(Ayesha)
Nanginginig ang mga kamay ko habang nilalanggas ang sugat niya. “K-kung may bala sa loob hindi ko alam kung paano tatanggalin,” sabi ko sa nanginginig na tinig.
“Daplis lang ‘yan,” paos na sagot ng lalaki. Napatingin ako sa mukha niya kasi hindi ko inakala na may lakas pa siya para magsalita. Nakapikit pa rin siya at nakangiwi. Pero ngayong nalinisan ko na ang mukha niya napansin kong mas maayos ang kalagayan niya kaysa akala ko.
“Okay,” pabuntong hiningang sabi ko. Maingat kong nilinis ang sugat niya sa balikat at nang mapansing dumudugo pa rin ‘yon pinunit ko ang basang blouse at ginawang benda para mapigilan ang pagdurugo kahit papaano. Narinig ko ang pagbuntong hininga niya nang magawa ko ‘yon. Nang tingnan ko ang mukha niya hindi na siya nakangiwi at mukhang naginhawaan na kahit papaano.
Nakahinga ako ng maluwag at napasalampak ng upo dahil bigla akong tinakasan ng lakas. Bigla akong nanginig sa lamig at nayakap ang sarili nang marealize na bra na lang ang pang-itaas ko. Sinulyapan ko ang jacket na nahubad ko sa lalaki at kahit pa may bakas ‘yon ng dugo isinuot ko pa rin. Hindi ko alam kung bakit pero nakalma ako nang bumalot sa akin ang init at lalaking amoy ng jacket na ‘yon. Hanggang mapalis nang tuluyan ang tensiyon sa katawan ko at dalawin ako ng antok.
NAGISING ako sa sikat ng araw na tumatama sa mukha ko. Umungol ako at dahan-dahang dumilat. Nanlaki ang mga mata ko at nawala ang antok nang makitang nasa mismong harapan ko ang mukha ng estranghero. Hindi ko namalayan kung paano ako nakatulog kagabi pero ngayon naging aware ako na nakahiga ako patagilid sa tabi niya. Nakatihaya pa rin siya ng higa pero nakabaling na ang mukha niya sa akin. Nakadilat siya at mukhang kanina pa pinagmamasdan ang mukha ko! Nagtagpo ang aming mga paningin kaya napabalikwas ako ng bangon paupo.
Ngayong maliwanag mas lalo kong nakita ang mga gasgas at sugat sa katawan niya. At ang braso niya na binendahan ko ng tela na dati blouse ko, ngayon may bakas na naman ng dugo pero hindi na kasing dami ng kagabi. Napahinga ako ng malalim at marahang hinaplos ‘yon. “Masakit pa ba?” nag-aalalang tanong ko.
Hindi sumagot ang lalaki kaya napatingin ako sa mukha niya. Titig na titig siya sa mukha ko at may kung ano sa mga mata niya na nagpakunot sa noo ko. “Anong problema? Masakit talaga?”
“Bakit nandito ka pa?” paos at parang hirap na sabi niya.
Hindi ako nakapagsalita. Napatingin lang ako sa mukha niya na ngayong natititigan kong mabuti lalo kong narealize na kamukhang kamukha talaga ni Cain. Parang magkaedad lang din sila.
“Pagkakataon mo na tumakas kagabi. Hindi kita mahahabol. Hndi kita mahahanap. Baka nga hindi na ako buhay ngayon.”
“Hindi ko rin alam.” Huminga ako ng malalim. “Hindi ko kayang mang-iwan ng isang taong sugatan.”
Sarkastikong tumawa ang lalaki. Kahit nakangiwi at marahas na nagmumura sa sakit pinilit niyang bumangon paupo. Kumilos ako agad para alalayan siya. Kahit tinapunan niya ako ng matalim na tingin at sinabing huwag ko siyang pakielaman hindi ako nakinig. Saka ko lang siya binitawan ng nakaupo na siya ng maayos. “Hindi ko alam kung paano ko magagamot ang sugat mo dahil wala tayong dalang gamot. Kailangan matingnan ‘yan para hindi magkaroon ng impeksiyon.”
“Hindi ko kailangan ng gamot. Bukas, wala na ‘to,” magaspang na sagot niya at kahit nagprotesta ako pinilit niyang kumilos hanggang makatayo na siya. Napatayo na rin tuloy ako.
“Anong gagawin mo? Sasamahan kita. Nanghihina ka pa eh,” reklamo ko. Hinawakan ko ang isang braso niya para alalayan siyang maglakad.
Matalim na naman niya akong tiningnan. “Iihi ako, sasamahan mo ako? Ano, ikaw din ang magbababa ng zipper ko?” maanghang na tanong niya.
Uminit ang mukha ko at mabilis siyang binitawan. “H-hindi mo naman sinabi agad!”
“Bakit kailangan ko magpaalam sa ‘yo?”
Nainis na ako. “Ikaw na nga lang ang inaalala ko, nagagalit ka pa!”
“Hindi ko sinabing alalahanin mo ako,” inis pa rin na sagot niya bago tumalikod. Pagkatapos nagsalita siya ulit, “Isara mo ang zipper ng jacket na suot mo.” Saka nagmumura pa rin sa sakit na nagsimulang lumakad palayo sa akin.
Nanlaki ang mga matang bumaba ang tingin ko sa katawan ko. Lalong uminit ang mukha ko at napaungol sa pagkapahiya nang marealize ko na kanina pa pala kitang kita ang katawan ko na tanging bra lang ang suot. Hindi ko kasi naisara ang jacket na sobrang laki sa akin. Mabilis na isinara ko ang zipper ‘non at mariing napapikit.
Inis na inis at hiyang hiya ako. Dapat nga yata tumakas na lang ako kagabi. Bakit nga ba hindi ko siya nagawang iwan? Kidnapper ko siya!
Pero sa tuwing naiisip ko na sinugod niya ang mga bandido kahit nag-iisa siya para makatakas ako lumalambot naman ang puso ko para sa kaniya. Besides, I feel a weird sense of familiarity as we spend more time together. Habang tumatagal ko siyang natitingnan, habang dumadami ang mga palitan namin ng salita, lalong tumitindi ang pakiramdam ko na para bang matagal na kami magkakilala.
Umiling ako at kinalma ang sarli. “Imposible na magkakilala na kami noon. Wala akong kilalang balasubas at hindi marunong maka-appreciate ng tulong.” Makalipas ang maraming paghinga ng malalim nakalma rin ako. Tumitig ako sa direksiyong tinahak niya, hinihintay siyang bumalik. Pero ang tagal ko na naghihintay wala pa rin siya. Hindi kaya nawalan na naman siya ng malay?
Tarantang napatakbo ako sa direksiyong pinuntahan niya. Nagpalinga-linga ako bago ko siya nakita. Malayo na siya at mukhang nabawi na ang balanse na naglalakad palayo sa akin. Iiwan niya ako? Ayokong mapag-isa sa lugar na ‘yon na hindi ko alam kung paano makakalabas. Even if he’s not a good company, he’s better than to be alone, right?
“Sandali lang!” sigaw ko sabay takbo. Huminto sa paglalakad ang lalaki at parang nagulat na nilingon ako. Hinihingal na ako nang makalapit sa kaniya. “Saan ka pupunta? Sabi mo mag-ba-banyo ka lang?”
Umangat ang mga kilay niya. Hindi nakaligtas sa akin na sandali niya akong pinasadahan ng tingin bago nagptuloy sa paglalakad. “Babalikan ko ang gamit ko. Importante ‘yon.”
Umagapay ako sa kaniya. Matagal na hindi kami nag-uusap. Iginagala ko ang tingin sa nagtataasang mga puno na ni hindi ko makita ang tuktok. Ilang beses din kaming nakaengkuwentro ng magkakasalungat na daan. Isang beses nanguna ako at tatahakin sana ang kanang daan pero napasinghap ako nang hawakan niya ang braso ko. “Sa bangin ka pupulutin kung diyan ka dadaan. Kapag hindi mo alam kung saan pupunta, palagi ka sa kaliwa dumaan.” Hinila niya ako pero napansin ko na mas maingat na ‘yon kaysa sa maraming beses na ginawa niya ‘yon sa akin. Hindi ko tuloy naiwasan mapatitig sa mukha niya. Narealize ko na kahit nakasimangot siya wala na ang galit sa mga mata niya. Bumait ba siya?
Hinila na naman niya ako at hinayaan ko siyang dalhin ako sa kabilang daan. “Ano ang pangalan mo?” hindi ko napigilan itanong nang pakiramdam ko kahalating oras na kami naglalakad. Hindi ko na kasi natiis ang katahimikan.
“Hindi mo na kailangan malaman,” sagot niya.
Mariin kong itinikom ang mga labi ko. Pero nang matagal na kami naglalakad at hindi pa rin kami nakakarating sa pupuntahan namin inis na akong bumuga ng hangin. “Dalawa lang tayo dito. Hindi ko ba puwedeng malaman ang pangalan mo?”
Huminto siya at biglang humarap sa akin. “Baka lang nakakalimutan mo, pero hindi tayo nagbabakasyon dito. Hindi tayo magkaibigan.”
Alam ko naman ‘yon. Alam ko na kahit bumait man siya o gumaan ang loob ko sa kaniya kidnapper ko pa rin siya. “Gusto ko pa rin malaman ang pangalan mo,” determinadong giit ko at sinalubong ng tingin ang mga mata niya. “I am Ayesha. Baka nakalimutan niyo alamin ang pangalan ko. Ako si Ayesha. Hindi ko alam kung ano ang plano niyo sa akin pero isa akong tao at hindi isang kasangkapan. At bilang tao gusto ko rin malaman ang pangalan mo.”
Matagal kaming nagkatitigan bago siya inis na napaungol at nagulo na naman ang buhok. “Zion,” magaspang na sabi niya at muling tumalikod. Binilisan na ang paglalakad.
Naiwan akong nakatayo roon, nakasunod ng tingin sa pamilyar niyang likuran. Nag-e-echo sa isip ko ang sinabi niya.
Zion. Iyon ang pangalan niya.
Napahinga ako ng malalim. Hindi ko alam kung bakit pero parang may kumurot sa puso ko ngayong alam ko na ang pangalan niya.
“Kung diyan ka lang, iiwan kita!”
Kumurap ako at mabilis na tumakbo pasunod sa kaniya.
BASANG-BASA NA ako ng pawis at mataas na ang araw nang makabalik kami sa kahoy na bahay. Nagulat ako nang makita na kahit wala na ang mga bandido naroon pa rin ang bakas ng engkuwentro kagabi. Mga nabaling sanga, mga dugo sa lupa at ang nakatumbang pinto. Nakahinga ako ng maluwag. Narealize ko na sa buong paglalakad namin kinakabahan ako na baka may makita akong mga bangkay sa paligid.
Dumeretso sa loob ng bahay si Zion. Nang sumunod ako nakita kong nakayuko na siya sa malaking bag at ini-inspeksiyon ‘yon. Abala pa rin siya sa pagtingin sa mga gamit niya nang may tumunog. Nanlaki ang mga mata ko. Cellphone! Nanggagaling sa loob ng malaking bag. Natigilan si Zion, napatingin muna sa akin bago kinuha ang gadget.
“May signal dito?” manghang tanong ko.
Matalim niya akong tiningnan. “Huwag kang magsasalita,” banta niya bago tumayo, mabilis na naglakad at nilampasan ako para lumabas ng bahay at saka sinagot ang tawag. “Bakit? Anong balita?”
Napansin ko na naging deretso ang tayo ni Zion. Naging tensiyonado ang mga kalamnan. Kahit ang boses niya naging pormal. Hindi ko gusto ang kaba na naramdaman ko sa tuwing naririnig ko ang tipid niyang sagot sa kung sino man ang kausap niya sa cellphone. Mas lalong hindi ko gusto nang sumulyap siya sa akin at makita ko ang malamig na ekspresyon sa mukha niya.
“Umaayon ang lahat sa plano? Mabuti naman. Hihintayin ko ang susunod na ipapagawa mo.”
Sigurado ako na kausap niya ang mastermind ng pag kidnap sa akin. Binalot ako ng takot. Niyakap ko ang sarili ko. Kahit sa cellphone para bang nararamdaman ko ang enerhiya at kapangyarihan ng taong nasa kabilang linya. Mapanganib. Puno ng galit.
Sino ang kausap ni Zion?