(Angus)
Sinulyapan niya ako. “Of course. Angus, ako ang susunod na clan leader kaya responsibilidad kong alamin ang lahat ng maaaring maging threat sa pamilya natin.”
Napasulyap ako sa pamilya ko. Mukhang bumilib sila kay Cain. Gusto kong mapailing. Matagal na naming alam ni Chance ang kakayahan ng pinsan namin. Pero mukhang ngayon lang tumitimo sa mga nakatatanda sa pamilya namin na karapat-dapat si Cain na maging clan leader.
“Soon, isa-isang mawawala ang kapangyarihan natin. Hindi natin alam kung kanino ang susunod na babawiin ng mga Diyos,” patuloy ni Cain.
“Pero bakit ganito ang nangyari sa kaniya? Nang alisin ang kapangyarihan ko noon ay pakiramdam ko sinusunog ang buong katawan ko. Hindi katulad niya ngayon,” kunot ang noong tanong ni tiyo Victor.
“Maybe because yours was intended as a punishment,” hindi nakatiis na sagot ko.
Namula na naman ang mukha ni tiyo Victor. Akala ko ay matalim niya akong tatapunan ng tingin. Kaya nagulat ako nang magbaba siya ng tingin at mariing tumiim ang mga labi.
“Si Ayesha na lang ang pag-asa natin para mapigilan ang tuluyang pagkawala ng kapangyarihan ng mga Alpuerto. Kailangan natin siya matagpuan at maprotektahan laban sa kung sino man ang nasa likod ng pagkawala niya. Kailangan magawa ang ritwal sa nakatakdang araw,” seryosong sabi ni Cain.
Mahabang katahimikan ang namayani sa library bago tumayo ang aking ama at inilahad ang kamay. “Kung may gamit kayo ni Ayesha, ako na ang hahanap sa kaniya.”
Tumango ang pinsan ko at dinukot ang panyo na natatandaan kong hiningi niya kay Becky kanina. Napagtanto ko na intensiyon talaga ni Cain na ipahanap si Ayesha sa aking ama bago pa man kami magtungo doon.
Kinuha ni papa ang panyo habang sina tiyo Victor ay inalalayan makaupo si lolo Carlos. Umatras kami ni Cain dahil kailangan ni papa ng sapat na espasyo para magawa ng maayos ang paghahanap niya. Pumagitna sa library si papa. Huminga siya ng malalim at inilahad ang palad. Nakapatong doon ang panyo ni Ayesha. Tumitig siya roon at naramdaman ko nang bumigat ang tensiyon sa loob ng library.
Pumikit si papa, gumewang ang katawan. Nang muli siyang dumilat napaatras kami ni Cain sa enerhiya na biglang lumabas mula sa kaniya, tinutulak kami palayo. Nang tingnan ko ang mukha ng aking ama nakita kong walang buhay ang kanyang mga mata. Na para bang wala na ang kaluluwa niya sa loob ng kanyang katawan, naglalakbay papunta sa lugar kung nasaan ang may-ari ng panyo na hawak niya.
Ilang sandali pa humigit ng hangin si papa, kumurap at para bang isang vacuum ang binuksan at mabilis na hinigop ang mabigat na enerhiya sa paligid. Biglaan ang nangyari na nawalan kami ng balanse at muntik nang matumba.
“Alam mo na kung nasaan siya, Demetrio?” tanong ni mama.
Napahawak sa ulo niya si papa na para bang sumakit ang ulo at napagod sa paggamit niya sa kanyang kapangyarihan. “Hindi malinaw. Ang alam ko lang nasa bundok siya. Isang bahagi ng Sierra Madre na malapit sa bayan ng Tala. Ang eksaktong lokasyon niya ay malabo, parang may humaharang at pumipigil sa aking makita. Hindi ito pangkaraniwan. Kapag ginagamit ko ang kapangyarihan ko ay nakikita ko hanggang mukha ng taong hinahanap ko. Pero ngayon… There must be a strong force protecting that part of the mountains. A goddess, perhaps, I don’t know.” Umiling si papa bago huminga ng malalim at dumeretso ng tayo. Bumalik na sa dati ang ekspresyon niya.
“Still, it’s enough. Magpapadala ako ng mga magagaling na undercover agent para pumunta doon at iligtas ang moon bride. We need to resolve this fast. Dahil isa lang ang ibig sabihin ng pagkawala niya. May kalaban ang ating pamilya. At kung sino man sila alam nila kung gaano ka importante sa atin si Ayesha.”
Kumuyom ang mga kamao ko. Alam kong may posibilidad na mangyari ito. Pero sino ang maaaring kumuha kay Ayesha? At gaano kami makakasiguro na hindi siya sinasaktan ng mga taong iyon? I feel so worthless right now. Nangako ako na poprotektahan ko siya. Ang pangako na iyon ang pinanghawakan ko sa mga taong nais kong mamatay na lang sa labis na pambababoy na tinamo ko sa kung sino-sinong mayayaman. Ang isipin na balang araw ay magkakaroon ng matinong silbi ang kapangyarihan ko ay naging dahilan kaya hindi ako natulad kay Chance na kinamumuhian ang espesyal na abilidad na taglay.
“Sasama ako sa pagsagip kay Ayesha,” sabi ko.
“What? No. It’s dangerous!” reklamo ng aking ina.
“Sasama ako. I will rescue her,” determinadong giit ko. Sinalubong ko ang tingin ni papa. “For once, let me do something worthwhile. Gagamitin ko ang kapangyarihan ko para sa isang bagay na gusto ko talaga at hindi lang dahil inuutos niyo sa akin,” matigas na dugtong ko.
Tumiim ang bagang ng aking ama. Alam ko na sumagi sa isip niya ang paggamit sa akin ng lahat ng mga asawa ng mga kasosyo nila sa negosyo. “Very well,” sagot niya at tumango.
“Sasama rin ako,” sabi ni Cain.
“Hindi ka puwedeng mawala. Paano kung kailanganin ka ng isa sa mga negosyo ng pamilya? Paano kung kailanganin ka namin?” tanong ni tiyo Victor.
“Iiwan ko si Arnold. Tatawagan niya ako kapag may nangyaring kailangan ako. We will use the chopper for faster transportation.”
Bumuntong hininga ang aking ama. “Fine. Alam kong hindi kayo magpapapigil. Tatawagan ko sila para magpunta dito at maiplano ang rescue operation.”
Bumaling ako kay Cain. “Tatawagan ko sina Chance para mauna na sila umuwi sa Tala.”
Tumango ang pinsan ko. “Sabihin mo sa kanila na magpalipas na lang sila ng gabi sa bahay ko at bukas na lang ng umaga sila bumiyahe pauwi. I’ll call lolo Bartolome and papa about this too.”
Nagpaalam kami sa mga nakatatanda. Saka tumalikod at lumabas ng library.