulo. “Hindi kita lalasunin. May silbi ka sa amin na buhay,” sarkastikong sabi ng lalaki. “Pero kung balak mong gutumin ang sarili mo hindi kita pipigilan.”
Lumunok ako. Hindi ako nagugutom pero kung hindi ako kakain manghihina ako at mas lalong hindi makakatakas. Kfailangan ko ng lakas. Kaya kahit na gusto kong magmatigas kumilos ako at lumapit sa plato. Alanganin akong kumain habang pasulyap-sulyap sa lalaki na nakatutok ang tingin sa apoy at seryoso ang ekspresyon. Hindi ko malaman kung malalim ba ang iniisip niya o likas na ganoon talaga ang hitsura niya. Parang galit palagi.
Tahimik akong kumain at hindi rin siya nagtangkang magsalita. Mabagal ang bawat nguya ko dahil ngayon ko lalong nararamdaman ang sakit ng pisngi ko. Hindi rin napawi ng pagkakatulog ko ang pananakit ng buo kong katawan. Patapos na akong kumain nang mapaigtad ako sa biglang pagtayo ng lalaki. Lumapit siya sa malaking bag at may kinuha roong bote ng tubig. Saka pumihit at naglakad patungo sa akin. Pabalang na inabot niya sa akin ang bote.
“S-salamat,” nausal ko. Natigilan ako. Bakit ko siya pinapasalamatan? Masama siyang tao! Mukhang natigilan din siya sa sinabi ko at napatitig sa mukha ko. Pero nang magkasalubong ang mga paningin namin mabilis siyang tumalikod at dumistansiya sa akin. Umupo siya ulit sa tapat ng bonfire.
Pasimple akong bumuntong hininga, sinaid ang laman ng bote at saka lakas loob na nagsalita, “Ano ba talaga ang kailangan niyo sa akin? Sino kayo?”
Nag-angat ng tingin ang lalaki pero napansin ko na hindi niya sinasalubong ang tingin ko. “Ikaw ang susi sa katuparan ng mga plano namin.”
“Plano? Anong plano?”
Mariin niyang itinikom ang mga labi. Ilang segundo bago siya sumagot. “Para pabagsakin ang pamilya na gustong gusto kang maangkin.”
Namilog ang mga mata ko. “Ang mga Alpuerto ba ang tinutukoy mo? Galit kayo sa kanila kaya niyo ako kinidnap?”
Umangat ang gilid ng mga labi niya sa isang malupit at mabagsik na ngiti. Ang mga mata niya bigla na namang naging itim na itim. Idagdag pa ang mga sumasayaw na anino ng apoy sa mukha niya, nagmukha siyang nakakatakot.
“Galit? Hindi lang ‘to tungkol sa galit. Masyadong mababaw ang salitang ‘yan para ilarawan ang nararamdaman namin para sa pamilyang ‘yon.” Hindi siya sumisigaw pero malamig ang boses niya, puno ng pagkamuhi at mas malalim pang emosyon na hindi ko maintindihan. Hindi ko na tuloy nagawang magsalita kahit pa marami akong gustong itanong.
Nagdesisyon akong huwag nang kibuin pa ang estranghero. Sumiksik ulit ako sa dulong bahagi ng papag at niyakap ang mga tuhod ko. Lumalalim ang gabi pero alerto pa rin ako at sa pagkakataong ‘yon hindi na talaga ako magpapadala sa antok.
Hindi pa man nagtatagal napaigtad na ako sa malakas na putok na nag-echo sa katahimikan ng kagubatan. Maging ang estranghero napaderetso ng upo at napatingin sa direksiyon ng pinto, para bang pinapakiramdaman ang paligid at ang pinagmulan ng putok. Maya-maya napamura siya at mabilis na tumayo na para bang may naririnig siya na hindi ko pa naririnig. Malalaki ang mga hakbang na lumapit siya sa papag, hinablot ag kumot, inilublob iyon sa timba ng tubig sa isang sulok at saka pinangpatay ng bonfire ang basang kumot.
Nataranta ako. “Anong ginagawa mo? Bakit mo –”
“Tumahimik ka,” sabi niya habang hindi tumitigil hanggang mapatay na niya ng tuluyan ang apoy at mabalot kami ng kadiliman. Lalo akong nakaramdam ng panic at takot nang makarinig na naman ako ng mga putok na sinundan ng ingay na parang mga mabibigat na paa na tumatakbo at mga boses na palapit ng palapit.
Namilog ang mga mata ko. Marami ang mga taong parating. Hindi kaya naroon sila para iligtas ako? Baka sa wakas nalaman din nila mama kung saan ako dinala ng mga lalaking kumuha sa akin.
Nabuhayan ako ng pag-asa. Gumana ang adrenalin ko at mabilis akong lumundag palayo sa papag. “Tulungan niyo ko!” ubod lakas kong sigaw habang tumatakbo papunta sa pinto ng maliit na bahay. Pero bago pa ako makalapit ‘don napasinghap na ako nang takpan ng malaking kamay ng estranghero ang bibig ko at hatakin niya ako hanggang lumapat ang likod ko sa katawan niya. Walang kahirap-hirap siyang nakalapit sa akin na para bang malinaw ang paningin niya sa dilim. Umangat ang mga kamay ko para alisin ang palad niya sa bibig ko pero humigpit lang lalo ang hawak niya sa akin.
“Tumigil ka,” marahas na bulong niya sa tainga ko. Napasinghap ako dahil sa kabila ng lahat rumehistro sa utak ko ang mainit niyang hininga na humampas sa balat ko. At na kahit amoy sigarilyo siya may halo rin iyong mabangong amoy ng citrus. “Huwag mong isipin na ililigtas ka ng mga taong nasa labas. Alam mo ba kung anong mga tao ang nakatira sa kagubatan na ‘to? Mga bandido na mas halang pa ang kaluluwa kaysa sa akin. Kapag nakita ka nila, hindi ka nila papatayin agad, gagahasain ka muna nila. Iyon ba ang gusto mo?”
Napahinto ako sa pagpalag at natakot sa mga sinabi niya. Lalo na nang luminaw na sa pandinig ko ang mga boses mula sa labas.
“Akala nila makakapasok sila sa teritoryo natin ng ganoon lang ha. Iligpit niyo ang mga bangkay. Hindi pwedeng may makitang bakas dito,” sabi ng isang lalaki. “Dito muna kami sa abandonadong bahay maghihintay.”
Kumabog ang dibdib ko at nanlamig ako. Maging ang estrangherong kasama ko naramdaman kong natensiyon. Mahina na naman siyang nagmura, mas inis kaysa takot.
Pero ako, takot na takot. Bakit ba nangyayari sa akin ‘to?!